Isang Aklat Laban sa mga Aklat
Isang Aklat Laban sa mga Aklat
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ITALYA
BAKIT kaya maraming tao ang umaayaw sa Bibliya? Ang sagot sa ilang bansa ay maaaring may kaugnayan sa kasaysayan ng isang kasangkapan ng tao na dinisenyo upang kontrolin ang “erehiya”—ang Indise ng Bawal na mga Aklat. Paano ito nangyari?
Tuwang-tuwa noon ang Simbahang Katoliko nang maimbento ang paglilimbag. Pinuri pa nga ng ilang papa ang “sining mula sa Diyos” na siyang tawag dito ng ilang klerigo. Pero di-nagtagal, napansin ng pamunuan ng simbahan na ang paglilimbag ay ginagamit sa pagpapalaganap ng mga ideyang laban sa Katolisismo. Dahil dito, gumawa ng mga limitasyon sa ilang Europeong diyosesis noong patapos na ang ika-15 siglo. Pinasimulan ang pagkakaroon ng imprimatur (pahintulot na maglimbag), at noong 1515, nagbigay ang Ikalimang Konseho ng Lateran ng mga direktiba upang kontrolin ang paglilimbag. Ang hindi tumalima ay maaaring itiwalag. Gayunman, lalo na nang magsimula ang Repormasyon, hindi nito napigilan ang paglaganap ng nakalimbag na mga lathalain at mga aklat na itinuring ng simbahan na mapanganib sa pananampalataya at moralidad. Kaya sa pagtatapos ng ika-16 na siglo, umasa ang mga grupong Batikano “na wala nang maglilimbag sa loob ng maraming taon.”
Upang mahadlangan “ang mabilis at
nakaririmarim na pagdagsa ng nakasasamang mga aklat”—gaya ng sinabi ng isang Italyanong Jesuita nitong 1951—kinailangan ng simbahan ang isang talaan na kikilalanin ng lahat ng Katoliko. Noong 1542, nagsimula ang Romanong Inkisisyon. Ang unang pangmadlang batas nito ay malamang na isang utos laban sa kalayaan ng pagsulat sa daigdig ng relihiyon. Nang maging Pope Paul IV ang dating puno ng inkisisyon na si Gian Pietro Carafa noong 1555, agad niyang inutusan ang isang komisyon na gumawa ng isang talaan ng bawal na mga aklat. Sa gayon ay nailimbag ang unang panlahatang Indise ng Bawal na mga Aklat noong 1559.Anong Uri ng mga Aklat ang Ipinagbabawal?
Ang Indise ay hinati sa tatlong “uri.” Sa una ay nakatala ang mga awtor, na lahat ng aklat nila ay pawang ipinagbawal anuman ang paksa niyaon. Sa ikalawa ay nakatala naman ang mga pamagat ng paisa-isang bawal na aklat ng mga awtor na hindi kinondena. At ipinagbawal naman sa ikatlo ang isang mahabang talaan ng mga aklat na hindi ipinakilala ang awtor. Ang Indise na ito ay naglalaman ng 1,107 pamumuna, na kumokondena sa mga manunulat hindi lamang ng mga paksang may kinalaman sa relihiyon kundi pati ng ibang uri ng panitikan. Itinala sa apendise ang ipinagbabawal na mga edisyon ng Bibliya, na maliwanag na nagsasabing lahat ng isinalin sa karaniwang mga wika ay bawal.
Bagaman noon pa ma’y ipinatutupad na ang lokal na mga pagbabawal, “dahil sa mga probisyong ito na nakaaapekto sa buong Katolisismo, isinagawa ng simbahan ang kauna-unahan nitong opisyal na paghahayag laban sa paglilimbag, pagbabasa, at pagtataglay ng Banal na Aklat sa lokal na wika,” ayon kay Gigliola Fragnito, isang guro ng makabagong kasaysayan sa University of Parma, sa Italya. Ang Indise ay mahigpit na tinutulan ng mga nagtitinda ng libro at ng mga editor gayundin ng mga pamahalaan, na siyang nakikinabang sa paglilimbag. Dahil sa mga bagay na ito at iba pa, isinaayos ang isang bagong edisyon at inilathala ito noong 1564, pagkatapos ng Konseho ng Trent.
Isang Kongregasyon ng Indise ang binuo noong 1571 para mag-asikaso sa pagrerebisa nito. Noon ay tatlong ahensiya ang nagpapasiya kung aling akda ang ipagbabawal—ang Kongregasyon ng Banal na Katungkulan, ang Kongregasyon ng Indise, at ang panginoon ng sagradong palasyo, isang dignitaryo ng papa. Ang ilan sa mga dahilan kung bakit naantala ang paglilimbag ng ikatlong katalogo ng bawal na mga aklat ay sapagkat nagkakasanib ang mga responsibilidad at nagkakaiba-iba ang palagay tungkol sa kung bibigyan pa ng higit na kapangyarihan ang mga obispo o ang lokal na mga inkisidor. Ang Indise, na inihanda ng Kongregasyon ng Indise at ipinroklama naman ni Clement VIII noong Marso 1596, ay pinahinto muna sa kahilingan ng Banal na Katungkulan hanggang sa ito’y maging higit na mapuwersa sa pagbabawal na basahin ang Bibliya sa mga wika ng karaniwang tao.
