Kung Paano Makatutulong ang Iba
Kung Paano Makatutulong ang Iba
MARAHIL ay may kilala kang pinahihirapan ng depresyon o bipolar disorder. Kung mayroon man, paano ka makatutulong? Ganito ang makatuwirang payo ni D. J. Jaffe ng National Alliance for the Mentally Ill: “Huwag ituring na ang sakit at ang indibiduwal ay iisa lamang; sa halip, kapootan ang sakit subalit mahalin ang tao.”
Ganiyang-ganiyan ang ipinakitang pagtitiis at pag-ibig ng isang babae na nagngangalang Susanna. May kaibigan siya na may bipolar disorder. “May mga pagkakataon na ayaw na ayaw niya akong makita,” ang sabi ni Susanna. Sa halip na iwanan ang kaniyang kaibigan, nagsaliksik si Susanna para malaman ang tungkol sa bipolar disorder. “Ngayon,” ang sabi niya, “natanto ko kung gaano katindi na naapektuhan ng sakit ang paggawi ng aking kaibigan.” Sa palagay ni Susanna, maaaring suklian ng kamangha-manghang gantimpala ang isa dahil sa pagsisikap na unawain ang maysakit. “Matutulungan ka nitong patuloy na mahalin at pahalagahan ang mabuting taong ito sa kabila ng kaniyang sakit,” ang sabi niya.
Kung ang maysakit ay isang kapamilya, mahalaga ang buong-pusong pagsuporta. Natutuhan ito ni Mario, na binanggit sa naunang artikulo ng seryeng ito, mula sa kaniyang karanasan. Ang kaniyang asawang si Lucia, na naunang binanggit din, ay may bipolar disorder. “Noong una,” ang sabi ni Mario, “natulungan ako ng pagsama-sama ko sa aking asawa sa kaniyang doktor at sa pag-aaral sa kakaibang sakit na ito para maging pamilyar ako nang husto sa kung ano ang aming kinakaharap. Madalas din kaming nag-uusap ni Lucia at patuloy na nagtutulungan sa pagharap sa kalagayang bumabangon habang lumalakad ang panahon.”
Tulong Mula sa Kongregasyong Kristiyano
Ang Bibliya ay nagpapayo sa lahat ng Kristiyano na “magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo” at “magkaroon ng mahabang pagtitiis sa lahat.” (1 Tesalonica 5:14) Paano mo magagawa ito? Una, mahalagang maunawaan ang pagkakaiba ng sakit sa isip at sa espirituwal. Halimbawa, ipinahiwatig ng manunulat sa Bibliya na si Santiago na ang panalangin ay makapagpapagaling sa isang may dinaramdam sa espirituwal. (Santiago 5:14, 15) Gayunman, kinilala ni Jesus na ang mga may sakit sa pisikal ay nangangailangan ng manggagamot. (Mateo 9:12) Sabihin pa, angkop lamang at nakatutulong na ipanalangin kay Jehova ang anumang ikinababahala natin, kasali na ang ating kalusugan. (Awit 55:22; Filipos 4:6, 7) Subalit hindi naman sinasabi ng Bibliya na ang pagiging masigasig sa espirituwal na mga bagay ang mismong makagagamot sa kasalukuyang mga problema sa kalusugan.
Samakatuwid, iniiwasan ng may-pang-unawang mga Kristiyano na magpahiwatig na ang mga taong nanlulumo ang may pananagutan sa pagdurusa nila mismo. Hindi makatutulong ang gayong mga pananalita gaya ng sinabi ng bulaang mga mang-aaliw ni Job. (Job 8:1-6) Ang katotohanan ay na maraming kaso ng depresyon ang hindi gagaling malibang gamutin ito. Lalo nang totoo ito kung matindi ang depresyon ng isang tao, marahil kung nag-iisip pa ngang magpatiwakal. Sa gayong mga kaso, mahalaga ang tulong ng isang propesyonal.
