Pagharap sa Baha sa Caucasus
Pagharap sa Baha sa Caucasus
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA RUSSIA
NOONG nakalipas na taon sa hilagang rehiyon ng Caucasus sa Russia, ang dami ng ulan na karaniwan nang bumabagsak sa loob ng tatlong buwan ay bumagsak nang dalawang araw lamang. Maraming ilog ang umapaw. Maging ang maliliit na batis ay naging malalakas na agos, anupat tinatangay ang lahat ng madaanan nito. Nasira ang mga dam, at nawasak ang mga bahay at iba pang istraktura. Biglang-bigla, libu-libong residente ang nawalan ng tirahan. Maraming tao na hindi agad nakalabas sa kanilang mga bahay ang namatay. Ang iba naman ay wala nang nagawa habang inaanod ng rumaragasang tubig ang kanilang mga mahal sa buhay.
Sa lunsod ng Nevinnomyssk, isang pamilya ang nagtangkang tumakas sakay ng kanilang traktora. Subalit isang napakalaking alon ang nagpabaligtad sa traktora, at nasawi ang buong pamilya. Namatay ang ilan sa pagsisikap na iligtas ang iba. Ayon sa opisyal na mga pagtantiya, 335,000 katao ang naapektuhan ng baha. Sa mga ito, mahigit sa 200 ang namatay at marami ang nawawala.
Sampu-sampung libong tahanan ang binaha. Nasira ang mga linya ng tubig at mga lagusan ng dumi. Maging ang nailibing na mga bangkay ay nahantad dahil sa rumaragasang tubig, pati na yaong mga hayop na namatay dahil sa anthrax. Tinatayang umabot ng humigit-kumulang 16 na libong milyong ruble, o mga 500 milyong dolyar (U.S.) ang pinsalang idinulot ng baha.
Talagang nakalulungkot makita ang kalagayan ng dating maganda at mabungang lupain na ito na kadalasan nang paksa ng mga awit at tula! Subalit hindi nasira ng kasakunaan ang tunay na pag-ibig sa kapuwa.
Mabilis na Nailaan ang Tulong
Noong una, walang malinis na tubig, kuryente, gas, at komunikasyon sa telepono. Nawalan ng komunikasyon ang mga tao sa isa’t isa. Mahigit 3,000 Saksi ni Jehova ang naninirahan sa apektadong lugar, at mahigit 700 naman sa loob
at malapit sa Nevinnomyssk. Kaya pagkatapos na pagkatapos na marinig ang mga ulat ng pagbaha, bumuo ang mga Saksi ng pantanging mga komiteng pangkagipitan para pangalagaan ang mga naapektuhan. Ang mga komiteng ito ay kumilos na bago pa makarating ang mga tagasagip ng pamahalaan.Sa maliit na bayan ng Orbelyanovka, mga 60 kilometro sa timog-silangan ng Nevinnomyssk, mabilis na tumaas ang tubig. Walo katao, kasama na ang dalawang babaing Saksi, ang nanganlong sa taluktok ng isang maliit na burol. Subalit doon din nagpuntahan ang maliliit na hayop at maraming ahas. Bunga nito, buong magdamag na nagtaboy ng mga ahas ang walo kataong iyon.
Kinaumagahan, nag-isip ng mga paraan ang lokal na mga Saksi upang mapuntahan nila ang kanilang dalawang kapatid na Kristiyano na napalagay sa kagipitan. Sa wakas, maaga pa ng hapon, isang maliit na bangkang gawa sa goma ang nakita. Ngunit bago nila sagipin ang mga kapatid, ginamit ng mga Saksi ang bangka upang dalhin sa ligtas na dako ang isang paralisadong lalaki na may-edad na. Pagkatapos nito, habang dinadala nila sa ligtas na dako ang mga kapatid, isang helikopter ang lumitaw at kinuha ang iba pang taong naiwan sa burol.
