Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Kamangha-manghang Kabundukan ng Buhangin sa Baybayin ng Poland

Ang Kamangha-manghang Kabundukan ng Buhangin sa Baybayin ng Poland

Ang Kamangha-manghang Kabundukan ng Buhangin sa Baybayin ng Poland

Mula sa manunulat ng Gumising! sa Poland

ANG mga lalawigan sa Poland ay pangkaraniwang inilalarawan bilang isang tanawin ng berdeng-berde at natutubigang-mainam na mga kabukiran, parang, at kagubatan. Pero alam mo ba na ang Poland ay mayroon ding kamangha-manghang tanawin ng alun-alon at mapuputing kabundukan ng buhangin na kitang-kita maging sa malayong kalawakan? Ang kapirasong lupaing ito na mukhang disyerto, na sumasaklaw ng 18 kilometro sa kahabaan ng Baybayin ng Baltic, ay isa sa mga pinakakilalang lugar sa Słowiński National Park.

Doon, ang sabi ng isang opisyal na reperensiya, “ang dagat, mga lawa, ilog, kabundukan ng buhangin, kagubatan, damuhan, at mga parang ay magkakatabing humahangga sa bawat isa anupat lumilikha ng iba’t ibang kapaligirang gaya ng moseyk. . . . Sa lugar lamang na ito makikitang umaabot ang mga bunton ng buhangin hanggang sa mga lawa at kagubatan.” Ang totoo, ang napapadpad na kabundukan ng buhangin sa parke​—tinatawag ding puting kabundukan ng buhangin o puting mga burol​—​at ang mabababaw na lawa ang siyang kakaiba sa buong Europa.

Ang pagkalalaking mga bunton ng puti at dilaw na buhanging ito ang bumubuo sa pinakamalaking lugar ng bundok ng buhangin sa Europa​—halos 500 ektarya​—na walang mga pananim na pumipigil sa pagkaagnas nito. Kaya naman angkop na angkop ang opisyal na sagisag ng Słowiński National Park na isang puting golondrina na sumasalimbay sa ibabaw ng dilaw na bunton ng buhangin at asul na tubig.

Ang mas pangkaraniwan sa parke, subalit di-gaanong kaakit-akit, ay ang tinatawag na abuhing kabundukan ng buhangin. Palibhasa’y mas matagal na ito kaysa sa mapuputing kabundukan ng buhangin, natakpan na ito ng mga damo at punungkahoy na bukod sa nagiging sanhi ng pamumuo ng lupa ay nagpapatatag din sa buhangin sa pamamagitan ng pagpipirmi rito at pagsasanggalang sa tuwirang pagkahantad nito sa lagay ng panahon. Nakilala pa nga ang isang abuhing bundok ng buhangin bilang siyang pinakamataas sa lahat ng bundok ng buhangin sa parke. Ito ay pinanganlang bundok ng buhanging Czołpino at may taas na halos 55 metro.

Kapag nakikita ng mga bisita ang kabundukan ng buhangin​—lalo na ang pagkalawak-lawak at napapadpad na mapuputing kabundukan ng buhangin​—​natural lamang na itanong ng marami, “Saan galing ang lahat ng buhanging ito? At bakit naipon ang pagkarami-rami nito sa napakaliit na lugar na ito sa Baybayin ng Baltic?”

Ang Pinagmulan ng Kabundukan ng Buhangin

Bagaman walang tiyak na mga sagot ang mga mananaliksik sa nabanggit na mga tanong, may katibayan na nasasangkot dito ang tao. Ito ang nahinuha ng mga siyentipiko dahil sa pag-aaral ng mga polen na napreserba sa iba’t ibang suson ng lupa sa parke, na tinaguriang “fossil soil.” Isiniwalat ng kanilang pananaliksik na ang lugar na kinaroroonan ngayon ng kabundukan ng buhangin ay dating natatamnan ng maraming punungkahoy, pangunahin na ng mga punong encina. Kaya, ano ang dahilan ng napakalaking pagbabagong ito sa lupain?

Ipinapalagay na bago ang ating Karaniwang Panahon, ang malalaking lugar ng kagubatan sa baybayin ay winasak ng mapaminsalang mga sunog na bunga ng mga gawain ng mga tribong nanirahan sa rehiyon. “Ang buhanginan, na dati’y nakapirmi sa lugar nito dahil sa kagubatan, ay napadpad sa ibang lugar sa kauna-unahang pagkakataon,” ang sabi ng aklat na Słowiński National Park. Subalit ayon sa rekord ng mga polen, nabuhay na muli ang kagubatan, na tinubuan muna ng mga puno ng beech at pagkatapos ay ng mga puno naman ng pino.