Dahil sa edisyong ito, medyo tumatag ang Indise ng Bawal na mga Aklat, sa kabila ng patuloy na pagrerebisa rito sa nakalipas na mga siglo. Ang Indise ay itinuring ng maraming Protestante, na nakakitang kabilang dito ang kanilang mga akda, bilang “ang pinakamainam na giya sa paghanap ng pinakamagagaling na aklat.” Gayunman, tandaan na noong panahong iyon, ang mga ideya ng Protestantismo ay kagayang-kagaya ng sa Katolisismo pagdating sa pagsensura sa mga aklat.
Ang Indise ay nagkaroon ng napakasamang epekto sa kultura, anupat “napigilan ang pag-unlad” ng mga bansang gaya ng Italya, ang sabi ng istoryador na si Antonio Rotondò. Ayon sa isa pang istoryador na si Guido Dall’Olio, ang Indise raw ang “isa sa mga pangunahing dahilan ng pagiging sobrang atrasado ng Italya pagdating sa kultura, kung ihahambing sa kalakhang bahagi ng Europa.” Kakatwa nga naman, hindi nasira ang ilang aklat dahil itinago ang mga ito sa isang espesyal na lugar, ang tinatawag na inferno, isang lugar na ginawa sa maraming silid-aklatan ng simbahan upang doon ikandado ang ipinagbabawal na mga literatura.
Subalit unti-unti, ang bagong papel ng
opinyon ng publiko sa panahon ng kaliwanagan ay gumanap ng bahagi nito sa pagbagsak ng “pinakamahigpit na paraan ng panunupil na ginamit laban sa kalayaang sumulat.” Noong 1766, isang Italyanong editor ang sumulat: “Hindi ang pagbabawal ng Roma ang magdedesisyon sa kahalagahan ng mga aklat. Ang publiko ang siyang magpapasiya.” Unti-unti nang nawalan ng halaga ang Indise, at noong 1917, ang Kongregasyon ng Indise, na siyang nag-aasikaso nito, ay binuwag na. Mula noong 1966, ang Indise ay “nawalan na ng kapangyarihan bilang batas ng simbahan lakip na ang kaugnay nitong mga pamumuna.”Ang Bibliya sa Karaniwang mga Wika
Isinisiwalat ng kasaysayan ng Indise na sa lahat ng “nakasasamang aklat,” may partikular na ikinababahala ang mga awtoridad ng simbahan—ang Bibliya sa karaniwang wika. Noong ika-16 na siglo, “humigit-kumulang 210 edisyon ng buong Bibliya o Bagong Tipan” ang nakatala sa mga Indise, ang paliwanag ng espesyalistang si Jesús Martinez de Bujanda. Noong ika-16 na siglo, nakilala ang mga Italyano bilang masisigasig na mambabasa ng Bibliya. Subalit dahil mahigpit na ipinagbabawal ng Indise ang Kasulatan sa lokal na wika, lubhang nabago ang kaugnayang ito ng bansa sa Salita ng Diyos. “Yamang ipinagbawal at inalis dahil ito raw ay pinagmumulan ng erehiya, sa isip ng mga Italyano ang Banal na Kasulatan ay napagkamalan nang sulat ng mga erehe,” ang sabi ni Fragnito, na nagsabi pa: “Ang daan ng kaligtasan para sa mga Katolikong nasa timugang Europa ay ang katesismo,” at “mas mabuti pa ang mga baguhan kaysa sa mga maygulang sa relihiyon.”
Noon lamang 1757 pinahintulutan ni Pope Benedict XIV ang pagbabasa ng ‘mga salin ng Bibliya sa lokal na wika na aprobado ng Apostolikong Sede.’ Kaya isang bagong bersiyon sa wikang Italyano, batay sa Latin Vulgate, ang maaari nang gawin sa wakas. Sa katunayan, ang mga Italyanong Katoliko ay naghintay pa hanggang 1958 bago nila natanggap ang kanilang kauna-unahang kumpletong Bibliya na tuwirang isinalin mula sa orihinal na mga wika.
Sa ngayon, ayon kay Fragnito, ang lalo nang masisigasig na “nagpapalaganap ng Kasulatan sa lahat ng dako” ay yaong mga hindi Katoliko. Walang alinlangan na kabilang sa pinakaaktibo rito ay ang mga Saksi ni Jehova, na nakapamahagi na ng mahigit sa apat na milyong kopya ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Italyano. Sa gayon ay nakatulong sila na muling mapasigla ang pag-ibig sa Salita ng Diyos sa puso ng daan-daang libong tao. (Awit 119:97) Bakit hindi mo subuking higit na maging pamilyar sa pambihirang aklat na ito?
[Larawan sa pahina 20, 21]
Mga pahina mula sa Indise ng Bawal na mga Aklat
[Credit Line]
Su concessione del Ministero per i Beni e le Attività Culturali
[Larawan sa pahina 22]
Isang Italyanong Bibliya noong ika-16 na siglo na ipinagbawal ng simbahan
[Larawan sa pahina 22]
Pinukaw ng “Bagong Sanlibutang Salin” ang pag-ibig ng maraming tao sa Salita ng Diyos