Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Umuulan na Naman!

Umuulan na Naman!

Umuulan na Naman!

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA IRELAND

“Naku po! Umuulan na naman!”

Nasabi mo na rin ba iyan? Halimbawa, kumusta kung namamasyal ka sa isang magandang lugar sa Baybaying Atlantiko ng Ireland sa kalagitnaan ng tag-araw? Maaaring inaasahan mong magiging mainit at maaliwalas ang araw para masiyahan ka sa napakagandang tanawin​—subalit napakalakas na hangin at humuhugos na ulan lamang pala ang mararanasan mo. Sa panahong gaya niyaon, napakadaling malimutan na dapat nating ipagpasalamat ang ulan. Kung walang ulan, wala rin tayo o maging ang magandang tanawin!

Pagkatapos diligan ng ulan ang lupa, siguradong uulan muli, na para bang hindi nauubos ang ulan. Paano nangyari iyon? Dahil sa kamangha-manghang sistema ng pagreresiklo. Maging ang maikling pagtalakay sa tatlong pinakamahahalagang yugto ng tumutustos-buhay na sistemang ito​—samakatuwid nga ang ebaporasyon, kondensasyon, at presipitasyon​—ay nagpapatunay na hindi ito basta na lamang nangyari. Ipinaliliwanag ng isang reperensiya na napakasalimuot ng pagkakadisenyo ng prosesong ito na “kumikilos ayon sa di-nagbabagong mga batas.”

Ebaporasyon

Halos 97 porsiyento ng tubig sa lupa ay nasa mga karagatan. Sa kalakhang bahagi, ang iba pa ay nakulong sa mga glacier o natipon sa mga lawa at mga aquifer. Siyempre pa, hindi maaaring inumin ang tubig sa karagatan. Bilang pag-uulit sa daing ng isang naghihinagpis na magdaragat sa tulang “The Rime of the Ancient Mariner,” * ganito ang kalagayan sa mga karagatan, ‘tubig, tubig, saanmang lugar ay may tubig, subalit ni gapatak ay hindi mo maaaring inumin.’

Bago pa man mainom ang tubig-dagat, napakahaba at napakasalimuot ng pinagdaraanan nito. Una, sumisingaw ito, anupat nagiging gas​—singaw ng tubig. Taun-taon, sinisipsip ng init ng araw ang halos 400,000 kilometro kubiko ng tubig mula sa lupa at dagat patungo sa atmospera. Noong sinaunang panahon, pinapurihan ng isang lalaki na nagngangalang Elihu ang Diyos dahil sa prosesong ito, na nagsasabi: “Pinaiilanlang niya ang mga patak ng tubig; ang mga iyon ay nasasala bilang ulan para sa kaniyang manipis na ulap.”​—Job 36:27.

Ang atmospera mismo ay “isang sistema na halos di-kapani-paniwala ang kasalimuutan” na umaabot ng 400 kilometro sa kalawakan. Nareresiklo ang ating tubig sa distansiyang 10-20 kilometro lamang ang taas mula sa lupa. Ang lugar na ito, na tinatawag na tropospera, ang inilalarawan ng aklat na Our Fragile Water Planet bilang “ang rehiyon na malapit sa balat ng lupa, ang dako ng mga ulap, ulan, niyebe, bagyo, at buhawi.”

Miyentras mas mainit ang hangin, mas maraming tubig ang nadadala nito. Iyon ang dahilan kung bakit mas madaling matuyo ang iyong mga nilabhan sa mainit at mahanging araw. Ang atmospera sa tropikal na mga rehiyon ang may pinakamaraming tubig. Baka maitanong mo, ‘Paano kaya napupunta ang lahat ng tubig na ito sa ibang lugar kung saan kailangan ito?’ Sa pamamagitan ng mga sistema ng paghihip ng malalakas na hangin na umiikot sa mundo. Nalilikha ang mga ito dahil sa paraan ng pag-inog ng lupa sa axis nito at dahil ang ilang bahagi sa balat ng lupa ay mas mainit kaysa sa ibang lugar, anupat palaging nagbabagu-bago ang hihip ng hangin.

Ang ating pabagu-bagong atmospera ay nagtataglay ng napakalaking mga kumpol ng hangin na halos may iisang temperatura. Gaano ba kalawak ang saklaw ng mga ito? Maaaring saklawin nito ang lugar na hanggang ilang milyong kilometro ang lawak. Ang mas mainit na kumpol ng hangin ay nagmumula sa Tropiko, at nanggagaling naman sa mga rehiyon ng artiko, o polo, ang mas malamig na hangin. Ang mga kumpol ng hangin na ito ay nagsisilbing napakalalaking tagapagdala ng tubig sa atmospera.

