Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Mga Pating na Inaalisan ng Palikpik
Sinusuyod ng komersiyal na mga mangingisda sa buong daigdig ang mga karagatan para manghuli ng mga pating, inaalisan ang mga ito ng palikpik, at basta itinatapon sa dagat ang mga katawan nito. “Ang malupit na pag-aalis na ito ng palikpik ay udyok ng pangangailangan lamang sa napakamahal na sabaw [ng palikpik ng pating],” ang ulat ng Science News. Noong Agosto 2002, hinuli ng Coast Guard ng Estados Unidos ang isang bapor mula sa Hawaii sa baybayin ng Mexico pagkatapos matuklasan na may kargada itong 32 tonelada ng palikpik ng pating. Wala nang iba pang bahagi ng katawan ng pating ang natagpuan sa bapor. “Inilalarawan ng nakapangingilabot na kargadang ito ang pagpatay sa humigit-kumulang 30,000 pating at pagsasayang ng halos 580,000 kilo ng isda,” ang sabi ng magasin. “Sa buong daigdig, pumapatay ang mga plota ng mangingisda ng tinatayang 100 milyong pating taun-taon.” Palibhasa’y ibinebenta sa pamilihan ang mga palikpik ng pating sa napakamahal na halagang $200 bawat 450 gramo, hindi matugunan ang lumalaking pangangailangan para rito.
Pagsasaayos ng Oras
Nagkaroon ng konklusyon ang isang pag-aaral kamakailan na “niloloko lamang ng mga tao ang kanilang sarili kapag nagrereklamo silang kulang ang kanilang panahon,” ang ulat ng The Australian. Binanggit ng pahayagan ang isang pag-aaral na isinagawa ng University of New South Wales at Australian National University at ganito ang sabi: “Marami sa atin ang gumugugol ng mas maraming oras sa trabaho at gawaing-bahay kaysa sa talagang kinakailangan.” Kinalkula ng mga mananaliksik ang dami ng oras na kailangang ipagtrabaho ng mag-asawang nagtatrabaho na walang mga anak upang matustusan ang pangunahing mga pangangailangan sa buhay. Pagkatapos ay inihambing nila ang kinalkulang oras sa dami ng oras na talagang ginugugol nila sa mga gawaing iyon. Natuklasan ng pagsusuri na ang mga mag-asawang nagtatrabaho na walang anak “ay gumugol ng pinagsamang 79 na oras sa trabaho bawat linggo, 37 oras sa mga gawaing-bahay at 138 oras sa personal na mga bagay, subalit kailangan lamang nilang magtrabaho nang 20 oras bawat linggo [10 oras bawat isa], 18 oras para sa mga gawaing-bahay at gumugol ng 116 na oras sa personal na mga bagay [kasali na ang pagkain at pagtulog],” ang sabi ng pahayagan. Kung nakahanda ang mag-asawa na gawing simple ang kanilang buhay, magkakaroon sila ng karagdagang 100 libreng oras bawat linggo. Binanggit ng pag-aaral, ayon sa The Australian, na ang mga mag-asawang nagtatrabaho na walang mga anak “ay nagsasabi na sila ang pinakagipit sa oras, subalit ang totoo, sila sa lahat ng grupong sinuri ang hindi nakatali sa oras, yamang ang mga magulang ang higit na nagigipit sa oras.”
