Pamumuhay Nang May Multiple Sclerosis
Pamumuhay Nang May Multiple Sclerosis
MAG-ISANG nagmamaneho pauwi si Avis nang biglang lumabo ang kaniyang paningin. Agad niyang inihinto ang kotse. Pagkalipas ng ilang minuto, luminaw uli ang kaniyang paningin, at nagpatuloy siya sa pagmamaneho, anupat inisip niyang baka pagod lamang siya kaya nangyari iyon. Sumunod, habang nasa bakasyon pagkalipas ng apat na taon, nagising si Avis nang hatinggabi dahil sa napakatinding sakit ng ulo. Nagpunta siya sa ospital, kung saan binigyan siya ng doktor ng analgesic at inobserbahan, dahil inaakala nilang posibleng aneurysm iyon.
Kinabukasan ay nawala ang sakit. Pero hinang-hina si Avis. Nahirapan pa nga siyang tanganan ang isang baso ng tubig, at nakaramdam siya ng pangingilig at pakiramdam niya’y nag-iinit ang kaniyang kanang tagiliran. Palibhasa’y nag-aalala, pinaikli nilang mag-asawa ang kanilang bakasyon at umuwi na lamang. Kinaumagahan habang nag-aalmusal, hindi makontrol ni Avis ang kaniyang tinidor, at ang kanang bahagi ng kaniyang buong katawan ay nanghina na ngayon. Nagpunta siya sa ospital, at binigyan siya ng mga doktor ng sunud-sunod na pagsusuri na nagpakitang hindi naman siya naistrok. Dahil walang kaalam-alam sa nangyari apat na taon na ang nakararaan, ipinalagay ng mga doktor na hindi sapat ang mga resulta ng pagsusuri. Pagkalipas ng ilang buwan, nakabawi na ang kaniyang kanang tagiliran. Naghinuha siya na dinapuan siya ng isang kakaibang virus.
Apat na taon pa ang lumipas. Pagkatapos, isang umaga ng Biyernes, nagising si Avis na nanlalabo ang kaniyang kaliwang mata. Ipinalagay ng kaniyang doktor na dulot iyon ng kaigtingan. Subalit pagsapit ng Linggo ay nabulag na ang kaniyang mata. Dahil takot na takot at umiiyak, tinawagan niya ang kaniyang doktor, na agad namang hinilingan siyang dumaan sa iba’t ibang pagsusuri. Medyo nanauli ang kaniyang paningin nang gamutin siya ng steroid. Pagkatapos ng higit pang pagsusuri, natuklasan ng mga doktor ang sakit ni Avis. Mayroon siyang multiple sclerosis, o MS.
Ano ba ang Multiple Sclerosis?
Ang MS ay isang sakit na nagtatagal at may kasamang pamamaga ng central nervous system (CNS), na binubuo ng utak at gulugod. Maraming manggagamot ang naniniwala na ang MS ay isang sakit sa autoimmune system. Ang terminong ito ay tumutukoy sa isang grupo ng mga sakit kung saan ang sistema ng imyunidad ay nagkakaroon ng diperensiya at sinisira nito ang partikular na mga himaymay ng katawan. Hindi alam ang sanhi ng MS, subalit ipinapalagay na ang isang posibleng pinagmumulan nito ay ang impeksiyong dulot ng virus. Ang waring bunga nito ay na sinisira ng mga sangkap ng sistema ng imyunidad ang myelin sheath na bumabalot sa mga
himaymay ng nerbiyo ng CNS, anupat nagkakasugat ang myelin, na isang mahalagang substansiya na taba. Kaya, ang pangalang multiple sclerosis ay tumutukoy sa napakaraming may-pilat na himaymay na lumilitaw sa mga himaymay ng nerbiyo.Ipinagsasanggalang ng myelin ang mga himaymay ng nerbiyo, katulad ng insulasyon sa kuryente. Kaya kapag napinsala ang myelin, maaaring lubusang mahadlangan ang elektrikal na mga impulso, o baka tumawid ang mga impulso sa katabing mga nerbiyo, anupat nagbubunga ng abnormal na impulso. At dahil maaaring magkaroon ng pinsala saanman sa CNS, walang dalawang may sakit nito ang parehung-pareho ang mga sintomas. Ang isang pasyente ay maaari pa ngang magkaroon ng iba’t ibang sintomas sa bawat pagsumpong nito, depende sa kung anong bahagi ng CNS ang apektado. Gayunpaman, kadalasang kasali sa mga sintomas ang pagkahapo, panghihina, pamamanhid ng mga paa o kamay, kahirapan sa paglalakad, panlalabo ng paningin, pangingilig, mainit na pakiramdam, at di-normal na pag-ihi at pagdumi gayundin ang kawalan ng kakayahang magpako ng isip at magpasiya nang tama. Subalit, nakaaaliw namang malaman na marami sa mga pasyente ay “hindi malubhang nababalda,” ang sabi ng The National Multiple Sclerosis Society sa Estados Unidos.—Tingnan ang kahong “Ang Apat na Pangunahing Uri ng MS.”
