Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pinsalang Idinudulot ng Pornograpya

Ang Pinsalang Idinudulot ng Pornograpya

Ang Pinsalang Idinudulot ng Pornograpya

ANG lahat ng uri ng materyal tungkol sa sekso ay madaling makikita sa telebisyon, pelikula, music video, at sa Internet. Ang walang-tigil bang panghihimasok na ito ng pornograpiko at seksuwal na mga larawan sa isipan ay di-nakapipinsala, gaya ng nais ng iba na paniwalaan natin? *

Ang mga Epekto ng Pornograpya sa mga Adulto

Sa kabila ng sinasabi ng mga tagapagtanggol nito, ang pornograpya ay may lubhang negatibong epekto sa mga pangmalas ng tao hinggil sa sekso at seksuwal na paggawi. Ang mga mananaliksik sa National Foundation for Family Research and Education ay nagsabi na ang “pagkahantad sa pornograpya ay naglalagay sa mga manonood sa higit na panganib na magkaroon ng mga tendensiyang lumihis sa normal na seksuwal na paggawi.” Ayon sa ulat na iyon, “ang sabi-sabi hinggil sa panghahalay (paniniwala na ang mga babae ang nag-uudyok at nasisiyahan sa panghahalay, at na normal ang mga manghahalay) ay napakalaganap sa mga lalaking nakaugaliang gumamit ng pornograpya.”

Sinasabi ng ilang mananaliksik na ang paulit-ulit na paggamit ng pornograpya ay makahahadlang sa kakayahang masiyahan at makibahagi sa normal at matalik na ugnayang pangmag-asawa. Napansin ni Dr. Victor Cline, isang espesyalista sa paglunas ng pagkasugapa sa sekso, na nagiging paulit-ulit at madalas ang paggamit ng pornograpya. Kung hindi ito babantayan, ang di-sinasadyang panonood ng pornograpya sa simula ay sa kalaunan, maaaring umakay sa panonood ng mas grabe at di-normal na materyal. Ito, ayon sa kaniya, ay maaaring umakay sa likong mga gawa sa sekso. Sumasang-ayon ang mga siyentipikong nag-aaral ng paggawi ng tao. Iniulat ni Dr. Cline na “anumang anyo ng paglihis sa normal na paggawi sa sekso ay maaaring makuha sa ganitong paraan . . . at na hindi ito maaalis kahit ng matinding panunumbat ng sariling budhi.” Sa kalaunan, maaaring sikapin ng manonood na isagawa ang salig sa pornograpya at imoral na mga pantasya, na kadalasa’y may nakapipinsalang mga resulta.

Ang landasin ng problemang ito ay maaaring unti-unti at di-namamalayan, ang konklusyon ni Cline. Sinabi niya: “Tulad ng kanser, patuloy itong lumalaki at lumalaganap. Bihirang tumigil ito sa paglaganap, at napakahirap nitong gamutin at pagalingin. Ang pagkakaila ng sugapang lalaki at pagtangging harapin ang problema ay karaniwang mga reaksiyong inaasahan, at kadalasang umaakay sa di-pagkakasundo ng mag-asawa, kung minsan sa pagdidiborsiyo, at kung minsan sa pagkasira ng ibang matatalik na ugnayan.”

Ang Pinsala sa mga Kabataan

Ipinakikita ng estadistika na ang pangunahing mga gumagamit ng pornograpya ay mga kabataang lalaki mula edad 12 hanggang 17. Sa katunayan, para sa marami, ang pornograpya ang pangunahing pinagmumulan ng kanilang edukasyon sa sekso. May nakababahalang mga resulta ito. “Ang pagdadalang-tao ng mga tin-edyer at ang sakit na naililipat sa pagtatalik tulad ng AIDS,” ang sabi ng isang ulat, “ay hindi kailanman ipinakikita sa pornograpya, anupat nagbibigay ng maling paniwala na walang masasamang resulta ang mga paggawing makikita sa pornograpya.”

Sinasabi ng ilang mananaliksik na ang pagkakahantad sa pornograpya ay makaaapekto rin sa likas na pagsulong ng utak ng bata. Ganito ang sabi ni Dr. Judith Reisman, presidente ng Institute for Media Education: “Ang mga obserbasyon kung paano nakaaapekto sa kalusugan ng sistema ng nerbiyo ang kusang pagtugon ng utak sa pornograpikong mga larawan at tunog ay nagpapakita na ang panonood ng pornograpya ay nagdudulot ng biyolohikal na pagbabago sa utak na sumusupil sa kakayahan nitong unawain at tanggapin ang isang bagay​—at iyan ay nakapipinsala sa [nahuhubog] na ‘plastik’ na utak ng mga bata sapagkat isinasapanganib nito ang kanilang pagkaunawa sa realidad at ang kanilang mental at pisikal na kalusugan, ang kanilang kapakanan at ang kanilang paghahanap ng kaligayahan.”

Ang mga Epekto sa mga Ugnayan

Ang pornograpya ay humuhubog sa mga saloobin at nakaaapekto sa paggawi. Ang mga mensahe nito ay pangunahin nang nakaaakit dahil sa pantasya ang mga ito at sa gayo’y inihaharap na mas kapana-panabik kaysa sa tunay na buhay. (Tingnan ang kahong “Aling Mensahe ang Tatanggapin Mo?”) “Ang mga indibiduwal na gumagamit ng pornograpya ay nagkakaroon ng di-realistikong mga inaasahan na umaakay sa nasirang mga ugnayan,” ang sabi ng isang ulat.

Ang pornograpya ay makasisira ng tiwala at pagkamatapat, na mahahalagang katangian sa pag-aasawa. Yamang pangunahin nang pinanonood ito nang lihim, ang paggamit ng pornograpya ay kadalasang umaakay sa panlilinlang at pagsisinungaling. Nakadarama ang mga asawa na sila’y pinagtaksilan. Hindi nila maunawaan kung bakit hindi na sila kaakit-akit sa kanilang mga asawa.

Pinsala sa Espirituwal

Ang paggamit ng pornograpya ay nagdudulot ng malubhang pinsala sa espirituwal. Maaari itong maging tunay na hadlang sa isang indibiduwal na nagnanais magkaroon ng kaugnayan sa Diyos. * Iniuugnay ng Bibliya ang pita sa sekso sa kaimbutan at idolatriya. (Colosas 3:5) Gayon na lamang ang pag-iimbot ng isang tao sa isang bagay anupat nagiging pangunahing bahagi na ito ng kaniyang buhay at nahihigitan na nito ang iba pang mga bagay. Sa diwa, inuuna ng mga sugapa sa pornograpya ang kanilang seksuwal na pagnanasa kaysa sa Diyos. Sa gayo’y ginagawa nilang idolo ito. Ang utos ng Diyos na Jehova ay nagsasabi: “Huwag kang magkakaroon ng iba pang mga diyos laban sa aking mukha.”​—Exodo 20:3.

Sinisira ng pornograpya ang maibiging mga ugnayan. Hinimok ni apostol Pedro, na isa ring may-asawang lalaki, ang mga Kristiyanong asawang lalaki na pag-ukulan nila ng karangalan ang kani-kanilang asawa. Masusumpungan ng isang asawang lalaki na hindi gumagawa niyan na ang kaniyang mga panalangin sa Diyos ay nahahadlangan. (1 Pedro 3:7) Magiging marangal ba ang pakikitungo ng isa sa kaniyang asawang babae kung palihim naman siyang nanonood ng mahahalay na larawan ng mga babae? Ano ang madarama ng asawang babae kapag natuklasan niya ito? At ano ang iisipin ng Diyos na magdadala ng ‘kahatulan sa bawat uri ng gawa’ at ‘sumusukat sa mga espiritu’? (Eclesiastes 12:14; Kawikaan 16:2) Maaasahan pa kaya ng isa na gumagamit ng pornograpya na pakikinggan ng Diyos ang kaniyang mga panalangin?

Ang paggigiit sa pagpapalugod sa sarili anuman ang kapalit ay likas na sa paggamit ng pornograpya. Kaya naman, ang panonood ng pornograpya ay di-maibigin. Pinahihina nito ang pakikipagpunyagi ng isang Kristiyano na mapanatili ang kalinisan at malinis na katayuan sa moral sa harap ng Diyos. “Ito ang kalooban ng Diyos,” ang isinulat ni apostol Pablo, “na umiwas kayo sa pakikiapid; na ang bawat isa sa inyo ay dapat makaalam kung paano susupilin ang kaniyang sariling sisidlan sa pagpapabanal at karangalan, hindi sa mapag-imbot na pita sa sekso . . . , upang walang sinumang umabot sa punto ng pamiminsala at manghimasok sa mga karapatan ng kaniyang kapatid.”​—1 Tesalonica 4:3-7.

