Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Nasapatan ang Aking Espirituwal na Pagkauhaw

Kung Paano Nasapatan ang Aking Espirituwal na Pagkauhaw

Kung Paano Nasapatan ang Aking Espirituwal na Pagkauhaw

AYON SA SALAYSAY NI LUCIA MOUSSANETT

ANG rehiyon ng Valle d’Aosta ay matatagpuan sa kabundukan ng liblib na lugar ng hilagang-kanluran ng Italya, malapit sa Swiss Alps at di-kalayuan mula sa bantog na Mont Blanc ng Pransiya. Isinilang ako roon noong 1941 sa maliit na pamayanan ng Challant St. Anselme.

Ako ang panganay sa limang anak; ang aking apat na nakababatang mga kapatid ay mga lalaki. Si Inay ay masipag at isang debotong Katoliko. Si Itay ay galing din sa isang relihiyosong pamilya. Dalawa sa kaniyang mga ate ay mga madre. Maraming materyal na bagay ang isinakripisyo ng aking mga magulang para sa akin, kasali na rito ang pagpapaaral sa akin. Walang mga paaralan sa aming maliit na pamayanan, kaya nang ako ay 11 taóng gulang, ipinadala ako ng aking mga magulang sa isang boarding school na pinangangasiwaan ng mga madre.

Nag-aral ako roon ng Latin at Pranses, lakip na ng iba pang asignatura. Pagkatapos, nang sumapit ako sa gulang na 15 taon, seryoso kong pinag-isipan kung paano paglilingkuran ang Diyos. Nangatuwiran ako na ang pagpasok sa isang kumbento ang siyang pinakamainam na paraan ng paggawa nito. Gayunman, hindi nagustuhan ng aking mga magulang ang ideyang ito, yamang maiiwan si Inay para mag-alaga sa aking mga kapatid. Umasa ang aking mga magulang na ang aking pag-aaral ay aakay sa akin na magkaroon ng isang magandang trabaho at makatulong sa kabuhayan ng pamilya.

Bagaman ikinalungkot ko ang reaksiyon ng aking mga magulang, gusto kong magkaroon ng tunay na layunin sa buhay at nadama ko na dapat unahin ang Diyos. Kaya noong 1961, pumasok ako sa isang kumbento ng Romano Katoliko.

Ang Aking Buhay Bilang Isang Madre

Sa unang mga buwan, pinag-aralan ko ang mga pamantayan at mga alituntunin ng simbahan at ginampanan ko ang pisikal na mga trabaho sa kumbento. Noong Agosto 1961, sinimulan ko ang pagiging nobisyada, o pagsasanay, at nag-umpisa akong magsuot ng karaniwang damit ng mga madre. Iminungkahi ko rin ang bagong pangalan para sa aking sarili, Ines, ang pangalan ng aking ina. Nang tanggapin ito, nakilala ako bilang si Sister Ines.

Bagaman ang karamihan sa mga nobisyada ay gumaganap ng pisikal na mga trabaho sa kumbento, ako ay may sapat na edukasyon upang magturo bilang isang guro sa paaralang elementarya. Pagkalipas ng dalawang taon, noong Agosto 1963, nanata ako, anupat naging isang madre sa orden ng mga Madre ni San Giuseppe sa Aosta, Italya. Nang maglaon, pinapag-aral pa ako ng kumbento sa pamamagitan ng pagpapadala sa akin sa University of Maria Santissima Assunta sa Roma.

Nang magbalik ako sa Aosta noong 1967 pagkatapos ng aking pag-aaral sa Roma, nagsimula akong magturo sa haiskul. Noong 1976, inialok sa akin ang posisyon na maging direktor ng paaralan. Bagaman nagtuturo pa rin ako sa ilang klase, ako ay inatasang maging punong-guro sa paaralan at naging isang miyembro ng panrehiyon na administrasyon ng mga paaralan sa Valle d’Aosta.

Ang talagang hangarin ko ay tulungan ang mga dukha. Malaki ang malasakit ko sa kanila. Kaya nag-organisa ako ng iba’t ibang programang panlipunan, lakip na ang isa para sa pagtulong sa mga taong may nakamamatay na sakit na walang pamilya. Nagtatag din ako ng programa upang turuan ang mga anak ng mga dayuhan. Bukod dito, humanap ako ng trabaho at pabahay para sa mga dukha at naglaan ng medikal na tulong sa mga nangangailangan. Sinikap kong mamuhay alinsunod sa relihiyosong mga simulain ng simbahan.

