Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagtulong Ito ay isang maikling liham upang ipaalam sa inyo na lubha kong pinahahalagahan ang artikulong “Pagpapakita ng Pag-ibig—Isang Matagalang Pagtulong.” (Nobyembre 22, 2002) Nang magsimula ang mga pagbaha sa Houston, Texas, noong Hunyo 2002, ang kapatid kong lalaki ay nasa ospital at walang malay dahil sa congestive heart failure. Halos nawasak ng tubig-baha ang kaniyang tahanan. Ngunit bagaman wala pa siyang malay-tao, sinimulang ayusin ng mga kapatid na Kristiyano ang kaniyang tahanan—inalis ang basang alpombra at drywall at dinisimpekta ang kaniyang bahay. Dahil sa kanilang tulong, nabantayan ko ang aking kapatid na lalaki sa ospital. Hindi nagtagal at nagkamalay rin siya. Ang pag-ibig at pasasalamat na nadarama ko para kay Jehova at sa kaniyang kahanga-hangang organisasyon ay hindi kailanman maipahahayag sa isang maikling liham lamang.
P. H., Estados Unidos
Napakilos ako upang ipahayag ang aking pasasalamat sa napakagandang pribilehiyo na maging kaugnay ng gayong mapagmalasakit at maibiging kapatiran. Kapana-panabik malaman kung paano inilaan ng mga boluntaryo ang kanilang panahon at kakayahan at pananalapi upang tulungan ang mga biktima ng baha. Isa nga itong tunay na pagpapakita ng pag-ibig Kristiyano.
A. M., New Zealand
Kalayaan sa Relihiyon May nagbigay sa akin ng kopya ng Hunyo 22, 2002, isyu ng Gumising! na may artikulong “Isang Mapagparayang Kaharian sa Panahon ng Kawalan ng Pagpaparaya.” Yamang alam niya na isa akong Unitaryo, inisip niyang magiging interesado ako rito. Tama siya. Nagkolehiyo ako sa Estados Unidos at personal kong nakilala si Dr. Earl Morse Wilbur (sinipi sa artikulo). Dumalo rin ako ng maraming lektyur hinggil sa kasaysayan ng mga Unitaryo. Ngunit hindi ako mangangahas na gumawa ng ganito kakomprehensibong artikulo na tulad ng sa inyo!
M. M., Czech Republic
Nakabubulon Sa seksiyon na “Mula sa Aming mga Mambabasa” ng isyu ng Nobyembre 22, 2002, nagulat ako nang mabasa ko ang inyong sagot sa mambabasang sumulat tungkol sa mga hot dog na may panganib na makabulon sa mga batang musmos. May panganib din namang makabulon sa mga bata ang mga karot!
A. R., Estados Unidos
Sagot ng “Gumising!”: Nagpapasalamat kami sa komento ng mambabasang ito. Isang “newsletter” tungkol sa pangangalaga sa bata ang nagsabi: “Bagaman alam na alam na nakabubulon sa mga bata ang mga piraso ng mansanas, hilaw na mga ‘stick’ ng karot, mga ‘cookie’ at ‘popcorn,’ ang apat na pagkaing naging dahilan ng pinakamaraming kamatayan ay ang ‘hot dog,’ nuwes, matitigas na kendi at mga ubas.” Magkagayunman, nagbabala ang mga nangangalaga ng kalusugan na ang mga “stick” ng karot ay maaaring maging mapanganib sa mga sanggol na wala pang isang taóng gulang.
Pag-iimprenta ng Bibliya Salamat sa artikulong “Isang Kanlungan Para sa Pag-iimprenta ng Bibliya.” (Setyembre 8, 2002) Napakadali nang makakuha sa ngayon ng Bibliya sa ating sariling wika anupat puwede nating makalimutan ang ginawang mga pagsasakripisyo ng mga tao noon upang magkaroon nito. Ang pagbabasa sa artikulong ito ay nagpasidhi sa aking pagpapahalaga sa ating maibigin at makalangit na Ama at sa kaniyang pagmamalasakit na magkaroon ng Bibliya ang lahat ng tapat-pusong mga tao.
E. S., Brazil
Postpartum Depression Hindi ko maiwasang hindi sumulat bilang tugon sa artikulong “Napaglabanan Ko ang Postpartum Depression.” (Hulyo 22, 2002) May kakaiba rin akong naramdaman pagkasilang ko sa aking anak at nadama ko ang lahat ng inilarawan sa inyong artikulo. Nahihiya akong ipakipag-usap ito sa iba. Natakot pa nga ako na baka hindi ito maintindihan ng aking asawa. Kaya nagdusa akong mag-isa, anupat hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa akin. Kaylaking pasasalamat ko kay Jehova at sa inyo dahil sa tulong na ito! Bagaman maaari pa rin akong dumanas ng panlulumo paminsan-minsan, mas madali ko na itong makakayanan.
F. L., Belarus
[Picture Credit Line sa pahina 30]
Larawan: Houston Chronicle