Kinahapunan nang araw ring iyon, sinagip ng mga Saksi ang iba pang tao. Nang itanong ng mga Saksi, “Kilala ba ninyo kami?” sumagot ang mga tao: “Siyempre, mga taga-Ministry of Emergency Situations.” Nagugulat sila kapag nalaman nilang mga Saksi ang sumagip sa kanila.
Ang mga Saksi sa Nevinnomyssk ay bumili ng isang nabibitbit na kusina at naghanda ng mainit na pagkain para sa mga nangangailangan. Hindi lamang pagkain ang inihatid nila kundi pati tubig, damit, at gamot. Pangkat-pangkat ng mga boluntaryong Saksi ang naglinis din ng mga tahanan at nag-alis ng mga labí sa mga bakuran.
Ginamit ng isang mag-asawang Saksi sa Zelenokumsk, na may-ari ng isang negosyo, ang kanilang sasakyan upang maghatid ng tubig, pagkain, at damit, na binili nila sa pamilihang nagtitinda nang pakyawan. Nang tanungin ng mga kakilala ng asawang babae kung para saan ang kaniyang mga pinamili, ipinaliwanag niya na ang mga ito ay para sa mga kapananampalataya na naapektuhan ng kasakunaan. Palibhasa’y naantig sa kaniyang mapagmalasakit na saloobin, nais din nilang tumulong. Isang babaing negosyante ang nagbigay ng isang sako ng noodles, ang isa naman ay nagbigay ng isang malaking kahon ng sabon, at ang iba ay nagkaloob ng mga sako ng asukal.
Tulong Mula sa Malalayong Lugar
Yamang maraming Saksi sa Russia ang nagnanais makaalam kung paano nila matutulungan ang mga biktima ng baha, isang pantanging pondo ang binuo upang makapagpadala ng tulong sa mga nangangailangan. Tumulong maging ang mga boluntaryong manggagawa sa Administrative Center of Jehovah’s Witnesses sa Russia, na masusumpungan malapit sa St. Petersburg. Ang ilan ay bumili ng mga bagong bagay para sa mga biktima ng baha. Ganito ang paliwanag ng isa: “Ibinigay ko ang pinakamaiinam na bagay dahil may tinataglay ako, ngunit walang-wala ang ating mga kapatid.”
Nagpadala rin ang Administrative Center ng mga liham sa humigit-kumulang 150 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa St. Petersburg at Moscow, na ipinaliliwanag kung paano makapag-aabuloy ang mga kapatid ng salapi, pagkain, at damit. Bagaman ang kalagayang pangkabuhayan sa Russia ay di-kaayaaya at karamihan sa mga Saksi ay walang gaanong materyal na mga bagay, bukas-palad silang nag-abuloy. Katulad ito ng pagbibigay ng mahihirap na Kristiyanong taga-Macedonia sa kanilang nangangailangang mga kapatid sa Judea.—Matapos pag-uri-uriin ang iniabuloy na mga bagay sa mga sentro ng pangongolekta, ang mga ito ay inilulan sa mga trak at dinala sa lugar ng kasakunaan. Bukod pa sa mga iniabuloy na ito, bumili ang Administrative Center ng sampung tonelada ng pagkain, 500 set ng kubrekama, at mga panlinis, gayundin ng mga kagamitan at damit na pantrabaho para sa paglilinis sa lugar ng kasakunaan. Lahat-lahat, anim na 50-toneladang trak ang naghatid ng mga suplay bilang tulong sa hilagang rehiyon ng Caucasus.
Nagbigay ng Patotoo ang Pagkabukas-Palad
Ang gawain ng mga Saksi noong panahon ng paglilinis sa lugar ng kasakunaan ay nakaakit ng pansin. Isaalang-alang ang situwasyon sa magandang bakasyunang lunsod ng Kislovodsk, kung saan may mahigit na 300 Saksi. Inialok nila ang kanilang serbisyo sa administrasyon ng lunsod at binigyan sila ng lugar na lilinisin.
