Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Amate—Papiro ng Mexico

Amate—Papiro ng Mexico

Amate​—Papiro ng Mexico

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA MEXICO

ANG mga Mexicano ay may mayaman at kawili-wiling kasaysayan. Kasama sa mahahalagang kultural na kayamanang nakuhang muli mula sa nakaraan ay mga “testimonyo”​—mga manuskritong gumagamit ng mga larawan sa halip na mga salita, o mga codex. Sa pamamagitan ng mga codex na ito, posibleng matuklasan ang maraming larangan ng kaalaman​—kasaysayan, siyensiya, relihiyon, at kronolohiya​—at ang pang-araw-araw na buhay ng masulong na mga sibilisasyon sa Mesoamerica, kabilang na ang mga Aztec at mga Maya. Ang napakahuhusay na tlacuilos, o mga eskriba, ang nagtala ng kanilang kasaysayan sa iba’t ibang materyales.

Bagaman ang ilang codex ay gawa sa mga piraso ng tela, balat ng usa, o papel mula sa halamang magi, ang pangunahing materyales na ginamit ay amate. Ang pangalang amate ay mula sa salitang Nahuatl na amatl, na nangangahulugang papel. Makukuha ang amate mula sa balat ng puno ng ficus, o igos, mula sa pamilyang Moraceae. Ayon sa Enciclopedia de México, “mahirap makilala ang pagkakaiba ng maraming uri ng Ficus malibang suriing maigi ang katawan ng puno, mga dahon, bulaklak, at bunga nito.” Ang ficus ay maaaring puting amate, puting woodland amate, o kulay-kapeng amate.

Ang Paggawa Nito

Nang manakop ang mga Kastila noong ika-16 na siglo, sinikap na pahintuin ang paggawa ng amate. Bakit? Sa pangmalas ng mga manlulupig, ang amate ay malapit na nauugnay sa relihiyosong mga ritwal na umiral bago dumating ang mga Kastila, na siya namang hinahatulan ng Simbahang Katoliko. Sa kaniyang akda na Historia de las Indias de Nueva España e Islas de la Tierra Firme (Kasaysayan ng Bagong Indias ng Espanya at mga Isla ng Terra Firma), binanggit ng prayleng Kastila na si Diego Durán na “isinulat [ng mga katutubo] ang napakadetalyadong mga kasaysayan hinggil sa kanilang mga ninuno. Kung hindi dahil sa kawalang-alam at sigasig ng mga taong sumira sa mga ito, sana’y nabigyan tayo ng higit na liwanag tungkol sa mga ito. Palibhasa’y iniisip na mga idolo ang mga dokumento, sinunog ng ilang ignorante ang mga ito, bagaman ang totoo ay mga talaan ito na nararapat alalahanin.”

Gayunman, ang mga pagsisikap na pawiin ang tradisyon ng paggawa ng papel na amate ay hindi nagtagumpay, at mabuti na lamang, nananatili ito hanggang sa kasalukuyan. Sa hilagang kabundukan ng Sierra sa estado ng Puebla, ginagawa pa rin ang ganitong papel sa mga lugar na gaya ng San Pablito, munisipalidad ng Pahuatlán. Sa pagsipi sa impormasyong iniulat ng manggagamot ni Haring Felipe II na si Francisco Hernández, sinabi ng magasing Arqueología Mexicana (Arkeolohiya ng Mexico) na “pinuputol lamang ng mga gumagawa ng papel ang malalaking sanga ng mga puno, at iniiwan ang mga supang. Pagkatapos ay ibinababad ang mga sanga sa kalapit na mga ilog o batis nang buong magdamag upang lumambot. Kinabukasan, binabalatan ang mga sanga at ang pinakalabas na balat ay ihinihiwalay mula sa susunod na suson ng balat, at ito lamang ang suson na iniiwan.” Pagkatapos linisin ang balat, ang mga hibla ay inilalatag sa pantay na sangkalan at saka dinidikdik ng isang pandikdik na bato.

Sa ngayon, upang palambutin ang mga hibla at, kasabay nito, para alisin ang ilang substansiya mula sa mga ito, niluluto ang mga hibla sa malalaking kaldero kung saan idinaragdag ang abo at apog. Maaaring tumagal ang pagluluto sa loob ng anim na oras. Pagkatapos ay binabanlawan ang mga hibla at hinahayaang nakababad sa tubig. Isa-isang inilalagay ng mga bihasang manggagawa ang mga hibla sa pantay na sangkalang kahoy upang bumuo ng disenyong kuwadra-kuwadrado. Sumunod, sa pamamagitan ng pandikdik na bato, patuloy nilang dinidikdik ang mga hibla hanggang sa magsama-sama ang mga ito at mabuo na isang pilyego ng papel. Kahuli-hulihan, ang mga gilid ng papel ay itinitiklop paloob upang tumibay ang mga gilid, at pagkatapos ay ibinibilad sa araw ang papel.

May ilang kulay ang amate. Karaniwan ang kulay-kape, pero mayroon ding puti o kulay-garing, batik-batik na kulay-kape at puti, at mga kulay na gaya ng dilaw, asul, kulay-rosas, at berde.

Ang Makabagong Gamit Nito

Ang magagandang gawang-kamay ng Mexico ay yari sa amate. Bagaman ang ilang ipinintang larawan sa papel na ito ay may kaugnayan sa relihiyon, ang iba ay mga larawan ng iba’t ibang hayop na dinisenyuhan, gayundin ng mga kapistahan at tanawin na nagpapakita ng masayang buhay ng mga Mexicano. Bukod pa sa magagandang larawang may iba’t ibang kulay, mayroon ding mga kard, pananda sa aklat, at iba pang gawang-kamay na ginamitan ng amate. Nakaaakit ang ganitong gawang-kamay kapuwa sa mga tagaroon at sa mga dayuhan, na bumibili ng mga ito para gawing dekorasyon. Lumaganap ang gawang-sining na ito sa labas ng Mexico, anupat iniluluwas sa ilang bahagi ng daigdig. Ginawan ng mga replika ang mga sinaunang codex. Tiyak na kawili-wili para sa mga Kastila na panoorin ang sining na ito sa kauna-unahang pagkakataon! Sa katunayan, si Diego Durán, ang Dominikong monghe na binanggit kanina, ay nagkomento na “isinulat at ipininta [ng mga katutubo] sa mga aklat at sa mahahabang piraso ng papel ang lahat ng bagay, kasama na ang mga kalkulasyon ng mga taon, buwan, at mga araw kung kailan naganap ang mga ito. Ang kanilang mga batas at ordinansa, ang kanilang mga talaan ng sensus, atb., ay isinulat sa mga ipinintang larawang ito, nang napakaayos at magkakasuwato.”

Kay-inam na ang tradisyon ng paggawa ng amate ay nananatili sa ating panahon at kasama ang kagandahan ng pamana ng kultura ng Mexico. Kagaya ng tlacuilos, o mga eskriba noon, nasisiyahan ang simple at makabagong-panahong bihasang mga manggagawa sa kahanga-hangang amate, na angkop na tawaging ang papiro ng Mexico.

[Larawan sa pahina 26]

Pagdikdik sa mga hibla