Digmaang Nuklear—Isang Banta Pa Rin ba Ito?
Digmaang Nuklear—Isang Banta Pa Rin ba Ito?
Mula sa manunulat ng Gumising! sa Hapon
“Ang bawat taong nag-iisip ay natatakot sa digmaang nuklear, at ang bawat bansang masulong sa teknolohiya ay nagpaplano nito. Alam ng bawat isa na ito’y kabaliwan, at ang bawat bansa ay may dahilan.”—Carl Sagan, astronomo.
NOONG Agosto 6, 1945, isang eroplanong pandigma ng Amerika ang naghulog ng isang bomba atomika sa Hiroshima, Hapon, at sa isang iglap ay pumatay ng napakaraming tao at puminsala ng mga ari-arian. Ito ang kauna-unahang bomba atomika na ginamit sa digmaan. Lubusang winasak ng pagsabog ang 13 kilometro kuwadrado ng lunsod, na pinaninirahan ng 343,000 katao. Nawasak ang mahigit sa dalawang katlo ng mga istraktura sa lunsod, anupat di-kukulangin sa 70,000 ang patay at 69,000 ang sugatán. Pagkalipas ng tatlong araw, inihulog ang ikalawang bomba atomika, sa pagkakataong ito ay sa Nagasaki naman; 39,000 katao ang namatay at 25,000 ang sugatán. Halos kalahati ng mga istraktura sa lunsod ang nawasak o nasira. Hindi pa kailanman ginamit ang gayon kalakas na sandata sa kasaysayan ng sangkatauhan. Nagbago na ang daigdig. Pumasok na ito sa panahong nuklear. Sa loob ng ilang taon, ang Estados Unidos, ang dating Unyong Sobyet, ang Gran Britanya, Pransiya, at Tsina ay nakagawa ng mas mapangwasak na bomba hidroheno.
Ang Cold War—ang tunggalian ng mga bansang Komunista at di-Komunista—ang nag-udyok sa paggawa ng malalakas na sandatang nuklear at mga sistema ng paglulunsad nito. Sinaklot ng takot ang daigdig nang magkaroon ng mga ICBM (intercontinental ballistic missile) na maaaring pumuntirya sa mga bansang mahigit na 5,600 kilometro ang layo sa loob ng ilang minuto sa halip na mga oras sa pamamagitan ng mga sandatang nuklear. May sapat na nuklear na mga missile ang mga submarino para wasakin ang 192 magkakahiwalay na mga lugar na pinupuntirya. Tinaya noon na umabot hanggang sa mahigit na 50,000 warhead ang nakareserba sa nuklear na mga arsenal! Noong panahon ng Cold War, ang sangkatauhan ay nasa bingit ng tinatawag ng ilang tao na nuklear na Armagedon—isang digmaan na walang mananalo.
Ang Pagtatapos ng Cold War
Noong dekada ng 1970, nabawasan ang tensiyon ng Cold War “gaya ng nakita sa mga kasunduan sa SALT [Strategic Arms Limitation Talks] I at II,” ang paliwanag ng The Encyclopædia Britannica, “kung saan nilimitahan ng dalawang makapangyarihang bansa ang kanilang mga antiballistic missile at mga strategic missile na makapagdadala ng mga sandatang nuklear.” Pagkatapos, humupa noong huling mga taon ng dekada 1980 ang Cold War at nagwakas ito sa dakong huli.
“Nagkaroon ng pag-asa ang mga tao nang matapos ang Cold War dahil malapit nang magwakas noon ang paligsahan sa mga sandatang nuklear at labanán ng Estados Unidos at Russia,” ang sabi ng isang ulat ng Carnegie Endowment for International Peace. Bilang resulta ng mga pagsisikap na alisin ang mga sandatang nuklear, daan-daang nuklear na mga arsenal ang nilansag nitong nakalipas na mga taon. Noong 1991, nilagdaan ng Unyong Sobyet at Estados Unidos ang Treaty on Reduction and Limitation of Strategic Offensive Arms, na, sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan, nag-obliga sa dalawang nuklear na mga superpower na ito na hindi lamang limitahan kundi, bawasan ang kanilang ikinalat na mga strategic warhead tungo sa tig-6,000 bawat isa sa kanila. Sa pagtatapos ng 2001, idineklara ng dalawang bansa na sinunod nila ang kasunduan sa pamamagitan ng pagbabawas sa kanilang mga strategic nuclear warhead ayon sa napag-usapan. Isa pa, noong
2002, sinang-ayunan ang Moscow Treaty, na higit na nag-obliga sa pagbabawas ng mga sandata mula sa 1,700 hanggang sa 2,200 sa susunod na sampung taon.Gayunman, sa kabila ng gayong mga pagbabago, “hindi ito ang panahon para maging kampante pagdating sa banta ng digmaang nuklear,” ang sabi ng kalihim-panlahat ng United Nations na si Kofi Annan. Sinabi pa niya: “Totoong-totoo at talagang nakatatakot pa rin ang posibilidad ng alitang nuklear sa pagpasok ng ika-21 siglo.” Nakalulungkot, isang nuklear na kasakunaan—mas masahol pa sa nangyari sa Hiroshima at Nagasaki—ang nagbabanta pa rin sa ating kapanahunan. Sino ang nagbabanta? Higit sa lahat, maiiwasan kaya ito?