Pag-unawa sa Lactose Intolerance
Pag-unawa sa Lactose Intolerance
HALOS isang oras na nang matapos mong namnamin ang iyong paboritong sorbetes o keso. Kumukulo at humahapdi ang iyong sikmura, at kinakabagan ka. Para gumanda ang pakiramdam mo, ininom mo ulit ang gamot na palagi mong dala-dala. Ngayon ay tinanong mo na ang iyong sarili: ‘Bakit ba napakasensitibo ng sikmura ko?’
Kung nakararanas ka ng pagduduwal, pananakit ng tiyan, pagkaempatso, kabag, o pagtatae pagkatapos uminom ng gatas o kumain ng mga produktong gawa sa gatas, baka ikaw ay lactose intolerant. Ang lactose intolerance ay isang pangkaraniwang reaksiyon sa mga produktong gawa sa gatas. Iniuulat ng The National Institute of Diabetes and Digestive and Kidney Diseases na “mga 30 hanggang 50 milyong Amerikano ang lactose intolerant.” Ayon sa The Sensitive Gut, isang aklat na inilathala ng Harvard Medical School, tinataya na “hanggang 70 porsiyento ng populasyon ng daigdig ang may problema sa lactose.” Kung gayon, ano ba ang lactose intolerance?
Ang lactose ay ang asukal na nasusumpungan sa gatas. Ang maliit na bituka ay gumagawa ng isang enzyme na tinatawag na lactase. Ang trabaho nito ay paghiwalayin ang lactose sa dalawang simpleng asukal na tinatawag na glucose at galactose. Pinahihintulutan nitong sumama sa daloy ng dugo ang glucose. Kung walang sapat na lactase upang gawin ito, ang di-nabagong lactose ay dumaraan sa malaking bituka at nagsisimulang kumasim, anupat naglalabas ito ng mga asido at gas.
Ang kondisyong ito, na tinatawag na lactose intolerance, ay kakikitaan ng ilan o lahat ng sintomas na binanggit sa itaas.
Maraming lactase ang ginagawa sa unang dalawang taon ng buhay, at pagkatapos ng panahong ito, patuloy na umuunti ang paggawa nito. Kaya marami ang unti-unting nagkakaroon ng ganitong kondisyon nang hindi namamalayan.Alerdyi ba Ito?
Naghihinuha ang iba na sila’y alerdyik sa gatas dahil sa mga reaksiyong nararanasan nila pagkatapos kumain ng produktong gawa sa gatas. Kaya alin ba sa dalawa, alerdyi * o intolerance? Ayon sa mga eksperto sa alerdyi, bibihira ang totoong mga alerdyi sa pagkain, anupat 1 hanggang 2 porsiyento lamang ng pangkalahatang populasyon ang naaapektuhan. Sa mga bata, mas mataas ang porsiyento pero wala namang 8 porsiyento. Bagaman maaaring magkapareho ang mga sintomas ng alerdyi at ng lactose intolerance, may mga pagkakaiba.
Ang mga sintomas ng alerdyi sa pagkain ay resulta ng paglalaan ng sistema ng imyunidad ng isang pandepensa—histamine—laban sa isang bagay na iyong nakain o nainom. Kabilang sa ilang sintomas ang pamamaga ng labi o dila, pamamantal, o hika. Hindi lilitaw ang mga sintomas na ito sa lactose intolerance yamang hindi naman nasasangkot ang sistema ng imyunidad. Nasasangkot sa lactose intolerance ang kawalang-kakayahan ng katawan na tunawin nang wasto ang isang pagkain, sa gayo’y nagdudulot ng isang reaksiyon.
Ano ang makatutulong sa iyo na malaman ang pagkakaiba? Ganito ang sagot ng aklat na The Sensitive Gut: “Ang tunay na mga reaksiyon dahil sa alerdyi . . . ay nagaganap sa loob ng ilang minuto pagkatapos pumasok sa katawan ang nakasasamang pagkain. Kapag lumitaw ang mga sintomas pagkatapos ng mahigit na isang oras, malamang na iyon ay intolerance.”
Ang Epekto sa mga Sanggol
Kapag ang isang sanggol o musmos ay nagkaroon ng reaksiyon sa pag-inom ng gatas, maaaring
nakaliligalig ito sa bata maging sa kaniyang mga magulang. Kapag nagtae ang bata, maaari siyang maubusan ng likido sa katawan. Maaaring isang katalinuhan para sa mga magulang na humingi ng payo sa isang pedyatrisyan. Kapag nasuri ang intolerance, inirerekomenda ng ilang doktor na palitan ang gatas ng isang suplemento. Ang resulta nito sa marami ay kaginhawahan mula sa nakaliligalig na mga sintomas.Higit na nakababahala ang kaso ng alerdyi. Nagbibigay ang ilang doktor ng antihistamine. Gayunman, kapag nahihirapang huminga, higit pa ang kailangang gawin ng isang doktor upang maibsan ito. Sa bihirang mga kalagayan, maaaring mangyari ang nakamamatay na kondisyon na tinatawag na anaphylaxis.
