Nabubuhay sa Gitna ng Kahirapan
Nabubuhay sa Gitna ng Kahirapan
Gaya ng inihula sa Bibliya, tayo ay nabubuhay na sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Ang kaguluhan sa pamilya, mga suliranin sa kalusugan, at pinansiyal na mga kagipitan ay ilan lamang sa mga hadlang na maaaring magpahirap sa iyo. Kung minsan, nadarama mong hindi mo na kaya ito. Gayunpaman, maaari kang mabuhay sa gitna ng kahirapan. Isaalang-alang ang sumusunod na ilustrasyon.
Ang biyoletang Teide ay tumutubo sa taas na halos 3,700 metro sa isla ng Tenerife sa baybayin ng Hilagang Aprika. Ang Pico de Teide, ang bulkanikong taluktok kung saan nagmula ang pangalan ng biyoleta, ang nangingibabaw sa subtropikal na isla. Waring walang pananim na makikita sa mga dalisdis nito sa itaas. Subalit sa tagsibol, ang natutunaw na niyebe ng taglamig ay nagbibigay ng sapat na tubig upang mabuhay ang nagtatagal na mga biyoletang ito at gayakan ng isang purpurang putong ang mga dalisdis sa itaas ng bulkan. Oo, ang bulaklak na ito ay tila mahina at maselan, subalit nagagawa nitong mabuhay at lumago pa nga sa tigang at masungit na kapaligiran.
Tulad ng biyoletang Teide, maaari ka ring makapagbata sa gitna ng mahihirap na kalagayan. Natulungan ng Bibliya ang maraming Saksi ni Jehova na magbata maging sa pinakamahirap na mga panahon. Halimbawa, nakaligtas ang mga nabilanggo sa mga kampong piitan sa Alemanya sa ilalim ng Nazi. “Mas malupit ang pagtrato sa kanila kaysa sa anumang ibang grupo,” ang sabi ng peryodistang Sweko na si Björn Hallström, “subalit sa pamamagitan ng kanilang paniniwala sa Diyos, nagawa nilang higit na mabata ito kaysa sa anumang ibang grupo.”
Anuman ang iyong kalagayan, matutulungan ka ng Bibliya na mabuhay sa gitna ng kahirapan. Makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong pamayanan, o sumulat sa adres sa pahina 5 ng magasing ito para sa isang walang-bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya.