Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Seville—Isang Pintuang-daan Patungo sa mga Lupain sa Amerika

Seville—Isang Pintuang-daan Patungo sa mga Lupain sa Amerika

Seville​—Isang Pintuang-daan Patungo sa mga Lupain sa Amerika

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ESPANYA

NOONG taon ng 1493, isang plota ng di-kukulangin sa 17 barko ang naglayag mula sa lunsod ng Cádiz sa Espanya. Pinasimulan ni Christopher Columbus ang kaniyang pangalawang paglalakbay para tumuklas ng mga lupain, kasama ang 1,500 magdaragat, abenturero, pari, at mananakop. Wala nang ibang layunin ang ekspedisyon kundi ang sakupin ang mga lupain sa Amerika.

Kasunod ng makasaysayang paglalakbay na ito, isa namang lunsod sa Espanya, ang Seville, ang naging isang pintuang-daan sa Bagong Daigdig. Di-nagtagal, ang Seville ay pinagkalooban ng hari ng pantanging karapatan na makipagkalakalan sa mga kolonya. Ang mga galeon ng Espanya ay naglalayag mula sa Seville at bumabalik na punung-puno ng pilak mula sa mga minahan ng Bolivia, Mexico, at Peru. Sa loob ng ilang dekada, ang lunsod ay naging isa sa pinakamalalaki at pinakamauunlad sa Europa. At makikita pa rin sa mga silid ng sinaunang mga gusali ng Seville ang mga alaala ng nakalipas na panahong iyon.

Upang organisahin ang mabilis na umunlad na pakikipagkalakalan sa Amerika, nagtayo ang Kastilang hari na si Philip II ng isang kahanga-hangang bulwagang pamilihan sa tabi ng Ilog Guadalquivir, kung saan maaaring magnegosyo ang mayayamang mangangalakal. (Nagreklamo ang arsobispo sa paggamit nila ng katedral sa layuning ito.) Pagkaraan ng dalawang siglo, ang mismong gusaling ito ang naging Archivo General de Indias, Pangkalahatang Artsibo ng Indies, at dito nakaimbak sa ngayon ang halos lahat ng rekord ng pananakop ng Espanya sa Bagong Daigdig. *

Ang mga naghahanap ng mga lumubog na galeon para makasumpong ng kayamanan ay nagpupunta pa rin sa artsibong ito sa Seville upang pag-aralan ang sinaunang mga rekord ng paglalayag. Gayunman, malamang na mas interesado ang mga istoryador na suriin ang ilang orihinal na mga sulat ni Christopher Columbus.

Isang Weather Vane at Isang Hardin ng Kahel

Gayunman, ang Seville ay may isa pang ginintuang panahon na naganap matagal pa bago natuklasan ang Amerika, at ang ilan sa mariringal na gusaling ito ay itinayo noong sinaunang panahong iyon. Sa loob ng ilang siglo, ang mga Moro​—na ang karamihan ay nanggaling sa Morocco​—ang namahala sa malalaking lugar ng Espanya. Noong ika-12 siglo, naging kabisera nito ang Seville sa ilalim ng dinastiya ng mga Almohad, at sa panahong ito itinayo ang isang moske na may minareteng nakatunghay pa rin sa makabagong lunsod.

Nang mapaalis ang mga Moro sa Seville, giniba ng mga mamamayan ang moske ng lunsod upang bigyang-daan ang katedral ng Seville, ang ikatlong pinakamalaking katedral sa Europa (larawan Blg. 1). Gayunman, nakapanghihinayang na sirain ang magandang minarete, kaya ito ang naging kampanaryo ng katedral, na itinayo sa tabi nito. Ang magagandang proporsiyon, masalimuot na pagkakalagay ng mga laryo, at ang magagarbong bintana ng tore ay kitang-kita at nakalulugod tingnan sa malaking katedral.

