Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mag-ingat—Mga Halamang Pumapatay!

Mag-ingat—Mga Halamang Pumapatay!

Mag-ingat​—Mga Halamang Pumapatay!

Mula sa manunulat ng Gumising! sa Britanya

KARANIWAN nang nalalaman na ang mga hayop ay kumakain ng mga halaman. Pero alam mo ba na ang ilang halaman ay kumakain ng mga hayop? May mga 550 uri ng mga halamang ito na kumakain ng karne, o insekto, ang nakilala na, at marami pa ang natutuklasan. Ang pambihirang mga halamang ito ay maaaring magsagawa ng potosintesis, ngunit yaong mga tumutubo sa di-magandang lupa ay nagkukulang sa mahahalagang nutriyente, gaya ng mga nitrate. Ang mga insekto ang nagiging mahahalagang suplemento sa pagkain ng gutom na mga halamang ito.

Ang bawat halaman ay may kani-kaniyang paraan ng pagsilo sa biktima. Ang ilan ay may mga bitag, samantalang inaakit naman ng iba ang kanilang mga biktima patungo sa madudulas na patibong o sa madidikit na sapin kung saan imposibleng makatakas. Suriin natin ang mga halamang ito na kumakain ng karne.

Mga Bitag

Marahil ang pinakakilalang halamang kumakain ng karne ay ang Venus flytrap, na tumataas nang hanggang mga 30 sentimetro. Ito’y masusumpungan sa mga latian sa Hilaga at Timog Carolina ng Hilagang Amerika, at ang Venus flytrap ay may makikintab at matitingkad-na-kulay na dahon, na sa gilid ay may mga glandulang gumagawa ng nektar​—isang tukso na mahirap tanggihan ng mga insekto! Dito ngayon ang panganib, dahil ang Venus flytrap ay may tatlong trigger hair (mga hiblang naghuhudyat sa halaman na may nakapasok sa bitag) sa gitna ng bawat kurbadang bahagi ng dahon. Kapag ang isang walang kamalay-malay na nilalang ay napadapo rito, nagsasara ang mga dahon. Kagaya ng mga ngipin sa isang bitag na bakal, ang mga tinik sa gilid ng mga dahon ay nagsasalabid upang hindi makatakas ang biktima.

Kapag may natangay ang hangin papasok sa loob ng bitag​—halimbawa, isang piraso ng maliit na tuyong sanga​—​bubukas ang bitag pagkatapos ng ilang araw. Ngunit kapag naramdaman ng mga sangkap ng pandamdam sa dahon na may mga substansiyang nagtataglay ng nitroheno, naglalabas ang halaman ng mga enzyme upang tunawin ang katawan ng nahuling insekto para makuha ng halaman ang mga nutriyente. Ang prosesong ito ay tumatagal nang 10 hanggang 35 araw, depende sa laki ng biktima.

Kapansin-pansin, kapag isang trigger hair lamang ang nasaling, marahil ng isang patak ng ulan, hindi magsasara ang bitag. Kapag dalawa o higit pa sa mga trigger hair ang nasaling​—kahit na ang pagitan ng pagsaling dito ay 20 segundo​—saka lamang tutugon ang halaman. Ang bilis ng pagsara ng bitag ay nakadepende sa temperatura at sinag ng araw. Sa ilang kalagayan, nagsasara ito sa bilis na ikatatlumpung bahagi ng isang segundo.

Ang mga bitag ng ilang halaman ay mas mabilis pa kaysa riyan. Isaalang-alang ang bladderwort, pangunahin nang isang halamang nabubuhay sa tubig, na may mga dahong nasa ilalim ng tubig. Naglalaman ang mga dahon ng maraming maliliit na supot, na ang bawat isa ay may bitag at ilang mahahabang balahibo. Kapag ang isang maliit na nilalang, tulad ng isang dapiya (water flea), ay napadapo sa mga balahibo, bumubukas ang bitag. Dahil ang presyon ng tubig sa loob ng maliit na supot ay mas mababa kaysa sa labas ng supot, ang maliit na biktima ay nahihigop paloob at pagkatapos ay mabilis na nagsasara ang bitag. Maaari itong maganap sa loob lamang ng ikatatlumpu’t limang bahagi ng isang segundo!

Madudulas na Patibong

Kabilang sa pinakamalalaking halaman na kumakain ng karne ang mga hanging pitcher plant. Ang ilan sa mga halamang ito, gaya niyaong masusumpungan sa Timog-Silangang Asia, ay mga baging na gumagapang hanggang sa mga taluktok ng mga puno. Ang mga ito ay naglalaman ng mga patibong na maaaring maglaman ng hanggang dalawang litro ng likido upang makahuli ng mga nilalang na kasinlaki ng mga palaka. Sinasabi pa nga na ang ilan ay nakahuli ng malalaking daga. Pero paano ba gumagana ang mga patibong?

