Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Makikita sa Sinaunang mga Gusali ang Pangalan ng Diyos

Makikita sa Sinaunang mga Gusali ang Pangalan ng Diyos

Makikita sa Sinaunang mga Gusali ang Pangalan ng Diyos

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA SLOVENIA

Sa loob ng maraming siglo, itinayo sa mga taluktok ng burol sa buong Europa ang mga simbahan at monasteryo. Ang sinaunang mga gusaling ito ay may mga disenyong mula sa istilong Romanesko noong Edad Medya​—na karaniwan nang may makakapal na pader at malalaking arko na pabalantok​—hanggang sa marangya at dramatikong istilo na baroko (baroque) nang sumunod na mga siglo. Kapansin-pansin, matatagpuan sa loob ng marami sa mga gusaling ito ang Tetragrammaton, ang apat na Hebreong titik ng personal na pangalan ng Diyos.

Halimbawa, isaalang-alang ang abadiya ng Stična, isa sa pinakamatandang monasteryo ng Cistercian, na matatagpuan sa Slovenia. Itinayo ito noong 1135, mga 40 taon lamang pagkatapos na maitatag ang orden ng monasteryo ng Cistercian sa Pransiya. Bagaman ilang beses nang kinumpuni ang abadiya, napanatili nito ang orihinal na istilong Romanesko, na ngayo’y pinaganda pa ng istilong baroko. Ang loob nito ay pinalamutian ng iba’t ibang ipinintang larawan at mga estatuwa. Isang altar na nakadikit sa pader ang pinalamutian ng malalaking gintong titik ng Tetragrammaton na nasa loob ng isang pilak na argolya.

Ang bayan ng Slovenj Gradec ay unang binanggit sa nakasulat na mga rekord noon pang ikasampung siglo. Isang Gotikong simbahan-ospital ang itinayo roon noong 1419. Ang buong pader sa loob ng gusali ay iniukol sa pintang alpresko noong ika-15 siglo na naglalarawan ng 27 tagpo sa Bibliya. Nagsimula iyon sa pagkabuhay-muli ni Lazaro at nagtapos sa Pentecostes. Sa isa pang lugar sa gusali ring iyon, ang pangalan ng Diyos ay nakadispley sa itim na Hebreong mga titik na may gintong likuran.

Matatagpuan sa bandang hilagang-kanluran ng bansa ang bayan ng Radovljica. Noong mga ika-15 siglo, ang maliit na pamayanan ay napalibutan ng mga pader at ng isang bambang at binubuo ng isang kastilyo, simbahan, at iba’t ibang gusali. Isang gintong plake sa isa sa mga altar ng simbahan ang nagtataglay ng Tetragrammaton.

Nakatayo malapit sa maliit na nayon ng Podčetrtka ang sinaunang monasteryo na matutunton ang pinagmulan noong ika-17 siglo. Sa loob, makikita ng isang maingat na tagamasid ang pangalan ng Diyos na nakagayak sa isang pintang alpresko.

Makikita ang Tetragrammaton sa maraming iba pang sinaunang gusali sa Slovenia. Kaya naman, habang hinahangaan ang kasanayan sa paggawa at pagkamasining noong nakalipas na panahon, malalaman ng mga turista na ang mga naninirahan noon sa lugar na iyon ay pamilyar sa pangalan ng Diyos.

[Larawan sa pahina 31]

Altar na nakadikit sa pader sa monasteryo ng Stična

[Larawan sa pahina 31]

Sa simbahan ng Sveti Duh sa Slovenj Gradec

[Credit Line]

Slovenj Gradec - Cerkev Sv. Duha, Slovenija