Ang Siyensiya ang Aking Relihiyon
Ang Siyensiya ang Aking Relihiyon
AYON SA SALAYSAY NI KENNETH TANAKA
“ANG katotohana’y magpapalaya sa inyo.” Ang mga salitang iyon, na nakaukit sa sagisag ng California Institute of Technology (Caltech), ang naging inspirasyon ko para maabot ang tugatog sa larangan ng siyensiya. Ang pag-aaral ko roon noong 1974 ang naghanda sa akin para maging isang mananaliksik na siyentipiko. Nang makamit ko ang aking bachelor at master’s degree sa heolohiya, pinag-ibayo ko pa ang aking pag-aaral sa University of California sa Santa Barbara.
Habang sumusulong ako sa pagiging isang siyentipiko, napakalaki rin ng ipinagbago ng aking espirituwal na mga pananaw at simulain. Bagaman nahadlangan ng aking pagsasanay sa teoriya ng ebolusyon ang paniniwala ko sa Diyos, nang maglaon ay napilitan akong suriing muli ang aking mga pananaw. Paanong ako, na isang mananaliksik na heologo, ay naging isang debotong mananamba ng Diyos? Hayaan mong ipaliwanag ko ito.
Isang Paslit na Humanga sa Uniberso
Sapol pa sa aking pagkabata ay labis na akong interesado sa siyensiya. Habang lumalaki ako sa Seattle, Washington, E.U.A., labis akong hinimok ng aking mga magulang na mag-aral nang mabuti. Gustung-gusto kong basahin ang tungkol sa uniberso—ang mga bagay na bumubuo ng materya at buhay, ang pangunahing mga puwersa sa uniberso, kalawakan, panahon, at ang teoriya ng relativity. Nang ako’y walong taóng gulang, napansin ang labis na interes ko sa siyensiya, at pinaturuan ako linggu-linggo ng pinapasukan kong paaralan sa isang personal na tagapagturo sa siyensiya.
Pumupunta ako noon sa Sunday school sa isang simbahan ng Baptist, subalit para lamang makasama sa hiking at kamping. Hindi naman nagpakita ng interes sa relihiyon o sa Diyos ang iba pa sa aking pamilya. Habang pinag-aaralan ko ang kasaysayan at ang kabuktutan na ginawa ng relihiyon, naudyukan
ako ng aking budhi na bumitiw sa mga gawain sa simbahan. Nag-alinlangan din ako sa pag-iral ng Diyos, yamang para bang kayang ipaliwanag ng siyensiya ang halos lahat ng bagay.Pagbabago ng Landas—At Marami Pang Pagbabago
Nag-aplay ako sa kolehiyo para mag-aral ng pisika, pero noong nasa huling taon ako sa haiskul, pumasok ako sa isang klase ng heolohiya. Kalakip dito ang pamamasyal sa kilalá at naglalakihang batuhán sa Estado ng Washington. Naisip ko, ‘Napakagandang pagsamahin ang hilig ko sa pamamasyal at ang hilig ko sa siyensiya!’
Kaya nang makapasok ako sa kolehiyo, agad na pinalitan ko ng heolohiya ang aking major. Kasali sa ilang pinasukan kong klase ang pag-aaral sa heolohikang panahon at kasaysayan ng lupa salig sa mga fosil. May kinalaman sa mga fosil, naituro sa akin na dumaraan sa ebolusyon ang iba’t ibang uri ng buhay. Naintindihan ko na hindi pa napatutunayan ang ebolusyon. Pero, nadama ko na parang makatuwiran namang paliwanag ang teoriya ng ebolusyon dahil sa heolohikang katibayan, lalo na kung ihahambing ito sa kilalang turo ng paglalang. Nang mabalitaan ko ang isang papalapit na debate ng mga naniniwala sa paglalang at ng mga ebolusyonista sa kampus, ipinasiya kong hindi pumunta. Maliwanag naman na hindi ginawa ang lupa nang wala pang isang linggo—gaya ng inaangkin ng ilang naniniwala sa paglalang!
Sa kabila ng aking matatag na pananaw laban sa relihiyon, napilitan akong pag-isipang muli ang aking mga palagay tungkol sa pag-iral ng Diyos dahil sa paglalakbay ko sa timog-kanluran ng Estados Unidos para mag-aral ng heolohiya. Doon, sa gabi, habang pinagmamasdan ko ang kamangha-manghang buwan at mga bituin sa maaliwalas na kalangitan ng disyerto, hindi ko mapigilang maghinuha na tiyak na nilalang ng Diyos ang uniberso. Pinatunayan ng mga astronomo na may pasimula ang uniberso, pero nauunawaan ko na hindi kailanman lubusang maipaliliwanag ng siyensiya kung bakit nangyari ang mga bagay na ito. Parang makatuwirang maniwala na isang matalino at makapangyarihang Maylalang ang nagdisenyo at gumawa ng kosmos na nakapaligid sa atin.