Subalit noong Edad Medya, sa ilang di-malamang dahilan, nabulabog sa kinaroroonan nito ang kabundukan ng buhangin at muli na naman itong napadpad sa ibang lugar. Noong ika-16 na siglo, muntik pa nga nitong tabunan ang sinaunang bayan ng Łeba. Kumilos ang mga tao sa pamamagitan ng pagtatayo ng isa pang bayan, na malayo sa mapanganib na lugar, subalit lumala lamang ang kalagayan dahil sa kanilang ginawa. Ganito ang sabi ng aklat na Słowiński National Park: “Kasama sa pagtatayo ng bayan at daungan ang pagputol ng pagkarami-raming punungkahoy ngunit parang walang nakabatid sa mga kahihinatnan nito.” Ang pagtotroso, ang sabi ng reperensiyang binanggit sa itaas, “ay nagbunga ng gayon na lamang kalawak na pagkapadpad ng kabundukan ng buhangin sa ibang lugar na hindi pa nangyari kailanman.” Palibhasa’y natatangay ang mga ito sa bilis na tatlo hanggang sampung metro ang layo bawat taon, natabunan ng napapadpad na mga buhangin ang mga nayon, kabukiran, parang, at maging ang mga kagubatan.

Saan Nanggaling ang Buhangin?

Maaaring may ginampanang bahagi ang mga tao sa pagbabago ng tanawin sa lugar na iyon, subalit hindi sila ang nagdala ng buhangin. Kaya saan ba nanggaling ito? At nagpapatuloy pa rin ba ang prosesong ito? Maaaring ipahiwatig ng mga sagot ang magiging kahihinatnan ng parke sa hinaharap.

Naniniwala ang mga mananaliksik na ang ilang bahagi ng buhangin ay maaaring nagmula sa mga deposito na nasa loobang bahagi ng bansa at inanod ito ng mga ilog patungo sa dagat. Ang isa pang pinagmulan ay maaaring ang baybayin mismo, kung saan patuloy na inaagnas ng pagsalpok ng alon ang mga dalisdis​—isang proseso na tinatawag na abrasion. Halimbawa, sa isang bahagi ng dalampasigan sa Baybayin ng Baltic, ang mga alon ay sumasalpok sa baybayin sa anggulong 45 digri, anupat unti-unting inaagnas ang dalisdis at tinatangay ang buhangin. Bunga nito, ang buhangin ay naiipon sa pinakasahig ng dagat.

Sa mga paraang hindi pa lubusang nauunawaan, magkasamang inaanod ng mga agos at alon ng karagatan ang ilang bahagi ng mga buhanging ito mula sa pinakasahig ng dagat na malapit-lapit sa baybayin ng pambansang parke, kung saan nabubuo ang malalaking tagaytay ng buhangin at banlik na kahilera ng dalampasigan. Pagkatapos ay patuloy na tinatangay ng mga alon at agos sa baybayin ang buhangin patungo sa tabing-dagat, kung saan tinutuyo ito ng araw at ipinapadpad ng hangin papaloob mula sa baybayin. Doon nabubuo ang ilang magkakahilerang tagaytay na palaki nang palaki habang napapadpad ang buhangin sa bawat hilera nito, anupat sa wakas ay nabubuo ang mapuputing kabundukan ng buhangin.

Mga Lawa sa “Disyerto”

Sa kabila ng nabanggit, ang Słowiński National Park ay tiyak na hindi isang walang-buhay na disyerto. Sa kabaligtaran, isa itong kanlungan para sa mga halaman at hayop na may saganang tubig. Sa katunayan, halos 5 porsiyento lamang ng lugar sa parke ang sinasaklaw ng kabundukan ng buhangin at mga dalampasigan, samantalang 55 porsiyento naman ang sinasaklaw ng mga ilog, lawa, at batis.

Ang pinakamalaki sa mga lawa ay ang Lawa ng Łebsko, na 71 kilometro kuwadrado ang lawak at may pinakamalalim na bahagi na halos anim na metro. Dumadaloy sa lawang ito ang pinakamalaki sa mga ilog, ang Łeba. Ang lawa na pangalawa sa pinakamalaki ay ang Gardno, na dinadaluyan ng Ilog Łupawa. Dahil sa mabuhangin at mabuway na kapaligiran nito, patuloy na nagbabago ang mga pampang ng dalawang lawa na ito.

Isang Kanlungan Para sa mga Halaman at Buhay-Iláng

Ginagawang balanse ng mga lawa, ilog, at mga batis ang tatlong malalaking likas na tirahan sa parke​—ang kabundukan ng buhangin, latian, at kagubatan ng pino. Magkakasamang sinusuportahan ng magkakaibang kapaligirang ito ang halos 900 uri ng mga halamang vascular, kasali na ang mga orkid. Ang isa sa pinakamatitibay at pinakakapaki-pakinabang na halaman sa ekolohiya ay ang European beach grass, na tinatawag ding marram grass. Yamang ang beach grass ang uri ng halaman na unang tumutubo sa buhanginan, karaniwan nang ito ang nagsisimulang gumapang sa kabundukan ng buhangin. Ang makaliskis na mga sanga nito na nasa ilalim ng buhangin ay umaabot ng hanggang sa 13 metro ang haba at nag-uusbong ng napakaraming supang sa ibabaw ng lupa, na nagiging mga bungkos ng damo. Sa ganitong paraan, unti-unting pinipirmi at pinatatatag ng beach grass ang kabundukan ng buhangin, anupat ginagawang posible para sa ibang mga halaman na magkaugat at tumubo.