Noong Hunyo 28 nang alas 8:00 n.u., mga 150 Saksi, kasama na ang buong mga pamilya, ang nagdala ng kanilang mga kagamitan at nagtipun-tipon para magtrabaho. Ang ilan ay nagbakasyon mula sa kanilang pinagtatrabahuhan nang walang suweldo upang makibahagi sa paglilinis. Di-nagtagal, dumaan ang isang kotse, at lumabas doon ang bise alkalde. “Sino ang mga taong ito?” ang tanong niya.
“Mga Saksi ni Jehova po sila,” ang sabi sa kaniya. “Nagpunta po sila rito upang linisin ang lunsod pagkatapos ng kasakunaan.”
Palibhasa’y nagulat na makita ang napakaraming tao, sinabi ng bise alkalde, “Kapuri-puri sila! Salamat! Ayos ito!”
Nang maglaon, bago lamang mananghali, dumaan ang isa pang opisyal ng lunsod na nakasakay sa kaniyang kotse. Huminto siya, lumabas sa sasakyan, at nilapitan ang mga Saksi. “Pinagmamasdan namin ang inyong ginagawa, at talagang namamangha kami,” ang sabi niya. “Wala pa kaming nakitang mga taong nagtatrabaho na gaya ninyo. Marami na kayong nagawa!”
Sa pagkakataon ding iyon, isang may-edad nang babaing naglalakad ang huminto at nagtanong, “Bakit ba puspusang nagtatrabaho ang mga taong ito?” Nang sinabi sa kaniya na ang mga Saksi ni Jehova ay tumutulong sa lunsod, napaluha siya. “Kayo ay tunay na mga mananampalataya,” ang sabi niya. “Lumalabas ang tunay na kulay ng mga tao kapag sumapit ang kasakunaan.” Sinabi ng isa pang babae: “Tunay na kalugud-lugod ang ginawa ninyo! Matagal na akong hindi nakakakita ng ganiyang paggawa.”
Kinabukasan, pinuri ng lokal na pahayagang Na Vodakh ang mga Saksi ni Jehova, na sinasabing naalis nila ang mahigit sa 100 toneladang banlik mula sa lunsod. Sumulat ng isang liham ng pasasalamat ang mga opisyal ng Kislovodsk sa mga Saksi, na sinasabing: “Ang inyong napakahalagang tulong ang nagsauli sa dating kagandahan ng lunsod . . . Walang alinlangan, ang mga salita ng pasasalamat mula sa maraming panauhin sa aming lunsod ang magiging pinakamainam ninyong gantimpala.”
Bagaman ang likas na kasakunaan na sumapit sa hilagang rehiyon ng Caucasus ay nagdulot ng malaking kawalan at kabagabagan, maligaya ang mga Saksi ni Jehova na magpakita ng pag-ibig sa kanilang mga kapananampalataya at sa kanilang kapuwa-tao. Lalo itong nagdulot ng kagalakan sa kanila dahil alam nilang ang gayong mga pagpapamalas ng pag-ibig ay lumuluwalhati kay Jehova, ang ating Maylalang.
[Mga mapa sa pahina 16]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Dagat na Itim
KABUNDUKAN NG CAUCASUS
Nevinnomyssk
Orbelyanovka
Zelenokumsk
Kislovodsk
Dagat Caspian
[Credit Line]
Globo: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.
[Larawan sa pahina 17]
Binili ng mga Saksi ang nabibitbit na kusinang ito at naghanda ng mga pagkain para sa mga nangangailangan
[Larawan sa pahina 17]
Ginamit ng Saksing ito ang sasakyan ng kaniyang pamilya upang maghatid ng pagkain at mga suplay
[Larawan sa pahina 18]
Pinapurihan ng mga opisyal ng Kislovodsk ang mga Saksi sa pagtulong sa pagsasauli ng kanilang lunsod