Ang isa pang matalinong disenyo ay makikita sa pagkilos ng singaw ng tubig sa atmospera. Tinatangay nito ang init na nagmumula sa mas maalinsangang mga lugar, gaya ng Tropiko, tungo sa mga lugar na kailangan ito. Kung hindi, ang ilang bahagi ng lupa ay magiging labis-labis ang init.

Kondensasyon

Bagaman ang singaw ng tubig ay may mahalagang ginagampanan sa atmospera, maliwanag na hindi nito madidiligan ang lupa kung basta mananatili ito roon. Halimbawa, ang atmospera sa itaas ng Sahara Desert ay nagtataglay ng napakaraming halumigmig, subalit nananatiling tigang ang rehiyon. Paano bumabalik sa lupa ang halumigmig sa atmospera? Una, namumuo ito, at saka nagiging likido.

Malamang na nakakita ka na ng singaw ng tubig na namuo sa banyo kapag tumama ang mainit na hangin mula sa mainit na shower sa mas malamig na bintana o salamin. Halos katulad niyaon ang nangyayari kapag ang isang bahagi ng hangin ay lumamig habang pumapailanlang ito sa mas malamig at mataas na lugar. Ano ang nagpapangyaring pumailanlang ang hangin? Nangyayari ito kapag ang mainit na kumpol ng hangin ay lalong itinaas ng mas mabigat at mas malamig na hangin. Kung minsan ay napapadpad ang hangin pataas sa kabundukan. At kung minsan naman, lalo na sa tropikal na mga rehiyon, maaaring tangayin ito ng mga hanging umiikot sa atmospera.

‘Pero,’ baka maitanong mo, ‘ano ba ang nasa atmospera kaya namumuo ang singaw ng tubig na ito?’ Ang atmospera ay puno ng pagkaliliit na mga partikula​—gaya ng usok, alikabok, at asin ng dagat. Habang lumalamig ang kaunting hangin, namumuo ang singaw ng hangin sa napakaliliit na nukleong ito. Sa gayon, ang pagkaliliit na mga patak ng tubig ay nakikita sa anyong ulap.

Gayunman, hindi agad-agad bumabagsak sa lupa ang tubig na ito. Bakit? Kung tutuusin, mas mabigat nang 800 ulit ang tubig kaysa sa hangin. Ang sagot ay ang bawat patak ng tubig na nasa ulap ay gayon na lamang kaliit at kagaan anupat maaari itong lumutang sa hangin. Namangha si Elihu, na binanggit sa simula, sa kagila-gilalas na bahaging ito ng siklo ng tubig nang banggitin niya kung paano “nakabitin ang ulap, ang kamangha-manghang gawa ng ganap na kasanayan [ng Maylalang].” (Job 37:16, New English Bible) Hindi ba nakagugulat isipin na ang maliit at napakagaang ulap na lumulutang sa himpapawid ay nagtataglay pala ng mula 100 hanggang 1,000 tonelada ng halumigmig?

Presipitasyon

Maraming ulap ang hindi kailanman nakabubuo ng ulan o presipitasyon. Waring madaling ipaliwanag kung paano pumapailanlang ang tubig sa atmospera at kung paano lumulutang ang ulap sa himpapawid. “Ang talagang mahirap,” ang sabi ng isang manunulat, “ay ipaliwanag kung paano bumabagsak [muli] ang tubig.”​—The Challenge of the Atmosphere.

Mangangailangan ng “isang milyon o higit pang mga patak na nasa ulap” para makabuo ng isang maliit na patak ng ulan. Walang sinuman ang makapagbibigay ng talagang nakasisiyang sagot kung paanong ang pagkaliliit at lumulutang na mga patak na ito ay nagiging isang bilyong tonelada ng tubig o higit pa na bumabagsak sa lupa bawat minuto araw-araw. Ang maliliit bang patak na nasa ulap ay basta na lamang nagsasama-sama para maging mas malalaking patak ng ulan? Kung minsan ay gayon nga ang nangyayari. Malamang na ito ang dahilan ng pagpatak ng ulan sa mga lugar na gaya ng sa Tropiko. Subalit hindi pa rito nag-uumpisa ang paliwanag hinggil sa “palaisipan sa pagkabuo ng patak ng ulan” sa mga lugar na gaya ng Baybaying Atlantiko ng Ireland.

