Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Pagsubok sa Pananampalataya

Isang Pagsubok sa Pananampalataya

Isang Pagsubok sa Pananampalataya

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA GRAN BRITANYA

ANG Richmond ay isang kaakit-akit na bayan sa Hilagang Yorkshire, Inglatera. Mula sa kastilyo nito, na itinayo pagkatapos na pagkatapos manlupig ng duke ng Normandy sa Inglatera noong 1066, makikita ang isang nakapupukaw-pansing tanawin ng libis sa ilog ng Swale, na humahantong sa Yorkshire Dales National Park.

Ang dokumentaryo sa telebisyon na The Richmond Sixteen ay nagsiwalat ng isang mahalagang aspekto ng makabagong kasaysayan ng kastilyo​—ang sinapit ng 16 na tumututol udyok ng budhi na ipiniit doon noong Digmaang Pandaigdig I. Ano ba ang nangyari sa kanila?

Pangangalap

Pagkatapos magdeklara ng digmaan ang Britanya noong 1914, mga 2.5 milyong lalaki ang sumama sa hukbong sandatahan nito udyok ng patriyotismo. Gayunman, dahil sa pagdami ng namamatay na sundalo at sa pagkaalam na hindi agad matatapos ang digmaan gaya ng ipinangako ng mga pulitiko, “ang pangangalap ay naging pamimilit sa halip na pakiusap,” ang komento ng istoryador sa digmaan na si Alan Lloyd. Kaya sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Britanya, noong Marso 1916, kinalap ang mga binata sa hukbong sandatahan.

Dalawang libong tribunal ang binuo upang pakinggan ang mga pag-apela, ngunit iilan lamang, kung mayroon man, sa mga tumutol udyok ng budhi ang pinagkalooban ng ganap na eksemsiyon. Ang karamihan sa mga tumututol udyok ng budhi ay inutusang sumali sa pangkat ng hukbo na hindi mga sundalo, na binuo upang suportahan ang digmaan. Yaong mga tumangging sumali ay itinuring pa rin na mga kinalap at nilitis sa hukumang militar. Minaltrato at ipinabilanggo sila, kadalasan sa karima-rimarim at masisikip na lugar.

Ang Richmond Sixteen

Kabilang sa Richmond Sixteen ang limang International Bible Student, na siyang pagkakilala sa mga Saksi ni Jehova noon. Si Herbert Senior, na naging isang Bible Student noong 1905 sa edad na 15, ay sumulat pagkalipas ng mga 50 taon: “Ipiniit kami sa mga selda na mas mukhang mga bartolina. Malamang na matagal nang hindi nagagamit ang mga ito, yamang mga dalawa hanggang tatlong pulgada ang taas ng basura mula sa sahig.” Ang graffiti at mga sulat, na ngayo’y kupas na at hindi na mabasa sa ilang lugar, na iginuhit ng mga bilanggo at isinulat sa kanilang pinaputing mga pader ng selda ay ipinakita sa publiko kamakailan. Nakasulat sa mga ito ang mga pangalan, mensahe, at mga drowing ng mga mahal nila sa buhay, kasama na ang mga kapahayagan ng kanilang pananampalataya.

Isang bilanggo ang sumulat lamang ng ganito sa pader: “Mabuti pang mamatay ako dahil sa prinsipyo kaysa sa mamatay ako na walang prinsipyo.” Kasama sa maraming mensahe ang mga pagtukoy kay Jesu-Kristo at sa kaniyang mga turo, at naroon din ang mga replika ng sagisag na krus at korona na detalyado ang pagkakaguhit, na ginagamit noon ng mga International Bible Students Association (IBSA). Sinabi ni Herbert Senior na iginuhit niya sa pader ng kaniyang selda ang “Chart of the Ages” mula sa isang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na The Divine Plan of the Ages, pero hindi pa ito nasusumpungan. Baka nawala na ito kasama ng iba pang mga sulat sa pader ng pangunahing selda o nasa ibang dako. Ang isa pang inskripsiyon ay kababasahan ng ganito: ‘Clarence Hall, Leeds, I.B.S.A. ika-29 ng Mayo, 1916. Ipinadala sa Pransiya.’