Gaya sa kaso ni Avis, baka mahirap masuri sa umpisa ang sakit dahil ang mga sintomas ay maaaring nakakatulad ng ibang mga sakit. Subalit kapag nakagawa na ng rekord ng pabalik-balik na mga pagsumpong, kadalasang nakagagawa ng mas tamang pagsusuri ang mga manggagamot.—Tingnan ang kahong “Mga Karaniwang Pagsusuri Para sa MS.”
Sa buong mundo, halos 2.5 milyon katao ang may MS. Kasali sa bilang na iyan ang humigit-kumulang 50,000 taga-Canada at 350,000 naninirahan sa Estados Unidos, kung saan halos 200 katao ang nasusuri na may ganitong sakit linggu-linggo. “Maliban sa pinsala sa katawan, ang [MS] ang pinakamalimit na sanhi ng pinsala sa nerbiyo sa una at kalagitnaang bahagi ng pagkaadulto,” ang sabi ng isang reperensiya sa medisina. At halos dalawang beses na mas marami ang mga babae kaysa sa mga lalaki na naaapektuhan nito, at malimit na unang lumilitaw ang mga sintomas mula sa edad 20 hanggang 50.
Pagkontrol sa MS
Dahil hindi pa rin nagagamot ang MS, sinisikap kontrolin ng mga doktor ang sakit sa pamamagitan ng pagpapahinto o pagpapabagal sa paglalâ nito at ng pagkontrol sa mga sintomas. Kasali sa mga gamot na nilayon upang pahintuin o pabagalin ang paglalâ ng MS at bawasan ang tindi ng pagsumpong ay ang di-kukulangin sa dalawang uri ng interferon (isang likas na protinang ginagawa ng mga selula ng imyunidad) at isang gamot na tinatawag na glatiramer acetate.
Nagrereseta rin ang mga doktor sa ilang pasyente ng gamot na tinatawag na mga corticosteroid, para pigilin ang pamamaga at pabilisin ang paggaling kapag muling sinumpong. Ngunit “ang matagalang *
gamutan ng corticosteroid ay bihirang irekomenda at maaaring maging sanhi ng maraming komplikasyon kasali na ang osteoporosis, ulser, at diyabetis,” ang sabi ng babasahin sa medisina na The Merck Manual. Isa pa, baka hindi mabago ng terapi ng steroid ang nagtatagal na sakit. Kaya mas gusto ng ilang doktor na hindi gamutin ang di-gaanong malubhang pagsumpong nito.Iba naman ang ginagawa ng ilang mananaliksik upang maghanap ng lunas sa MS, iyon ay pag-aralan ang mga paraan upang isauli ang nasirang myelin. Sa mga pag-aaral sa laboratoryo, nakilala nila ang pinagmumulan, o pinakaugat, na mga selula na maaaring lumikha ng magulang na selulang naglalabas ng myelin. Kung matututuhan nila kung paano mapagagana ang prosesong ito, baka mapakilos nila ang katawan na ayusin ang nasirang mga nerbiyo.
Pamumuhay Nang May MS
Mahigit na 50 porsiyento ng mga may sakit na MS ang nagsabi na ang pagkapagod ang isa sa pinakamahirap na problema na kanilang binabata. Maaaring palalain ng pagkapagod ang mga sintomas ng sakit, anupat nakaaapekto ito sa pagtatrabaho at pagkakataong makapagtrabaho ng isa. At maaaring pahinain nito ang pagkontrol ng isa sa sakit. Dahil dito, natuklasan ng maraming nakararanas ng pagkapagod sa bandang hapon na nakatutulong ang pagtatrabaho sa umaga at regular na pag-idlip sa bandang hapon. Halimbawa, ang isang oras na pamamahinga tuwing hapon ay nakatulong kay Avis upang maipagpatuloy niya ang kaniyang gawain bilang isang buong-panahong boluntaryong ministro.
