Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Para ba sa mga Kristiyano ang Hipnotismo?

Para ba sa mga Kristiyano ang Hipnotismo?

“Huwag masusumpungan sa iyo ang sinumang . . . nanggagayuma sa iba sa pamamagitan ng engkanto.”​—DEUTERONOMIO 18:10, 11.

ANG hipnotismo ay naging paksa ng maraming debate at pagtatalo. * Maging ang mga eksperto sa larangang ito ay nahihirapang ipaliwanag ito. Karaniwan nang nauunawaan na ang hipnotismo ay isang kalagayan ng pagkawalang-ulirat, o pagkawalang-malay-tao. Gayunman, mas interesado ang maraming tao sa kung ano ang magagawa ng hipnotismo sa halip na kung ano talaga ito.

Nitong nakalipas na mga taon, karaniwan nang inirerekomenda ng mga manggagamot sa ilang lupain ang hipnotismo bilang isang paraan ng paggamot. Halimbawa, sinabi ng magasing Psychology Today: “Ang paggamot sa pamamagitan ng hipnotismo ay nagpapagaling sa mga sakit ng ulo, nagpapabawa sa paghilab sa panganganak, nakatutulong sa iyo na huminto sa paninigarilyo, maaaring humalili sa anestisya, at nagpapahusay sa kaugalian sa pag-aaral​—na pawang walang masasamang epekto.” Sa kabilang banda, iniuugnay ng marami ang hipnotismo sa espiritismo at okultismo.

Ano ba ang pangmalas ng Bibliya? Siyempre pa, hindi naman isang aklat na pangkalusugan ang Bibliya, at wala itong tuwirang sinasabi hinggil sa hipnotismo. Subalit ang mga simulaing masusumpungan sa Salita ng Diyos ay makatutulong sa atin upang matiyak ang pangmalas ng Diyos.

Hipnotismo at Okultismo​—Magkaugnay ba Ito?

Haka-haka lamang ba ng iba ang sinasabing kaugnayan ng hipnotismo at okultismo? Baka itinataguyod pa nga sa maalamat na mga kuwento sa mga pelikula at nobela ang ideyang ito, subalit may tunay na saligan ang kaugnayan ng hipnotismo at espiritismo. May kinalaman sa hipnotismo, ganito ang paliwanag ng Encyclopedia of Occultism and Parapsychology: “Ipinakikita ng kasaysayan nito na may malapit na kaugnayan ito sa okultismo.” Karaniwan nang itinuturing na isang anyo ng hipnotismo ang pagkawala ng diwa na ginagawa sa relihiyosong paraan, na naging bahagi ng panggagaway at madyik sa buong kasaysayan. Ginawa rin ng mga pari ng sinaunang Ehipto at Gresya ang isang uri ng hipnotismong kalagayan kapag nanggagamot ng mga sakit sa ngalan ng kanilang huwad na mga diyos.

Sinabi ng ensayklopidiya na sinipi sa itaas: “Maging sa ngayon, ang marami sa ginagawang paghihipnotismo ay inuri bilang ‘Espiritismo.’ ” Bagaman mahirap tiyakin kung hanggang saan nauugnay ang iba’t ibang anyo ng hipnotismo sa okultismo, ang totoo ay maliwanag na hinahatulan ng Diyos ang lahat ng uri ng espiritismo. (Deuteronomio 18:9-12; Apocalipsis 21:8) Kaya hindi maaaring ipagwalang-bahala ng mga Kristiyano ang di-makakasulatang mga aspekto ng hipnotismo.

Epekto sa Paggawi

Kumusta naman ang epekto ng hipnotismo sa isip at paggawi ng isang tao? May mga panganib bang nasasangkot? Ang isang makatuwirang pagkabahala ay na maaaring walang gaanong kontrol sa kaniyang paggawi ang isang tao kapag siya’y nahipnotismo. Ito ang ginagawa ng mga hipnotisador na nagpapalabas sa entablado, anupat inuutusan ang mga boluntaryo na gawin ang mga bagay na karaniwang hindi nila ginagawa, anupat nagmumukha pa nga silang lasing.

