Ang Pangmalas ng Bibliya
Paano Mo Mapaglalabanan ang Maling mga Pagnanasa?
“Kapag nais kong gawin ang tama, yaong masama ay narito sa akin.”—ROMA 7:21.
MARAHIL, kung ihahambing sa iba pang apostol, si Pablo ang higit na nagpagal upang itaguyod ang matatayog na simulain ng Kristiyanismo. (1 Corinto 15:9, 10) Gayunpaman, tahasan niyang inamin ang binanggit sa itaas. Naranasan niya ang isang patuluyang pagtatalo ng kaniyang isip at ng kaniyang maling mga pagnanasa. Naranasan mo na ba ang nadama ni apostol Pablo? Sa totoo lamang, bilang di-sakdal na mga nilalang, sino sa atin ang hindi pa nakaranas ng panloob na pagtatalo?
Para sa marami, ang pakikipagpunyagi upang madaig ang maling mga pagnanasa ay napakatindi. Ang ilan ay nakikipagpunyagi laban sa imoral na mga pagnanasa sa sekso. Ang iba naman ay inaalipin ng pagkasugapa sa pagsusugal, tabako, bawal na droga, o sa inuming de-alkohol. Kapag sinalot ng nakapipinsala at di-malinis na mga pagnanasa, paano natin mapaglalabanan ang mga ito? Anong tulong ang makukuha? Matatapos pa kaya ang pakikipagpunyagi laban sa maling mga pagnanasa?
Pag-ibig—Ang Susi sa Paglaban sa Maling mga Pagnanasa
Tinukoy ni Jesus ang dalawang pinakadakilang utos sa Kautusang Mosaiko. Ito ang una: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.” (Mateo 22:37) Kung iniibig natin ang Diyos gaya ng sinabi ni Jesus na dapat nating gawin, hindi ba ang pagpapalugod sa Kaniya ang dapat maging pinakamasidhi nating hangarin? Kung gayon, ang matuwid na hangaring iyan ay makatutulong sa atin na labanan maging ang maling mga pagnanasa na napakahirap daigin! Hindi ito isang idealistikong teoriya lamang. Milyun-milyong Kristiyano ang nagtatagumpay sa paglaban sa maling mga pagnanasa araw-araw. Paano mo malilinang ang gayong matibay na pag-ibig sa Diyos? Sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay nang may pagpapahalaga sa kaniyang kabutihan gaya ng makikita sa kaniyang mga nilalang, sa Bibliya, at sa kaniyang personal na pakikitungo sa atin.—Awit 116:12, 14; 119:7, 9; Roma 1:20.
Ang ikalawang pinakadakilang utos na binanggit ni Jesus ay: “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Mateo 22:39) Sinabi ni apostol Pablo na ang pag-ibig ay “hindi gumagawi nang hindi disente” at “hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan.” Kaya naman, ang gayong di-makasariling pag-ibig ay tumutulong sa atin na iwasan ang anumang paggawi na makasasakit sa iba. (1 Corinto 13:4-8) Paano ito malilinang? Sa pamamagitan ng paglalagay ng ating sarili sa kalagayan ng iba at taimtim na pagmamalasakit sa kanilang damdamin at pangmatagalang kapakanan.—Filipos 2:4.
Anong Tulong ang Makukuha?
Dahil nauunawaan ng Diyos kung gaano kahirap para sa atin na gawin ang tama, naglaan siya ng tulong sa iba’t ibang anyo. Sa pamamagitan ng kaniyang nasusulat na Salita, ang Bibliya, itinuturo niya sa atin na kapootan ang masama at linangin ang kapuri-puring paggalang sa kaniya. (Awit 86:11; 97:10) Naglalaman ang Bibliya ng tunay-sa-buhay na mga ulat na nagpapakita ng kapaha-pahamak na kahihinatnan ng pagbibigay-daan sa maling mga pagnanasa. Karagdagan pa, sinabi ni Jesus na kung hihilingin natin ito, ibibigay sa atin ng Diyos ang Kaniyang banal na espiritu, ang pinakamalakas na puwersa sa uniberso. (Lucas 11:13) Mapalalakas nito ang ating determinasyon na gawin kung ano ang tama. Ang isa pang paglalaan ay ang suporta at pagpapatibay sa isa’t isa na matatanggap natin mula sa ibang mga Kristiyanong nakikipaglaban din sa maling mga pagnanasa. (Hebreo 10:24, 25) Habang pinapalitan ng positibong mga impluwensiya ang mga negatibong impluwensiya, natutulungan tayo sa ating pagpupunyaging gawin kung ano ang tama. (Filipos 4:8) Mabisa ba talaga ang pamamaraang ito?
Isaalang-alang si Fidel, na kilala sa pagiging isang lasenggo sa kaniyang komunidad. Samantalang nakainom, nananabako siya, nagsusugal, at nakikipag-away sa iba. Ang kaniyang pakikipag-aral ng Bibliya at pakikisama sa mga Saksi ni Jehova ay tumulong sa kaniya na madaig ang mga gawaing ito. Tinatamasa na niya ngayon ang mas magandang buhay kapiling ang kaniyang asawa at dalawang anak.
Baka may magtanong, ‘Pero paano kung muli akong magkasala?’ Binanggit ni apostol Juan ang posibilidad na iyan. Sumulat siya: “Mumunti kong mga anak, isinusulat ko sa inyo ang mga bagay na ito upang hindi kayo magkasala. At gayunman, kung ang sinuman ay magkasala, tayo ay may katulong sa Ama, si Jesu-Kristo, isa na matuwid. At siya ay pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan, gayunma’y hindi lamang para sa atin kundi para rin naman sa buong sanlibutan.” (1 Juan 2:1, 2) Oo, tinatakpan ng hain ni Jesus ang mga pagkakamali ng isang tao na nagsisisi at taimtim na nagsisikap na magbago upang mapalugdan ang Diyos. Yamang nalalaman ang paglalaang iyan, ano pa bang makatuwirang dahilan ang masasabi ng sinuman upang sumuko sa pakikipagpunyagi na gawin kung ano ang tama?
Madaraig ang Maling mga Pagnanasa
Kapag nilinang natin ang ating pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa at sinamantala ang tulong ng Diyos, kahit ngayon ay maaari na tayong magtagumpay sa ating pakikipagpunyagi laban sa maling mga pagnanasa. Karagdagan pa, tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos na ang pakikipagpunyaging ito ay hindi magpapatuloy magpakailanman. Sa malapit na hinaharap, yaong mga nagsasamantala sa espirituwal na mga paglalaan ng Diyos ay lubusang pagagalingin, kapuwa sa pisikal at espirituwal na paraan. (Apocalipsis 21:3-5; 22:1, 2) Palalayain sila mula sa pasan ng kasalanan at sa kamatayang idinudulot nito. (Roma 6:23) Sa kabilang dako naman, yaong mga sadyang nagbibigay-daan sa kanilang di-malinis at nakapipinsalang pagnanasa ay hindi pagkakalooban ng mga pagpapalang iyon.—Apocalipsis 22:15.
Tunay na nakaaaliw malaman na hindi tayo magpupunyagi nang walang hanggan sa maling mga pagnanasa. Lubusan at permanenteng aalisin ang mga ito. Kaylaking kaginhawahan nga iyon!