Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Ang Kahalagahan ng Nakapasông mga Halaman
“Libu-libong estudyante ang makakakuha ng mas matataas na marka kung maglalagay ng nakapasông mga halaman sa palibot ng kanilang mga paaralan,” ang sabi ng mga mananaliksik, gaya ng iniulat ng The Times ng London. Natuklasan ni Propesor Derek Clements-Croome ng Reading University na ang antas ng carbon dioxide sa ilang siksikan at walang gaanong bentilasyon na mga silid-aralan ay lumampas na ng mahigit sa 500 porsiyento sa inirerekomendang dami, anupat napipinsala nito ang kakayahan ng mga bata na magtuon ng pansin at nahahadlangan ang kanilang pagsulong. Ang kalagayang ito ay tinawag niyang sick classroom syndrome at sinabi niya na ang karaniwang pagsisiksikan ng mga bata sa mga silid-aralan ay limang beses na mas malubha kaysa sa pagsisiksikan ng mga manggagawa sa mga gusaling tanggapan, kung saan napag-alaman na nakaaapekto ang “sick building syndrome” sa mga manggagawa at sa kanilang mga trabaho. Anong mga halaman ang maaaring gamitin upang mapaunlad ang kalidad ng hangin sa mga silid? Isang pag-aaral sa Estados Unidos ang nagsabi na ang mga spider plant ang siyang pinakamabisa. Mahuhusay ring magtanggal ng dumi sa hangin ang mga dragon tree, lanat (ivy), rubber plant, peace lily, at mga yucca. Binabawasan ng mga halamang pambahay ang antas ng carbon dioxide dahil binabago ito tungo sa pagiging oksiheno.
“Nalilitong” Salinlahi
“Kalunus-lunos ang kakulangan ng kaalaman ng mga kabataang Amerikano,” ang sabi ng Daily News ng New York. Ginagamit ang isang mapa ng daigdig, “hindi maituro ng 11% kung nasaan ang Amerika. At nang ipakita sa kanila ang walang pangalang mapa ng E.U., hindi alam ng kalahati sa kanila kung nasaan ang New York.” Kung tungkol naman sa paghanap sa mga bansang binanggit sa balita, 13 porsiyento lamang ang makapagtuturo kung nasaan ang Iraq at Iran, at 17 porsiyento lamang ang makahahanap sa kinaroroonan ng Afghanistan. Sa katunayan, 71 porsiyento lamang ng mga Amerikanong nasa gulang na 18 hanggang 24 ang tumpak na makapagtuturo sa pinakamalaking bahagi ng tubig sa daigdig—ang Karagatang Pasipiko. Nagbigay ang National Geographic Society ng maikling pagsusulit na may 56 na tanong sa 3,250 kabataan sa Alemanya, Britanya, Canada, Estados Unidos, Hapon, Italya, Mexico, Pransiya, at Sweden. Bagaman walang bansa ang nakakuha ng markang “A,” na nangangailangan ng aberids na 42 tamang sagot, ang Sweden ang pinakamalapit dito na may 40 tamang sagot, na sinundan naman ng Alemanya at Italya na may 38 tamang sagot. Ang mga Amerikano ay pumapangalawa sa huli, na may aberids na 23 tamang sagot, na sinusundan ng Mexico na may 21 tamang sagot. “Kung hindi maituro ng ating mga kabataan ang mga lugar sa mapa at wala silang kabatiran sa nangyayari sa daigdig, paano nila mauunawaan ang mga isyu sa daigdig may kaugnayan sa kultura, kabuhayan at likas na yaman na napapaharap sa atin?” ang tanong ni John Fahey, ang pangulo ng National Geographic Society.
