Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Makakayanan ang Isang Trahedya?
“Bakit kinailangan pang patayin ng mga terorista ang aking ina?”—Kevin. *
“[Bago ang Setyembre 11], gustung-gusto ko ang mga tunel. Ngayon ay naguguniguni ko na namatay ako sa loob ng isang tunel dahil pinasabog ito.”—Peter.
ANG ina ni Kevin ay namatay noong Setyembre 11, 2001, nang salakayin ang World Trade Center sa New York City. Hindi naman kalunus-lunos na gaya nito ang naranasan ni Peter, subalit malaki pa rin ang naging epekto sa kaniya ng mga pangyayari.
Isang report ang nagsasabi: “Libu-libong bata na nakatira sa New York ang nakikipagpunyagi sa mga suliranin sa isipan na may kaugnayan sa [mga pagsalakay noong] Setyembre 11 anupat marami sa mga ito ay tatagal hanggang sa kanilang pagiging adulto.” Ang nakababahala rito, ang mga palatandaan ng emosyonal na trauma na “laganap sa mga batang nakasaksi mismo sa mga pagsalakay ay laganap din sa mga bata na malayo naman sa kinatatayuan ng World Trade Center nang ito ay salakayin.” *
Maaari ring magbunga ng ganito ang iba pang mga trahedya, tulad ng pagpapatiwakal na mga pambobomba sa Israel at walang-habas na pamamaril sa ibang dako. Hinggil sa gayong pamamaril, isang eksperto sa mga epekto ng trauma ang nagsabi: “Kahit na 2,000 milya pa ang layo ng tinitirhan [ng mga bata], makadaragdag pa rin sa [kanilang] kabalisahan ang mga pangyayaring ito.”
Ang dahilan? Kapag naganap ang kapaha-pahamak na mga pangyayari, ang mga kabataan ay nalalantad sa napakaraming buháy na buháy na pagbabalita sa media. Ang nakatatakot na mga larawan ng pambobomba ng mga terorista, pamamaril sa paaralan, at likas na mga kasakunaan ay paulit-ulit na ibinabalita, anupat nagiging mahirap para sa maraming kabataan na burahin sa kanilang isipan ang mga larawan. Hindi kataka-taka na isang surbey na isinagawa para sa New York City Board of Education ang nagsiwalat: “Anim na buwan pagkaraang bumagsak ang World Trade Center, 76 na porsiyento ng 8,266 na mga estudyante sa pampublikong paaralan ang madalas pa ring nakaaalaala sa mga pagsalakay ng mga terorista.”
Nabubuhay tayo sa tinatawag ng Bibliya na “nakapangingilabot na mga panahon.” (2 Timoteo 3:1-5, New International Version) Paano mo makakayanan ang nakapangingilabot na mga trahedya? *
Kung Bakit Nangyayari ang Masasamang Bagay
Ang isang paraan upang makontrol ang emosyon na waring dumaraig sa iyo ay gisingin ang iyong “malinaw na kakayahan sa pag-iisip.” (2 Pedro 3:1) Sikaping malasin ang mga bagay-bagay sa makatuwirang paraan at ayon sa punto de vista ng Diyos. Halimbawa, baka kailangan mong paalalahanan ang iyong sarili na maraming trahedya ang bunga lamang ng ‘panahon at di-inaasahang pangyayari.’ (Eclesiastes 9:11) Nagbigay ng halimbawa si Jesu-Kristo hinggil dito nang banggitin niya ang pagbagsak ng isang tore sa Siloam. Labingwalo katao ang namatay sa lokal na kasakunaang iyon. Gayunman, niliwanag ni Jesus na ang mga biktima ay hindi pinarusahan ng Diyos. Namatay sila dahil lamang sa nagkataong naroon sila sa isang lugar sa di-tamang panahon. (Lucas 13:1-5) Ang pagbubulay-bulay sa katotohanang ito ay maaaring tumulong sa iyo na magkaroon ng tamang pangmalas sa mga kasakunaan.
