Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Pananakot sa Text Message
“Isa sa bawat apat na tin-edyer ang nagiging biktima ng pananakot sa pamamagitan ng computer o cellphone,” ang sabi ng The Guardian ng London. Isiniwalat ng isang ulat ng kawanggawa na National Children’s Home (NCH) ng Britanya na 16 na porsiyento ng mga kabataang nasa pagitan ng edad na 11 at 19 ay “nakatanggap ng nananakot na mga text message sa kanilang mga cellphone,” samantalang ang karagdagang 11 porsiyento ay tinatakot naman sa mga Internet chat room o sa E-mail. Sinasabi ng NCH na ang mga bata “ay hindi nagsasabi kaninuman at lihim na nagdurusa, o kaya ay nagtatapat sa mga taong wala ring kaalam-alam kung paano mabisang haharapin ang situwasyon.” Pinapayuhan nito ang mga kabataan na huwag batahin ang pananakot kundi sabihin sa isang responsable at mapagkakatiwalaang tao kung ano ang nangyayari; na magpakaingat sa pagbibigay ng mga numero ng telepono at mga adres ng E-mail; at baguhin ang mga ito kung kinakailangan. Ipinayo ng NCH na “kung makatanggap ka ng mga mensaheng nakababahala sa iyo, isulat ang mga oras at petsa at ireport ang mga ito sa pulisya,” ang sabi ng The Guardian.
“Nagsasalitang” mga Halaman
Ang mga mananaliksik sa Institute for Applied Physics sa University of Bonn, Alemanya, ay nakalikha ng mga mikroponong gumagamit ng laser na maaaring “makinig” sa mga halaman. Nasasagap ng mga mikropono ang mga sound wave na nalilikha ng ethylene gas, na inilalabas ng mga halaman kapag naiigting ang mga ito. Ganito ang sabi ng siyentipiko ng Bonn University na si Dr. Frank Kühnemann: “Mientras naiigting ang halaman, mas malakas ang signal na nasasagap ng aming mikropono.” Sa isang situwasyon, isang mukhang malusog na pipino ang “halos sumisigaw,” ayon sa datos ng instrumento. “Ipinakita ng isang masusing pag-aaral na nagkaroon ito ng amag, subalit hindi nakikita ang mga sintomas.” Sa katunayan, walo o siyam na araw pa ang kailangang lumipas bago lumitaw ang amag, at sa pagkakataon lamang na iyon malalaman ng mga magsasaka ang problema. “Sa pakikinig nang lihim sa mga halaman,” ang sabi ng The Times ng London, “posibleng makagawa ng sistema na patiunang magbababala upang matutop ang mga peste at sakit. Ang kabatiran sa antas ng kaigtingan ng prutas at mga gulay ay makatutulong din sa mabuting pag-iimbak at pagluluwas.”
Nikotina at SIDS
Maaaring natuklasan ng mga mananaliksik sa Pransiya at Sweden kung bakit pinalulubha ng paninigarilyo ang panganib ng sudden infant death syndrome (SIDS), ang ulat ng pahayagang Le Figaro ng Pransiya. Isiniwalat ng mga pagsusuri sa hayop na ang pagkalantad sa nikotina ay makahahadlang sa kusang paggana ng sistema ng palahingahan habang natutulog. “Ang kakulangan ng oksiheno (hypoxia) habang natutulog, na maaaring kusang mangyari sa pana-panahon ng saglit na paghinto ng paghinga (apnea), ay karaniwan nang nagiging sanhi ng napakabilis na pintig ng puso at paghinga, gayundin ng pagkaalimpungat. Subalit kapag nahadlangan ang nagsasanggalang na reaksiyong ito, lumulubha ang apnea at hypoxia at maaari itong humantong sa problema sa paghinga,” ang sabi ng ulat. Sinasabi ng mga mananaliksik na ang nagsasanggalang na reaksiyong ito ng mga tao ay maaaring mapinsala ng patuloy na pagkahantad sa nikotina na naililipat sa di-pa-naisisilang na sanggol mula sa dugo ng naninigarilyong ina sa panahon ng pagdadalang-tao. Ang resulta ay maaaring ang “paghina ng mga sistema ng palahingahan at pag-alimpungat na tumutugon sa mga apnea sa panahon ng pagtulog, sa gayo’y lumulubha ang panganib ng sudden infant death.” Ang SIDS, ang sabi ng Le Figaro, “ay pangunahin pa ring sanhi ng pagkamatay ng mga batang isang taon ang edad sa Pransiya.”
Popular na Kulturang “Erotiko”
Sa pamamagitan ng moda, anunsiyo, media, at industriya ng pelikula, “ang kasalukuyang popular na kultura ay may kapusukang nagsasamantala sa pagkahumaling ng tao sa sekso,” ang sabi ng lingguhang babasahin na Polityka ng Poland. Ayon sa mga tagadisenyo, “pinasisigla ng moda ang pagiging erotiko, at pinasisigla naman ng pagiging erotiko ang moda.” Ang pangunahing ideya ay, ‘Mientras nakalantad ang katawan mo, mas madali kang mapansin.’ Gayundin, “mas naaalaala ang komersiyal” dahil sa sekso at pagiging erotiko ng anunsiyo, sa gayo’y tumataas ang benta, ang sabi ni Dr. Ewa Szczęsna, isang eksperto sa mga semiotic (mga tanda at simbolo) ng kultura sa University of Warsaw. “Malaki ang ipinagbago ng mga hangganan ng itinuturing na erotikong mga bagay,” ang sabi pa niya. Ayon sa Polityka, ipinakita ng karanasan na handang labagin ng mga tagaanunsiyo ang anumang moral na pamantayan para lamang kumita ng salapi.