Pantangi nang sinasamantala ng pornograpya ang mga babae at mga bata. Hinahamak sila nito at inaalisan ng dignidad at mga karapatan. Ang isa na gumagamit ng pornograpya ay nakikibahagi at sumusuporta sa pagsasamantalang iyan. “Gaanuman kahusay ang isang . . . lalaki ayon sa palagay niya,” ang sabi ng mga mananaliksik na sina Steven Hill at Nina Silver, “ang kaniyang tahimik na pagsang-ayon sa pornograpya ay nagpapangyari sa kaniya na maging isang indibiduwal na [di-sensitibo] sa pinakamainam na kalagayan, at isang indibiduwal na napopoot sa mga babae sa pinakamasamang kalagayan, sa mismong indibiduwal na sinasabi niyang minamahal niya.”

Paglaya sa Bisyo ng Pornograpya

Paano kung sa kasalukuyan ay nakikipagpunyagi ka sa pagkasugapa sa pornograpya? May magagawa ba para makalaya? Ang Bibliya ay nagbibigay ng pag-asa! Bago nila nakilala si Kristo, ang ilan sa sinaunang mga Kristiyano ay dating mga mapakiapid, mangangalunya, at sakim na mga tao. “Ngunit hinugasan na kayong malinis,” ang sabi ni Pablo. Paano iyon naging posible? Sumagot siya: “Pinabanal na kayo . . . sa espiritu ng ating Diyos.”​—1 Corinto 6:9-11.

Huwag kailanman mamaliitin ang kapangyarihan ng banal na espiritu ng Diyos. “Ang Diyos ay tapat,” ang sabi ng Bibliya, “at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo.” Tunay nga, maglalaan siya ng daang malalabasan. (1 Corinto 10:13) Ang marubdob na pananalangin​—walang-tigil na paghaharap sa Diyos ng iyong mga problema​—ay magdudulot ng maiinam na resulta. Ang kaniyang Salita ay nagpapasigla: “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo.”​—Awit 55:22.

Sabihin pa, kailangan mong kumilos kasuwato ng iyong mga panalangin. Kailangan mong gumawa ng kusang-loob at tapat-pusong pasiya na tanggihan ang pornograpya. Ang isang pinagkakatiwalaang kaibigan o miyembro ng pamilya ay maaaring makapagbigay ng napakahalagang tulong, anupat naglalaan ng kinakailangang suporta at pampatibay-loob upang makapanatili ka sa iyong pasiya. (Tingnan ang kahong “Paghingi ng Tulong.”) Ang pag-alaala na tiyak na magpapalugod sa Diyos ang gayong pagkilos ay makatutulong sa iyo na manatili sa iyong landasin. (Kawikaan 27:11) Bukod diyan, ang pagkaalam na masasaktan ang Diyos sa panonood mo ng pornograpya ay magsisilbi ring karagdagang pangganyak upang talikdan na ito. (Genesis 6:5, 6) Hindi ito magiging isang madaling pakikipagpunyagi, ngunit isang pakikipagpunyagi na mapagtatagumpayan. Ang bisyo ng pornograpya ay kayang daigin!

Ang mga panganib ng paggamit ng pornograpya ay totoo. Ito ay nakapipinsala at nakasisira. Pinasasamâ nito yaong mga gumagawa at yaong mga gumagamit nito. Isa itong insulto sa mga lalaki at mga babae, isang panganib sa mga bata, at isang gawaing dapat itakwil.

[Mga talababa]

^ par. 2 Para sa detalyadong pagtalakay sa mga panganib ng pornograpya sa Internet, pakisuyong tingnan ang serye ng mga artikulo na pinamagatang “Pornograpya sa Internet​—Anong Pinsala ang Magagawa Nito?” sa Hunyo 8, 2000, isyu ng Gumising! pahina 3-10.

^ par. 14 Para sa pagtalakay sa pangmalas ng Bibliya sa pornograpya, pakisuyong tingnan ang Hulyo 8, 2002, isyu ng Gumising! pahina 19-21.