Ang malinaw na pag-iisip ay maaari ring humadlang sa iyo na ‘magalit laban kay Jehova mismo’ at sisihin siya sa malulungkot na pangyayari. (Kawikaan 19:3) Sa halip na maging sanhi ng ating kahapisan, si Jehova “ang Diyos ng buong kaaliwan.” (2 Corinto 1:3) Kapag nangyari ang mga trahedya, kailangan tayong lumapit sa kaniya—huwag lumayo dahil sa galit. Bulay-bulayin ang mga salita ng Bibliya na nasa Santiago 1:13: “Kapag nasa ilalim ng pagsubok, huwag sabihin ng sinuman: ‘Ako ay sinusubok ng Diyos.’ Sapagkat sa masasamang bagay ay hindi masusubok ang Diyos ni sinusubok man niya ang sinuman.” *
Ang isang kalunus-lunos na pangyayari na naganap maraming siglo na ang nakalipas sa Gitnang Silangan ay maaaring maglarawan sa puntong ito. Sinasabi sa atin ng Bibliya na ang tanging nakaligtas sa malaking kapahamakang iyon ay nag-ulat: “Ang mismong apoy ng Diyos ay nahulog mula sa langit at lumagablab sa gitna ng mga tupa at ng mga tagapaglingkod at nilamon sila.” (Job 1:16) Tunay ngang kahila-hilakbot na kapahamakan! At maliwanag na inakala ng nahintakutang lalaking ito na ang Diyos ang may kagagawan nito. Gayunman, hindi ang Diyos ang may kagagawan nito. Isinisiwalat ng Job 1:7-12 na ang nagpadala ng apoy ay hindi ang Diyos kundi ang Kaaway ng Diyos—si Satanas na Diyablo!
Iyon ay isang natatanging situwasyon: Binigyan ni Jehova ng pantanging kapahintulutan si Satanas na subukin ang katapatan ni Job. Kaya huwag kang maghinuha na si Satanas ang tuwirang may pananagutan sa likas na mga kasakunaan tulad ng mga bagyo at baha. * Gayunman, talagang sinasabi ng Bibliya na “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Samakatuwid, magagamit niya ang mga tao upang magdulot ng malaking kaguluhan at kapuksaan.
Magkagayunman, hindi tayo kailangang makadama na kaawa-awa tayo. Isaalang-alang ang isa pang pangyayari, na nakaulat sa Bibliya sa 1 Samuel 22:12-23. Doon ay malalaman natin na may-kalupitang minasaker ang isang grupo ng tapat na mga saserdote at ang kani-kanilang pamilya. Walang alinlangan na may ginampanang papel si Satanas sa pag-udyok sa balakyot na si Haring Saul upang isagawa ang malupit na gawang iyon. Gayunman, isinulat ng tapat na si David, na nang dakong huli ay naging hari mismo, ang Awit 52, na doo’y nagpahayag siya ng pagtitiwala na lilipulin ng Diyos ang balakyot na mga lalaki na may pananagutan sa kapahamakang iyon.—Awit 52:5.
Gayundin naman sa ngayon, makatitiyak ka na hindi pahihintulutan magpakailanman ng Diyos ang mga pamamaslang at karahasan na kinasihan ng Diyablo. Aba, ipinangangako ng Bibliya na malapit nang gamitin ng Diyos ang kaniyang Anak, si Jesus, upang “sirain ang mga gawa ng Diyablo”! (1 Juan 3:8) Sa dakong huli, wala nang matitirang bakas ang pinsalang likha ni Satanas. Sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli, maaaring buhaying muli ng Diyos ang mga indibiduwal na namatay sa kalunus-lunos na mga gawa ng karahasan o terorismo.—Gawa 24:15.
Praktikal na mga Paraan Upang Makayanan ang Trahedya
Makatutulong ang salig-Bibliyang pag-asang ito upang hindi ka madaig ng takot. Ngunit mayroon ding ilang praktikal na hakbang na maaari mong gawin. Halimbawa, pansinin ang simulain ng Bibliya sa Kawikaan 12:25. Matatanggap mo lamang ang “mabuting salita” ng pampatibay-loob kung ipahahayag mo ang iyong niloloob sa iba. Ang paggawa nito ay tutulong din sa iyo na matanto na hindi ka nag-iisa sa pagdanas ng matinding pagsubok. Kaya kung ikaw ay nababagabag, subukin mong ipahayag ang iyong niloloob sa iyong mga magulang o sa isang may-gulang na miyembro ng kongregasyong Kristiyano. *
Isa pang mungkahi: Huwag paulit-ulit na manood ng buháy na buháy na pagbabalita ng media hinggil sa kalunus-lunos na mga pangyayari. Ang paggawa nito ay magpapahirap lamang na burahin sa isipan ang nakababalisang mga larawan.—Awit 119:37.