Pinadala sa Pransiya​—At Pinabalik!

Nakatatakot ang pagdami ng nasawi sa digmaan sa Pransiya at Belgium. Kailangang-kailangan ng ministro sa digmaan na si Horatio Herbert Kitchener at ni Heneral Douglas Haig ng Britanya ang mas maraming sundalo, anupat isinama na nila sa digmaan pati ang mga lalaking may asawa, na kinalap na rin noong Mayo 1916. Upang lalong gipitin ang mga lalaki na sumama sa digmaan, nagpasiya ang mga opisyal na gamiting halimbawa ang mga tumututol udyok ng budhi. Kaya habang tinututukan ng baril at nakaposas, ilegal na isinakay sa isang tren ang Richmond Sixteen, at lihim na dinala sa Pransiya sa isang mas mahabang ruta. Sa baybayin ng Boulogne, ang sabi ng magasing Heritage, “ang mga lalaki ay itinali sa mga poste sa pamamagitan ng alambreng may tinik, anupat halos para silang ibinayubay sa krus,” at ipinapanoód ang pagpatay ng firing squad sa isang sundalong Britano na tumakas sa digmaan. Sinabi sa kanila na kung hindi sila susunod, gayon din ang magiging kahihinatnan nila.

Noong kalagitnaan ng Hunyo 1916, pinagmartsa ang mga bilanggo sa harapan ng 3,000 sundalo upang pakinggan ang kanilang sentensiyang kamatayan, pero sa panahong ito ay patay na si Kitchener, at nakialam ang punong ministro ng Britanya. Isang postkard na may kodigong mensahe ang nakarating sa mga awtoridad sa London, at pinawalang-bisa ang utos ng militar. Inutusan si Heneral Haig na baguhin ang lahat ng sentensiyang kamatayan tungo sa sampung taóng pagtatrabaho sa bilangguan.

Pagbalik nila sa Britanya, ang ilan sa 16 ay dinala sa isang tibagan ng bato sa Scotland upang gawin ang “trabahong may pambansang kahalagahan” sa ilalim ng napakahirap na mga kalagayan, ang sabi ng isang opisyal na ulat. Ang iba naman, kasama rito si Herbert Senior, ay pinabalik sa mga bilangguang sibil, hindi na sa mga bilangguang militar.

Ang Pamana Nito

Dahil marupok na ang mga pader ng mga selda, inilakip sa isang komprehensibong eksibisyon sa Richmond Castle, na ngayo’y nasa ilalim ng pangangasiwa ng English Heritage, ang isang virtual-reality touch screen kung saan maaaring suriing maigi ng mga panauhin ang mga selda at ang graffiti rito nang hindi ito nasisira. Pinasisigla ang mga pangkat ng estudyante na unawain kung bakit ang mga tumututol udyok ng budhi ay handang dumanas ng kaparusahan, pagkabilanggo, at posibleng kamatayan dahil sa kanilang taimtim na pinanghahawakang paniniwala.

Nagtagumpay ang Richmond Sixteen na “itawag-pansin sa madla ang isyu hinggil sa pagtutol udyok ng budhi at unti-unti silang tinanggap at iginalang dahil dito.” Dahil dito, higit na nagkaroon ng unawa ang mga awtoridad kung tungkol sa mga nakarehistro bilang mga tumututol udyok ng budhi noong Digmaang Pandaigdig II.

Noong taóng 2002, isang napakagandang hardin sa lugar ng kastilyo ang inialay, na sa isang bahagi ay bilang pag-alaala sa Richmond Sixteen at pagpaparangal sa kanilang moral na paninindigan.

[Mga larawan sa pahina 12, 13]

Mula kaliwa pakanan: Ang ika-12 siglong tore ng Kastilyo ng Richmond, kasama ang bilangguan na may mga selda

Si Herbert Senior, isa sa Richmond Sixteen

Isa sa mga selda kung saan ipiniit ang Richmond Sixteen

Larawan sa gilid ng pahina: Mga bahagi ng inskripsiyong isinulat sa pader ng bilangguan sa loob ng maraming taon