Matusalem sa Bundok
Matusalem sa Bundok
SA White Mountains sa kanlurang bahagi ng Estados Unidos, nabubuhay sa isang lugar na may taas na 3,000 metro mula sa kapantayan ng dagat ang pinaniniwalaang pinakamatandang puno sa buong daigdig—isang pino (bristlecone pine) na tinatawag na Methuselah Tree (Punong Matusalem), na kilala rin bilang Old Man. Ang Methuselah, na tinatayang mahigit sa 4,700 taóng gulang, ang pinakamatandang puno sa kakahuyan ng mga sinaunang pino na kilala bilang Methuselah Grove (Kakahuyang Matusalem). *
Binabata ng mga punong ito ang malupit na kapaligiran. “Ang katamtamang dami ng ulan ay wala pang 30 sentimetro bawat taon, na karamihan dito ay bumabagsak bilang niyebe, kaya napakakaunti ng halumigmig,” ang ulat ng babasahing New Scientist. “At ang mga puno ay tumutubo sa dolomite, isang uri ng batong-apog na kakaunti lamang ang sustansiya.” Karagdagan pa, “napakatitindi ng temperatura at napakalalakas ng hihip ng hangin.”
Subalit ang mga kondisyong ito mismo ay isang salik sa mahabang buhay ng mga puno. “Tuyung-tuyo ang kapaligiran anupat mahihirapang mabuhay kahit ang mga virus at baktirya. At napakatigas at napakadagta ng kahoy [ng bristlecone pine] anupat hindi ito mapasok ng mga pesteng insekto. Isang panganib ang kidlat, ngunit tama lamang ang distansiya ng mga punungkahoy sa isa’t isa para hindi kumalat ang apoy,” ang paliwanag ng New Scientist.
Ang panahon ng paglaki ng mga punungkahoy na ito ay tumatagal nang mga 45 araw. Tinitipid nila ang kanilang limitadong reserba ng enerhiya sa pamamagitan ng napakabagal na paglaki. Ang kanilang sirkumperensiya ay lumalaki nang 25 milimetro sa isang siglo, at ang kanilang mga dahon ay tumatagal nang hanggang 30 taon. Ang pinakamataas na punungkahoy ay mga 18 metro ang taas. Tinataya ng mga mananaliksik na ang pinakamatatandang pino ay maaaring mabuhay pa nang limang siglo.
Nitong nakalipas na mga taon, naging lubhang interesado sa pino ang mga taong nagnanais na pahabain ang buhay ng tao, anupat umaasang matutuklasan ang mga sekreto nito. Gayunman, ang tunay na susi sa pagkakaroon ng mahabang buhay ay mas madaling makuha kaysa sa isang bagay na masusumpungan sa isang mabuko at matandang puno na nasa itaas ng bundok. Ganito ang sabi ng pinakamatandang aklat sa daigdig, ang Bibliya: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Maaaring makuha ng lahat ang kaalamang ito. Bakit hindi mo ito suriin?
[Talababa]
^ par. 2 Si Matusalem, ang lolo ni Noe, ay nabuhay nang 969 na taon—mas matagal kaysa sa sinumang taong binanggit sa ulat ng Bibliya.—Genesis 5:27; Lucas 3:36, 37.
[Larawan sa pahina 15]
Isa sa mga pino sa Methuselah Grove