Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Nasa Likod ng Krisis sa Kabukiran?

Ano ang Nasa Likod ng Krisis sa Kabukiran?

Ano ang Nasa Likod ng Krisis sa Kabukiran?

“Ang mga kawani sa Farm Stress Line ay sinanay upang tulungan kang harapin ang kaigtingan sa bukirin. Kami’y mga magbubukíd at dating mga magbubukíd​—kagaya mo rin​—at nauunawaan namin ang mga hamong napapaharap sa mga pamilya sa kabukiran. Maipakikilala ka namin sa mga taong makatutulong. . . . Ang lahat ng tawag ay kompidensiyal.”​—Mula sa isang Web site ng gobyerno ng Canada.

ANG kaigtingan ay kinikilala ngayon ng maraming propesyonal sa kalusugan bilang isang panganib sa hanapbuhay na pagbubukíd. Upang matulungan ang mga magbubukíd na maharap ito, may mga clinical psychologist na espesyalista sa kaigtingan sa kabukiran, na nag-aalok sa mga magbubukíd ng mga serbisyong gaya ng pagtutulungan ng mga grupong may nakakatulad na suliranin at ng direktang mga linya ng telepono na mahihingan ng tulong.

Si Jane, na asawa ng isang magbubukíd, ay dumadalo sa miting ng isang grupong tumatanggap ng tulong tuwing Huwebes ng gabi. “Pumunta ako rito dahil nagpatiwakal ang aking asawa,” ang paliwanag ni Jane. “Ang pangarap niya talaga ay sakahin ang bukid ng pamilya, at palagay ko kung hindi niya kayang gawin iyon, wala na siyang iba pang bagay na gustong gawin.”

Marami ang nakapansin sa walang-katulad na pagtaas sa bilang ng mga magbubukíd na naghahanap ng kaginhawahan mula sa kaigtingan. Ano ba talaga ang nasa likod ng krisis na kinakaharap ng maraming magbubukíd?

Likas na mga Sakuna at Sakit

Ganito ang sabi ng Web site ng gobyerno na sinipi sa pasimula: “Ang mismong gawain sa bukid ay nangangahulugan na malaking bahagi ng iyong pang-araw-araw na buhay​—lagay ng panahon, presyo sa pamilihan, halaga ng interes, pagkasira ng kasangkapan​—ang hindi mo kayang kontrolin. Maging ang pagpili sa dalawang bagay kagaya ng kung anong uri ng pananim ang itatanim o kung ipagbibili ba [o] isasangla ang lupa ay makapagdudulot ng kaigtingan, yamang ang resulta nito ay maaaring maging positibo o negatibo.” Kapag ang mga dahilang ito ay pinalala pa ng banta ng matinding tagtuyot o sakit o pagkawala ng bukid, maaaring madaig ka ng kaigtingan.

Halimbawa, ang tagtuyot ay maaaring magkaroon ng dalawang epekto. Ipinaliwanag ng magbubukíd na si Howard Paulsen na ang tagtuyot noong 2001, isa sa pinakamalubha sa kasaysayan ng Canada, ay nakaapekto sa kaniyang pananim at sa kaniyang hayupan. Palibhasa’y wala nang mapagpastulan o maani, kailangang bumili ng pagkain ng hayop. “Nakagastos na ako ng $10,000 sa pagkain ng hayop at ngayon ay ipinakakain ko na sa kanila ang pagkain na para sana sa panahon ng taglamig,” ang sabi niya. “Kapag sinimulan mong gawin iyan, wala ka nang kikitain kahit sa paghahayupan.” Sa ibang lugar naman, sinalanta ng pagbaha ang maraming bukid​—anupat sinira ang lahat ng aanihin.

Sa Britanya, ang biglang paglitaw ng foot-and-mouth disease noong 2001 ang pinakahuli sa sunud-sunod na mga problemang naranasan ng mga Britanong magbubukíd, lakip na ang mad cow disease at swine fever. Ang mga sakit na ito​—at ang takot na nalilikha nito sa publiko​—ay hindi lamang nagdudulot ng pinsala sa ekonomiya. Ganito ang report ng Agence France-Presse: “Ang matatag-ang-loob na mga naninirahan sa kabukiran, ang klaseng hindi basta-basta lumuluha, ay nakitang humihikbi habang pinanonood nilang isinasalansan ng mga beterinaryo ng gobyerno sa naglalagablab na sigâ ang mga kawan ng baka na buong buhay nilang inalagaan.” Pagkatapos ng pagkalat ng sakit na iyon sa baka, sinimulan pa ngang kumpiskahin ng mga pulis ang mga shotgun mula sa mga magbubukíd na may tendensiyang magpatiwakal. Ang mga serbisyo sa pagpapayo ay binaha ng mga tawag mula sa balisang mga magbubukíd.

