Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Ang Kahanga-hangang Panimbang ng mga Ibon
Ang mga ibon ay may isang sangkap ng panimbang sa loob ng tainga na nagtutugma ng mga pagkilos nila habang lumilipad. Subalit hindi ipinaliliwanag ng sangkap na ito ang kanilang kakayahang tumayo nang tuwid at maglakad, “yamang ang kanilang mga katawan, di-gaya ng sa mga tao, ay karaniwan nang nakaposisyon nang pahalang at ang kanilang buntot ay hindi pambalanse,” ang sabi ng pahayagang Leipziger Volkszeitung ng Alemanya. “Pagkatapos ng apat na taóng pananaliksik, ang pisyologo ng mga hayop na si Reinhold Necker ay nagtagumpay sa paghanap sa ikalawang sangkap ng panimbang sa mga kalapati,” ang paliwanag ng pahayagan. Natuklasan ni Necker ang mga selula ng nerbiyo at ang mga ukà na naglalaman ng likido sa gawing balakang ng mga ibon, na maliwanag na kumukontrol sa kanilang panimbang. “Kapag walang likido sa mga ukà,” ang sabi ng ulat, “ang mga kalapati ay hindi na makaupo nang tuwid o makalakad kapag may takip ang kanilang mga mata. Nahuhulog sila sa kanilang pagkakadapo o nabubuwal. Gayunman, nakalilipad pa rin sila.”
Paggamit ng mga Kard na Plastik Bilang Donasyon
“Parami nang paraming simbahan sa Canada” ang sumusunod sa “makabagong pagbabangko, anupat ipinakikilala ang mga bank card at credit card bilang kumbinyenteng paraan upang makapag-abuloy ang mga miyembro ng parokya,” ang sabi ng pahayagang Vancouver Sun. Inilagay sa mga bulwagan ng simbahan ang mga debit machine (mga makinang tuwirang naglilipat ng pera ng isang tao sa bangko tungo sa bangko ng simbahan) kasama ang “mga sobre ng abuloy na may opsyon para sa awtomatik na paglalabas ng pera sa bangko at pagbabayad sa pamamagitan ng credit card.” Pinararaan lamang ng mga indibiduwal ang kanilang kard sa makina, pinipindot ang halagang nais nilang iabuloy, at saka ilalagay ang kopya ng resibo sa platong pangolekta. Gaya ng sinabi ng isang pastor: “Ang lipunan ay patungo sa isang lipunang hindi na gumagamit ng pera. Bakit hindi rin ito magagawa ng simbahan?” Isang ingat-yaman ng simbahan ang nagbiro: “Nakakakuha ka na ng puntos para sa libreng paglalakbay sa paggamit ng iyong kard, makararating ka pa sa langit dahil sa iyong mga abuloy. Basta isipin mo na lamang na ito’y dobleng gantimpala.”
Ingatan ang Iyong Boses
“Ang mga problema sa boses ay pangkaraniwan subalit hindi ito gaanong binibigyan ng pansin,” ang sabi ng pahayagang Natal Witness ng Timog Aprika. Ayon kay Julie Barkmeier, isang assistant professor sa siyensiya ng pagsasalita at pakikinig, ang gayong mga problema ay kadalasang resulta ng maliliit na bukol o mga pamamaga sa mga vocal cord kapag di-wasto ang paggamit ng boses. Sinasabi ng isang popular na aklat-aralin sa medisina na kabilang sa gayong di-wastong paggamit ng boses ang pagsigaw, pagsasalita sa di-natural na mababang tono, o paglanghap ng mga nakasasakit sa lalamunan tulad ng usok ng sigarilyo o ng mga pabrika. “Kapag sobra ang panginginig ng [mga vocal cord], maaaring magkatamaan ang mga ito, anupat nagkakaroon ng malambot at namamagang lugar na nagiging maliliit na bukol na parang kalyo,” ang ulat ng Natal Witness. Ang resulta ay isang paos at garalgal na boses. “Kung may kapansin-pansing pagbabago sa iyong boses na nagpapatuloy sa loob ng dalawang linggo o mahigit pa, dapat kang magpatingin sa iyong doktor,” ang payo ng artikulo. “Upang maingatan ang iyong boses, . . . huwag sumigaw o magsalita nang malakas, huwag umubo o umehem nang umehem, uminom ng maraming tubig, bawasan ang pagkain at pag-inom ng anumang may caffeine, huwag manigarilyo at, huminga muna nang malalim bago magsalita. . . . Katapus-tapusan, ipahinga ang iyong boses.”
