Isang Nagmamartsang Hukbo!
Isang Nagmamartsang Hukbo!
“Nakatira kami sa isang itinatayong nayon sa Belize, na napalilibutan ng maraming pananim. Isang umaga sa oras na mga alas nuwebe, sinalakay ng isang hukbo ang aming tahanan. Naglabasan ang mga langgam mula sa ilalim ng pintuan at sa lahat ng bitak, na naghahanap ng masisila. Wala kaming magawa kundi iwan ang aming tahanan sa loob ng isang oras o higit pa habang naroroon ang mga langgam. Nang bumalik kami, wala nang naiwan ni isang insekto sa bahay.”
PARA SA MARAMING TAO na naninirahan sa mga bansa sa tropiko na gaya ng Belize, ito ay karaniwang pangyayari at hindi naman ito lubusang di-kanais-nais. Isa itong paraan ng pagpawi sa mga peste sa bahay tulad ng mga ipis at iba pang maliliit at mapaminsalang hayop. At wala itong iniiwang dumi.
Kapansin-pansin naman, ang mga langgam na tinutukoy rito ay tinatawag na mga sundalong langgam dahil sa kanilang tulad-hukbong istilo ng pamumuhay at mga gawain. * Sa halip na gumawa ng mga pugad, ang pagala-galang mga hukbong ito, na daan-daang libo ang bilang, ay gumagawa ng pansamantalang mga kanlungan, mga kalipunan ng mga langgam na nagkawing-kawing ang mga paa upang bumuo ng isang mistulang buháy na kurtina sa palibot ng reyna at ng kaniyang langkay. Mula sa kanlungang ito ay nanggagaling ang isang mahabang hanay ng lumulusob na mga langgam na naghahanap ng pagkain, na dito’y kabilang ang mga insekto at maliliit na kinapal, tulad ng mga butiki. Pinangyayari ng mga nangunguna sa lumulusob na kulumpon ng mga langgam na ito ang waring paagapay na pagkilos upang kulungin ang sisilain. Ang pambihirang pangyayaring ito ay nagaganap kapag ang nangungunang mga manggagawang langgam, palibhasa’y walang amoy na masusundan, ay nag-aatubili at tumitigil sa pag-abante. Ang mga langgam sa bandang hulihan ay tiyak na magigitgit sa pag-abante, at magsisimulang lumapad ang magkabilang panig ng unahang hanay, na nagiging dahilan ng sunud-sunod na pag-abante na parang paagapay na pagkilos.
Tatlumpu’t anim na araw ang siklo ng gawain ng mga sundalong langgam, anupat nagmamartsa sa loob ng mga 16 na araw at pagkatapos ay namamalagi sa isang lugar sa loob ng 20 araw, na sa panahong iyon ay nangingitlog ang reyna. Pagkatapos noon, muling magmamartsa ang buong kolonya dahil sa paghahanap ng makakain. Makikita sa gilid ng kanilang nagmamartsang hanay, na mga sampung metro ang lapad, ang nagsisitakas na mga gagamba, alakdan, uwang, palaka, at mga butiki at ang sumusunod na mga ibon, na sumisila rin sa mga nagsisitakas ngunit hindi sa mga langgam.
Ang mga langgam, na inilalarawan sa Bibliya na “may likas na karunungan” ayon sa Kawikaan 30:24, 25, ay isa sa mga kababalaghan ng paglalang.
[Talababa]
^ par. 4 Tinatalakay ng artikulong ito ang Eciton na uri sa Sentral at Timog Amerika.
[Larawan sa pahina 31]
Sundalong langgam
[Credit Line]
© Frederick D. Atwood
[Larawan sa pahina 31]
Pagbuo ng tulay sa pamamagitan ng pagkakawing-kawing sa kani-kanilang mga paa
[Credit Line]
© Tim Brown/www.infiniteworld.org