Mga Halaman—Mahalagang Pinagkukunan ng mga Gamot
Mga Halaman—Mahalagang Pinagkukunan ng mga Gamot
Tinataya ng mga eksperto na 25 porsiyento ng lahat ng makabagong mga gamot sa botika na inaasahan ng mga tao—lubusan man o bahagya lamang—ay mga kemikal na matatagpuan sa mga halaman. Madalas banggitin ng mga taong nagtataguyod ng iba’t ibang halamang-gamot ang katotohanang ito.
Ang karamihan sa pananaliksik na ginagawa hinggil sa medisinal na mga halaman ay nakatuon sa pagbubukod ng terapeutikong mga sangkap. Ang pangunahing halimbawa ng gayong sangkap ay ang aspirin, nakukuha sa salicin, na matatagpuan sa balat ng punong white willow.
Kapag naihiwalay na, ang terapeutikong mga sangkap na matatagpuan sa isang halaman ay maaari nang paghati-hatiin sa sapat at mas tamang dosis. Isang reperensiyang akda ang nagsabi: “Mas madaling makukuha ang pakinabang na naibibigay ng aspirin mula sa sapat na dami ng balat ng willow o lubusang magiging mabisa ang nakapagliligtas-buhay na digitalis mula sa sapat na dami ng foxglove, kung iinumin ito sa anyong pildoras kaysa sa kainin ang natural na substansiya.”
Sa kabilang banda, ang pagbubukod ng terapeutikong sangkap mula sa medisinal na halaman ay may mga disbentaha. Unang-una, mangangahulugan iyon na masasayang ang anumang sustansiya at posibleng medisinal na pakinabang na maibibigay ng iba pang substansiya ng halaman. Karagdagan pa, ang ilang organismo na nagdudulot ng sakit ay hindi na tinatablan ng gamot na nilayon para sa mga ito.
Ang quinine, isang substansiyang nagmula sa balat ng punong cinchona, ay nagbibigay ng halimbawa ng mga disbentaha ng pagbubukod ng terapeutikong sangkap na nagmumula sa medisinal na halaman. Bagaman pinapatay ng quinine ang malaking porsiyento ng mga parasitong nagdudulot ng malarya, ang mga parasitong hindi nito napapatay ay lalong dumarami habang namamatay ang ibang mga parasito. Ipinaliwanag ng isang reperensiyang akda: “Ang gayong pagkadi-tinatablan ng gamot ay naging malaking problema sa medisina.”
[Mga larawan sa pahina 15]
Ang aspirin ay nakukuha sa punong “white willow”
[Credit Line]
USDA-NRCS PLANTS Database/Herman, D.E. et al. 1996. North Dakota tree handbook
[Mga larawan sa pahina 15]
Ang punong “cinchona,” na pinagkukunan ng “quinine”
[Credit Line]
Courtesy of Satoru Yoshimoto