Hindi Na “Isang Di-kilalang Bata”
Siyamnapung taon pagkatapos lumubog ang Titanic noong Abril 1912, nakilala na ang isang maliit na biktima ng sakunang iyon, ang sabi ng The Times ng London. Ang kaniyang katawan, kasama ng 43 iba pang di-kilalang mga biktima na nasumpungang lumulutang sa tubig, ay inilibing sa Nova Scotia, Canada. Ang kaniyang lapida ay kababasahan ng: “Isang Di-kilalang Bata.” Ginamit ng isang pangkat ng 50 siyentipiko, mga istoryador, mga dalubhasa sa talaangkanan, at mga dentista ang pagtutugma ng DNA upang makilala ang bata bilang si Eino Panula, isang 13-buwang-gulang na batang lalaking taga-Finland na namatay kasama ng kaniyang ina at apat na mga kapatid na lalaki. Balak ng pamilya na magpanibagong-buhay sa Amerika, kung saan ang ama ni Eino, na nauna na sa Amerika, ay naghihintay sa wala. Nang walang umangkin o kumilala sa patay na bata, “inampon” siya ng tripulante ng barkong pansagip mula sa Canada, anupat sila ang nagbayad at nag-asikaso sa kaniyang puntod. Ang iba pang di-kilalang mga biktima ng Titanic ay maaari ring makilala sa pamamagitan ng pagtutugma ng DNA. Upang makatulong sa imbestigasyon, isang “kamag-anak sa ina [ng isa sa mga biktima] ang nagbigay ng sampol ng kaniyang dugo pagkaraan sana ng ika-100 kaarawan ng biktima,” ang sabi ng The Times.
Earth Simulator
Noong Marso 11, 2002, binuksan ng mga inhinyerong Hapones ang kauna-unahan at pinakamalakas na supercomputer na nagawa. Ang kanilang tunguhin ay “lumikha ng isang replika ng ating planetang lupa,” ang sabi ng magasing Time. Tinatawag na Earth Simulator, ang computer ay kasinlaki ng apat na tennis court at nagkakahalaga ng $350 milyon. Gumagawa ito ng 35 trilyong kalkulasyon sa bawat segundo, mas mabilis nang limang ulit sa kasunod nitong pinakamabilis na computer na isang makinang pangmilitar ng Amerika na nakagagawa ng 7.2 trilyong kalkulasyon sa bawat segundo. “Sa pamamagitan ng paggamit ng aktuwal na impormasyon tungkol sa klima mula sa mga satelayt at mga palutang sa karagatan at pagpapasok nito sa Earth Simulator,” sabi ng Time, “ang mga mananaliksik ay makalilikha ng isang modelong computer ng buong planeta, at pagkatapos ay gagamitin ito upang alamin kung ano ang mangyayari sa ating kapaligiran. Nabuo na ng mga siyentipiko ang pagtaya sa mga temperatura ng karagatan sa buong globo sa susunod na 50 taon.”
