Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong Salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Hindi na Ako Mahal ng Aking mga Magulang?” (Setyembre 22, 2002) Ako po ay 16 na taóng gulang, at hindi ko pa nakita ang aking tunay na ama sapol nang ako’y apat na taóng gulang. Wastung-wastong ipinahayag ng artikulong ito ang nadarama ko. Tama ang sinabi nito na wala nang iba pang higit na nakasusugat ng damdamin kaysa sa pagtatakwil ng isang magulang. Salamat sa espirituwal na pagkaing ito sa tamang panahon.
J. J., Estados Unidos
Ipinasiya ng aking mga magulang na magdiborsiyo pagkatapos ng 13 taóng paghihiwalay nila. Hindi ko maintindihan kung bakit ako labis na nagdurusa, yamang ang akala ko ay matagal ko nang napagtagumpayan ang trauma. Ang pagkaunawa sa dahilan ng matinding kalungkutan ko ang nakatulong sa akin na maging mas espesipiko sa aking mga panalangin at ihagis maging ang pasaning ito kay Jehova.
M. D., Italya
Iniwan ng tatay ko ang aming pamilya nang ako’y anim na taóng gulang. Mula noo’y hindi na siya gaanong nakipagkita sa amin. Sa loob ng maraming taon ay nakipagpunyagi ako sa pagkadama ng pagkakasala. Bunga nito, nahihirapan akong ipakipag-usap sa iba ang aking nadarama. Naantig ako ng mga karanasan sa inyong artikulo at nakatulong ito sa akin na maunawaang hindi lamang ako ang nasa ganitong situwasyon. Pakisuyo, huwag ninyong maliitin ang mga kapakinabangang natatamo naming mga mambabasa mula sa mga artikulong ito at ang pasasalamat na aming nadarama dahil sa mga ito!
A. H., Inglatera
Ako po ay 16 na taóng gulang, at katatapos pa lamang diborsiyuhin ng ama ko ang aking ina. Kami ng aking nakababatang kapatid na lalaki at ng ate ko ay lugmok sa kalungkutan. Talagang napakaganda ng artikulong ito. Nang simulan kong basahin ito ay napahagulhol ako. Inilarawan nito ang lahat ng kinikimkim kong damdamin. Napakagiliw at napakamapagmahal ng mga pananalita nito. Mientras binabasa ko ito, lalo naman akong naaantig. Maraming ulit kong pinag-isipan kung talaga bang karapat-dapat ako sa pag-ibig ng aking ama. Iyan ang dahilan kung bakit naaliw ako nang husto ng artikulong ito. Napakaganda ng pakiramdam na malamang kahit hindi ako mahal ng tunay kong ama, lagi akong mamahalin ni Jehova. Hindi ako kailangang mag-alala na biglang magbabago ang isip niya at tatalikdan ako.
A. M., Estados Unidos
Lumaki kami sa isang pamilyang may alkoholikong ama, at labis na nagdusa ang aking ina. Kaming mga anak ay hindi nabigyan ng atensiyon. Pakiramdam ko’y wala akong halaga at inisip ko pa nga na mas mabuti pang mamatay na lamang ako. Humingi ako ng tulong sa aking mga panalangin. Nang dumating ang artikulong ito, ang laki ng aking pasasalamat. Naaliw ako sa ideya na kahit ang mga taong nasa ganitong kalagayan ay maaaring maging maligaya at matagumpay sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya. Natanto ko na maaari rin akong maging maligaya!
A. I., Hapon
Banilya Medyo nabahala ako tungkol sa artikulong “Banilya—Isang Pampalasang May Mahabang Kasaysayan.” (Setyembre 22, 2002) May nabasa ako, ilang taon na ang nakalipas, tungkol sa isang nakalalasong banilya mula sa Mexico. Maraming tao ang bumibili nito at hindi nila alam na maaari itong makalason.
P. D., Estados Unidos
Sagot ng “Gumising!”: Ang ilang banilya na galing sa Mexico—gayundin ang iba pa na galing sa ibang bansa—ay nagtataglay ng sangkap ng “tonka beans,” na may napakaraming “coumarin.” Ipinagbawal ng U.S. Food and Drug Administration ang kemikal na ito dahil sa posibleng nakalalasong epekto nito. Yamang hindi posibleng malaman kung may “coumarin” ang banilya sa tingin o amoy lamang, pinapayuhan ang mga mamimili na bumili ng banilya mula sa mapagkakatiwalaang mga bilihan lamang. Isa pa, yamang napakamahal ng purong banilya dahil sa magastos na produksiyon nito, dapat mag-ingat sa “bagsak presyo” na pagbebenta nito.