Paggawa ng Mapa ng Mars at Pagtatanong
Pagkatapos kong makamit ang aking doctorate degree sa siyensiya ng heolohiya noong 1983, sa edad na 27, gumagawa na ako noon ng mapa tungkol sa heolohiya ng Mars para sa U.S. Geological Survey. Simula noon, nakapaglathala na ako ng napakaraming artikulo at mga mapa may kaugnayan sa heolohiya ng mga planeta na kapuwa para sa mga siyentipiko at pangkaraniwang mga tao. Palibhasa’y kabilang ako sa mga komite ng mga tagapayo para sa National Aeronautics and Space Administration, tumulong ako sa mga misyong pangkalawakan patungong Mars. Sa pamamagitan ng aking pananaliksik at mga pananagutan sa propesyon, nakilala ko ang iginagalang na mga siyentipikong nagsusuri ng mga planeta na nagmula sa maraming bansa, unibersidad, at mga institusyon ng pananaliksik.
Unti-unting itinuwid ng lahat ng pagsasanay at pananaliksik ang aking idealistikong pangmalas sa siyensiya. Natanto ko na hindi kailanman maibibigay ng siyensiya ang sagot sa lahat ng bagay. Partikular kong naunawaan na hindi mailalaan ng siyensiya ang namamalaging layunin o kabuluhan ng buhay. Inihuhula ng kasalukuyang mga pangmalas ng siyensiya na ang uniberso ay alinman sa kusang mawawasak o maglalaho at magiging isang kimpal na walang hugis. Kung ang huling hantungan ay ang di-pag-iral, ano pa ang kabuluhan ng pag-iral?
Pagtahak sa Bagong Landas
Noong Setyembre 1981, habang nakatira ako sa Flagstaff, Arizona, nakausap ko ang mga Saksi ni Jehova. Pumayag akong mag-aral ng Bibliya upang patunayang mali sila at ang Bibliya. Isa pa, makatutulong ito sa akin sa wakas para maunawaan kung ano talaga ang nilalaman ng Bibliya.
Nagsimula akong gumugol ng ilang oras linggu-linggo sa masusing pag-aaral ng mga turo sa Kasulatan. Laking gulat ko dahil natuklasan ko ang mahahalagang kaalaman at malalim na kaunawaan sa mga pahina ng Bibliya. Nawili ako sa pagsasaliksik sa katumpakan ng Bibliya salig sa siyensiya at sa katuparan ng daan-daang detalyadong mga hula na kumakapit sa mga pangyayaring nagaganap sa loob ng libu-libong taon ng kasaysayan ng tao. Labis na hinangaan ko ang napakaraming hula sa Bibliya na magkakaugnay—sa mga aklat ng Daniel at Apocalipsis—na nagbibigay ng matatag na saligan para matiyak na nabubuhay na tayo sa “mga huling araw.”—2 Timoteo 3:1.
* Gayunman, kakaiba ang aking bentaha dahil nabuhay ako sa panahon kung kailan natutupad at natupad na ang maraming hula na nagaganap mula pa noong panahon ni Newton. Natuklasan ko na napakarami at napakalawak ng kaganapan ng mga hulang ito gayundin ang pagiging tumpak at di-mapag-aalinlanganan nito. Nabuksan ang aking mga mata anupat naunawaan ko na ang buong Bibliya, na isinulat ng mahigit na 40 lalaki sa loob ng 1,600 taon, ay naglalaman ng iisa, magkakatugma at epektibong mensahe na nagsasangkot sa mahahalagang usapin na napapaharap sa sangkatauhan at sa kinabukasan nito.
Sa pag-aaral ng Bibliya, hindi ko namalayan na gayundin pala ang ginawa ng isang kilalang mahusay na tao. Nalaman ko nang dakong huli na si Sir Isaac Newton, na itinuturing na isa sa pinakadakilang paham sa siyensiya, ay humanga at masikap na nagsaliksik sa Bibliya. Tulad ni Newton, nagtuon ako ng pansin sa mga hula sa aklat ng Daniel at Apocalipsis na patiunang nagsabi ng mahahalagang pangyayari sa kasaysayan at mga katuparan nito na talagang naganap.Pero, hindi madaling iwan ang aking paniniwala sa ebolusyon. Iginagalang ko ang mahalagang awtoridad ng siyensiya na sumusuhay sa teoriyang ito. Ngunit, natuklasan ko na ang lahat ng sinasabi sa Bibliya tungkol sa pisikal na daigdig ay tugmang-tugma sa kilalang mga katotohanan at hindi maaaring pabulaanan.