Samantala, tinanggap ko ang teolohiyang Katoliko, pati na ang mga turo ng simbahan na gaya ng Trinidad, imortalidad ng kaluluwa, at ang pangmalas ng Katoliko sa walang-hanggang kinabukasan ng tao. Nang panahong iyon, pinapayagan din ng teolohiyang Katoliko ang mga pangmalas na gaya ng pagkakaroon ng maraming paniniwala, na nangangahulugan ng pagtanggap at pakikisalamuha sa ibang mga relihiyon.

Mga Bagay-bagay na Nakabagabag sa Akin

Gayunman, ang ilang gawain sa Simbahang Katoliko ay nakabagabag sa akin. Halimbawa, bago ang binyag at kumpil, dapat munang pag-aralan ng mga magulang at mga anak ang kahulugan ng mga hakbang na ito. Gayunman, ang karamihan sa kanila ay hindi dumarating sa mga klase, at ang iba ay hindi man lamang nagsisikap na mag-aral. Bukod dito, ang ilan na hindi tinanggap para binyagan at kumpilan sa isang parokya ay nagtutungo lamang sa ibang parokya upang doon mabinyagan at makumpilan. Para sa akin, iyon ay pakitang-tao lamang at pagpapaimbabaw.

Kung minsan ay itinatanong ko sa aking sarili at sa mga kapuwa madre, “Hindi ba dapat nating ipangaral ang Ebanghelyo sa halip na italaga ang ating sarili sa lahat ng uri ng iba pang gawain?” “Nangangaral tayo sa pamamagitan ng mabubuting gawa,” ang sagot naman nila sa akin.

Karagdagan pa, nahihirapan akong maniwala na kailangan kong mangumpisal sa isang pari para sa aking mga kasalanan. Ikinakatuwiran ko na dapat ay kaya kong ipakipag-usap sa Diyos ang tungkol sa gayong personal na mga bagay. Bukod dito, hindi ko matanggap ang ideya na sauluhin at ulit-ulitin ang mga panalangin. Nahihirapan din akong maniwala na hindi nagkakamali ang papa. Nang maglaon, ikinatuwiran ko na lamang na pananatilihin ko ang aking sariling mga paniniwala hinggil sa gayong mga bagay at basta magpapatuloy na lamang ako sa aking relihiyosong pamumuhay.

Paghahangad ng Kaalaman sa Bibliya

Noon pa man ay matindi na ang aking paggalang sa Bibliya at ang aking paghahangad na matuto hinggil dito. Sa tuwing kailangan kong gumawa ng pasiya o nadarama na kailangan ko ang suporta ng Diyos, binabasa ko ang Bibliya. Bagaman hindi namin ito pinag-aralan sa kumbento, binabasa ko ito nang sarilinan. Ang ulat sa Isaias 43:10-12, kung saan sinabi ng Diyos na Jehova, “Kayo ang aking mga saksi,” ay laging nakapupukaw ng aking pansin. Subalit nang panahong iyon, hindi ko nauunawaan ang lubos na kahulugan ng mga salitang iyon.

Nang nag-aaral ako sa unibersidad sa Roma noong kalagitnaan ng dekada ng 1960, kumuha ako ng apat-na-taóng kurso sa teolohiya na tinustusan ng Batikano. Ngunit ang Bibliya ay hindi kasali sa mga aklat-aralin. Nang makauwi ako sa Aosta, dumalo ako sa maraming ekumenikal na mga komperensiya, kahit na sa mga isinaayos ng iba’t ibang denominasyon at mga organisasyong di-Katoliko. Lalo nitong pinasidhi ang aking paghahangad na matutuhan ang mga turo ng Bibliya. Napakaraming kalituhan sa gitna ng mga grupong nag-aangkin na nagtuturo ng tungkol sa aklat na iyan!

Pagkatuto Nang Higit Tungkol sa Bibliya

Noong 1982, isang Saksi ni Jehova ang dumalaw sa lugar kung saan isinasagawa ko ang mga gawaing panlipunan at sinikap niyang makipag-usap sa akin tungkol sa Bibliya. Bagaman abalang-abala ako, ang bagay na matututo ako tungkol sa Bibliya ay nakapukaw ng aking pansin. Kaya sinabi ko, “Pakisuyong dumalaw ka sa aking paaralan, at kapag nagkaroon ako ng libreng panahon, maaari tayong mag-usap.”

