Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
“May-Uban” na mga Kriminal
“Ang unang bahagi ng gusali ng bilangguan sa Britanya ay itinayo para lamang sa dumaraming may-edad nang mga pensiyonado na gumagawa ng krimen,” ang ulat ng The Sunday Times ng London. Ang yunit na ito, sa isang bilangguan sa Portsmouth, ay may mga stairlift, binagong mga kagamitang pang-ehersisyo, at mga tauhang sinanay sa mga gawaing pag-aalaga. Ipinakikita ng pagsasaliksik na mahigit sa 100,000 pensiyonado ang “bumaling—o nag-isip na bumaling sa—krimen” upang madagdagan ang salaping nakukuha nila sa mga benepisyo mula sa gobyerno at sa mga pensiyon. Bumaling ang ilan sa pagbebenta ng droga, pangungupit sa mga tindahan, pagpupuslit ng sigarilyo at inuming de-alkohol sa Britanya, at pagnanakaw pa nga sa mga bangko. Noong 1990, 355 pensiyonado ang ibinilanggo, pero ang bilang noong 2000 ay 1,138. Marami ang wala namang dating rekord sa paggawa ng krimen pero “lubhang nagigipit na panatilihin ang isang mataas na pamantayan ng pamumuhay,” ang sabi ng kriminologong si Bill Tupman. “Hindi naman sila naghihikahos na mga pensiyonado kundi sila yaong kabilang sa mga may kaya sa buhay na masisipag at mga miyembro ng lipunan na sumusunod sa batas sa buong buhay nila.”
Kung Paano Nagkikita ang Mag-inang Poka
Kapag umuwi ang mga inang poka pagkalipas ng maraming linggo ng panginginain sa dagat, dapat masumpungan ng mga ina at ng kanilang kasisilang na mga anak ang isa’t isa sa isang maingay na pulutong ng daan-daang iba pang adulto at mga batang poka. Paano nila ito nagagawa? Ayon sa The Vancouver Sun ng Canada, “agad na natututuhang kilalanin ng mga batang poka ang tinig ng kanilang ina kahit dalawang araw pa lamang pagkasilang sa kanila at mabilis namang nakikilala ng mga ina ang tawag ng kani-kanilang anak.” Isang pag-aaral na isinagawa sa Isla ng Amsterdam sa Indian Ocean ang nagsiwalat na “kayang masumpungan ng mag-ina ang isa’t isa sa loob lamang ng pitong minuto pag-uwi ng ina mula sa kaniyang unang paglalakbay sa dagat,” ang sabi ng Sun. “Pakakainin ng ina ang anak lamang nito at maaaring maging lubhang agresibo sa ibang batang poka,” ang sabi ni Dr. Isabelle Charrier, na siyang nagsagawa ng pag-aaral, “kaya napakahalagang makilala ng batang poka ang ina nito.”
Ang Tsinong Mandarin at ang Utak
Sinuri kamakailan ng sikologong si Dr. Sophie Scott at ng kaniyang mga kasamahan sa London at Oxford ang utak upang malaman kung aling bahagi nito ang tumutulong sa atin na maunawaan ang pagsasalita. Natuklasan ng mga mananaliksik na kapag narinig ng mga nagsasalita ng Ingles ang Ingles, nagiging aktibo ang kaliwang bahagi ng kanilang utak. Gayunman, “kapag napakinggan ng mga nagsasalita ng Tsinong Mandarin ang kanilang katutubong wika, nagiging aktibo kapuwa ang kanan at kaliwang bahagi ng utak,” ang ulat ng pahayagang The Guardian. Bakit? “Karaniwan nang iniuugnay ang kaliwang bahagi ng utak sa pagkokonekta ng mga tunog upang maging mga salita; ang kanan naman ay sa pagpoproseso ng himig at tono,” ang paliwanag ng pahayagan. “Sa Mandarin, ang bawat tono ay may kahulugan: halimbawa, ang pantig na ‘ma’ ay maaaring mangahulugan ng ina, pagalitan, kabayo o abaka,” depende sa tono. Ganito ang komento ni Dr. Scott: “Sa palagay namin, inuunawa ng mga nagsasalita ng Mandarin ang tono at himig sa kanang bahagi ng utak upang bigyan ng tamang kahulugan ang binibigkas na mga salita.”