Natanto ko na para matamo ang lubusan at magkakaugnay na kaunawaan sa malawak at magkakatugmang nilalaman ng Bibliya, hindi maaaring ipagwalang-bahala ang isang turo, kasali na ang ulat ng paglalang sa Genesis. Kaya naunawaan ko na ang pagtanggap sa buong Bibliya bilang katotohanan ang tanging makatuwirang konklusyon.
Ang Patuloy na Pagsasaliksik sa Katotohanan
Samantala, habang gumagawa ako ng pormal na makasiyensiyang pananaliksik, maraming ulit kong nakita kung paanong pansamantalang tinanggap ng marami ang mga teoriya, na mapatutunayang hindi naman pala wasto sa bandang huli. Bahagi ng hamon para sa amin na mga siyentipiko ang pag-aaral at pagsusuri ng mga paksang masalimuot, samantalang limitado ang aming impormasyon at mga pamamaraan sa pagsasaliksik. Dahil dito, natutuhan kong maging maingat hinggil sa pagtanggap sa mga teoriyang ito na hindi pa napatutunayan bilang katotohanan, gaano man kaingat ang pagsusuring ginawa sa mga ito.
Sa totoo lamang, maraming pangunahing pitak ng ating likas na daigdig ang hindi kayang ipaliwanag ng siyensiya. Halimbawa, bakit ang mga bagay na bumubuo sa buhay at ang pisikal na mga batas na umuugit sa mga ito ay akmang-akma para masustinihan ang masasalimuot na proseso ng buhay at ekosistema? Samantalang kulang ang impormasyon ng siyensiya para isiwalat ang Diyos, ang kaniyang kinasihang Salita ay naglalaan naman ng tunay na katibayan ng kaniyang pag-iral at mga gawa bilang Maylalang. (2 Timoteo 3:16) Taglay ang espirituwal na kaalamang ito, makikilala natin ang Isa na may pananagutan sa kapangyarihan, karunungan, at kagandahan na makikita sa ating pisikal na daigdig.
Ang pagiging makatuwiran ng Bibliya sa siyensiya ay higit pang pinagtibay ng aking maingat na pagsusuri sa iba’t ibang publikasyon ng mga Saksi ni Jehova, kasali na ang mga aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? at Is There a Creator Who Cares About You? Inaanalisa ng mga publikasyong ito ang malalalim na paksa sa siyensiya at nagbibigay ng malinaw na kaunawaan sa kasalukuyang pananaliksik at mga konklusyon ng mga nangungunang dalubhasa. Isa pa, tinatalakay ng mga ito ang pagiging magkasuwato ng kilalang mga katotohanan sa siyensiya at ng tamang unawa sa Bibliya.
Halimbawa, makikitang tumutugma ang mga fosil sa karaniwang pagkakasunud-sunod ng paglitaw ng mga anyo ng buhay na inilarawan sa aklat ng Genesis. Bukod dito, ang araw ng paglalang gaya ng naunawaan ng sinaunang mga tao ay maaaring mangahulugan ng isang yugto ng napakahabang panahon, kung paanong ang mga katagang “yugto” at “kapanahunan” ay ginagamit din ng siyensiya para ilarawan ang kasaysayan ng lupa. Samakatuwid, ang Bibliya ay hindi salungat sa mga natutuklasan ng siyensiya. Ipinakikita nito na ang mga araw ng paglalang ay tumagal nang napakahabang panahon. Hindi nito sinusuhayan ang opinyon ng mga tagapagtaguyod ng paglalang na naniniwalang 24 na oras ang haba ng bawat isa sa mga araw na iyon.
