Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Nakapaglalakbay Pauwi ang mga Ulang
“Ang matitinik na ulang ay may di-maunawaang kakayahan na hanapin ang kanilang landas pauwi, kahit matapos silang piringan, dalhin sa iba’t ibang lugar at ilagay sa isang hindi pa napupuntahang katubigan,” ang sabi ng pahayagang National Post sa Canada. Nakahuli ang mga mananaliksik ng dose-dosenang ulang malapit sa katubigan ng Florida Keys, inilagay ang mga ito sa madidilim na tangke, at pinakawalan sila sa lugar na halos 37 kilometro ang layo mula sa pinaghulihan sa kanila. Bagaman nakapiring ang kanilang mga mata, ang mga ulang ay laging kumikilos patungo sa lugar na pinaghulihan sa kanila. Sinabi ng mga mananaliksik na ito ang pinakamakabagong anyo ng nabigasyon na natuklasan sa isang hayop na walang gulugod. “Anuman ang gawin namin, natutunton pa rin ng mga ulang ang direksiyon na kailangan nilang bagtasin upang makauwi,” ang sabi ni Dr. Kenneth Lohmann, na nanguna sa pagsasaliksik. “Ito ay talagang kamangha-manghang tuklas kung pag-iisipan mo ito—sa paanuman ay natitiyak ng maliliit na krustasyong ito ang kanilang kinaroroonan sa ilalim ng mga kalagayan na doo’y lubusang maliligaw ang mga tao.”
Walang Nagawang Krimen
“Ang pagtakas mula sa bilangguan ay hindi isang krimen sa Mexico,” ang ulat ng The Korea Herald. “Kinikilala ng sistema ng batas ng Mexico na lahat ng tao ay may pangunahing hangarin na maging malaya. At sila ay hindi pinarurusahan ng batas sa pagtupad sa hangaring ito.” Kinakasuhan lamang ang mga bilanggo kapag sila ay lumabag sa mga batas habang tumatakas, nakasakit ng sinuman, nakasira ng ari-arian, nanuhol ng sinuman, o nakipagsabuwatan sa ibang mga bilanggo. Subalit may isang potensiyal na panganib. Ang mga guwardiya ng bilangguan ay binigyan ng awtoridad na barilin ang sinumang nagtatangkang tumakas. Umakay ito sa paggamit ng ilang lubhang mataktikang pamamaraan ng pagtakas. Halimbawa, noong 1998, isang nahatulang mamamatay-tao ang nagdiyeta hanggang sa 50 kilo na lamang ang kaniyang timbang upang siya ay mabitbit ng kaniyang asawa sa loob ng maleta na ginagamit nito upang iuwi ang kaniyang mga labahin. Siya ay naaresto pagkalipas ng siyam na buwan ngunit pagkatapos ay muling nakatakas at hindi na nakita mula noon.
Pagpapalawak sa European Union
“Pagkalipas ng kalahating siglo matapos hatiin ng Cold War sa dalawang bahagi ang Europa, nagkaroon ng kasunduan ang mga negosyador . . . na pagkaisahin ang Kanluran at Gitnang Europa,” ang sabi ng pahayagang International Herald Tribune sa Paris. Sa pamamagitan ng pagtanggap sa paanyaya na umanib sa European Union sa 2004, ang sampung inanyayahang bansa—ang Ciprus, Czech Republic, Estonia, Hungary, Latvia, Lithuania, Malta, Poland, Slovakia, at Slovenia—ay magdaragdag ng 75 milyong tao. Sa gayon, “ang kabuuang mamimili na 450 milyong tao” ay magbubunga ng pinagsamang benta na $10 trilyon. Ito ay halos katumbas ng benta ng Estados Unidos na $11.5 trilyon. “Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan, magkakaisa ang Europa,” ang sabi ni Romano Prodi, presidente ng European Commission. Kabilang sa maraming problema na mapapaharap sa paglaki ng Union ay ang hamon ng pagnenegosyo sa 21 opisyal na wika.
Mga Kasal na Istilong Kanluran sa Hapon
Iniulat ng The Japan Times na bagaman 0.8 porsiyento lamang ng populasyon sa Hapon ang nag-aangking Kristiyano, nagiging popular ang mga seremonya sa kasal na istilong Kanluran—kumpleto sa puting trahe-de-boda, mga pumpon ng bulaklak, at daanan sa gitna ng simbahan. Ang surbey ng isang magasin sa 4,132 lalaki’t babae na nagpakasal noong 2001 ay nagpakita na 61.2 porsiyento ang nagpakasal sa istilong Kanluran, 20.1 porsiyento ang nagpakasal sa istilong Shinto, at 0.9 porsiyento naman ang nagkaroon ng Budistang mga seremonya. Para sa mga kasal na istilong Kanluran, karaniwan nang umuupa ang mga kompanya para sa kasal ng “mga banyagang di-klero na kamukha ng mga puti,” yamang kadalasang mas gusto ito ng kanilang mga kliyente. “Iniisip ng maraming kabataang nagpapakasal na ang isang nagkakasal na banyaga ay makadaragdag sa pagiging sopistikado o seryoso pa nga ng kanilang mga kasal,” ang sabi ng tagapagsalita ng isang kompanya para sa kasal. Ang mga “pastor [na ito] kung dulo lamang ng sanlinggo” ay basta nangangasiwa sa mga sumpaan sa kasal at bumibigkas ng mga bahagi sa Bibliya sa harap ng mga tao.