Pagkalampas sa Edad na 40 Taon—Pag-aani sa Iyong Inihasik
“Ang mga pasiya ng isang tao sa kaniyang buhay at ang kapaligirang pinamuhayan niya ay nagsisimulang magkaroon ng epekto pagsapit niya sa gulang na 40, kapag dumarami na ang mga senyales ng pagtanda.” Ito ang diwa ng isang report mula sa isang komperensiya hinggil sa kalusugan, na iniulat ng The Daily Telegraph ng Sydney, Australia. Ayon kay Rocco Di Vincenzo, punong diyatisyan sa Swinburne Hospital sa Victoria, sa pagtiyak sa magiging kalagayan ng kalusugan ng isang tao pagkalampas sa edad na 40 taon, mas mahalagang pagbatayan ang mga ginawa niyang pasiya kaysa sa kaniyang “ ‘depektibong mga gene’ o sa hindi paggana ng ibang sangkap ng [kaniyang] katawan.” “Alam na namin ngayon na ang kalagayan ng kalusugan ng isang tao pagsapit niya sa edad na 40 ay bunga ng pinagsamang epekto ng namanang mga gene at ng mga impluwensiya ng kapaligiran,” ang sabi ni Di Vincenzo. “Ayon sa National Institute on Ageing, 80 porsiyento ng mga problema sa kalusugan ng nakatatandang mga tao ay hindi pala bunga ng pagtanda. Ang mga ito ay bunga ng di-wastong pangangalaga sa katawan sa nakalipas na mga taon ng buhay, at pagkaraan ng edad na 40, ang di-wastong pangangalaga ay nagsisimula nang magkaroon ng epekto sa isang tao.”
Ang mga Bata ay Madaling Magumon sa Nikotina
“Ang mga bata ay maaaring magumon sa sigarilyo pagkalipas lamang ng ilang araw na paninigarilyo at maaari pa nga silang maging sugapa kahit sa unang sigarilyo,” ang konklusyon ng isang pagsusuri na binanggit sa pahayagang The Guardian sa London. “Sa 332 kabataan na sumubok manigarilyo, kahit na isang hitit lamang, 40% ang nag-ulat ng mga sintomas ng pagkasugapa. Sa 237 lumanghap, 53% ang nag-ulat ng mga sintomas ng pagkasugapa.” Sinubaybayan ng 30-buwang pag-aaral, na pinangunahan ni Dr. Joseph DiFranza ng University of Massachusetts Medical School sa Estados Unidos, ang halos 700 estudyante, na nasa gulang na 12 at 13 taon sa pasimula ng pag-aaral. “Bago ang pag-aaral, inakala na dalawang taon ang lumipas bago nagumon ang mga bata sa sigarilyo—na kinailangan nilang manigarilyo araw-araw, nang di-kukulangin sa kalahating kaha bawat araw,” ang sabi ni DiFranza. “Ang ilan sa mga batang ito ay nagumon sa loob lamang ng ilang araw na paninigarilyo. . . . Sa palagay [ko,] sa maraming pagkakataon, ang pagkasugapa sa nikotina ay nagsisimula sa unang sigarilyo.” Naniniwala si DiFranza na mas madaling maging sugapa ang mga tin-edyer dahil ang kanilang mga utak ay lumalaki pa. “Gusto kong maunawaan ng mga bata na hindi sila maaaring mag-eksperimento sa sigarilyo. Walang di-nakapipinsalang paninigarilyo,” ang sabi ni DiFranza. “Kailangan nating makumbinsi ang mga bata na ang pagsubok na humitit ng kahit man lamang isang sigarilyo ay maaaring humantong sa habambuhay na pagkasugapa.”