[Kahon/Larawan sa pahina 10]

Paghingi ng Tulong

Ang pakikipagpunyagi upang makalaya sa pornograpya ay hindi dapat maliitin; maaari itong maging isang mahirap na pakikipaglaban. Ganito ang sabi ni Dr. Victor Cline, na gumamot sa daan-daang sugapa sa sekso: “Hindi sapat ang mga pangako. Walang kabuluhan ang mabubuting intensiyon. Hindi talaga ito kaya [ng isang sugapa sa sekso] nang mag-isa.” Ang isang kahilingan sa matagumpay na paggagamot, ayon kay Cline, ay ang isangkot ang asawa, kung may asawa ang indibiduwal. “Mas mabilis ang paggaling kung kapuwa sila kasangkot,” ang sabi niya. “Kapuwa sila nasugatan. Kapuwa sila nangangailangan ng tulong.”

Kung walang asawa ang indibiduwal, kadalasan ang isang pinagkakatiwalaang kaibigan o miyembro ng pamilya ay maaaring maging haligi ng kalakasan. Sinuman ang kasangkot sa paggagamot, si Cline ay may isang di-nababagong alituntunin: Malayang ipakipag-usap ang problema at anumang naulit na pagkakagawa nito. “‘Papatayin ka’ ng paglilihim,” ang sabi niya. “Lumilikha ang mga ito ng kahihiyan at paninisi sa sarili.”

[Chart sa pahina 9]

Aling Mensahe ang Tatanggapin Mo?

Ang Mensahe ng Pornograpya Ang Pangmalas ng Bibliya

◼ Ang pakikipagtalik ◼ “Maging marangal nawa ang

sa sinuman, sa anumang pag-aasawa sa gitna ng lahat,

panahon, sa anumang at maging walang dungis ang

kalagayan, at sa higaang pangmag-asawa,

anumang paraan ay sapagkat hahatulan ng Diyos

mabuti at walang ang mga mapakiapid at mga

masamang epekto. mangangalunya.”​Hebreo 13:4.

 

“Siya na namimihasa sa

pakikiapid ay nagkakasala

laban sa kaniyang sariling

katawan.”​1 Corinto 6:18;

tingnan din ang Roma 1:26, 27.

◼ Ang pag-aasawa ◼ “Magsaya ka sa asawa ng

ay isang hadlang sa iyong kabataan . . . Sa

seksuwal na kasiyahan. kaniyang pag-ibig ay lagi ka

nawang magtamasa ng masidhing

ligaya.”​Kawikaan 5:18, 19;

tingnan din ang Genesis 1:28;

2:24; 1 Corinto 7:3.

◼ Ang mga babae ay ◼ “Gagawa ako [ang Diyos

may iisang layunin lamang​ na Jehova] ng isang katulong

​—upang bigyang-kasiyahan para sa kaniya, bilang

ang seksuwal na pangangailangan kapupunan niya.”​—Genesis 2:18;

ng mga lalaki. tingnan din ang Efeso 5:28.

◼ Ang mga lalaki at ◼ “Patayin ninyo, kung gayon,

mga babae ay mga alipin ang mga sangkap ng inyong

ng kanilang mga simbuyo katawan na nasa ibabaw ng

sa sekso. lupa may kinalaman sa

pakikiapid, karumihan, pita

sa sekso, nakasasakit na

pagnanasa, at kaimbutan, na

siyang idolatriya.”​Colosas 3:5.

 

“Ang bawat isa sa inyo ay dapat

makaalam kung paano susupilin

ang kaniyang sariling sisidlan

sa pagpapabanal at karangalan.”

​—1 Tesalonica 4:4.

 

Ituring ang ‘matatandang babae

bilang mga ina, ang mga

nakababatang babae bilang mga

kapatid na babae nang may buong

kalinisan.’​1 Timoteo 5:1, 2;

tingnan din ang 1 Corinto 9:27.

[Larawan sa pahina 7]

Sinasabi ng ilang mananaliksik na ang pagkakahantad sa pornograpya ay makaaapekto sa likas na pagsulong ng utak ng bata

[Larawan sa pahina 8]

Ang pornograpya ay makasisira ng tiwala at pagkamatapat sa pag-aasawa

[Larawan sa pahina 10]

Ang marubdob na pananalangin ay magdudulot ng maiinam na resulta