Bagaman dinalaw nga ako ng babae, hindi naman ako nagkaroon ng “libreng panahon” sa aking iskedyul. Di-nagtagal, nalaman ng aking ina na siya ay may kanser, kaya naman nagbakasyon muna ako sa aking trabaho upang tulungan siya. Nang mamatay siya noong Abril 1983, bumalik ako sa aking trabaho, ngunit nang panahong iyon ay hindi na ako matagpuan ng mga Saksi. Gayunman, di-nagtagal mula noon ay isa na namang Saksi, na mga 25 taóng gulang, ang dumalaw sa akin upang makipag-usap tungkol sa Bibliya. Binabasa ko na noon nang sarilinan ang aklat ng Bibliya na Apocalipsis. Kaya tinanong ko siya, “Sinu-sino ang 144,000 na binanggit dito sa Apocalipsis kabanata 14?”

Ang naituro sa akin noon ay magtutungo sa langit ang lahat ng mabubuting tao, kaya naman hindi ko maunawaan ang lohika na ang 144,000 sa mga ito ay waring inihihiwalay pa mula sa iba sa langit. Inisip ko, ‘Sinu-sino ba ang 144,000 ito? Ano ang ginagawa nila?’ Palaging bumabangon sa aking isipan ang mga tanong na ito. Patuloy na nagsikap ang Saksi upang ako ay matagpuan, ngunit napakadalas kong umalis kaya hindi niya ako nasumpungan.

Nang dakong huli, ibinigay ng Saksi ang aking adres kay Marco, isang elder sa kanilang kongregasyon. Sa wakas, noong Pebrero 1985, natagpuan ako ni Marco. Nag-usap kami sa loob lamang ng ilang minuto, yamang ako ay abala, ngunit nagkasundo kami na magkitang muli. Nang maglaon, siya at ang kaniyang asawa, si Lina, ay regular nang dumadalaw sa akin, anupat tinutulungan akong maunawaan ang Bibliya. Sa maikling panahon, nakita ko na ang saligang mga turong Katoliko gaya ng Trinidad, imortalidad ng kaluluwa, at apoy ng impiyerno ay maliwanag na hindi nakasalig sa Bibliya.

Pakikisama sa mga Saksi

Nang dumalo ako sa isang pulong ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang Kingdom Hall, maliwanag na ang mga bagay-bagay roon ay ibang-iba sa Simbahang Katoliko. Ang lahat, hindi lamang ang koro, ay umaawit. Pagkatapos ay nakikibahagi sila sa pulong mismo. Naunawaan ko rin na ang buong organisasyon ay binubuo ng “mga brother” at “mga sister.” Silang lahat ay tunay na nagmamalasakit sa isa’t isa. Hinangaan ko ang mga bagay na ito.

Nang panahong iyon, dumadalo ako sa mga pulong nang nakadamit pangmadre. Ang ilan ay halatang naantig nang makitang isang madre ang nasa Kingdom Hall. Nadama ko ang kagalakan at kasiyahang dulot ng pag-ibig na ipinakikita sa akin ng isang malaking pamilya. Gayundin, habang nag-aaral ako, naunawaan ko na marami sa mga simulain na pinagsaligan ng aking buhay ay hindi kasuwato ng Salita ng Diyos. Halimbawa, walang sinasabi ang Bibliya hinggil sa mga lingkod ng Diyos na nagsusuot ng pantanging damit. Ang herarkiya at karangyaan ng Simbahan ay ibang-iba sa itinuturo ng Bibliya tungkol sa mapagpakumbabang matatanda na nangunguna sa kongregasyon.

Pakiramdam ko ay para akong nakatayo sa kumunoy, anupat walang matatag na tuntungan ang aking mga paa. Waring imposible na ako’y nailigaw sa loob ng 24 na taon. Gayunman, malinaw na nakilala ko ang taginting ng katotohanan sa Bibliya. Nakatatakot isipin na sa edad na 44 na taon, kailangan kong simulang muli ang aking buhay. Ngunit paano ako magpapatuloy sa paglakad nang nakapikit ang aking mga mata ngayong nakita ko na kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya?

Isang Napakahalagang Pasiya

Alam ko na ang pag-alis sa kumbento ay mangangahulugan na mawawalan ako ng kabuhayan. Gayunman, naalaala ko ang mga salita ni David tungkol sa matuwid na ‘hindi kailanman pinabayaan ni namalimos man ng tinapay ang kanilang supling.’ (Awit 37:25) Alam ko na mawawalan ako ng isang antas ng pisikal na seguridad, ngunit inilagak ko ang aking pagtitiwala sa Diyos at nangatuwiran, ‘Ano ba talaga ang dapat kong ikatakot?’