Nagbalik ang Paligsahan Ukol sa Pinakamataas na Gusali sa Buong Daigdig
“Ang mga tagaplano ng mga lunsod sa buong globo ay muling nagpapaligsahan upang itayo ang pinakamataas na gusali sa buong daigdig,” ang sabi ng The Wall Street Journal. Itinatayo na sa Taipei, Taiwan, ang isang gusaling inaasahang aabot ng 508 metro—mas mataas nang mga 90 metro kung ihahambing sa dating Twin Towers sa New York City. Samantala, itutuloy ng Shanghai, Tsina, ang mga plano nito na itayo ang 492-metrong-taas na World Financial Center. Sinasabi ng mga opisyal ng Shanghai na ang gusaling ito ay aktuwal na magiging mas mataas kaysa sa gusaling itinatayo sa Taiwan, na sa isang banda ay umaasa sa 50-metrong antena ng telebisyon na makadaragdag sa taas nito. Ang Seoul, Timog Korea naman ay nagnanais na magtayo ng mas mataas pa na magiging sentro para sa internasyonal na kalakalan na 540 metro ang taas. At palibhasa’y hindi magpapalamang, nagpanukala ang iba na itayo ang pinakamataas na gusali sa buong daigdig upang palitan ang nawasak na mga gusali dahil sa pagsalakay ng mga terorista sa New York City noong Setyembre 11, 2001. “Iilang tao na nabuhay pagkatapos ng mga pagsalakay noong 2001 ang makahuhula na mabilis na babalik ang paligsahan ukol sa pinakamataas na gusali,” ang sabi ng Journal.
Isinasapanganib ng Magagaliting mga Kabataan ang Kanilang Puso
“Natuklasan ng mga mananaliksik na ang mga bata at tin-edyer na lubhang palaaway ay tatlong beses na mas malamang na magkaroon ng metabolic syndrome—isang mapanganib na pasimula ng sakit sa puso—kaysa sa kanilang mga kasamahang mas mahinahong-loob,” ang ulat ng The Gazette ng Montreal. Natuklasan ng mga mananaliksik na Amerikano at taga-Finland, na sumuri sa antas ng pagiging palaaway ng 134 na tin-edyer at bata, na ang magagaliting mga kabataan ay 22 porsiyentong mas malamang na manganib na magkasakit sa puso kaysa sa mga kabataang di-gaanong magagalitin. “Hindi basta na lamang lumilitaw ang sakit sa puso sa mga tao pagtuntong nila sa edad na 50,” ang sabi ni Dr. Kristen Salomon, kasamang awtor ng pag-aaral. “Nagsisimula ang sakit sa puso sa maagang yugto ng buhay.”
Pinakamatandang Ibon sa Britanya?
“Lumilipad pa rin ang kilalang pinakamatandang ibon sa Britanya pagkatapos nitong maglakbay ng walong milyong kilometro sa loob ng 52 taon,” ang ulat ng pahayagang The Times ng London. Ang ibon, isang maliit na Manx shearwater na kulay itim at puti, ay “unang nilagyan ng argolya noong Mayo 1957, nang ito ay mga anim na taóng gulang pa lamang.” Nahuli ito uli noong 1961, 1978, at 2002, pagkatapos ay hindi na inaasahan ng mga ornitologo na muli itong makikita. Ngunit noong unang bahagi ng 2003, lumitaw itong muli malapit sa baybayin ng Hilagang Wales. Tinataya ng British Trust for Ornithology na ang ibon ay nakalipad na nang di-kukulangin sa 800,000 kilometro kapag nandarayuhan ito papunta at paalis ng Timog Amerika. Kung idaragdag ang regular na mga paglipad nito na 1,000 kilometro upang kumain, hinihinuha ng mga siyentipiko na lumipad na ito nang mahigit walong milyong kilometro. Ganito ang sabi ni Graham Appleton ng Bardsey Bird Observatory sa Hilagang Wales: “Ang matandang ibon ay kinabitan ng ikaapat na argolya; isa na naman itong rekord. Nasira na ang ibang argolya.”
Naglalaho ang Pambatang mga Programa sa Telebisyon sa Espanya
“Ang pambatang mga programa sa telebisyon na ipinalalabas sa hapon ay naglalaho na,” ang ulat ng Kastilang pang-araw-araw na pahayagan na El País. Ipinaliwanag ni Manuel Cereijo, tagapagsalita ng Spanish State Television, na “ang mga batang manonood ay hindi isang sapat na batayan upang mapagkakitaan ang pagpapalabas ng mga programa sa hapon na para lamang sa kanila.” Pero nababahala sa situwasyong ito ang mga eksperto na gaya ni Lola Abelló, isang direktor ng Association of Pupil’s Parents sa Espanya, na nagsabi: “Pinanonood ng mga bata ang anumang palabas na iharap sa kanila.” Isa sa bawat 3 bata sa Espanya ang may telebisyon sa kaniyang kuwarto, ang sabi ng ulat, at bunga nito, hindi na pinag-uusapan ng mga batang nasa edad na 4 hanggang 12 ang tungkol sa mga tauhan sa mga cartoon, kundi sa halip ay pinag-uusapan nila ang kilalang mga bituin sa musika at mga programa sa tsismis. “Nakalulungkot,” ang sabi ni Abelló, “dahil nawala na ang kanilang pagkabata. Sa napakamurang edad, tinatanggap na nila ang impormasyong para sa mga adulto.”