Bakit Napakalaganap ng Pornograpya?
Bakit Napakalaganap ng Pornograpya?
ANG malaswang materyal na dinisenyo para pukawin ang seksuwal na damdamin ay umiral libu-libong taon na ang nakalilipas. Ngunit sa kalakhang bahagi ng kasaysayan nito, mahirap gumawa ng pornograpikong materyal at sa gayon ay pangunahin nang makukuha lamang ito ng mayayaman at mga namamahala. Binago ng maramihang pag-iimprenta at pagkaimbento ng potograpiya at ng pelikula ang lahat ng iyan. Ang pornograpya ay mabibili at makukuha na ng di-gaanong mayayaman.
Pinalawak ng pagkagawa ng videocassette recorder ang kalakarang ito. Di-tulad ng rolyo ng pelikula at lumang mga larawan, ang mga videocassette ay mas madaling itago, kopyahin, at ipamahagi. Puwede rin itong panoorin nang pribado sa tahanan. Kamakailan lamang, naging lalong madaling makapanood ng pornograpya dahil sa paglaganap ng mga cable system at Internet. Ang gumagamit nito na natatakot na makita ng kaniyang kapitbahay na siya’y nasa seksiyong pang-adulto sa isang tindahan ng video ay maaari na ngayong “manatili sa bahay at mag-order nito sa pamamagitan ng pagpindot sa buton sa kaniyang cable system, o sa kaniyang direct TV,” ang sabi ng analista sa media na si Dennis McAlpine. Ang pagiging madaling makapanood ng ganitong uri ng programa ay, ayon kay McAlpine, naging dahilan upang “maging higit na katanggap-tanggap ito.”
Naging Katanggap-tanggap ang Pornograpya
Magkakaiba ang damdamin ng marami hinggil sa pornograpya dahil naging katanggap-tanggap na ito sa ngayon. “Di-hamak na mas malaki na ang impluwensiya nito sa ating kultura kaysa sa lahat ng pinagsama-samang opera, ballet, teatro, musika at magagandang sining natin,” ang sabi ng manunulat na
si Germaine Greer. Ang modernong saloobin hinggil sa pornograpya ay maaaring makita sa mga moda na ‘uso sa mga nagbebenta ng aliw’ na isinusuot ng maraming kilaláng tao, sa mga music video na lalong nagbibilad ng seksuwal na mga larawan sa isipan, at sa ginagamit ng media sa pag-aanunsiyo na tinatawag na “porno aesthetic.” Ganito ang sabi ni McAlpine: “Tinatanggap ng lipunan ang ipinakakain sa kaniya. . . . Iyan ang tumutulong sa paglikha ng ideya na ang lahat ng ito ay mabuti.” Bunga nito, “ang mga tao ay waring hindi na nakadarama ng pagkasuklam,” ang hinagpis ng awtor na si Andrea Dworkin. “Para bang wala na silang pakialam.”Ang Layunin ng Pornograpya
Sa pagpapahayag ng kaisipang katulad ng mga komento ng awtor na si Dworkin, sinabi ng retiradong FBI agent na si Roger Young na “hindi talaga nakikita [ng maraming tao] ang malulubhang epekto ng kahalayan at ang mga problemang idinudulot nito.” Ang ilan ay naiimpluwensiyahan ng mga nagtatanggol sa pornograpya, na nagsasabing walang katibayan na may masamang epekto sa mga tao ang pornograpikong mga larawan. “Ang pornograpya ay pantasya lamang,” ang isinulat ng awtor na si F. M. Christensen, “isang katotohanan na nahihirapang intindihin ng mga kumokontra rito.” Pero kung walang epekto ang pantasya, saan kung gayon nakabatay ang industriya ng pag-aanunsiyo? Bakit gugugol ang mga korporasyon ng milyun-milyong dolyar sa paggawa ng mga patalastas, video, at nakalimbag na anunsiyo kung ang mga ito ay walang namamalaging epekto sa mga tao?