Gayunman, malaki ang magagawa ng kapuwa mga Kristiyano para makatulong. Sabihin pa, kailangan ang pagkamatiisin. Halimbawa, ang ilang bahagi ng gawaing Kristiyano ay baka lalo nang nakasisira ng loob ng mga taong may mood disorder. Ganito ang sabi ni Diane na may sakit na bipolar: “Nakikipagpunyagi ako para makibahagi sa ministeryo. Isang hamon na dalhin ang mabuting balita ng Bibliya sa mga tao kapag hindi mabuti ang pakiramdam ko.”
Para makatulong sa mga pinahihirapan nito, sikaping maging madamayin. (1 Corinto 10:24; Filipos 2:4) Sikaping malasin ang mga bagay-bagay sa pangmalas ng maysakit sa halip na sa iyo. Huwag mong pabigatan ang indibiduwal ng di-makatuwirang mga inaasahan. “Kapag tinatanggap ako ayon sa pagkatao ko ngayon,” ang sabi ni Carl, na nakikipagpunyagi sa depresyon, “unti-unti kong nadarama na nagiging malapít muli ako sa iba. Dahil sa matiyagang tulong ng iilang nakatatandang mga kaibigan, nagkaroon ako ng mas malapít na kaugnayan sa Diyos at nakasumpong ng malaking kagalakan sa pagtulong sa iba na gayundin ang gawin.”
Sa pamamagitan ng tulong ng iba, ang mga maysakit ay makasusumpong ng malaking kaginhawahan mula sa kanilang kapighatian. Isaalang-alang ang isang Kristiyanong babae na nagngangalang Brenda, na may sakit din na bipolar. “Talagang napakamatulungin at napakamaunawain ng mga kaibigan ko sa kongregasyon noong ako’y nanlulumo, anupat hindi nila ako kailanman hinatulan na mahina sa espirituwal,” ang sabi niya. “May mga pagkakataon noon na isinasama nila ako sa ministeryo at hinahayaan nila akong makinig lamang o inirereserba nila ako ng upuan sa Kingdom Hall para makapasok ako kapag nakaupo na ang lahat.”
Ang pag-alalay ng maibigin at madamaying mga elder sa kongregasyon ay nakatulong nang malaki kay Cherie, na nakararanas ng depresyon at binanggit sa naunang artikulo. Ganito ang sabi niya: “Kapag binibigyang-katiyakan ako ng mga elder hinggil sa pag-ibig ni Jehova, binabasahan ako ng mga teksto sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, at ipinakikipag-usap sa akin ang layunin ni Jehova tungkol sa isang mapayapa at maligayang paraiso at kapag ipinapanalangin nila ako—maging sa telepono—gumagaan ang pasan ko. Alam kong hindi ako pinababayaan ni Jehova o ng aking mga kapatid, at nakapagpapalakas iyan sa akin.”
Walang alinlangan na sa pagbibigay ng kapaki-pakinabang na tulong, ang mga kapamilya at mga kaibigan ay may mahalagang bahaging ginagampanan sa pagbuti ng isang maysakit. “Sa palagay ko’y mas kontrolado ko na ang buhay ko ngayon,” ang sabi ni Lucia. “Talagang pinagsisikapan naming mag-asawa na magkasamang harapin ito, at mas mabuti na ngayon ang kalagayan namin.”
Maraming nakikipagpunyagi sa ngayon sa iba’t ibang uri ng sakit sa isip ang nakababatid na pangmatagalan ang pakikipagpunyagi sa nakababalisang mga sakit na ito. Subalit, ang Bibliya ay nangangako na sa bagong sanlibutan ng Diyos, “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’” (Isaias 33:24) Mawawala na ang nakapipighating mga sakit at karamdaman na sumasalot sa marami sa ngayon. Tunay na nakagagalak ng puso na pag-isipan ang pangako ng Diyos na isang bagong sanlibutan kung saan ang lahat ng sakit—kasali na ang mga mood disorder—ay mawawala na magpakailanman. Sa panahong iyon, ang sabi ng Bibliya, ay mawawala na ang pagdadalamhati o ang paghiyaw o ang kirot pa man.—Apocalipsis 21:4.
[Blurb sa pahina 12]
Kinilala ni Jesus na ang mga maysakit ay nangangailangan ng manggagamot.—MATEO 9:12
[Blurb sa pahina 13]
Ang Bibliya ay nangangako na sa bagong sanlibutan ng Diyos, “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’”—ISAIAS 33:24