Bagong Liwanag Hinggil sa mga Karanasan ng “Malapit Nang Mamatay”
Hindi sinasadyang napukaw ng mga neurologong Swiso, na gumagamit ng mga electrode upang alamin ang pinagmumulan ng pagsumpong ng epilepsiya ng isang babae, na magkaroon ang isang pasyente ng mga karanasan ng isang malapit nang mamatay, ang sabi ng Bild der Wissenschaft-Online, isang serbisyo sa pagbabalita sa Alemanya tungkol sa siyensiya. Sa tuwing pupukawin ang angular gyrus ng kanang cortex ng utak, iniuulat ng babae na nararamdaman niyang parang iniiwan niya ang kaniyang katawan at pinanonood ito mula sa itaas. Waring pinag-uugnay ng bahaging iyon ng utak ang impormasyong nakukuha ng katawan batay sa nakikita nito at ang impormasyong nakukuha nito batay naman sa mga nadarama hinggil sa kinaroroonan ng katawan. “Ginugulo ng isinasagawang pagpukaw sa pamamagitan ng mga electrode ang paggana ng sistemang ito sa pasyente, anupat dahil dito, ang kaniyang pang-unawa ay waring nakahiwalay sa kaniyang katawan,” ang sabi ng Bild der Wissenschaft. Ang mga karanasan ng malapit nang mamatay ay “paulit-ulit na ginagamit upang suhayan ang mga haka-haka hinggil sa isang kaluluwa na humihiwalay sa katawan.”
Pagpapanibago sa Rosaryo
“Sa loob ng 500 taon, sinasambit ng mga debotong Romano Katoliko ang rosaryo, isang tulad-mantra na serye ng Ama Namin at Aba Ginoong Maria na dinisenyo upang pasiglahin ang pagbubulay-bulay sa 15 pangunahing pangyayari o ‘mga misteryo’ sa buhay ni Jesus at ng kaniyang ina,” ang ulat ng Newsweek. “Nitong nakaraang [Oktubre] ay nagpalabas si Pope John Paul II ng isang apostolikong liham na nagdaragdag ng ikaapat na siklo sa rosaryo,” salig sa ministeryo ni Jesus mula sa pagkabautismo niya hanggang sa Huling Hapunan. “Ang tunguhin ng papa ay pasiglahing muli ang interes sa kaniyang ‘paboritong’ anyo ng panalangin, na hindi na naging popular mula noong panahon ng Vatican Council II,” ang sabi pa ng magasin. “Ang pangunahing layunin ng ginawa ng papa ay ang higit pang itampok sa debosyong ito, na natatangi lamang sa mga Katoliko, ang papel ni Kristo kaysa kay Maria, ang persona na kadalasang iniuugnay sa rosaryo.” Inaasahan na pasisiglahin nito ang nakaugaliang pagbubulay-bulay ng mga Katoliko noong panahong, gaya ng sabi ng papa, “ang Kristiyanismo ay naiimpluwensiyahan ng mga tradisyon sa pagbubulay-bulay ng mga relihiyon sa Silangan.”
Masyadong Mataas na mga Inaasahan
“Ang karamihan sa mga pag-aasawa sa Alemanya ay nabibigo dahil sa labis na mga inaasahan,” ang ulat ng pahayagang Die Welt. Ayon kay Propesor Wassilios Fthenakis, na nagsasaliksik sa buhay pampamilya, “ang mga tao ay naghahanap ng matalik na makakasama at nagnanais na makasumpong ng sukdulang kaligayahan sa kanilang pagsasama.” Gayunman, sinabi niya na hindi makatotohanan na asahang magtagal nang ilang dekada ang gayong pagkadama ng walang-kahulilip na kaligayahan. Ang kasalukuyang pagdiriin hinggil sa personal na kaligayahan at sa katuparan ng mga potensiyal na magagawa sa sarili ay nagpapangyari sa mga mag-asawa na maging lalong di-handa na makipagkompromiso at makipagtulungan sa mahihirap na panahon. Sinabi ng isa pang eksperto sa pamilya: “Kapag lumipas na ang saya, ang mga tao sa ngayon ay hindi na gaanong nagsisikap na pag-usapan ang mga bagay-bagay at iligtas ang pagsasama.” Sa katamtaman, ang mga pag-aasawa sa Alemanya sa ngayon ay nagtatagal lamang nang mahigit sa 12 taon.