Ikaw ba ay isang Kristiyano? Kung gayon ay manatili sa iyong rutina sa mga gawaing Kristiyano. (Filipos 3:16) Kasali sa gayong mga gawain ang pagdalo sa mga pulong kasama ng mga kapuwa Kristiyano at ang pagbabahagi ng iyong pananampalataya sa iba. (Hebreo 10:23-25) Tutulong ito sa iyo na huwag mag-isip ng negatibong mga bagay. Ang pagbubukod ng iyong sarili ay makapipinsala lamang sa iyo—sa emosyonal at espirituwal na paraan.—Kawikaan 18:1.
Ang patuloy na pagbabasa ng Bibliya araw-araw ay lalo nang makatutulong sa anumang maigting na situwasyon. Ang ina ng kabataang nagngangalang Loraine ay malapit nang mamatay dahil sa kanser. Pansinin kung paano nakayanan ni Loraine ang ganitong kalunus-lunos na situwasyon: “Naaalaala ko na binasa ko nang ilang ulit ang aklat ng Job noong panahon ng matinding pagsubok na iyon. Labis ding nakaaliw sa akin ang aklat ng Mga Awit. Habang binabasa ko ang nakaaaliw na mga salita mula sa Kasulatan, nadama ko na parang niyayakap ako ni Jehova.” Ganito naman ang naalaala ng kaniyang kapatid na babaing si Mishael: “Kapag sa isang araw ay hindi ko nabasa ang Bibliya, nararamdaman ko ang epekto nito. Ang aking isipan ay kusang bumabalik sa pag-iisip ng negatibong mga bagay. Ang pagbabasa ng Bibliya ang nagbigay sa akin ng espirituwal na pagkain na kailangan ko upang makayanan ko ang bawat araw.”
Kung ikaw ay namatayan—lalo na ang kamatayan ng isang minamahal—ang pagbabasa sa brosyur na Kapag Namatay ang Iyong Minamahal * ay maaaring maging lubhang nakaaaliw. Gumugol ng panahon na basahin at bulay-bulayin ang lahat ng nabanggit na kasulatan. Bulay-bulayin din ang pag-asa hinggil sa pagkabuhay-muli. “Literal kong nakikini-kinita ang pagbabalik ng aking ina mula sa pagkabuhay-muli,” ang sabi ni Loraine. “Naguguniguni ko na naririnig ko siyang nagsasabi: ‘Nandito na uli ako. Ano ang niluto mo ngayon para sa hapunan?’ Iyan ay magpapangiti sa akin.”
Ang pananalig kay Jehova sa panalangin ay makapagbibigay rin sa iyo ng lakas na kailangan mo upang mabata ang pinakamasaklap na mga trahedya. Nagunita ni Loraine: “Nasa silid ako nang malagutan ng hininga ang aking ina. Agad kong hiniling kay Jehova na bigyan ako ng lakas upang mabata at makayanan ito. Kaagad ko namang naramdaman ang kapayapaan ng Diyos.” Maging espesipiko sa iyong mga panalangin kay Jehova. Ipaalam mo sa kaniya kung ano talaga ang nararamdaman mo. “Sa harap niya ay ibuhos ninyo ang inyong puso,” ang paghimok ng salmista.—Awit 62:8.
Habang lumilipas ang panahon, malamang na lulubha pa ang kabagabagan sa lupa. (2 Timoteo 3:13) Gayunman, nangangako ang Bibliya: “Ang mga manggagawa ng kasamaan ay lilipulin . . . Ngunit ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Awit 37:9-11, 29) Ang pangungunyapit sa pag-asang ito ay tutulong sa iyo na matagumpay na makayanan ang mga trahedya.
[Mga talababa]
^ par. 3 Binago ang ilang pangalan.
^ par. 6 Ayon sa mga eksperto sa kalusugan ng isip, maaaring kasali sa gayong mga sintomas ang pagkamanhid ng emosyon, bangungot, pagbubukod sa sarili, paghinto sa normal na mga gawain, at pagkadama ng pagkakasala at galit.
^ par. 9 Bagaman ang artikulong ito ay espesipikong tumatalakay sa malakihang trahedya, ang payo ay maaari ring kumapit sa personal na mga trahedya, tulad ng pagkamatay ng isang minamahal.
^ par. 12 Para sa pagtalakay kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang kabalakyutan, tingnan ang kabanata 7 ng aklat na Sambahin ang Tanging Tunay na Diyos, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ par. 14 Tingnan ang “Questions From Readers” sa The Watchtower ng Disyembre 1, 1974.
^ par. 18 Sa mga kaso ng labis na pagkabagabag ng emosyon o panlulumo, malamang na kakailanganin ang medikal na atensiyon.
^ par. 22 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 14]
Marahil isang katalinuhan na limitahan ang iyong pagkahantad sa nakababagabag na mga larawan sa media