Kawalang-Katatagan sa Ekonomiya

Mayroon ding malalaking pagbabago sa pangkalahatang kalagayan sa ekonomiya. “Mula 1940 hanggang sa kalagitnaan ng dekada ng 1980,” na siyang mababasa sa pabalat ng aklat na Broken Heartland, “ang gastos ng produksiyon sa kabukiran sa tinatawag na Pusod ng Amerika ay natriple, ang kapital sa mga makinarya ay tumaas nang apat na ulit, ang mga bayarin sa interes ay tumaas nang sampung ulit, ang kita ay bumagsak nang 10 porsiyento, ang bilang ng mga magbubukíd ay bumaba nang dalawang-katlo, at halos bawat komunidad ng mga magbubukíd ay nabawasan ng populasyon, nawalan ng mga negosyo, at naging mabuway ang ekonomiya.”

Bakit hindi makaagapay ang kinikita sa tumataas na gastusin? Sa pangglobong komunidad sa ngayon, ang mga magbubukíd ay apektado ng mga puwersa ng internasyonal na mga pamilihan. Kaya naman, nasusumpungan ng mga magbubukíd na nakikipagkompetensiya sila sa mga tagasuplay ng pagkain na libu-libong kilometro ang layo sa kanila. Totoo, ang internasyonal na kalakalan ay nagbukas din ng bagong mga pamilihan para sa mga produkto mula sa bukid, ngunit ang pangglobong pamilihan ay maaaring nanganganib na maging mabuway. Halimbawa, noong 1998 ay napaharap ang ilang tagasuplay ng butil at baboy sa Canada sa pagkabangkarote nang ang kanilang mga kostumer sa Asia ay dumanas ng pagbagsak ng ekonomiya.

Paglalaho ng Komunidad

Napansin ni Propesor Mike Jacobsen ng University of Iowa, na nagpakadalubhasa sa mga isyung panlalawigan, na ang krisis sa bukid ay isa ring krisis sa komunidad sa lalawigan. Ganito ang sabi niya: “Ang mga lugar na ito ay nakasentro sa mga bata, malinis, kung saan nais mong mag-asawa at magpalaki ng mga anak. Ang mga paaralan ay disente naman. Ligtas. Iyan ang naguguniguni ng mga tao, hindi ba? Buweno, ang kalagayan sa ekonomiya ng mga bayang ito ay lubhang nakadepende sa maraming maliliit na bukid ng pamilya na nasa palibot.” Bilang resulta, makikita rin ang palatandaan ng krisis sa kabukiran mula sa isinarang mga ospital, paaralan, restawran, tindahan, at simbahan sa mga bayan sa lalawigan. Ang isa sa pinakamagagandang aspekto ng buhay sa sakahán, ang komunidad nito na malapít sa isa’t isa, ay naglalaho na.

Kung gayon, hindi nga kataka-taka, ayon sa magasing Newsweek, halos 16 na porsiyento ng mga Amerikanong naninirahan sa lalawigan ang mahirap pa sa daga. Sa kaniyang report na “The Rural Crisis Downunder,” isinulat ni Geoffrey Lawrence na sa Australia, “di-hamak na mas marami ang walang trabaho, walang sapat na trabaho at naghihikahos sa lalawigan kaysa sa mga lunsod.” Ang kawalang-katatagan sa ekonomiya ay nagtulak sa maraming pamilya​—lalo na sa mga kabataan​—na lumipat sa lunsod. Si Sheila, na nagtatrabaho sa bukid kasama ng kaniyang pamilya, ay nagtanong: “Hanggang kailan ito magpapatuloy bago tayo maubusan ng mga taong handang magsaka?”

Dahil sa paglisan ng nakababatang henerasyon patungo sa mga lunsod, ang populasyon ng maraming bayan sa kabukiran ay kapansin-pansing mas matatanda. Naiwala ng mga komunidad na ito hindi lamang ang sigla ng mga kabataan kundi gayundin ang makukunan ng suporta para sa mga may-edad na​—kadalasan nang kung kailan kailangang-kailangan ang pagkalingang ito. Mangyari pa, maraming mas matatandang residente ang nalilito at natatakot sa mabilis na mga pagbabagong ito.

Kaya naman, ang krisis sa kabukiran ay mapangwasak at malawak ang saklaw. Tayong lahat ay naaapektuhan nito. Sa kabila nito, gaya ng ipakikita ng ating susunod na artikulo, may dahilan para maniwala na ang krisis sa kabukiran ay magwawakas.

[Blurb sa pahina 6]

Sa pangglobong komunidad sa ngayon, ang mga magbubukíd ay apektado ng mga puwersa ng internasyonal na mga pamilihan

[Blurb sa pahina 6]

“Hanggang kailan ito magpapatuloy bago tayo maubusan ng mga taong handang magsaka?”