May kinalaman sa karaniwang pangangalaga sa kalusugan ng mga may sakit na MS, idiniriin ng Harrison’s Principles of Internal Medicine ang kahalagahan ng patuloy na pangangalaga sa kalusugan, “kasali na ang pagbabawas ng kaigtingan, pagkakaroon ng timbang na pagkain, pag-iwas sa mabilis na pagpapapayat, at sapat na pamamahinga.” Ipinapalagay ng maraming mananaliksik na ang kaigtingan ay maaaring maging sanhi ng muling pagsumpong. Kaya nga, makabubuti para sa mga indibiduwal na alamin ang espesipikong mga dahilan na nagdudulot ng kaigtingan na maaaring makatuwirang iwasan.
Sa kabilang banda naman, dapat panatilihin ng mga may sakit na MS ang isang normal at aktibong buhay hangga’t maaari nang hindi nagpapakalabis sa trabaho, nagpapakapagod, o naghahantad sa kanilang sarili sa labis na init o lamig. Kailangan din
silang mag-ehersisyo nang wasto. Sinasabi ng The Merck Manual: “Ang regular na ehersisyo (halimbawa, stationary biking, paggamit ng treadmill, paglangoy, mga ehersisyo sa pag-iinat) ay inirerekomenda, maging sa mga pasyente na mas malalâ na ang MS, sapagkat kinukundisyon nito ang puso at mga kalamnan, binabawasan ang pamumulikat, at may mabubuting epekto sa isip.”“Mahalaga na kilala mo ang iyong sariling katawan,” ang sabi ni Avis. “Kapag nakararamdam na ako ng kakaibang pagkapagod o pangingilig o pamamanhid sa aking mga kamay o paa, alam kong dapat na akong maghinay-hinay sa pagkilos sa loob ng isa o dalawang araw. Nakatulong ito sa akin para makayanan ko ang sakit.”
Ang panlulumo ay maaaring maging problema rin ng mga may sakit na MS subalit hindi ito tuwirang resulta ng sakit mismo. Pagkatapos magitla sa unang pagkakataong masuri ito, karaniwan nang nakararanas ang mga pasyente ng iba’t ibang antas ng pamimighati. Maaaring kasali sa mga nadarama ang pagkakaila, pagkagalit, pagkabigo, kalungkutan, at kawalang-kaya. Normal lamang ang mga damdaming ito, at kadalasang humuhupa ang mga ito, anupat nahahalinhan ng mas positibong pag-iisip.
Likas ding maapektuhan ang mga kapamilya at mga kaibigan na kadalasang nakikidalamhati sa nararamdaman ng taong kasusuri pa lamang. Subalit, mas madali nilang mahaharap iyon at makatutulong nang malaki sa maysakit kung pagsisikapan nilang alamin ang tungkol sa sakit. Halimbawa, makabubuting malaman na hindi naman talaga nakaaapekto sa haba ng buhay ang MS, hindi ito nakahahawa, at hindi tuwirang namamana. Gayunman, sinasabi ng mga datos na namamana ang pagiging madaling dapuan ng karamdaman.
Marami sa mga may sakit na MS ay produktibo at masaya ang buhay. Nasumpungan ni Avis ang karagdagang lakas na nagmumula sa kaniyang kaugnayan sa Diyos at sa kaniyang salig-Bibliyang pag-asa sa hinaharap. Oo, sabik na hinihintay niya ang panahon sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos kapag wala nang magsasabi, “Ako ay may sakit.” (Isaias 33:24; Apocalipsis 21:3, 4) Kung ikaw ay pinahihirapan ng MS o anumang iba pang malubhang sakit, nawa ang “kaaliwan mula sa Kasulatan” ay umalalay rin sa iyo at makatulong sa iyo na mas mabata ang iyong mga pagsubok.—Roma 15:4.
[Talababa]
^ par. 12 Ipinakikita ng kamakailang mga pag-aaral na ang 50 hanggang 60 porsiyento ng mga taong may MS ay umiinom ng mga bitamina, mineral, yerba, at iba pang suplemento sa pagkain. Bagaman ang ilan sa mga ito ay baka hindi nakasasamâ sa mga may sakit na MS, maaaring ang iba naman ay hindi makabuti o mapanganib pa nga. Kaya bago pa man magkaroon ng karagdagang terapi o uminom ng mga suplemento sa pagkain ang mga pasyente, dapat nilang pag-isipan ang posibleng mga panganib.
[Kahon sa pahina 12]
Ang Apat na Pangunahing Uri ng MS
Relapsing-remitting: Ito ang pinakakaraniwang uri ng sakit, at apektado nito ang mula 70 hanggang 80 porsiyento ng mga pasyente sa unang paglitaw ng mga sintomas. Napakadaling malaman ang mga pagsumpong (relapse) mula sa yugto ng paghupa (remission) ng mga sintomas, na sa panahong iyon ang mga sintomas ay nawawala o medyo nababawasan. Wala namang palatandaan ng paglalâ ng sakit sa pagitan ng mga pagsumpong.
