Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Pribadong Buhay Napukaw ang pansin ko ng pamagat sa pabalat na “Nanganganib ba ang Iyong Pribadong Buhay?” (Enero 22, 2003) dahil ako ay awtor ng isang pinakamabiling aklat hinggil sa paksang ito. Napakahusay ng pagkakagawa ng inyong manunulat. Narito pa ang karagdagang mungkahi: Kapag hinihingan ng pagkakakilanlan (identification), baka nais mong gamitin ang iyong pasaporte, kung saan hindi nakatala roon ang iyong adres o social security number.
J. L., Espanya
Mga Hiyas Salamat sa artikulong “Mga Hiyas Mula sa Dalampasigan.” (Enero 22, 2003) Nadama rin namin ang labis na kasiyahang nadama ng manunulat nang mamulot kami ng mga kabibi ng susô at tahong. Ang pamumulot ng mga kabibi sa tabing-dagat ay isa sa pinakamagagandang alaala namin. Tuwing tinitingnan namin ang aming mga napulot, humahanga kami sa walang-kaparis na kahusayan sa sining ng Maylalang.
W. at M. P., Alemanya
Mula pa nang ako’y mga 12 taóng gulang, gandang-ganda na ako sa mga kabibi. Pagkalipas ng 20 taon ng pangongolekta ng mga ito, nasiyahan na ako sa mga natipon ko. Pero nang mabasa ko ang artikulong ito at malaman na may mga 50,000 uri pala ng molusko, natanto ko na napakakaunti lamang ng aking natipon, at lalo akong humanga sa paglalang ni Jehova.
M. S., Paraguay
Mga Barkong Tambo Nagandahan ako sa artikulong “Paglalayag sa Karagatan—Sakay ng mga Barkong Tambo!” (Enero 22, 2003) Sa aking personal na pagbabasa ng Bibliya, nabasa ko ang Job 9:26. Ganito ang sinabi nito tungkol sa maikling yugto ng buhay ng mga tao: “Ang mga iyon ay dumaang tulad ng mga bangkang tambo.” Nagtaka kaming magkaibigan kung bakit inihambing ni Job ang maikling yugto ng buhay sa isang bangkang tambo. Pagkatapos ay binanggit ng aking kaibigan na maaaring tinutukoy ni Job ang katulad na punto sa inyong artikulo—na ang “mga tambo ay unti-unting napapasok ng tubig” kung kaya hindi na ito magagamit.
N. D., Estados Unidos
Sagot ng “Gumising!”: Ayon sa isang reperensiyang akda, tinutukoy ng mga salita ni Job ang mabilis na paglalayag ng gayon kagaan na mga sasakyan. Kung ito nga ang tinutukoy nito, gayundin ang masasabing punto—na maikli ang buhay ng tao.
Mga Flamingo Nang buklatin namin ang labas na ito ng Gumising!, napansin naming mag-asawa ang artikulong “Mga Mananayaw na Mapula ang Balahibo.” (Enero 22, 2003) Sinabi ng aking asawa: “Para sa iyo ito.” Alam na alam niyang humahanga ako sa paglalang ni Jehova at lalung-lalo na sa eleganteng kulay-rosas na flamingo. Pangarap kong makita mismo ang magagandang nilalang na ito. Salamat sa artikulo. Marami akong natutuhan dito.
M. N., Czech Republic
Pandaraya Ako po ay 11 taóng gulang. Nagustuhan ko po ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ano ang Masama sa Pandaraya?” (Enero 22, 2003) Bagaman hindi laging matataas ang aking marka, alam ko po na talagang pinaghirapan ko ang mga iskor na nakuha ko. Sa totoo po, ang ilang kaklase ko na nandaraya ay mas mabababa pa ang nakukuha kaysa sa akin! Isa pa, malinis po ang aking budhi, at iyan ang pinakamahalagang bagay.
Z. T., Austria
Nahulog ako sa patibong ng pandaraya, dahil marahil sa bale-wala lang ito sa akin. Makatutulong sa akin ang artikulong ito para matandaan ang mga kasulatan gaya ng Hebreo 13:18, na siya namang makatutulong sa akin sa tuwing ako ay matutuksong mandaya sa hinaharap.
N. I., Italya
Ako po ay nasa ikasampung baitang. Kung minsan po ay nandaraya ako sa aking mga pagsusulit, anupat walang-wala po sa loob ko na ito pala ay katumbas ng pagnanakaw! Dahil sa artikulong ito, pagsisikapan ko na pong mapanatiling malinis ang aking budhi.
K. G., Estonia