Mga 500 taon na ang nakalilipas, dahil sa pinsalang dulot ng lindol, muling kinumpuni ang itaas na bahagi ng tore, at isang bronseng weather vane (kasangkapang nagpapahiwatig ng direksiyon ng hangin o girimpula) ang pumalit sa orihinal na simburyo. Dahil sa weather vane na ito, ang minarete ay nagkaroon ng Kastilang pangalan na La Giralda (larawan Blg. 2), at ang tore ang naging pinakapamilyar na palatandaan ng Seville. Makikita rin ng malalakas ang pangangatawang mga panauhin na handang umakyat sa tuktok ng Giralda ang napakagandang tanawin ng lunsod.

Sa paanan ng tore ng katedral ay masusumpungan ang isang maliit na loobang Moro na bahagi ng orihinal na moske, ang Patio de los Naranjos. Ang loobang ito, na pinapalamutian ng mga hilera ng mga puno ng kahel, ay naging parisan ng maraming katulad na looban sa Andalusia. * At yamang masusumpungan din sa maraming lansangan at looban sa Seville ang mga hanay ng puno ng kahel, humahalimuyak ang mga bulaklak ng kahel sa buong lunsod kapag tagsibol. Nakapalibot pa rin sa lunsod ang mga kakahuyan ng puno ng kahel​—na unang dinala ng mga Moro sa Espanya​—at pinahahalagahan ang mga bunga nito dahil sa ginagawa itong palaman.

Simula’t sapol, ang Ilog Guadalquivir, na umaagos sa lunsod, ang pangunahing pinagmumulan ng komersiyo ng mga negosyante ng Seville. Dahil dito, ang lunsod ang naging pangunahing daungan ng Espanya para sa Bagong Daigdig, at ginagamit pa rin ng mga barko ang daungang ito na nasa loob ng bansa. Napalilibutan ng mga hardin ang mga pampang ng ilog na malapit sa sentro ng lunsod. At masusumpungan sa isang pampang ang isa pang alaala ng Seville noong panahon ng mga Moro, ang La Torre del Oro, ang Ginintuang Tore.​—Larawan Blg. 3.

Tinagurian ang tore ng gayon dahil noo’y nababalutan ito ng mga baldosang kulay ginto. Gayunman, ang pangunahing layunin nito ay magsilbing depensa sa halip na dekorasyon. Isang mabigat na kadena noon ang nakakabit mula sa Ginintuang Tore hanggang sa isang kakambal na tore na nasa kabilang pampang upang makontrol ng mga tagapagtanggol ang lahat ng dumaraan sa ilog. Naaangkop lamang na dito ibaba ng mga barko mula sa mga lupain ng Amerika ang kanilang ginto at pilak. Sa ngayon, ang mga bangkang panturista sa halip na mga galeon ang nagbababa ng mga dala nito sa tabi ng Ginintuang Tore.

Mga Hardin, Looban, at mga Baldosa

Ang mga Moro ay nagtayo ng mga palasyo at gayundin ng mga moske, at nagtanim sila ng mga hardin upang palamutian ang kanilang mga palasyo. Dahil dito, ipinagmamalaki ng Seville ang isa sa pinakamagagandang hardin ng palasyo sa Espanya, ang Reales Alcázares, ang Maharlikang Palasyo (larawan Blg. 4). Itinayo ang palasyo noong ika-12 siglo, bagaman malalaking pagbabago ang ginawa rito noong ika-14 na siglo. Gayunman, pinanatili ang istilo ng Moro rito, at ang mga panauhin ay talagang napahahanga sa magagandang dekorasyon ng mga silid at looban, lakip ang detalyadong mga arko, makukulay na baldosa, at masasalimuot na palitada.

