Komunikasyon na Umaakay sa Buhay
Komunikasyon na Umaakay sa Buhay
SA LAHAT ng nilalang sa lupa, tanging ang mga tao lamang ang hindi nasisiyahan na sila-sila lamang ang nag-uusap. Anuman ang nasyonalidad, kalagayan sa lipunan, kasarian, o pinag-aralan, ang mga tao ay nagpapakita ng likas na hangaring makipag-usap sa pinakamataas na persona, samakatuwid nga, ang Diyos.
Isa lamang ba itong hangal na pamahiin? Hinding-hindi! Gaya ng binanggit sa naunang artikulo, nilalang ng Diyos ang mga tao ayon sa kaniyang larawan. Inilakip niya sa atin ang isang kakayahang nauukol sa espirituwal. Kabilang dito ang hangaring makipag-usap sa kaniya bilang ating makalangit na Ama. (Genesis 1:27; Mateo 5:3) Sa katunayan, gayon na lamang kahalaga ang pangmalas ng Diyos sa pakikipag-usap ng tao sa kaniya anupat tinutukoy siya bilang ang “Dumirinig ng panalangin.”—Awit 65:2.
Isa ngang malaking karangalan na manalangin sa Makapangyarihan-sa-lahat! Itinuturing ng ilang tao na isang pribilehiyo na makipag-usap sa isang importanteng dignitaryo, gaya ng presidente o punong ministro. Subalit, ang Diyos na Jehova ang pinakamataas na persona sa uniberso! At hindi na natin kailangan pang gumawa ng appointment para makausap siya. Makapananalangin tayo anumang oras o saanmang lugar. Puwede pa nga nating kausapin ang Diyos nang tahimik mula sa puso. (1 Samuel 1:12-15) Gayunman, hinihiling ni Jehova na tayo’y maging tapat at na tayo’y tumalima sa kaniyang sinasabi. (Mikas 6:8; Mateo 6:5-13) Tutal, ang mabuting pag-uusap ay pagpapalitan ng kuru-kuro ng magkausap, hindi ba?
Nakikinig Ka ba sa Diyos?
Paano nakikinig sa Diyos ang isang tao? Pangunahin nang sa pamamagitan ng pagbabasa at pagkakapit ng mga turong masusumpungan sa kaniyang nasusulat na Salita, ang Banal na Bibliya. (2 Timoteo 3:16; 2 Pedro 1:20, 21) “Ang tao ay mabubuhay . . . sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova,” ang sabi ni Jesus. (Mateo 4:4) Nakikinig ka ba sa Diyos sa pamamagitan ng pagbabasa at pagkakapit ng kaniyang nasusulat na Salita?
Yaong regular na nakikipag-usap kay Jehova ay nagtatamo ng kaniyang paglingap at nagtatamasa ng “kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.” (Filipos 4:6, 7; Kawikaan 1:33) Taglay rin nila ang pag-asang buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa, na malaya mula sa lahat ng kabalisahan at pagdurusa na dinaranas natin sa ngayon. (Awit 37:29; Juan 17:3) Kaygandang gantimpala ang dulot ng paggamit sa himala ng matinong komunikasyon sa pinakamahusay na paraan!
[Larawan sa pahina 10]
Kalakip sa pakikipag-usap sa Diyos ang pagbabasa ng Bibliya at pananalangin