Nagawa Niya ang Higit sa Kaniyang Inaasahan
Nagawa Niya ang Higit sa Kaniyang Inaasahan
“ALAM kong hindi gusto ng aking guro sa kasaysayan ang mga Saksi ni Jehova, bagaman hindi ko alam ang dahilan,” ang sabi ng 17-taóng-gulang na si Rebekka na taga-Alemanya. Kaya, nang humiling ang guro ng mga boluntaryo upang magbigay ng pahayag sa harap ng klase, nag-atubili si Rebekka. Gayunman, nag-ipon siya ng lakas ng loob upang hingin ang pahintulot ng guro na siya ay magbigay ng isang pahayag tungkol sa pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova sa ilalim ng rehimeng Nazi noong Digmaang Pandaigdig II. Nalugod ang guro sa mungkahi.
Nasiyahan ang klase sa presentasyon ni Rebekka, at sa kabuuan ay tumanggap sila ng 44 na magasin at mga buklet hinggil sa paksa. Pagkatapos nito, ibinigay ni Rebekka ang kaniyang sinaliksik na materyal sa guro, pati na ang ilang aklat at video na isinulat o ginawa ng mga di-Saksi. Iniulat ng isang video ang pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova sa Silangang Alemanya noong panahon ng Cold War. Lalong naging interesado rito ang guro, yamang hindi siya pamilyar sa paksa.
Nang maglaon ay natuklasan ni Rebekka kung bakit hindi gusto ng kaniyang guro ang mga Saksi ni Jehova. Ipinaliwanag ng kaniyang guro na nakaeskuwela niya ang isang Saksi ni Jehova. Halos walang sinabi ang binatang iyon tungkol sa kaniyang pananampalataya o tungkol sa buhay ng isang Saksi. Kaya, nagkaroon ng konklusyon ang guro na kakatwang mga tao ang mga Saksi at ipinasiya niya na ayaw niyang magkaroon ng anumang kaugnayan sa kanila. Ngunit binago ng presentasyon ni Rebekka ang mga bagay-bagay. “Mas mabuti na ngayon ang pakikipag-ugnayan ko sa aking guro,” ang sabi niya. “Natutuhan ko rin na kaming mga kabataan ay dapat na mas malayang magpahayag sa iba tungkol sa aming pananampalataya.”
Ngunit hindi roon nagtapos ang karanasang ito. Ikinuwento ng guro sa kaniyang mga kapuwa guro ang napakahusay na pahayag ni Rebekka. Pagkalipas ng ilang araw, hiniling ng guro sa etika na magbigay si Rebekka ng isa pang pahayag, hindi lamang sa harap ng klase kundi sa isang lubhang natatanging okasyon—ang taunang paggunita ng paaralan sa pagpapalaya sa mga bilanggo ng kampong piitan sa Auschwitz noong katapusan ng Digmaang Pandaigdig II. Mga 360 estudyante ang dumalo, lakip na ang mga sampung guro. Sa katapusan ng pahayag, ang mga dumalo ay tumanggap ng 50 buklet, at humiling ang paaralan ng karagdagang 150 kopya para ipamahagi sa hinaharap.
Higit pa ang nagawa kaysa sa inaasahan ni Rebekka. Isang mainam na patotoo hinggil sa kaniyang pananampalataya ang naibigay hindi lamang sa kaniyang klase kundi maging sa buong paaralan. At nawala na ang dating pag-aalinlangan ng kaniyang guro tungkol sa mga Saksi.
[Larawan sa pahina 14]
Si Heinrich Fundis ay pinugutan ng ulo ng mga Nazi. Daan-daan pang mga Saksi ang pinatay
[Larawan sa pahina 14]
Marami sa mga Saksi ni Jehova ang pinangakuang palalayain kung lalagdaan nila ang dokumentong ito na nagtatakwil sa kanilang pananampalataya
[Credit Line]
Courtesy of United States Holocaust Memorial Museum
[Larawan sa pahina 15]
Ang mga batang tulad ni Berthold Mewes ay inihiwalay sa kani-kanilang mga magulang
[Larawan sa pahina 15]
Isinasalaysay ng video na ito ang ulat hinggil sa katapangan ng mga Saksi ni Jehova sa Alemanya na nasa ilalim ng Nazi
[Larawan sa pahina 15]
Itinahi ang kulay-purpurang tatsulok sa mga unipormeng pambilangguan upang maging pagkakakilanlan ng mga Saksi ni Jehova