Kung Paano Pinupuntirya ang mga Biktima
Kung Paano Pinupuntirya ang mga Biktima
Katatapos lamang ni Monika ng haiskul nang magsimula siyang magtrabaho bilang isang nagsasanay na klerk sa legal na propesyon. Inaasahan ni Monika na hindi magiging mahirap ang pagbabago mula sa pagiging estudyante tungo sa pagiging empleado.
Si Horst ay isang doktor ng medisina na ang edad ay mga 35. May asawa at mga anak siya, at ang lahat ay waring nagpapahiwatig na magiging kilala siya at magkakaroon ng malaking kita.
Naging mga biktima ng panliligalig sina Monika at Horst.
MAY mahalagang aral na itinuturo sa atin ang mga kaso nina Monika at Horst: Hindi madaling mahulaan kung sino ang maaaring maging biktima ng panliligalig sa trabaho. Totoo, kahit sino sa anumang hanapbuhay ay maaaring maging puntirya ng panliligalig. Kung gayon, paano mo maipagsasanggalang ang iyong sarili? Ang isang paraan ay alamin kung paano itataguyod ang kapayapaan sa dako ng
trabaho, kahit sa mahirap pakisamahang mga katrabaho.Pakikisama sa mga Katrabaho
Para sa marami, ang pagkakaroon ng trabaho ay humihiling ng pakikisama sa isang grupo ng mga katrabaho at pagtulong na maging maayos ang takbo ng trabaho bilang isang grupo. Kung mabuti ang pagsasamahan ng isa’t isa sa grupo, nagagawang mabuti ang trabaho. Kung hindi maganda ang samahan, nadadamay ang trabaho at nadaragdagan ang panganib ng panliligalig.
Ano ang maaaring humadlang sa maayos na paggawa ng isang grupo ng magkakatrabaho? Isang dahilan ang madalas na pagpapalit ng mga tauhan. Sa gayong kalagayan, mahirap magkaroon ng ugnayang magkakaibigan. Bukod pa riyan, di-pamilyar sa rutin ng trabaho ang bagong mga katrabaho, na nagpapabagal sa paggawa ng lahat ng nagtatrabaho. Kapag nagpapatung-patong ang trabaho, malamang na palaging dumanas ng kaigtingan ang grupo.
Isa pa, kung walang malinaw na mga tunguhin ang isang grupo, walang gaanong nadaramang pagkakaisa. Halimbawa, maaaring ganito ang kalagayan kung mas maraming panahon ang inuubos ng isang walang-kumpiyansang amo sa pagtatanggol ng kaniyang posisyon kaysa sa pangunguna sa trabaho. Maaari pa nga niyang pag-awayin ang mga magkakasama sa trabaho upang manatili sa kaniya ang pangangasiwa. Maaaring lumala pa ang mga bagay-bagay kung hindi malinaw sa grupo ang kaayusan anupat hindi maunawaan ng ilang katrabaho ang mga hangganan ng kanilang pananagutan. Halimbawa, maaaring bumangon ang mga alitan kung iniisip kapuwa ng dalawang empleado na pananagutan nilang pumirma sa nilagdaan nang mga resibo.
Sa gayong situwasyon, nagiging mahirap ang pag-uusap at ang nasaktang damdamin ay kadalasang di-nalulutas. Nilalason ng inggit ang kapaligiran sa trabaho, at nagpapaligsahan sa isa’t isa ang mga magkakasama sa trabaho upang makuha ang pabor ng amo. Ang maliliit na di-pagkakaunawaan ay itinuturing na malalaking insulto. Sa katunayan, ang maliliit na problema ay pinalalaki. Sa ganitong kalagayan, posibleng magkaroon ng panliligalig.
Ang Pagpili ng Biktima
Sa paglipas ng panahon, maaaring pag-initan ang isang empleado para maging biktima. Anong uri ng tao malamang na pakitunguhan nang ganiyan? Marahil sa isa na naiiba. Halimbawa, maaaring iyon ang nag-iisang lalaki sa grupo ng mga kababaihan o isang babaing nagtatrabaho sa lugar na puro lalaki. Ang isang taong may kumpiyansa ay maaaring ituring na agresibo, samantalang ang isang tahimik na indibiduwal naman ay maaaring ituring na malihim. Ang potensiyal na biktima ay maaari ring naiiba sa diwa na siya ay mas matanda o mas bata kaysa sa iba o mas kuwalipikado sa trabaho.
Sinuman ang biktima, ang mga katrabaho ay “nagiging masungit at pangahas sa kanilang napiling biktima at dahil dito ay gumagaan ang pakiramdam nila mula sa kanila mismong personal na kaigtingan,” ang ulat ng babasahin sa medisina na mta sa Alemanya. Ang pagsisikap ng biktima na lunasan ang situwasyon ay hindi gaanong nagtatagumpay at maaari pa nga nitong palubhain ang mga bagay-bagay. Habang dumadalas at nagpapatuloy ang pananakot, lalong napapabukod ang pinag-iinitan. Sa pagkakataong ito, hindi na kayang batahing mag-isa ng biktima ng panliligalig ang situwasyon.
Mangyari pa, sa tuwina’y nagiging instrumento ang dako ng trabaho para sa pagmamaltrato. Subalit natatandaan ng marami ang panahon noon na mas handang magtulungan ang mga magkakasama sa trabaho. Bihirang magkaroon ng isinaplanong panliligalig. Subalit sa paglipas ng mga taon, nagkaroon ng inilalarawan ng isang doktor na “humihinang espiritu ng pagkakaisa at lumalaganap na kawalan ng personal na kahihiyan.” Hindi gaanong pinahahalagahan ng mga tao sa ngayon ang mga simulain sa paggawi pagdating sa lantarang pakikipag-away sa trabaho.
Kaya naman makatuwirang mabahala ang lahat ng nagtatrabaho sa mga sagot sa mga tanong na: Maiiwasan ba ang panliligalig? Paano maitataguyod ang kapayapaan sa dako ng trabaho?
[Larawan sa pahina 6]
Ang tunguhin ng panliligalig ay ipadama sa biktima na itinakwil siya