Ang bawat dahon ng pitcher plant ay nakakatulad sa isang pitsel at may takip ito upang hindi maulanan ang loob. Ang isang insekto ay naaakit sa matingkad na kulay at saganang nektar ng pitsel, pero madulas ang bibig nito. Kapag tinangkang kunin ng insekto ang nektar, madudulas ito patungo sa tipunan ng likido sa ibabang bahagi ng halaman. Hindi makatatakas ang mga insekto dahil sa mga buhok na nakaturong pababa sa loob ng halaman. Bukod dito, ang nektar ng ilang pitcher plant ay naglalaman ng narkotiko na nagpapahilo sa biktima nito.

Ang pitcher plant na may pinakakapansin-pansing hitsura ay walang iba kundi ang cobra plant, na tumutubo sa kabundukan ng California at Oregon sa Estados Unidos. Ang pitsel nito ay katulad na katulad ng isang kobra na handang manuklaw. Papasok ang isang insekto sa bibig ng halaman ngunit malilito ito sa liwanag na waring sumisinag sa maliliit na bintana. Patuloy na lilipad ang insekto patungo sa liwanag upang makatakas, pero balewala ito. Palibhasa’y mapapagod nang husto, mahuhulog na lamang ang insekto sa likido sa ibabang bahagi ng halaman at pagkatapos ay malulunod.

Halaga sa Tahanan at sa Komersiyo

Ang mga butterwort ay may madidikit na dahon na nakaaakit sa sciarid fly at whitefly. Ang mga insektong ito ay mga pesteng nakaaapekto kapuwa sa mga halamang pangkomersiyo sa mga greenhouse at sa mga halamang pambahay. Mabisa naman ang mga panghuli ng langaw na gawa ng tao pero wala itong pinipiling hulihin, yamang nabibitag din nito ang mga bubuyog at mga hover fly. Nakahihigit ang pagiging madikit ng butterwort. Maliliit na peste lamang ang nahuhuli nito.

Nagiging popular na ngayon sa mga hardinero ang mga pitcher plant ng Hilagang Amerika. Ang kanilang magagandang bulaklak at dahong may eleganteng mga hugis ay kasingganda ng iba pang mga halaman, at madaling alagaan ang mga ito. Malakas ding kumain ng mga langaw ang mga ito. Sa katunayan, ang bawat kumpol ng mga dahon ay nakabibitag ng libu-libong langaw sa isang kapanahunan. Hindi naman nanganganib sa mga ito ang mga bubuyog, yamang lumilitaw na hindi naaakit ang mga ito sa mga halaman. Pero paano naisasagawa ang polinisasyon sa mga bulaklak nang hindi nahuhuli ang mga insektong gumagawa nito? Lumilitaw muna ang mga bulaklak samantalang lumalaki pa lamang ang mga pitsel. Kapag nasa hustong gulang na ang mga pitsel, patay na ang mga bulaklak at nakalipat na sa ibang lugar ang mga nagsasagawa ng polinisasyon.

Ang isang halaman na madaling patubuin at nakatatagal sa maraming uri ng temperatura ay ang fork leaf sundew ng Australia. “Ito’y isang kaayaayang halaman kung hindi ka makaupo sa labas kapag gabi dahil sa mga lamok,” ang sabi ni Chris Heath, isang espesyalista sa mga halamang kumakain ng karne sa Walworth Garden Farm Environmental Education Centre sa London. “Itanim mo ito sa isang nakabiting basket kung saan ang kumikinang at maliliit na patak ng madikit na likido nito ay makaaakit ng mga lamok.” Anumang lamok na mapadait sa isang dahon ay kaagad na nahuhuli ng madidikit na buhok nito, na kumukurba naman paloob at pumipisa sa insekto sa ibabaw ng dahon.