Dito, ang maliliit na patak na nasa ulap ay hindi basta nagsasama-sama. Sa pamamagitan ng mga paraang hindi maipaliwanag, nagiging maliliit na kristal na yelo ang mga ito. Nagsasama-sama ang mga ito upang maging “isa sa pinakamagagandang obra maestra ng kalikasan”​—ang taliptip ng niyebe. Habang lumalaki at bumibigat ang mga taliptip ng niyebe, nadaraig ng mga ito ang pumapailanlang na hangin at nagsisimulang mahulog sa lupa. Kung tama ang lamig, bumabagsak ang mga ito bilang niyebe​—bilyun-bilyon ng mga ito sa isang pangkaraniwang pag-ulan ng niyebe. Subalit kapag bumagsak ang mga ito sa suson ng mainit na hangin, natutunaw ang mga taliptip ng niyebe at nagiging patak ng ulan. Sa gayon ang niyebe ay hindi nagyeyelong ulan. Sa halip, ang karamihan ng ulan, sa mga rehiyong may katamtamang klima, ay niyebe muna sa pasimula na natutunaw naman habang bumabagsak ito sa lupa.

Kaya pagkatapos maglakbay nang marahil ay libu-libong kilometro, na dumaraan sa napakasalimuot na mga prosesong hindi lubusang maunawaan, ang ulan ay bumubuhos muli. Siyempre pa, maaari itong makasira paminsan-minsan sa iyong personal na mga plano at gawain. Subalit ang kamangha-manghang kaayusang ito ang dahilan ng walang-katapusang suplay natin ng tubig. Oo, tunay na pagpapala nga ang ulan. Kaya marahil sa susunod na dumampi ang ulan sa iyong mukha, mas mapahahalagahan mo na ang kaloob na ito mula sa Diyos.

[Talababa]

^ par. 7 Isinulat ng makatang Ingles na si Samuel Taylor Coleridge.

[Kahon/Dayagram sa pahina 14]

Kung Paano Nabubuo ang mga Graniso

“Ang graniso,” ang sabi ng Weather, “ay ang kakaibang resulta ng malalaki at pabagu-bagong ulap na may kasamang kulog at kidlat.” Kapag ang mga patak ay namuo sa maliliit na nukleo sa mga ulap na may kasamang kulog at kidlat, kung minsan ay tinatangay ito ng malalakas na pumapailanlang na hangin (updraft), anupat ipinapadpad ang mga ito sa nagyeyelong bahagi ng ulap. Sa nagyeyelong temperaturang ito, ang iba pang patak ay nagsisimula pa lamang na maging patak ng ulan at agad na nagyeyelo. Maraming beses na nauulit ang prosesong ito, habang ang nagyeyelong patak ng ulan ay pabalik-balik sa nagyeyelong suson. Sa bawat pagkakataon, ang nagyeyelong patak ng ulan ay nababalutan ng bagong suson ng yelo, anupat bumibigat nang bumibigat, habang nadaragdagan ang mga suson na gaya niyaong sa sibuyas. Sa wakas, nagiging napakabigat na nito anupat hindi na ito kayang dalhin ng pumapailanlang na hangin sa ulap at bumabagsak sa lupa bilang solido at nagyeyelong graniso na gaya ng alam natin. “Kung minsan,” ang sabi ng Atmosphere, Weather and Climate, “gahigante ang laki ng mga graniso, anupat ang bawat isa ay maaaring tumimbang ng hanggang 0.76 kilo.”

[Dayagram]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

graniso

↑ pumapailanlang na hangin (updraft)

antas ng pagyeyelo .........................

↓ pababang hangin (downdraft)

[Kahon/Mga larawan sa pahina 15]

Alam Mo Ba?

Sa katamtaman, ang tubig na nasa atmospera sa palibot ng buong mundo ay sapat lamang para sa sampung araw na pag-ulan.

Ang isang makulog na bagyo kung tag-araw ay makapaglalabas ng enerhiya na katumbas ng isang dosenang bomba na inihulog sa Hiroshima noong Digmaang Pandaigdig II. Halos 45,000 makulog na bagyo ang nangyayari sa buong mundo araw-araw.

Ang atmospera ay pangunahin nang hindi umiinit dahil sa tuwirang tama ng init na nagmumula sa araw. Ang kalakhang init na ito ay tumatagos sa atmospera. Umiinit ito sa pamamagitan ng enerhiyang bumabalik sa atmospera na nagmumula sa pinakaibabaw ng lupa na nainitan.

Ang tubig ang tanging saganang substansiya na matatagpuan sa lupa na maaaring umiral nang sabay-sabay sa tatlong magkakaibang anyo​—solido, likido, at gas.

Ang fog ay isa lamang ulap na nabubuo sa kapantayan ng lupa.

[Dayagram/Mga larawan sa pahina 16, 17]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Nasa mga karagatan ang 97 porsiyento ng tubig sa lupa

Ang init mula sa araw ang nagpapasingaw sa tubig

Ang singaw ng tubig ay namumuo at nagiging mga ulap

Naglalabas ang mga ulap ng halumigmig sa pamamagitan ng pag-ulan

Mga patak ng ulan at mga taliptip ng niyebe