Ganito ang sabi ng The Encyclopedia Americana hinggil sa hipnotismo sa mga palabas sa publiko: “Madali pa ngang maging sunud-sunuran ang isang nahipnotismo sa di-halatang mga ipinagagawa ng hipnotisador, anupat posible na ngayong gawin ng nahipnotismo ang kaniyang mas nakatagong mga pagnanasa, at samantalang nasa kalagayang nahipnotismo ang isang tao, madarama ng isa na nawala ang lahat ng kaniyang pagpipigil sa paggawi sa iba at sa sarili niya.” Sinabi ng Collier’s Encyclopedia: “Nadarama ng nahipnotismo na buhos na buhos ang kaniyang atensiyon sa ginagawa niyang bagay, anupat labis niyang pinagbubuhusan ng pansin ang ipinag-uutos ng hipnotisador at nagiging sunud-sunuran sa mga ipinagagawa sa kaniya.”

Hindi nga ba ito nakasasama? Mabuti kaya para sa isang tunay na Kristiyano na hayaang maimpluwensiyahan ng iba ang kaniyang isipan sa pamamagitan ng pagsunod sa ipinagagawa ng hipnotisador? Magiging salungat ito sa payo ni apostol Pablo: “Iharap ninyo ang inyong mga katawan na isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos, isang sagradong paglilingkod taglay ang inyong kakayahan sa pangangatuwiran. At huwag na kayong magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay, kundi magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.”​—Roma 12:1, 2.

Ang isa kayang Kristiyano ay ‘makapagtataglay ng isang mabuting budhi,’ kung magpapasailalim siya sa isang kalagayang hindi niya lubusang kontrolado ang kaniyang isipan o mga pagnanasa o maging ang kaniyang mga ikinikilos? (1 Pedro 3:16) Ang Bibliya ay nagpapayo: “Ang bawat isa sa inyo ay dapat makaalam kung paano susupilin ang kaniyang sariling sisidlan sa pagpapabanal at karangalan.” (1 Tesalonica 4:4) Maliwanag, mahahadlangan ng hipnotismo ang kakayahan ng isa na sundin ang payong iyon.

Isang Pag-asa Para sa Sakdal na Kalusugan

Hinggil sa mga nabanggit nang simulain sa Bibliya, iniiwasan ng mga Saksi ni Jehova ang mga pamamaraan na nagsasangkot ng hipnotismo o paghihipnotismo sa sarili. Sinusunod nila ang payo sa Deuteronomio 18:10, 11: “Huwag masusumpungan sa iyo ang sinumang . . . nanggagayuma sa iba sa pamamagitan ng engkanto.” Para sa mga pinahihirapan ng mga karamdaman, maraming iba pang paraan ng paggamot na hindi naghahantad sa isa sa mga panganib ng okultismo o nagpapahintulot na makontrol ng iba ang isipan ng isa.

Sa pag-iwas sa mga gawain na salungat sa mga simulain ng Bibliya, maaaring magkaroon ang mga Kristiyano ng pag-asa na mabuhay magpakailanman sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos. Sa gayon, masisiyahan ang sangkatauhan sa sakdal na kalusugan ng katawan at isip nang hindi gumagamit ng hipnotismo.​—Apocalipsis 21:3, 4.

[Talababa]

^ par. 4 Ang hipnosis ay binigyang-katuturan bilang “isang kalagayan na parang tulog na karaniwang nasa ilalim ng impluwensiya ng ibang tao anupat ang isang hinihipnotismo ay nakalilimot o nakokontrol ang alaala, nagkakaroon ng halusinasyon, at nagiging sunud-sunuran sa hipnotisador.”​—The American Heritage Dictionary.