Dumarami ang May Diyabetis sa India
Tinataya ng World Health Organization na mahigit sa 170 milyon katao sa buong daigdig ang may diyabetis. Ang India ang bansang may pinakamaraming may diyabetis—32 milyon—at inaasahang aabot pa ang bilang na ito sa mahigit 57 milyon sa 2005, ang ulat ng pahayagang Deccan Herald. Sa isang internasyonal na konggreso hinggil sa diyabetis sa Asia, na ginanap sa Sri Lanka, binanggit ng mga dalubhasa ang pagkain at mga pagbabago sa istilo ng pamumuhay bilang pangunahing mga dahilan ng biglang pagdami na ito, kasama na ang kaigtingan, henetikong mga salik, kakulangan ng timbang sa pagsilang, at labis na pagpapakain sa mga bagong silang. Ang India ay isa sa may pinakamababang gastos sa paggamot ng diyabetis sa daigdig. Subalit nananatili pa ring mataas ang bilang ng mga komplikasyon at pagkamatay na nauugnay sa diyabetis, dahil na rin sa kawalan ng kabatiran at di-maagap na pagsusuri sa sakit. Ang pag-aaral na isinagawa sa malalaking lunsod sa India ay nagkaroon ng konklusyon na 12 porsiyento ng mga nasa hustong gulang ang may diyabetis at 14 na porsiyento naman ang may diperensiya sa paggamit ng kanilang katawan sa glucose, na kadalasang nangyayari muna bago magkaroon ng diyabetis.
Natrauma ang mga Tagapagbalita ng Digmaan
“Napakarami [na mga tagapagbalita ng digmaan] ang labis na natrauma dahil sa kanilang nasaksihan at naranasan,” ang sabi ng The New York Times. Nagkokomento ang pahayagan hinggil sa “isang pag-aaral sa [140] banyagang mga tagapagbalita mula sa anim na malalaking organisasyon sa balita na laging nag-uulat tungkol sa mga digmaan at iba pang armadong labanan.” Ipinaliwanag ng artikulo na “mas mataas ang tsansang magkaroon ng malalang panlulumo at post-traumatic stress disorder ang mga tagapagbalita ng digmaan kaysa sa [inihambing na grupo ng 107] mga reporter na hindi nag-uulat tungkol sa mga digmaan.” “Kasali [sa mga sintomas] ang pagbabalik ng mga alaala sa nakaraan, madalas na pagkabangungot, pagiging mayayamutin, kawalan ng kakayahang magpako ng isip at labis na pagiging alerto.” Isa pa, “iniulat na maraming problema sa pakikitungo sa ibang tao ang mga tagapagbalita, . . . kasali na ang kawalang-kakayahang makibagay sa ibang tao, pag-aatubiling makihalubilo sa mga kaibigan, suliranin sa mga ugnayan at pag-inom ng alak bilang pampakalma.” Sa katamtaman, ang mga lalaki’t babae na inobserbahan sa pag-aaral “ay gumugol ng 15 taon sa mga lugar na may digmaan kasali na ang Bosnia, Rwanda, Chechnya, Somalia at Afghanistan.”
Nagkakaedad na mga Taga-Europa
“Lalong pinaninindigan ng sinaunang Europa ang kahulugan ng pangalan nito,” ang ulat ng pahayagang Kastila na El País. Hindi kukulangin sa 20 porsiyento ng populasyon sa halos lahat ng bansa sa European Union ay mahigit nang 60 taóng gulang. Tinataya ng mga demograpo na pagsapit ng taóng 2050, makaaabot sa mahigit na 60 anyos ang 4 sa bawat 10 mamamayan sa ilang lupain, gaya ng Austria, Italya, at Espanya. Ang patuloy na pagtandang ito ng mga tao ay nangangailangan ng mga pagbabago sa lipunan at ekonomiya, ang sabi ng Second World Assembly on Aging, na ginanap sa Madrid, Espanya. Magiging mas magastos ang mga pensiyon at seguro sa kalusugan. Halimbawa, kailangang umupa ng mas may edad nang manggagawa ang mga nagpapatrabaho, magsaayos ng pabagu-bagong oras sa trabaho o mag-iskedyul ng trabaho para sa dalawang manggagawa, at gumawa ng mga kaayusan para sa iba’t ibang panahon ng pagreretiro. Isa pa, “yamang magiging mas kaunti ang mga kabataan, kailangang ituon ng mga kompanyang gustong umunlad ang kanilang mga serbisyo at produkto sa mga mas may edad na,” ang sabi ng negosyanteng Kastila na si Josep Maria Riera.