Pananampalataya Laban sa Pagiging Mapaniwalain
Bilang isang siyentipiko, ayaw kong maging mapaniwalain. Subalit malalim ang paggalang ko sa pananampalatayang may matibay na saligan. Ang gayong maaasahang pananampalataya ay binigyang-kahulugan sa Hebreo 11:1: “Ang pananampalataya ay ang mapananaligang paghihintay sa mga bagay na inaasahan, ang malinaw na pagtatanghal ng mga katunayan bagaman hindi nakikita.” Ang pagtitiwala sa mga pangako ng Diyos ay nakasalig sa matatag na katibayan na kinasihan ng Diyos ang Bibliya. Naunawaan ko ang pangangailangan na iwasan ang walang-saligang relihiyosong mga doktrina na sumasalungat sa Kasulatan. Kasali rito ang mga turo ng imortalidad ng kaluluwa, apoy ng impiyerno, ang Trinidad, at iba pa. Ang maraming maling doktrina tulad niyaon ay lumitaw mula sa sinaunang pilosopiya at mitolohiya o mula sa mababaw na kaalaman sa Bibliya. Humantong sa ‘bulag na pananampalataya’ ang pagsunod sa maling mga turo na isinasagawa ng maraming relihiyonista sa ngayon, na naging dahilan kung bakit hindi gaanong iginagalang ng maraming siyentipiko ang relihiyon.
Ang isa sa pangunahing mga pananagutan ko bilang siyentipiko ay bigyang-kahulugan, ipagtanggol, at palaganapin ang mga natutuklasan ko sa aking pagsasaliksik. Sa katulad na paraan, nauudyukan akong ituro ang katotohanan ng Bibliya sa iba, yamang wala nang iba pang kaalaman na mas mahalaga pa kaysa rito. Sinimulan kong gawin ang kasiya-siyang gawaing ito at nabautismuhan ako bilang isang Saksi ni Jehova mga 20 taon na ang nakalilipas. Pagkatapos, noong Setyembre 2000, nagawa kong dagdagan ang oras na ginugugol ko sa aking gawaing pangangaral na may katamtamang oras na 70 bawat buwan. Sapol noon, nagkapribilehiyo akong magdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mga sampung interesadong indibiduwal bawat buwan at makita ang ilan sa mga estudyante na maging masisigasig na guro ng Bibliya mismo.
Nasisiyahan pa rin ako sa pag-iimbestiga sa Mars at sa iba pang bahagi ng uniberso sa pamamagitan ng “mga mata” ng makabagong mga sasakyang pangkalawakan na ipinadala upang galugarin ang mga bagay sa ating kalangitan. Maraming hiwaga ang nananatili pa ring hamon sa siyensiya. Inaasam-asam ko sa hinaharap na ang paghahanap ng tao kapuwa sa espirituwal at makasiyensiyang kaalaman ay magbibigay-kasiyahan sa ating pagkamausisa at magbibigay ng kasagutan sa ating malalalim na katanungan. Natanto ko na ang tunay na kahulugan ng buhay ay nagmumula sa tumpak na kaalaman sa Diyos at sa kaniyang layunin para sa sangkatauhan, na siyang tunay na diwa ng mga salita ni Jesus na nakaukit sa isa sa mga sagisag ng Caltech: “Ang katotohana’y magpapalaya sa inyo.”—Juan 8:32, Tagalog/English Old Version Bible Diglot.
[Talababa]
^ par. 18 Sa kaniyang aklat na Observations Upon the Prophecies of Daniel, and the Apocalypse of St. John, na inilathala noong 1733, pinag-aralan ni Sir Isaac Newton ang mga hula sa Bibliya sa mga aklat ng Daniel at Apocalipsis.
[Blurb sa pahina 19]
“Para bang kayang ipaliwanag ng siyensiya ang halos lahat ng bagay”
[Blurb sa pahina 20]
“Hindi kailanman maibibigay ng siyensiya ang sagot sa lahat ng bagay”
[Blurb sa pahina 21]
“Natuklasan ko ang mahahalagang kaalaman at malalim na kaunawaan sa mga pahina ng Bibliya”
[Mga mapa sa pahina 18]
Mapa ng Mars
[Mga larawan sa pahina 20]
Tulad ni Newton, humanga ako sa mga aklat ng Daniel at Apocalipsis sa Bibliya
[Credit Line]
University of Florida
[Larawan sa pahina 21]
Ibinabahagi ko sa iba ang aking natutuhan mula sa Bibliya
[Picture Credit Lines sa pahina 18]
Itaas sa kaliwa: Courtesy USGS Astrogeology Research Program, http://astrogeology.usgs.gov; Mapa ng Mars: National Geographic Society, MOLA Science Team, MSS, JPL, NASA; Ibabaw ng Mars: NASA/JPL/Caltech
[Picture Credit Line sa pahina 21]
Space photo: J. Hester and P. Scowen (AZ State Univ.), NASA