Mapanganib na mga Halamang Gamot
“Ang karaniwang paniwala na dahil natural ang mga halaman kung kaya hindi ito nakasasamâ sa katawan sa anumang paraan ay mali,” ang ulat ng pahayagang El Financiero ng Mexico City. Ayon kay Abigail Aguilar Contreras ng Mexican Institute of Social Security, ang paggagamot sa sarili sa pamamagitan ng mga halamang gamot ay maaaring maging mapanganib. “Ang di-wastong paggamit ng mga halamang gamot ay makapipinsala sa katawan at maaari pa ngang makamatay, yamang nagtataglay ang mga ito ng matatapang na substansiya o mga droga,” ang sabi ng pahayagan. Ang isang halimbawa ay ang dilaw na adelpa na tinatawag ding friar’s elbow, na iniinom para sa pagpapapayat. Ang halamang gamot na ito ay maaaring maging sanhi ng diarrhea at pagduduwal at makapipinsala sa puso. Kaya nga, baka nanaisin ng isa na magpatingin muna sa isang dalubhasa sa halamang gamot bago gamitin ang mga ito bilang gamot.
“Mga Gumón sa Saping-puhunan”
Ang “mga gumón sa saping-puhunan” (stock trading) ay umaagaw ng pansin ngayon ng isang espesyalistang Aleman, ang ulat ng pahayagang Die Welt ng Hamburg. Ayon sa tagapayo sa pagkagumon na si Joachim Otto, nabubuyo ang mga gumón sa “nakahihibang na pang-akit ng biglang pagkita ng salapi.” Namumuhunan sila ng mga sapi “sapagkat natatakot sila na mawala ang pagkakataon na minsan lamang sa buhay” subalit pagkatapos ay nawawalan naman ng kontrol at nagugumon sa “napakabilis na pagpapalit ng may-ari ng saping-puhunan, sa panganib, at sa patuloy na katuwaan.” Marami na ngayon ang nabaon sa malalaking utang. Dahil sa walang kamalay-malay ang kani-kanilang mga kabiyak, nilustay ng ilan ang lahat ng kanilang naipon o isinangla ang kanilang bahay. Ang karamihan ay nagpapagamot lamang kapag hindi na ito matiis ng kanilang mga pamilya.
Kambal na Isinilang sa Magkaibang Taon
“Magkatulad sa maraming bagay ang kambal na sina Caleigh at Emily Johnson maliban sa araw ng kanilang kapanganakan—isinilang sila sa magkaibang taon,” ang ulat ng Daily News ng New York. “Si Caleigh ay isinilang nang alas 11:24 n.g. noong Dis. 31. Si Emily ay isinilang nang alas 12:19 n.u. noong Ene. 1.” Tuwang-tuwa ang kanilang ina, si Dawn Johnson, mula sa Barnegat, New Jersey. “Bagaman kambal sila, gusto kong magkaroon sila ng sarili nilang pagkakakilanlan,” ang sabi niya. “Pinatunayan nilang magkaiba sila sa simula pa lamang.” Ang kambal, na nakaiskedyul ipanganak noong Pebrero 2, ay isinilang nang mas maaga ng isang buwan.
Lumalaganap sa mga Silid-aralan ang Wika sa Internet
“Ang impormal at pinaikling wika sa mga chat room ng Internet at text message ay lumalaganap sa mga silid-aralan sa haiskul na nagsasalita ng Ingles,” ang sabi ng pahayagang Toronto Star. Naniniwala ang ilang guro na “ang bagong mga teknolohiya ay hindi lamang nakaiimpluwensiya sa paraan ng pagsusulat ng mga estudyante, kundi sa paraan din ng pag-iisip nila.” Ang mga estudyante ay nakabuo na ng mga daglat sa Ingles ng bagong wika. Karaniwang ginagamit ang gayong mga daglat para mapabilis ang pag-uusap kapag nakikipag-usap sa Internet o kapag nagpapadala ng mga text message sa cellphone. Ang pinaghalu-halong isinusulat na mga salita at mga daglat na ito ay lumilitaw na ngayon sa mga takdang-aralin.
Mga Bagong Tuklas sa Kape
“Hindi nakabubuti sa kalusugan ang kapeng decaffeinated gaya rin ng pangkaraniwang kape at baka malamang na hindi pa nga nito patulugin nang buong magdamag ang mga umiinom,” ang sabi ng The Times ng London. Binabanggit ng pananaliksik ng mga siyentipiko sa University Hospital, sa Zurich, Switzerland, na dahil ang parehong uri ng kape ay nakaaapekto sa puso at sistema ng nerbiyo sa halos magkatulad na mga paraan, maaaring wala sa caffeine ang problema. Ganito ang inamin ng pinunong mananaliksik na si Dr. Roberto Conti: “Hanggang sa ngayon ay iniuugnay natin ang kape sa mga epekto sa puso dahil sa caffeine nito, subalit natuklasan namin [na] ang mga taong di-umiinom ng kape na pinainom ng kapeng decaffeinated ay kinakitaan din ng ganitong mga epekto. Ipinakikita nito na wala tayong gaanong nalalaman sa mga epekto ng isa sa mga pinakapopular na inumin natin, at ng pampasigla na pinakamadalas inumín sa buong daigdig.”