Ang totoo, tulad ng lahat ng matagumpay na pag-aanunsiyo, ang pangunahing layunin ng pornograpya ay lumikha ng mga pagnanasa na wala naman dati. “Ang pornograpya ay tungkol lamang sa pagkita ng pera at wala nang iba pa,” ang isinulat ng mananaliksik na sina Steven Hill at Nina Silver. “At sa pamilihang ito na walang kontrol, ang anumang bagay ay puwedeng samantalahin at gamitin upang
kumita, lalo na ang mga katawan ng mga babae at seksuwal na ugnayan ng mga tao.” Inihambing ni Greer ang pornograpya sa lubhang nakasusugapang fast food, na walang sustansiya at may halong mga rekado at kemikal na pampalasa. “Ang komersiyal na fast sex,” ang sabi niya, “ay di-totoong sekso . . . Ang mga anunsiyo ng pagkain ay nagbebenta ng pagkain na nagpapalugod lamang sa panlasa, at ang mga anunsiyo ng sekso ay nagbebenta ng sekso na nagpapalugod lamang sa mata.”Sinasabi ng ilang doktor na ang pornograpya ay makapagpapasimula ng isang pagkasugapa na mas mahirap mapagtagumpayan kaysa sa pagkasugapa sa droga. Ang paggagamot sa mga sugapa sa droga ay kadalasang nagsisimula sa pamamagitan ng detoxification upang maalis ang mga substansiya sa katawan. Ngunit ang pagkasugapa sa pornograpya, ang paliwanag ni Dr. Mary Anne Layden ng University of Pennsylvania, “ay gumagawa ng mental na mga larawan na permanenteng naitatanim sa isip ng gumamit nito at nagiging bahagi ng kemistri ng utak.” Iyan ang dahilan kung bakit malinaw na naaalaala ng mga indibiduwal ang pornograpikong mga larawan mula sa nakalipas na mga taon. Nagtapos siya: “Ito ang kauna-unahang nakasusugapang substansiya na walang pag-asa sa detoxification.” Ngunit nangangahulugan ba iyan na imposibleng makalaya mula sa impluwensiya ng pornograpya? At anong espesipikong pinsala ang naidudulot ng pornograpya?
[Kahon sa pahina 5]
Mga Impormasyon Tungkol sa Pornograpya sa Internet
◼ Mga 75 porsiyento ng pornograpya sa Internet ay nagmumula sa Estados Unidos. Halos 15 porsiyento ang nagmumula sa Europa.
◼ Tinatayang mga 70 milyong tao bawat linggo ang nagbubukas ng pornograpikong mga Web site. Mga 20 milyon sa mga gumagamit na ito ay nasa Canada at Estados Unidos.
◼ Isiniwalat ng isang pag-aaral na sa loob ng isang buong buwan kamakailan, ang Alemanya ang may pinakamaraming manonood ng pornograpya sa Internet sa Europa, na sinundan ng Gran Britanya, Pransiya, Italya, at Espanya.
◼ Sa Alemanya, ang mga gumagamit ng pornograpya sa Internet ay gumugugol ng katamtamang 70 minuto bawat buwan sa panonood sa pornograpikong mga site.
◼ Sa mga nanonood ng pornograpya sa Internet sa Europa, yaong mga lampas sa 50 taóng gulang ang gumugugol ng pinakamaraming oras sa pang-adultong mga Web site.
◼ Ayon sa isang pinagmumulan ng impormasyon, 70 porsiyento ng mga gumagamit ng pornograpya sa Internet ang gumagawa nito sa araw.
◼ Tinataya ng ilan na 100,000 site sa Internet ang may kalakip na materyal sa pornograpya hinggil sa mga bata.
◼ Mga 80 porsiyento ng komersiyal na pornograpya hinggil sa mga bata sa Internet ang nagmumula sa Hapon.
[Mga larawan sa pahina 4]
Naging mas madaling makakuha ng pornograpya