[Kahon/Mga larawan sa pahina 7]

ORGANIKONG PAGBUBUKÍD

Ang organikong pagkain ay nagiging popular. Ang bumibili ng organikong pagkain sa Canada ay dumarami sa bilis na mga 15 porsiyento bawat taon.

Ano ba ang organikong pagkain? Isang report ng Department of Agriculture, Food and Rural Development ng Alberta ang nagbigay ng katuturan dito bilang “pagkain na pinalaki sa ilalim ng isang sistema ng produksiyon na, bukod sa pag-iwas sa sintetikong mga kemikal, ay nagtataguyod din sa kalusugan ng lupa, pagkakaiba-iba ng mga halaman at hayop, di-gaanong maigting na pakikitungo sa mga hayop at matitinong gawain na di-nakapipinsala sa kapaligiran.”

Ito, ayon sa mga organikong magbubukíd, ay kabaligtaran mismo ng produksiyon ng pagkain na ginagawa ng naglalakihan at komersiyal na mga kabukiran. “Sa malalawak na bukid ay may kalakarang magtanim ng iisang uri lamang ng pananim nang maramihan, na malakas ang ani dahil sa puspusang paggamit ng makinarya at labis-labis na dami ng gawang-taong mga pestisidyo at mga pataba,” ang isinulat ni Katharine Vansittart sa Canadian Geographic. “Bukod pa sa mga latak ng gayong mga kemikal na naiiwan sa pagkain, ang sustansiya ay nababawasan kapag ang pananim ay inani bago ito mahinog, na kailangan naman dahil sa ito ay ibibiyahe pa nang malayo patungo sa mga pamilihan. Upang matiyak na makararating nang maayos ang mga ani sa destinasyon nito, maaari rin silang pahiran ng gaas, pagkit o paraanin sa radyasyon upang hindi agad mahinog.”

Sino ba ang bumibili ng organikong pagkain? Ang report ng Alberta ay nagsasabi na ang mga mamimili ay “iba-iba mula sa mga tin-edyer na palaisip sa kalusugan, hanggang sa nababahalang mga ina, hanggang sa nagkakaedad nang mga baby boomer. . . . Hindi na sila itinuturing lamang na flower child noong dekada ng 1960.”

Gayunman, hindi lahat ng tao ay kumbinsido na mas mainam ang organikong pagkain. Ganito ang sabi ng Canadian Geographic: “Ang kadalasang mas mahal na presyo ng mga organikong pagkain ay nagiging dahilan upang kuwestiyunin ng mga mapag-alinlangan ang halaga nito yamang wala namang matibay na ebidensiya ang siyensiya upang patunayan ang mga kapakinabangan nito. Ang iba naman ay nababahala sa magkaibang pamantayan sa pagkain na nagbubukod sa mahihirap.” Nangangatuwiran ang mga tagapagtaguyod ng organikong pagkain na ang pagbabago sa pagkain, pagkakalakal, at paghahatid nito ay maaaring maging dahilan upang makayang bilhin ng lahat ang organikong pagkain, anuman ang kanilang kalagayan sa kabuhayan. Dahilan sa sari-saring opinyon at makasiyensiyang impormasyon, ang debate hinggil sa organikong pagkain ay malamang na hindi basta-basta maglalaho.

[Kahon/Larawan sa pahina 8]

MGA PESTISIDYO ANG SULIRANIN NG MAGBUBUKÍD

Sinira ng mga peste at mga sakit ng halaman sa ilang bahagi ng daigdig ang mga 75 porsiyento ng potensiyal na ani. Ang maliwanag na solusyon ay basta magtanim ng mas maraming pananim. Ganito ang report ng Globe and Mail: “Sinikap ng mga magbubukíd sa Canada na makalamang sa kompetisyon sa pamamagitan ng paggamit ng mga pamamaraan sa produksiyon na dinisenyo upang dumami ang ani, anupat mas marami silang maipagbibili.” Gayunman, nagbabala si Terence McRae ng kawanihan ng kapaligiran sa Canada: “Marami sa mga pagbabagong ito ang nagpalala sa potensiyal na mga panganib sa kapaligiran mula sa agrikultura.”

Kumusta naman ang paggamit ng mga pestisidyo? Ito rin ay lumilikha ng suliranin sa mga magbubukíd, yamang patuloy pa rin ang debate hinggil sa pagiging mabisa ng mga pestisidyo at sa mga panganib na idinudulot nito sa kalusugan. Inamin ng isang report ng World Health Organization na ang tindi ng lason at mga panganib ng karamihan sa mga pestisidyo ay hindi pa rin lubusang nababatid. Ang potensiyal na mga panganib ay maaaring lumala yamang ang mga pestisidyo ay naipapasa sa pamamagitan ng kawing ng pagkain. Ang mga hayop ay kumakain ng pananim na naispreyhan ng mga pestisidyo. Kinakain naman ng mga tao ang mga hayop.

[Credit Line]

USDA Photo by Doug Wilson