Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Pinuri ang Gumising! Napakahusay ng ginagawa ninyong paglalathala ng Gumising! Nagbibigay kayo ng pag-asa sa mga tao. Ang aking unang dalawang kopya ng Gumising! ay ibinigay sa akin ng isang kapitbahay nang mamatay ang asawa ko. Nanlumo ako at ayaw kong makihalubilo kaninuman. Subalit pagkatapos kong basahin ang inyong mga magasin, huminahon ako at natanto ko na hindi pala ito ang katapusan ng aking buhay. Nang maglaon, binigyan ako ng aking anak na babae ng dalawa pang isyu, na ibinigay naman sa kaniya ng isang nars samantalang siya ay nasa ospital. Pagkatapos ay nabigyan pa ako ng ilang kopya sa lansangan ng ilang lokal na mga Saksi. Iilan lamang ang aking kopya ng Gumising! subalit paulit-ulit ko itong binabasa kapag nanlulumo ako. Itinuturo nito sa mga tao kung ano ang mabuti at tinutulungan silang maunawaan ang mga dahilan ng ating paggawi.
I.Y.A., Russia
Mga Kahinaan Salamat sa pagsulat ng artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Palalampasin Kaya ng Diyos ang Ating mga Kahinaan?” (Nobyembre 8, 2002) Walang alinlangan, ito ang pinakamainam na tulong na natanggap ko. Napakalaking tulong na maunawaan kung paano minamalas ng Diyos ang ating mga kahinaan.
E. C., Estados Unidos
Nananalangin ako kay Jehova tungkol sa isang personal na problema at umaasa ako ng isang kasagutan. At pagkatapos ay inilathala ninyo ang artikulong ito. Nang mabasa ko ito, nagpasalamat ako sa panalangin.
M. S., Hapon
Mga Teklado Sumulat ako upang magpasalamat sa artikulo hinggil sa mga teklado ng piyano na pinamagatang “Masasabi Mo ba ang Pagkakaiba?” (Nobyembre 8, 2002) Noon pa man ay mahilig na ako sa musika—lalo na sa piyano. At gusto kong matutong tumugtog ng ilan sa mga awiting inaawit natin sa Kingdom Hall. Kaya susubukin kong tumugtog at magsanay sa synthesizer na nasa sulok lamang ng kuwarto ko sa loob ng ilang taon.
V. T., Estados Unidos
Palibhasa’y isang manunugtog ng clarinet at mahilig sa musika, gusto kong pag-aralan ang tungkol sa mga instrumentong may teklado. Anim na taon na ang nakalipas, nag-aral ako ng piyano pero ang ginamit ko ay digital na piyano yamang mas mura ito. Ang tunog nito ay gaya ng isang piyano at isang harpsichord.
S. T., Scotland
Nag-aral ako ng musika sa paaralan. May nalalaman akong kaunti tungkol sa mga instrumentong may teklado, subalit hindi ko maunawaan kung paano ginawa ito o kung anu-ano ang mga katangian nito. Tinulungan ako ng artikulong ito, na may madaling-maunawaang mga paliwanag at kawili-wiling mga larawan, upang higit na maunawaan ang paksang ito. Maraming-maraming salamat.
A. M., Hapon
Crazy Horse Salamat sa artikulong “Crazy Horse—Bundok na Ginawang Monumento.” (Nobyembre 8, 2002) Tamang-tama ang pagdating nito para sa akin upang ihanda ang isang report sa paaralan tungkol sa mga Sioux at Cheyenne at kung paano sila namuhay. Pinuri ng aking guro ang ginawa kong report! Salamat.
F. V., Estados Unidos
Reunyon Katatapos ko pa lamang basahin ang artikulong “Isang Pambihirang Reunyon Makalipas ang 30 Taon.” (Oktubre 22, 2002) Nalipos ako ng pagpapahalaga, kagalakan, at kalungkutan. Natutuwa ako para kina Mark Ruge at Dennis Sheets dahil nasumpungan nila ang tamang daan patungo kay Jehova. Gayunman, nalulungkot ako dahil hindi ito nasumpungan ng ilan sa aking limang anak, bagaman sila’y pinalaki bilang mga Kristiyano. Maiiwasan sana nila ang maraming pagdurusa kung masusumpungan nila ang tamang landas patungo sa Diyos! Lagi kong ipinapanalangin na masumpungan sana nila ito balang araw. Salamat sa artikulo. Natugunan nito ang isang tunay na pangangailangan.
M. O., Estados Unidos