Pagpapanatili sa mga Halamang Naninila

Nakalulungkot, maraming halamang kumakain ng karne ang tumutubo sa mga lugar na sinisira ng tao. Halimbawa, ang hanging pitcher plant ng Timog-Silangang Asia ay nanganganib malipol dahil sa pagkakaingin. Ang mga latian sa ibang mga lugar ay inaalisan ng tubig para sa pagpapalawak ng mga lunsod. Ang ilang uri ay nalipol na. *

Gusto mo bang magpatubo ng halamang kumakain ng karne? Hindi mo na kailangan pang manguha sa ilang, yamang marami at madaling makakuha sa mga nagbebenta at nagpapalaki ng mga ito mula sa buto o mula sa mga tissue culture. Simple lamang ang pagpapatubo sa mga ito: Panatilihing basa ng tubig-ulan ang halaman sa lahat ng pagkakataon. Gayundin, ang mga halamang kumakain ng karne ay nananagana sa sinag ng araw, pero pinakamabuting panatilihing malamig ang mga uring mula sa mga lugar na may katamtamang klima sa panahon ng taglamig. Kailangan ng pagtitiyaga, yamang maaaring umabot nang mga tatlong taon bago lumaki sa hustong gulang ang ilang halaman. Sa paanuman, hindi mo na sila kailangan pang tustusan ng pagkain. Tutal, sila naman ang maghahanap ng sarili nilang pagkain!

[Talababa]

^ par. 19 Ang ilang halamang kumakain ng insekto ay iniingatan ng Convention on International Trade in Endangered Species.

[Kahon sa pahina 27]

Pagkain Para sa mga Halamang-Singaw

Ang pinakamaliit na mga halamang kumakain ng karne ay ang mga halamang-singaw na nambibitag ng mikroskopyong mga bulating nematode na nakatira sa lupa. Ang ilan sa mga halamang-singaw na ito ay may madidikit na globito sa mga tangkay nito, pero ang iba ay may tatluhang-buhol na ikasanlibong bahagi ng isang pulgada lamang ang kapal, na nanlilingkis ng anumang bulating nematode na napagapang sa ibabaw nila. Sa sandaling mabitag ang bulati, sasalakayin naman ito ng mga pilamento ng halamang-singaw, at mabilis na namamatay ang bulati. Pinag-aaralan ang mga halamang-singaw na ito dahil sa potensiyal nito na pumigil sa pagdami ng mga peste, yamang ang mga nematode ang sanhi ng pinsala sa pananim na umaabot ng daan-daang milyong dolyar taun-taon.

[Kahon sa pahina 27]

Lumalaban ang mga Insekto!

Hindi lahat ng insekto ay namamatay sa mga bitag ng mga halamang kumakain ng insekto. Halimbawa, ang blowfly ay may lamad sa bawat paa nito. Kagaya ng pangkawit na bakal ng isang umaakyat sa bundok, ang mga lamad na ito ang tumutulong sa insekto na makaakyat sa mga buhok ng pitcher plant na nakaturong pababa. Kapag napisa na ang mga itlog ng blowfly, kinakain ng mga uod nito ang mga nabubulok na insekto sa loob ng halaman. Pagkatapos, kapag handa na silang maging mga pupa, binubutasan nila ang pitsel at tumatakas. Tinatakpan naman ng sapot ng mga higad ng isang maliit na mariposa ang nakasasakit na mga buhok ng pitcher plant. Ang ilang gagamba ay may-katusuhang gumagawa ng kanilang mga bahay sa itaas na bahagi ng mga pitcher plant upang sila ang unang makahuli ng anumang mausisang insekto, at di-kukulangin sa isang uri ng gagamba ang may pantanging balat na nagpapahintulot dito na makapagtago sa mga panunaw na likido ng halaman kapag ito ay nanganganib.

[Larawan sa pahina 24]

Dahon ng “hanging pitcher plant”

[Larawan sa pahina 24, 25]

“Venus flytrap”

Ipinakikita ng dahon sa kaliwa ang isang nabitag na langaw; ipinakikita ng dahon sa kanan ang mga “trigger hair”

[Credit Line]

Mga halaman: Copyright Chris Heath, Kentish Town City Farm, London

[Larawan sa pahina 25]

Bulaklak at wala-pa-sa-hustong-gulang na dahong pitsel ng “cobra plant”

[Credit Line]

Copyright Chris Heath, Kentish Town City Farm, London

[Larawan sa pahina 26]

“Pitcher plant” ng Hilagang Amerika

Ang bulaklak nito ay halos kasinlaki ng isang kahel

[Larawan sa pahina 26]

“Butterwort”

Nabitag ang mga “sciarid fly” at mga “whitefly” sa madidikit na dahon nito

[Mga larawan sa pahina 26]

Mga dahon ng “pitcher plant” ng Hilagang Amerika

Nakasingit na larawan: Kinakain ng isang langaw ang nektar na nakapagpapaantok dito

[Larawan sa pahina 26]

“Fork leaf sundew”

Nabitag ang isang insekto sa madidikit na buhok ng dahon nito

[Credit Line]

Mga halaman: Copyright Chris Heath, Kentish Town City Farm, London