Kapag ang isang sanggol ay nagsimulang magsuká, ang isa pang dapat ikabahala ay ang pambihirang kondisyon na tinatawag na galactosemia. Gaya ng nabanggit na, ang galactose ay inihihiwalay ng lactase, pero ang galactose ay kailangang gawing glucose. Kapag naipon ang galactose, maaaring magdulot ito ng malubhang pinsala sa atay, sa bato, sa isip, ng hypoglycemia, at maging ng mga katarata. Kaya, mahalaga ang maaga at lubusang pag-aalis ng lactose sa pagkain ng sanggol.
Gaano ba Kalubha ang Lactose Intolerance?
Isang kabataang babae ang dumaranas ng pabalik-balik na mga sintomas ng kabag at pananakit ng tiyan. Lumala nang husto ang kaniyang kalagayan anupat nagpatingin na siya sa doktor. Pagkatapos ng sunud-sunod na pagsusuri, siya ay nasuri na may inflammatory bowel disease (IBD). * Upang makontrol ang sakit na ito, niresetahan siya ng gamot. Gayunman, hindi siya huminto sa kaniyang araw-araw na rutin ng pagkain ng mga produktong gawa sa gatas, kaya nanatili ang kaniyang mga sintomas. Pagkatapos magsaliksik nang personal, natanto niya na baka ang pagkain niya ang may diperensiya, kaya unti-unti niyang iniwasan ang ilang pagkain. Nang dakong huli, iniwasan na niya ang mga produktong gawa sa gatas, at nagsimulang mawala ang kaniyang mga sintomas! Sa loob ng isang taon—at pagkatapos ng higit pang mga pagsusuri—sinabi ng kaniyang doktor na wala siyang IBD. Siya ay lactose intolerant. Maiisip mo na nakahinga na siya nang maluwag!
Sa kasalukuyan, wala pang gamot na makapagpaparami sa produksiyon ng lactase sa katawan ng tao. Gayunman, hindi naman nasumpungang nakamamatay ang lactose intolerance. Kaya ano ang magagawa mo para makayanan ang mga sintomas ng lactose intolerance?
Sa pamamagitan ng mga pagsubok, natutuhan ng ilan kung gaano karaming produktong gawa sa gatas ang kaya ng kanilang katawan. Sa pagiging mapagbantay sa dami ng produktong gawa sa gatas na kinakain mo at sa reaksiyon ng iyong katawan, maaari mong malaman kung gaano karami ang kaya at di-kayang tunawin ng iyong katawan.
Ipinapasiya naman ng iba na huwag nang kumain pa ng mga produktong gawa sa gatas. Sa pamamagitan ng personal na pagsasaliksik o pagkonsulta sa isang dietitian, nasumpungan ng ilan ang iba pang mga paraan upang matustusan ang pangangailangan nila sa kalsyum. Ang ilang berdeng gulay at uri ng isda at nuwes ay sagana sa kalsyum.
Para sa mga nagnanais na patuloy na masiyahan sa mga produktong gawa sa gatas, may mabibiling mga pildoras o likido na makatutulong. Ang mga produktong ito ay may lactase upang tulungan ang mga bituka na hatiin ang lactose. Ang pag-inom sa mga ito ay makatutulong sa isa na maiwasan ang mga sintomas ng lactose intolerance.
Sa daigdig sa ngayon, isang hamon ang pag-iingat sa kalusugan. Ngunit salamat sa pagsasaliksik sa medisina at sa kakayahan ng ating katawan na makabawi, makakayanan natin ito hanggang sa pagsapit ng panahon na “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’”—Isaias 33:24; Awit 139:14.
[Mga talababa]
^ par. 7 Tinatawag ding hypersensitivity.
^ par. 15 May dalawang uri ng IBD—Crohn’s disease at ulcerative colitis. Ang napakalubhang mga sakit na ito ay maaaring humantong sa pagputol ng isang bahagi ng mga bituka. Maaaring ikamatay ang mga komplikasyon ng IBD.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 26]
MAAARI RING MAY LACTOSE ANG MGA ITO:
▪ Tinapay at mga produktong tinapay
▪ Keyk at cookie
▪ Kendi
▪ Instant potato
▪ Margarina
▪ Marami sa inireresetang mga gamot
▪ Nabibiling gamot sa botika nang walang reseta
▪ Timpla ng hotcake, biskuwit, at cookie
▪ Prinosesong breakfast cereal
▪ Salad dressing
▪ Nabibiling karneng luto na
▪ Sopas