Ang Kahalagahan ng Pagbabasa
“Ang pananabik ng mga bata sa pagbabasa sa kanilang libreng panahon ay may mas malaking epekto sa kanilang tagumpay sa pag-aaral kaysa sa kayamanan at katayuan ng kani-kanilang pamilya,” ang sabi ng The Independent ng London. Natuklasan ng isang internasyonal na pagsusuri sa kaugalian sa pagbabasa ng mga nasa 15-taóng-gulang na ang “pagiging mahilig sa pagbabasa” at pagiging “palabasa” ay may higit na bentaha kaysa sa pagkakaroon ng mga magulang na edukado at may trabahong malaki ang suweldo. Natuklasan ng pagsusuri na ang “mga nasa 15-taóng-gulang mula sa pinakamahihirap na pamilya subalit napakahilig magbasa ay nakakakuha ng mas mataas na iskor sa mga pagsusulit sa pagbasa (isang katamtamang puntos na 540) kaysa sa mga anak ng pinakamayayamang propesyonal na walang interes sa pagbabasa (491),” ang sabi ng pahayagan. Nasumpungan ng isang surbey sa mahigit na 1,000 tin-edyer na “ang mga babae ay mas mahilig magbasa bilang libangan kaysa sa mga lalaki.” Pitumpu’t limang porsiyento ng mga babae kung ihahambing sa 55 porsiyento ng mga lalaki ang nagsabi na nakapagbasa sila ng isang aklat noong nakalipas na buwan.
Isang Parasito na “Nagkukunwang Patay”
Natuklasan ng mga mananaliksik na taga-Brazil ang isang mapamaraang panlilinlang na ginagamit ng mga parasito na maaaring magdulot ng impeksiyon sa sistema ng imyunidad ng tao at pagmulan ng leishmaniasis, ang ulat ng pahayagang Folha de S. Paulo sa Brazil. Sinasamantala ng mga parasito ang normal na proseso ng katawan kung saan ang mga selulang hindi na kailangan o nagiging mapaminsala ay kusang namamatay (apoptosis) at kinakain ng mga scavenger cell na tinatawag na mga macrophage. Ginagaya ng mga parasito ang mga senyales ng molekula na ginagawa ng mga selula sa maagang mga yugto ng apoptosis, anupat nililinlang ang mga scavenger cell upang kainin sila ng mga ito. Kapag nasa loob na ng mga scavenger cell, mabilis na dumarami ang mga parasito at saka nito hahawahan ang iba pang selula. Kabilang sa mga sintomas ang mga sugat, pamamaga ng lapay at atay, at sa ilang kaso ay kamatayan. Ayon sa Folha de S. Paulo, umaasa ang mga mananaliksik na ang pagkatuklas sa taktika ng parasito ay hahantong sa bagong mga paggamot para sa leishmaniasis.
Proteksiyon Mula sa mga Lamok
“Sa mahigit na 2,500 uri nito, ang mga lamok ay masusumpungan sa buong planeta,” ang sabi ng magasing México Desconocido. Bagaman nektar ang kinakain ng mga lalaki at babaing lamok, ang mga babae lamang ang nangangagat. Bunga nito, nagdadala sila ng malarya, dengge, at West Nile virus sa mga tao. Paano ka makapag-iingat sa mga lamok? Iminumungkahi ng ulat ang sumusunod: (1) Iwasang lumabas kapag takip-silim at gabi na, kung kailan lubhang aktibo ang mga lamok. (2) Gumamit ng kulambo, lalo na yaong nilagyan ng pestisidyo. (3) Magsuot ng maluluwang na damit na may mahabang manggas at pantalon at, kung kinakailangan, isang sombrero na may net upang matakpan ang buong ulo. (4) Pahiran ng pantaboy sa lamok ang walang takip na balat. (5) Uminom ng 300 miligramo ng bitamina B1 araw-araw. Pinangyayari nito na maging pantaboy sa mga lamok ang pawis ng ilang tao. (6) Sa mga latian, pahiran ng putik ang iyong balat bilang kagyat na pananggalang. Kung ikaw ay nakagat, iwasang kamutin ito sapagkat ang pagdurugo ay maaaring humantong sa impeksiyon. Sa halip ay magpahid ng losyon na calamine.