Higit na Kailangan Ngayon ang Edukasyon sa Sekso
Ayon sa opisyal na bilang sa Alemanya, mula 1996 hanggang 2001, dumami nang 60 porsiyento ang pagpapalaglag ng sanggol sa mga kabataang nasa edad na 15 hanggang 17 at dumami naman nang 90 porsiyento sa mga kabataang babae na mas bata pa rito, ang ulat ng Der Spiegel. Sinabi ni Norbert Kluge, ng University of Koblenz-Landau, na samantalang mas maagang nagdadalaga ang mga bata, hindi naman sila ‘wastong natuturuan ng mga bagay hinggil sa sekso—at lalo nang hindi ito naituturo sa mas maagang edad.’ Kailangang mabigyan ng tamang impormasyon ang mga bata hinggil sa sekso at pag-aanak bago pa man sila tumuntong sa edad na sampu, subalit maraming magulang ang umiiwas sa kanilang pananagutan, ang sabi ni Kluge. Ayon sa Berliner Morgenpost, pinapayuhan ng direktor ng Federal Parents Council sa Bonn ang mga magulang na higit na bigyang-diin ang mga paksa tungkol sa emosyon, gaya ng “pag-ibig at mga relasyon,” kapag tinuturuan nila ang kanilang mga anak hinggil sa sekso, sa halip na pagtuunan ng pansin ang pagsisiping.
Ang E-Mail at ang Pakikipagkapuwa-tao
Ayon sa dalawang mananaliksik, malamang na makikipag-usap ang mga empleado sa kanilang mga katrabaho sa opisinang nasa kaparehong palapag sa pamamagitan ng E-mail, na kanilang ginagawa rin sa mga katrabaho nila sa ibang lugar na may ibang oras, ang sabi ng pahayagang Globe and Mail ng Canada. Ganito ang sabi ni David Crystal, isang propesor ng lingguwistika sa University of Wales, hinggil sa epekto ng E-mail sa pakikipagkapuwa-tao: “Ang magkasabay na palitan ng impormasyon ay pangunahing bahagi ng pag-uusap,” at hindi ito nagagawa sa E-mail dahil may lumilipas na oras sa pagitan ng pagtanggap at pagsagot sa mensahe. Isa pa, maaaring solohin ng sumusulat ng E-mail ang pag-uusap nang walang sumasabad. “Ang kakayahang magsalitan sa pag-uusap,” ang sabi ng Globe, “ay mahalaga sa pakikipagkapuwa-tao.”
Dalawang Grupo ng mga Nerbiyo?
Ang mga tao ay pinagkalooban ng pantanging sistema ng nerbiyo upang madama ang pagmamahal at pagkamagiliw, ang ulat ng babasahin sa siyensiya sa Alemanya na Bild der Wissenschaft. Natuklasan ng mga siyentipikong Sweko na ang isang babaing nawalan ng pangunahing mga receptor sa kaniyang pandama ay nakadarama pa rin ng kasiya-siyang pakiramdam kapag hinahagod siya ng malambot na pinsil. Ayon sa kanilang natuklasan, ang kasiya-siyang pakiramdam na ito ay pinupukaw ng pangalawang grupo ng nerbiyo sa balat, na binubuo ng mga himaymay na mabagal makadama na tinatawag na mga tactile C fiber. Ang grupong ito ng mga nerbiyo ay tumutugon lamang sa banayad na haplos at pinagagana ang mga lugar sa utak na may kinalaman sa emosyon. Bilang komento kung bakit maaaring may dalawang magkaibang grupo ng mga nerbiyo ang mga tao, ang International Herald Tribune ay nagsabi: “Ang mga himaymay na mabagal tumugon ay gumagana sa pinakamaagang yugto ng buhay, marahil kahit sa sinapupunan pa lamang, samantalang ang mga himaymay na mabilis tumugon ay unti-unting nabubuo pagkasilang. Maaaring madama ng mga bagong silang ang haplos ng pagmamahal ng isang magulang bago pa man nila madama ang talagang haplos.”