Inakala ng aking pamilya na ako ay nababaliw. Bagaman nakabagabag iyon sa akin, naalaala ko ang mga salita ni Jesus: “Siya na may higit na pagmamahal sa ama o sa ina kaysa sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin.” (Mateo 10:37) Kasabay nito, ang simpleng mga kilos ng mga Saksi ay nakapagpatibay-loob at nakapagpalakas sa akin. Habang naglalakad ako sa lansangan nang nakasuot pangmadre, tinitiyak nilang mababati ako. Ipinadama nito sa akin na mas malapit ako sa kapatiran at bahagi ako ng kanilang pamilya.

Sa wakas ay nakipagkita ako sa Madre Superyora at nagpaliwanag kung bakit nagpasiya akong iwan ang kumbento. Bagaman inialok kong ipakita sa kaniya mula sa Bibliya kung bakit ganito ang aking naging pasiya, tumanggi siyang makinig at nagsabi: “Kung gusto kong maunawaan ang anuman sa Bibliya, makatatawag ako ng isang eksperto sa Bibliya!”

Nagulat ang Simbahang Katoliko sa naging pasiya ko. Pinaratangan nila ako ng pagiging imoral at baliw. Gayunman, yaong mga nakakakilala sa akin ay nakababatid na hindi totoo ang mga paratang sa akin. Iba’t iba ang reaksiyon ng mga taong nakatrabaho ko. Minalas ng ilan ang aking ginawa bilang isang gawa ng katapangan. Ang iba naman ay nalungkot, anupat inisip na ako ay tumatahak sa maling landas. Naawa pa nga sa akin ang ilan.

Noong Hulyo 4, 1985, umalis ako sa Simbahang Katoliko. Palibhasa’y nalalaman kung paano tinrato ang mga gumawa ng gayong hakbang, nabahala ang mga Saksi sa aking seguridad kaya itinago nila ako sa loob ng isang buwan. Sinusundo nila ako para sa mga pulong at pagkatapos ay inihahatid sakay ng sasakyan patungo sa aking tirahan. Hindi ako nagpakita hanggang sa lumamig ang situwasyon. Pagkatapos, noong Agosto 1, 1985, nagsimula akong makibahagi sa ministeryo kasama ng mga Saksi ni Jehova.

Nang dumalo ako sa isang Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa bandang dulo ng Agosto na iyon, nalaman ng mga tagapagbalita sa media na iniwan ko na ang simbahan at inilathala nila ang kuwento. Nang sa wakas ay mabautismuhan ako noong Disyembre 14, 1985, inakala ng lokal na istasyon ng telebisyon at pahayagan na pambihira ito anupat muli nilang inilathala ang kuwento, na tinitiyak na mababalitaan ng lahat ang aking ginawa.

Nang iwan ko ang kumbento, talagang walang-wala ako sa materyal na paraan. Wala akong trabaho, tahanan, at pensiyon. Kaya sa loob ng halos isang taon, nagtrabaho ako bilang tagapag-alaga ng isang paralisadong tao. Noong Hulyo 1986, ako ay naging isang payunir, gaya ng tawag sa buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova. Lumipat ako sa isang lugar kung saan may maliit at bagong-tatag na kongregasyon. Nagbigay ako roon ng pribadong pagtuturo sa wika at sa iba pang asignatura, sa gayon ay nagamit ko ang kasanayang natamo ko sa pag-aaral. Naglaan ito sa akin ng maalwang iskedyul.

Paglilingkod sa Isang Banyagang Lupain

Ngayong natutuhan ko na ang mga katotohanan sa Bibliya, nais kong ibahagi ito sa maraming tao hangga’t maaari. Yamang nagsasalita ako ng Pranses, binalak kong maglingkod sa isang lupain sa Aprika kung saan Pranses ang ginagamit na wika. Subalit noong 1992, tumanggap ng legal na pagkilala ang mga Saksi ni Jehova sa karatig naming bansa na Albania. Sa katapusan ng taóng iyon, isang maliit na grupo ng mga payunir mula sa Italya ang inatasan doon. Kabilang sa kanila sina Mario at Cristina Fazio mula sa aming kongregasyon. Inanyayahan nila akong dumalaw sa kanila at isaalang-alang ang paglilingkod sa Albania. Kaya pagkatapos kong mag-isip nang mabuti at manalangin, sa edad na 52 taon, kinailangan ko na namang iwan ang maituturing na tiwasay na pamumuhay para magpasimula sa isang lubos na naiibang daigdig.

