Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

May Pangalan ang Diyos!

May Pangalan ang Diyos!

May Pangalan ang Diyos!

Ano ba ang pangalan ng Diyos? Ang lahat ng tao ay may personal na pangalan. Aba, pinapanganlan pa nga ng maraming tao ang kanilang alagang mga hayop! Hindi ba makatuwiran na magkaroon ng pangalan ang Diyos? Ang pagkakaroon at paggamit ng personal na pangalan ay tiyak na isang mahalagang bahagi ng pakikipag-ugnayan at interaksiyon ng tao. Hindi ba dapat na gayundin ang kalagayan pagdating sa ating kaugnayan sa Diyos? Kakatwang malaman na milyun-milyong nag-aangking may pananampalataya sa Diyos ng Bibliya ang hindi gumagamit ng kaniyang personal na pangalan. Subalit maraming siglo nang kilala ang pangalan ng Diyos. Habang binabasa mo ang seryeng ito ng mga artikulo, malalaman mo kung kailan ginamit ng maraming tao ang pangalan ng Diyos. Higit sa lahat, malalaman mo kung ano ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa pagkilala sa Diyos sa pangalan.

PAGSAPIT ng ika-17 siglo, ilang bansa sa Europa ang gumagawa ng mga baryang nagtatampok sa pangalan ng Diyos. Kitang-kita ang pangalang Jehova sa isang barya sa Alemanya na ginawa noong taóng 1634. Ang gayong mga barya ay nakilala bilang mga taler na Jehova, o mga baryang Jehova, at ito ang ginamit sa loob ng maraming dekada.

Ang Jehova * ay isang salin ng pangalan ng Diyos na kinikilala na sa loob ng maraming siglo. Sa Hebreo, isang wika na binabasa mula kanan pakaliwa, lumilitaw ang pangalang iyan sa apat na katinig, יהוה. Ang apat na Hebreong titik na ito​—na YHWH ang katumbas na mga titik​—ay kilala bilang ang Tetragrammaton. Ang pangalan ng Diyos sa anyong ito ay nakaukit din sa mga barya ng Europa sa loob ng maraming dekada.

Masusumpungan din ang pangalan ng Diyos sa mga gusali, monumento, at mga gawang-sining gayundin sa maraming himno ng simbahan. Ayon sa ensayklopidiyang Brockhaus ng Alemanya, minsan ay naging kaugalian para sa mga prinsipeng Protestante na magsuot ng emblema na binubuo ng araw na may istilo at ng Tetragrammaton. Ang sagisag, na ginamit din sa mga bandila at barya, ay nakilala bilang ang emblemang Jehova-Araw. Maliwanag, alam ng napakarelihiyosong mga Europeo noong ika-17 at ika-18 siglo na may pangalan ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Higit sa lahat, hindi sila natatakot na gamitin ito.

Hindi rin isang hiwaga ang pangalan ng Diyos sa Amerika noong panahon ng mga kolonya. Halimbawa, isaalang-alang ang sundalo ng Rebolusyong Amerikano na si Ethan Allen. Ayon sa kaniyang mga talaarawan, noong 1775 ay mahigpit niyang hiniling na sumuko ang kaniyang mga kaaway “sa ngalan ng Dakilang Jehova.” Nang maglaon, noong panahon ng pagkapangulo ni Abraham Lincoln, madalas banggitin ng ilang tagapayo si Jehova sa kanilang mga liham kay Lincoln. Ang iba pang makasaysayang mga dokumento ng Amerika na nagtataglay ng pangalan ng Diyos ay makikita ng madla sa maraming aklatan. Ilang halimbawa lamang ito kung gaano kaprominente sa loob ng mga siglo ang pangalan ng Diyos.

Kumusta naman sa ngayon? Nalimutan na ba ang pangalan ng Diyos? Tiyak na hindi. Ginagamit ng iba’t ibang salin ng Bibliya ang personal na pangalan ng Diyos sa maraming talata. Malamang na isiwalat ng sandaling pagpunta sa aklatan o ilang minutong pagsasaliksik sa iyong sariling mga diksyunaryo na ang pangalang Jehova ay tinatanggap ng marami bilang katumbas ng Tetragrammaton sa lokal na wika. Halimbawa, maliwanag na binibigyang-katuturan ng Encyclopedia International ang pangalang Jehova bilang ang “makabagong anyo ng sagradong pangalan ng Diyos sa Hebreo.” Ipinaliliwanag ng isang kamakailang edisyon ng The New Encyclopædia Britannica na ang Jehova ay ang “Judeo-Kristiyanong pangalan ng Diyos.”

‘Pero,’ baka itanong mo, ‘mahalaga pa ba para sa mga tao sa ngayon ang pangalan ng Diyos?’ Ang pangalan ng Diyos, sa iba’t ibang anyo nito, ay makikita pa rin sa maraming pampublikong lugar. Halimbawa, ang pangalang Jehova ay nakasulat sa batong-panulok ng isang gusali sa New York City. Sa lunsod ding iyon, masusumpungan din ang pangalan sa wikang Hebreo sa isang makulay na moseyk na nakapalamuti sa isang abalang istasyon ng subwey. Gayunman, malamang na sa libu-libong taong nagdaraan sa mga lugar na ito, iilan lamang ang nagpapahalaga sa mga inskripsiyong iyon.

Mahalaga ba sa mga taong nakatira sa inyong lugar ang pangalan ng Diyos? O tinatawag ba ng karamihan ang Maylalang na “Diyos,” na para bang ang titulong ito ang aktuwal na pangalan niya? Maaaring naobserbahan mo na hindi pinag-iisipan ng maraming tao kung may pangalan nga ba ang Diyos o wala. Kumusta ka naman? Palagay ba ang loob mo na tawagin ang Diyos sa kaniyang personal na pangalang Jehova?

[Talababa]

^ par. 4 Ipinakikita ng seryeng ito ng mga artikulo ang 39 na anyo ng pangalang Jehova na ginagamit sa mahigit na 95 wika.

[Kahon/Larawan sa pahina 4]

Isang Hari na Nagpakilala sa Pangalan ni Jehova

Noong 1852, isang grupo ng mga misyonero ang naglakbay mula sa Hawaii patungo sa mga isla ng Micronesia. Nagdala sila ng isang liham ng pagpapakilala na nagtataglay ng opisyal na tatak ni Haring Kamehameha III, ang namamahalang monarka noon sa mga Isla ng Hawaii. Kasama sa liham na ito, na orihinal na isinulat sa wika ng Hawaii at para sa iba’t ibang tagapamahala ng mga Isla ng Pasipiko, ang ganitong mga pananalita: “May ilang guro ng Kataas-taasang Diyos na si Jehova ang maglalayag papunta sa inyong mga isla upang ipabatid sa inyo ang Kaniyang Salita para sa walang-hanggang kaligtasan ninyo. . . . Karapat-dapat silang igalang at maging mga kaibigan ninyo, at hinihimok ko kayong makinig sa kanilang mga tagubilin. . . . Pinapayuhan ko kayong itapon ninyo ang inyong mga idolo, tanggapin ang Panginoong Jehova bilang inyong Diyos, anupat sambahin at ibigin Siya at pagpapalain at ililigtas Niya kayo.”

[Larawan]

Si Haring Kamehameha III

[Credit Line]

Hawaii State Archives

[Larawan sa pahina 3]

Ang Tetragrammaton, na nangangahulugang “apat na titik,” ang siyang baybay sa personal na pangalan ng Diyos sa Hebreo