Palibhasa’y dinaraanan ito ng mga ibong nandarayuhan, ang Słowiński National Park ay namumutiktik sa mga ibon. Ang halos 260 uri, na kumakatawan sa halos 70 porsiyento ng lahat ng uri na matatagpuan sa Poland, ay naninirahan sa parke o ginagawa itong hintuan sa panahon ng kanilang pandarayuhan. Kabilang sa mga ibong-tubig ang mga black-headed gull, common tern, crested grebe, mallard, sisne, at merganser​—mga bibi na karaniwang nakikilala sa tusuk-tusok na ayos ng balahibo sa tuktok nito. Kasali sa iba pang uri ang mga eagle owl, golden eagle, agilang may kaunting batik, sea eagle, at mga uwak. Kung matalas ang iyong mga mata at tahimik kang maglakad, baka makakita ka rin ng ilang mamalya na naninirahan sa parke, gaya ng mga red deer at roe deer, baboy-ramo, kuneho, at raccoon dog, na kamag-anak ng sorra.

Isang Paraiso Para sa Mahihilig Maglakad

Ang hiking (paglalakad nang malayo) lamang ang tanging ipinahihintulot sa mga turista. Para sa layuning iyan, ang parke ay may mga landas para sa paglalakad na 140 kilometro ang haba, anupat maaaring sunud-sunod na daanan ng isa ang iba’t ibang likas na mga tirahan: kagubatan ng mga conifer; abuhing kabundukan ng buhangin, kaparangan, at mga latian; mga lawa na may mga platapormang tanawan at mga bantayan; puting kabundukan ng buhangin; kabundukan ng buhanging malapit sa katubigan; at sa kahuli-hulihan, kilu-kilometrong mabuhanging dalampasigan.

Makikita ng mga bisitang pumapasyal kung taglagas o taglamig ang pantanging mga pagtatanghal ng kabundukan ng buhangin, yamang ipinapadpad ng malalakas na hangin ang mistulang mga balahibo ng buhangin sa tuktok nito, gaya ng tilamsik ng alon sa karagatan. Sa gayon ay sinasabing umuusok ang kabundukan ng buhangin. Nakadaragdag pa sa kahanga-hangang panooring ito ang tunog na nalilikha habang ang milyun-milyong butil ng buhangin ay matinding nagkikiskisan sa isa’t isa, anupat tila humuhuni, o umaawit, ang kabundukan ng buhangin.

Kasindami ng 800,000 katao ang pumapasyal sa parke taun-taon dahil sa kagila-gilalas at pagkarami-raming likas na yaman nito. Walang alinlangan na marami sa mga bisita ang nagnanais na tumakas sa abalang buhay ng lunsod at magpahingalay sa kanilang kapaguran, anupat tamasahin ang pagpapanariwa ng kalikasan sa katahimikan ng kagubatan, nakapagpapahingalay na hugong ng pagsaboy ng mga alon, at mapanglaw na huni ng golondrina.

[Kahon/Mapa sa pahina 19]

Ang Słowiński National Park

Ang parkeng ito ay matatagpuan sa sentrong baybayin ng Poland, sa pagitan ng mga bayan ng Łeba at Rowy. Isinunod ang pangalan nito sa tribong Kashubian ng Słowińcy, mga taong Slav na tumira sa lugar na iyon hanggang noong bago matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig. Pinasinayaan ang parke noong 1967 at itinalaga bilang World Biosphere Reserve noong 1977. Ang lugar na ito ay may sukat na 18,618 ektarya, na ang mahigit sa kalahati ay natatakpan ng tubig. Ang natitirang bahagi ay binubuo ng mga kagubatan (25 porsiyento), mga dalampasigan at mga bundok ng buhangin (5 porsiyento), mga latian (8 porsiyento), at mga parang at pastulan (8 porsiyento).

[Mapa]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

DAGAT BALTIC

RUSSIA

POLAND

SŁOWIŃSKI NATIONAL PARK

ALEMANYA

CZECH REPUBLIC

SLOVAKIA

[Larawan sa pahina 16]

Sinasabing umuusok ang kabundukan ng buhangin kapag ipinapadpad ng malalakas na hangin ang mistulang mga balahibo ng buhangin

[Larawan sa pahina 16, 17]

“Common tern”

[Credit Line]

Photo by Chukchi Imuruk, National Park Service

[Larawan sa pahina 16, 17]

Kabundukan ng buhangin kung tag-araw

[Larawan sa pahina 17]

Kabundukan ng buhangin kung taglamig

[Larawan sa pahina 18]

Lawa ng Łebsko

[Larawan sa pahina 18]

Mga “merganser”

[Larawan sa pahina 18]

“European beach grass”

[Larawan sa pahina 18]

Pambihirang mga anyo ng buhangin

[Larawan sa pahina 18]

“Roe deer”