Lumalago ang Media sa India
Dumami ang mga nagbabasa ng diyaryo sa India mula sa 131 milyon tungo sa 155 milyon sa loob ng tatlong taon mula 1999 hanggang 2002, ayon sa isinagawang surbey ng National Readership Studies Council. Ang mga nagbabasa ng mga lathalain sa bansa—ang pinagsama-samang bilang ng mga nagbabasa ng mga pahayagan, magasin, at iba pang mga babasahin—ay may kabuuang 180 milyon. Gayunman, dahil ang mahigit sa 65 porsiyento ng mahigit na isang bilyong populasyon ng India ay marunong bumasa at sumulat, napakalaki pa ng pagkakataon para dumami ang mga nagbabasa. Ang bilang ng mga nanonood ng telebisyon ay 383.6 milyon, samantalang nakaaabot naman ang radyo sa 680.6 milyong tagapakinig nito. Mahigit na 6 na milyon katao na ngayon ang gumagamit ng Internet kung ihahambing sa 1.4 milyon noong 1999. Halos kalahati ng lahat ng bahay ngayon sa India na may telebisyon ay may cable at satellite na suskrisyon, 31 porsiyento ang idinami nito sa loob ng tatlong taon.
Dumarami ang Kidnaping
“Noong nakalipas na labinlimang taon, halos walang nagaganap na kidnaping [sa Mexico],” ang ulat ng The News ng Mexico City. “Subalit nagsimulang dumami ang krimen noong dekada ng 1980, at waring nagkaroon ng malalaking pagbabago sa Mexico dahil sa pagbagsak ng ekonomiya noong 1994-95, anupat naging napakapalasak ng kidnaping—at krimen sa pangkalahatan.” Waring walang eksemsiyon sa pangingidnap. “Ang mga katulong ay dinudukot para ipatubos sa halagang 500 dolyar; isang batang babaing taga-Tijuana, 12 taóng gulang, ang dinukot . . . ng mga estudyante sa kolehiyo na nangingilak ng salapi para sa paaralan; at ang ilang tao naman ay nagkukunwari pa ngang kinidnap upang makakuha lamang ng pera mula sa kani-kanilang pamilya o mga negosyo,” ang sabi ng The News. “[Ang kidnaping ay] naging takbo na ng buhay. Nakalikha ang Mexico ng isang kultura na doo’y madali ang pagbabayad ng pantubos at hindi ito gaanong naipagbibigay-alam sa pulisya.” Sa katunayan, ayon sa mga biktima, mga eksperto sa seguridad, at maging sa mga ulat ng korte, “malimit na kasangkot sa kidnaping ang mga pulis, at ang mabuway at tiwaling sistema ng hukuman ay madalas na nangangahulugang hindi sila mahuhuli.”
Humihina ang mga Kakayahan sa Wika
“Halos 20 porsiyento ng mga estudyanteng nasa elementarya (edad 7 hanggang 12), nasa kalagitnaang antas o middle school (edad 13 hanggang 16) at nasa haiskul (edad 16 hanggang 18) ay bihira nang magbasa ng mga aklat para maglibang at inaakala ng halos 80 porsiyento ng mga guro sa kalagitnaang antas (edad 13 hanggang 16) at sa haiskul (edad 16 hanggang 18) na humina ang kahusayan ng mga estudyante sa wikang Hapon,” ang sabi ng The Yomiuri Shimbun, isang pahayagan sa Hapon. Sinurbey ng mga mananaliksik sa National Institute for Educational Policy Research ang “2,120 estudyante mula sa ikaapat na baitang sa elementarya (edad 10) hanggang sa ikalawang taon sa haiskul (edad 17), at ang 259 na guro sa elementarya, kalagitnaang antas (edad 13 hanggang 16) at haiskul (edad 16 hanggang 18),” ang sabi ng ulat. Natuklasan nila na “mas pinahihina ng hindi gaanong pagbabasa ang kakayahan [ng mga estudyante] sa pag-unawa sa binabasa, talasalitaan at pagsulat.” Sinisisi ng marami sa mga gurong sinurbey ang usong kaugalian na hindi gaanong pagbabasa ng mga adulto, kasali na ang mga guro, na nakahahalubilo ng mga estudyante. “Tinukoy [rin nila] ang masasamang epekto ng mga laro sa video.”
Nalampasan Na Ngayon ng mga Namamatay sa Polusyon sa Hangin ang mga Namamatay sa Aksidente sa Lansangan
“Iniuulat ng World Health Organization na 3 milyon katao ang namamatay ngayon taun-taon dahil sa masamang epekto ng polusyon sa hangin. Tatlong ulit ang kahigitan nito sa 1 milyon katao na namamatay taun-taon sa aksidente sa sasakyan,” ang sabi ng report na inilathala ng Earth Policy Institute. Puspusang nagpapagal ang mga gobyerno upang mabawasan ang mga namamatay sa lansangan, ngunit “hindi naman sila gaanong nagtutuon ng pansin sa kamatayan ng mga taong nagmamaneho lamang. Bagaman ang mga namamatay sa sakit sa puso at palahingahan dahil sa paglanghap ng maruming hangin ay maaaring di-gaanong madula gaya ng pagkamatay ng mga tao sa banggaan ng mga sasakyan, na may nagkikislapan pang mga ilaw at sirena, parehong malubha ang mga ito,” ang sabi ng report. “Kasali sa mga nagpaparumi sa hangin ang carbon monoxide, ozone, sulfur dioxide, nitrogen oxide, at ang pagkaliliit na mga elemento”—na pawang nagmumula sa nasusunog na fossil fuel gaya ng uling at gasolina.