Pamamasyal sa Jerusalem sa Quebec
Pamamasyal sa Jerusalem sa Quebec
MAGUGUNIGUNI ng mga panauhin sa makabagong Jerusalem kung ano ang tanawin noong panahon ng Bibliya. Gayunman, kasiya-siyang mapagmamasdan ang isang kakaibang tanawin ng sinaunang lunsod na ito na mga 8,500 kilometro sa kanluran ng Jerusalem sa isang maliit na bayang masusumpungan sa St. Lawrence River sa Canada. Doon, makikita ng mga panauhin ang isang malawak na tanawin ng Jerusalem at ng kapaligiran nito. Ngunit paano ito nangyari? Ito ang paliwanag.
Sa loob ng isang pabilog na gusali sa bayan ng Sainte Anne de Beaupré, Quebec, masusumpungan ang isa sa pinakamalaking pabilog na ipinintang larawan sa daigdig, ang Great Cyclorama ng Jerusalem. Ang napakalaking gawang sining na ito ay may 14 na metro ang taas at 110 metro ang sirkumperensiya. Bagaman hindi tumpak ang lahat ng detalye nito, interesado pa rin ang mga estudyante ng Bibliya sa ipinintang larawang ito, yamang kamangha-mangha at napakarealistiko ng pagkakalarawan nito sa buhay sa Jerusalem noong kapanahunan ng Bibliya.
Kapag titingnan ang ipinintang larawan mula sa isang plataporma sa gitna ng gusali, makikita ng mga panauhin ang karatig na lupain na nakapalibot sa unang-siglong Jerusalem. Habang tinitingnan nila ang buong 360-digri na tanawin, makikita nila ang bantog na lunsod pati na ang prominenteng mga pader, maluwalhating templo, at mararangyang palasyo nito. Sa isa pang bahagi ng larawan ay makikita ang isa pang buháy na buháy na tanawin na naglalarawan sa huling mga sandali ng pag-iral ni Jesus sa lupa. Parang totoong-totoo ang bukod-tanging gawang sining na ito anupat damang-dama ng mga nagmamasid na naroroon sila mismo, na nakikihalubilo sa mga pulutong sa mga lansangan ng Jerusalem.
Kapansin-pansin na matagal nang nagawa ang kapana-panabik na larawang ito na may tatluhang dimensiyon. Sa katunayan, si Paul Philippoteaux, isang tanyag na pintor mula sa Paris, ang gumawa nito noong 1878 hanggang 1882. Lima pang ibang pintor—dalawa mula sa Estados Unidos, dalawa mula sa Pransiya, at isa mula sa Inglatera—ang tumulong sa kaniya na gawin ang kaniyang obra maestra. Gayunman, ang orihinal na ideya ng ipinintang larawan na ito ay nagmula sa Alemang pintor na si Bruno Piglhein, na determinadong ituwid ang kawalang-alam ng madla hinggil sa araw-araw na pamumuhay noong kapanahunan ng Bibliya. Nang matapos ito sa Munich, Alemanya, ang gawang sining ay itinanghal sa malalaking kabisera ng Europa. Mula noong 1895, permanente na itong idinispley sa Canada.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
Lahat ng larawan: Cyclorama de Jérusalem inc.