Secondary progressive: Sa mga pasyente na unang nakaranas ng relapsing-remitting na uri, halos 70 porsiyento ang nauuwi sa secondary progressive MS. Maaaring patuloy silang sumpungín, ngunit nararanasan din nila ang mabagal at patuloy na paghina ng mga nerbiyo.
Progressive-relapsing: Dahil naaapektuhan nito ang halos 10 porsiyento ng mga pasyente, ang uring ito ng MS ay patuloy na lumalalâ mula sa unang paglitaw nito. Matindi kapag sinumpong ang mga pasyente na gumagaling naman o kung minsan ay hindi na. Hindi tulad ng uring relapsing-remitting, ang sakit ay lumalalâ sa tuwing susumpungín.
Primary progressive: Ang uring ito ng MS ay nakaaapekto sa 10 hanggang 15 porsiyento ng mga pasyente. Mula sa unang paglitaw nito, halos patuloy ang paglalâ nito na hindi makita ang pagkakaiba ng yugto ng pagsumpong at paghupa nito. Ngunit ang bilis ng paglalâ ay maaaring magbagu-bago sa paglipas ng panahon na may pansamantala at bahagyang pagbuti ng kalagayan. Mas pangkaraniwan ito sa mga taong nagkaroon ng MS paglampas sa edad na 40.
[Credit Line]
Pinagkunan: Ang National Multiple Sclerosis Society sa Estados Unidos at ang aklat na Multiple Sclerosis in Clinical Practice. Depende sa pinagkunan, may kaunting pagkakaiba sa mga bilang ng porsiyento.
[Kahon sa pahina 13]
Mga Karaniwang Pagsusuri Para sa MS
Magnetic resonance imaging (MRI): Ang MRI ang isa sa pinakakapaki-pakinabang na paraan ng pagkuha ng larawan na mayroon sa ngayon at ito ay nakakakuha ng napakadetalyadong mga larawan ng himaymay ng utak. Maaaring isiwalat ng mga larawang ito ang mga palatandaan ng MS o sa paanuman ay nakatutulong upang hindi na ito masuri na ibang sakit kung may MS ang pasyente.
Pag-aanalisa ng cerebrospinal fluid (CSF): Ang CSF ay nakukuha sa gulugod. Tinitingnan ng mga doktor ang di-normal na dami ng partikular na mga substansiya sa sistema ng imyunidad at mga substansiya na nakuha mula sa pagkasira ng myelin.
Evoked response testing: Ginagamit ang computer upang masukat ang katamtamang oras na nagugugol para dumaloy ang mga hudyat ng nerbiyo sa sistema ng nerbiyo. Ang 80 hanggang 90 porsiyento ng mga pasyenteng may MS ay nakikitaan ng abnormalidad.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 14]
Matagumpay na Pagharap sa MS
Suporta: Ang malapít na ugnayan sa maunawain at matulunging mga kamag-anak at mga kaibigan ay nakatutulong sa ikabubuti ng indibiduwal. Kaya humingi ng tulong kapag kailangan mo iyon, at iwasang ibukod ang iyong sarili.
Malayang pag-uusap: Ang pagiging handang ipakipag-usap nang malaya ang tungkol sa MS at sa mga problemang idinudulot nito ay nakatutulong sa pag-unawa sa sakit at pagbabata ng mga maysakit. Sa kabilang banda, ang pag-aatubiling ipakipag-usap ito ay humahantong sa mga di-pagkakaunawaan, pagkabigo, at pagbubukod sa sarili.
Espirituwalidad: Ipinakikita ng dumaraming katibayan na ang espirituwalidad ay nakabubuti sa ating kalusugan at nakatutulong sa paglinang ng iba pang magagandang katangian, kasali na ang optimistikong pangmalas sa hinaharap. Kasuwato ito ng mga salita ni Jesus: “Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.”—Mateo 4:4.
Ugaling mapagpatawa: Bagaman walang nakatatawa sa MS, ang pagtawa ay mabuting gamot sa katawan at isip.
[Credit Line]
Salig sa aklat na Multiple Sclerosis in Clinical Practice.
[Larawan sa pahina 11]
Ang MS ay dalawang beses na mas karaniwan sa mga babae kaysa sa mga lalaki
[Larawan sa pahina 13]
Ang regular na ehersisyo ay mabuti para sa katawan at isip