Noon ay Marso 1993. Pagdating ko sa Albania ay agad kong nakita na bagaman hindi ako gaanong malayo mula sa aking tinubuang bansa, talagang naiiba ang kultura roon. Ang mga tao ay naglalakad saanman sila magtungo, at nagsasalita sila ng wikang Albaniano, isang wika na talagang hindi ko nauunawaan. Ang bansa ay dumaranas ng malalaking pagbabago, anupat paiba-iba ang pulitikal na sistema nito. Gayunman, ang mga tao ay nauuhaw sa katotohanan sa Bibliya, at gustung-gusto nilang magbasa at mag-aral. Ang mga estudyante sa Bibliya ay mabilis na sumusulong sa espirituwal, at ito ay nakapagpapasigla sa aking puso, anupat tumutulong sa akin na makibagay sa bagong kapaligirang ito.

Nang dumating ako sa Tiranë, ang kabiserang lunsod, noong 1993, mayroon lamang isang kongregasyon sa Albania at mahigit lamang nang kaunti sa 100 Saksi ang nakakalat sa buong bansa. Nang buwang iyon, sa unang pantanging araw ng asamblea na idinaos sa Tiranë, 585 ang dumalo at 42 ang nabautismuhan. Bagaman wala akong naiintindihan, nakaaantig na marinig ang pag-awit ng mga Saksi at makita na sila ay matamang nakikinig. Noong Abril ay idinaos ang Memoryal ng kamatayan ni Jesu-Kristo, at 1,318 ang dumalo! Mula noon, ang pagsulong ng gawaing Kristiyano ay lumago sa Albania.

Dati ay tinitingnan ko ang Tiranë mula sa aking ikaapat-na-palapag na balkonahe at saka ako nag-iisip, ‘Kailan kaya namin makakausap ang lahat ng mga taong ito?’ Pinangyari iyon ng Diyos na Jehova. Mayroon na ngayong 23 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Tiranë. Sa buong bansa, mayroon nang 68 kongregasyon at 22 grupo, na may 2,846 na Saksi. Ang lahat ng pagsulong na iyon ay naganap sa loob lamang ng ilang taon! At 12,795 ang dumalo sa Memoryal noong 2002!

Sa loob ng sampung taon na ito sa Albania, isang malaking pribilehiyo para sa akin na matulungan ang di-kukulangin sa 40 indibiduwal hanggang sa punto ng pagpapabautismo. Ang ilan sa kanila ay naglilingkod na rin ngayon bilang mga payunir at sa iba pang pitak ng buong-panahong paglilingkod. Sa nakalipas na mga taon, anim na grupo ng mga payunir na Italyano ang inatasang tumulong sa gawain sa Albania. Para sa bawat grupo, nagsaayos ng tatlong-buwang kurso para sa pag-aaral ng wika, at nakatanggap ako ng paanyaya na turuan ang huling apat na klase.

Nang unang mabalitaan ng aking mga kaibigan ang pasiya ko na iwan ang simbahan, talagang madamdamin ang kanilang naging reaksiyon. Gayunman, pagkalipas ng lahat ng mga taóng ito, bumuti na ang kanilang saloobin, habang nakikita nila na ako ay kalmado at payapa. Nakatutuwa naman, ang aking pamilya, pati na ang isang 93-taóng-gulang na tiya na isa pa ring madre, ay lubos ding sumusuporta sa akin.

Mula nang makilala ko si Jehova, inalagaan na niya ako sa maraming iba’t ibang kalagayan! Inakay niya ang aking mga paa tungo sa kaniyang organisasyon. Kapag ginugunita ko ang nakalipas, naaalaala ko ang aking pagnanais na tulungan ang mga dukha, nagdarahop, at mga nangangailangan at ang aking hangarin na lubusang magpagal sa paglilingkod sa Diyos. Kaya naman pinasasalamatan ko si Jehova, dahil tiniyak niya na masasapatan ang aking espirituwal na pagkauhaw.

[Larawan sa pahina 21]

Isang pamilyang Albaniano na pinagdausan ko ng pag-aaral sa Bibliya. Labing-isa ang nabautismuhan

[Larawan sa pahina 21]

Ang karamihan sa mga babaing ito na pinagdausan ko ng pag-aaral sa Bibliya sa Albania ay nasa buong-panahong ministeryo na ngayon