Nakapalibot sa palasyo ang isang napakagandang hardin na punô ng mga bukal at puno ng palma. Nagtayo pa nga ang tagapamahalang Moro ng isang paagusan na 16 na kilometro ang haba upang matiyak na ang kaniyang hardin ay nadidiligan nang husto. Gayon na lamang kaganda ang palasyo at ang mga hardin nito anupat ginamit ito ng maharlikang pamilya ng Espanya bilang isa sa kanilang opisyal na tirahan sa loob ng nakalipas na 700 taon.

Kung paanong ang mga puno ng kahel ay nagbibigay ng lilim at halimuyak sa mga lansangan ng Seville, ang makukulay na baldosa naman ang nagbibigay ng pagkakakilalan sa mga bahay ng lunsod. Ang mga Moro rin ang nagpauso nito sa Espanya. Karaniwan nang nilalagyan nila ng mga baldosang may dekorasyon na heometrikal na mga hugis ang kanilang mga silid. Sa ngayon, pinagaganda ng bawat uri ng pandekorasyong baldosa ang labas na bahagi ng mga bahay, tindahan, at malalaking tahanan.

Hindi lamang ang mga baldosa ang makulay na aspekto sa makikipot na lansangan ng sinaunang Seville. Ang maliliit na balkonahe at nakapasong mga bulaklak na punô ng mga geranium o mga rosas ay nagbibigay-buhay sa pinaputing mga pader. At dahil sa banayad na klima nito, namumukadkad ang mga bulaklak halos sa buong taon, anupat nakadaragdag ito ng pantanging algería (buháy na pang-akit) sa lunsod.

Internasyonal na mga Pangyayari sa Seville

Sa nakalipas na siglo, pinatibay ng internasyonal na mga pangyayari ang ugnayan ng Seville at ng mga lupain sa Amerika. Ang marikit na Plaza de España, ang Liwasan ng Espanya (larawan Blg. 5), ay itinayo noong 1929 para sa International Hispanic Fair, at nananatili itong isang popular na lugar para sa mga turista. Sa kabilang panig ng liwasan, makikita sa mga pader ng isang malaking gusaling hugis hating-bilog ang masining na mga baldosa na kumakatawan sa bawat lalawigan ng Espanya.

Noong 1992, limang siglo pagkatapos maglayag si Columbus patungong Amerika, sa Seville idinaos ang isang World Trade Fair na kilala bilang Expo ’92. Ipinakita sa eksibit kasuwato ng tema nitong “Ang Panahon ng mga Pagtuklas” ang replika ng isang barko na kasinlaki ng flagship ni Columbus (larawan Blg. 6), kung saan ipinaaalaala sa mga panauhin na mapanganib ang mahahabang paglalakbay noon dahil sa maliit na sukat ng mga barko. Ang isa pang makasaysayang eksibit ng Expo, kung saan masusumpungan na ngayon ang isang museo ng sining, ay ang kinumpuning monasteryo na La Cartuja (larawan Blg. 7), ang lugar kung saan naghanda si Columbus para sa isa sa kaniyang paglalakbay patawid ng Atlantiko at kung saan siya unang inilibing noon.

Ang bagong Olympic Stadium ng Seville ay magiging lugar ng isa pang mahalagang pagtitipon sa 2003​—isang internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Ang okasyong ito ay maglalaan sa mga delegado mula sa Europa at sa mga lupain sa Amerika ng pagkakataon na higit na makilala ang Seville​—isang pintuang-daan patungo sa mga lupain sa Amerika.

[Mga talababa]

^ par. 5 Ang artsibo ay naglalaman ng 86 na milyong manuskrito at 8,000 mapa at iginuhit na mga larawan.

^ par. 11 Ang Andalusia ay nasa kadulu-duluhang bahagi ng timugang rehiyon ng Espanya, kung saan kitang-kita pa rin ang halos walong-siglong impluwensiya ng mga Moro.

[Picture Credit Line sa pahina 15]

Godo-Foto

[Picture Credit Line sa pahina 16]

Godo-Foto

[Picture Credit Line sa pahina 17]

Godo-Foto