Mga Kamelyo sa Andes?
Mga Kamelyo sa Andes?
AYON SA MANUNULAT NG GUMISING! SA PERU
MGA kamelyo sa Timog Amerika? Parang kakatwang isipin iyan, yamang karaniwan nang iniuugnay sa Aprika o Asia ang hayop na ito sa disyerto. Ngunit ang uri ng mga kamelyo na matatagpuan sa Aprika at Asia ay kauri ng mga lamoid na matatagpuan sa Timog Amerika. * Gayunman, di-tulad ng malalayo nilang kamag-anak, ang mga lamoid sa Timog Amerika ay walang umbok. Isa pa, kasintaas lamang sila ng pangkaraniwang tao at hindi pa nga umaabot sa taas ng balikat ng dromedary o ng kamelyong Bactrian.
Ang pinakamainam na lugar para masulyapan ang isang lamoid sa Timog Amerika ay ang Kabundukan ng Andes, pangunahin na sa Bolivia at Peru. Matatagpuan din sila sa ibang mga rehiyon ng Timog Amerika, kabilang na ang Patagonia at Tierra del Fuego, sa Argentina at Chile.
Kahali-halina lalung-lalo na ang eleganteng paglakad at ang bilis ng mga nilalang na ito. Kahanga-hanga rin kung gaano kadaling akyatin ng mga lamoid sa Timog Amerika ang mababatong dalisdis. Ang hirap ng bawat hakbang ay nababawasan dahil sa espesyal na mga pansapin, na makapupong higit sa modernong sapatos.
Kakaunti ang damo at manipis ang lupa sa Andes. Gayunman, hindi gaanong nasisira ng mga kuko ng lamoid sa Timog Amerika ang lupa di-tulad ng mga kabayo at mga mula. Isa pa, maaaring manginain ang mga hayop na ito nang hindi nabubunot ang mga ugat ng damo dahil sa kanilang ngipin at ngalangala.
Hindi nabubuhay ang karamihan sa mga hayop sa matataas na dako. Subalit dahil sa dami ng kanilang pulang mga selula ng dugo, maginhawang nakapamumuhay ang mga lamoid sa Timog Amerika kahit na sa itaas ng Andes.
Sa mga dakong walang masusumpungang panggatong, ang natuyong dumi ng lamoid sa Timog Amerika ang nagsisilbing panghalili. At dahil itinutumpok ng maiilap na lamoid ang kanilang mga dumi sa mga hangganan ng lugar kung saan sila gumagala, madaling tipunin ang duming ito para gamiting panggatong. Di-gaya ng puno, hindi na kailangang putulin ang dumi, at mabilis itong matuyo sa tigang na hangin ng Andes.
May panahon noon na ginagamit sa relihiyosong mga ritwal ang mga lamoid. Halimbawa, ibinabaon ng mga Chiribaya sa timugang Peru ang inihaing mga llama at alpaca sa silong ng kanilang mga bahay. Sinasabi ng mga istoryador na sandaang pinalahiang puting llama ang inihahain bawat buwang lunar sa Huayaca Pata, ang pangunahing liwasan ng Cuzco, at mas kakaunti naman ang inihahain sa diyos-araw sa pagdiriwang na Inti Raymi. Sa ngayon, bihira nang gamitin sa mga ritwal ang mga lamoid, ngunit lubhang pinahahalagahan ang kanilang karne—na parang kordero ang lasa.
Matagal pa bago naimbento ang mga repridyeretor, pinepreserba na ng mga Inca ang karne ng lamoid sa pamamagitan ng pagpapayelo at pagpapatuyo rito, anupat sinasamantala ang malamig na temperatura at mababang presyon ng hangin sa itaas ng Andes. Tinawag nila ang tuyong karneng ito na ch’arki. Sa Ingles, tinatawag itong jerky.
Mangyari pa, dapat nating pahalagahan ang magagandang nilalang na ito hindi lamang dahil sa paglilingkod nila kundi dahil bahagi sila ng kamangha-manghang mga nilalang ng Diyos, na pawang lumuluwalhati sa kaniya!—Awit 148:10, 13.
[Talababa]
^ par. 3 Apat na uri ng mga lamoid ang tumatahan sa Timog Amerika: ang mga alpaca, mga guanaco, mga llama, at mga vicuña. Maaari silang magpalahi sa isa’t isa at magluwal ng anak na magkahalo ang lahi.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 16]
Ang Guanaco—Matatag, Matibay, at Magandang Nilalang
Waring kailangan ng gayon kagandang nilalang na may maselang mga katangian ang labis na pangangalaga at pag-aasikaso. Subalit kadalasan nang nakikita ang mga guanaco sa mga lupaing mahirap pamuhayan, mula sa kaitaasan ng Andes hanggang sa Patagonia at Tierra del Fuego, sa timugang Argentina at Chile. Sa gayong tigang na teritoryo, kumakain ang guanaco ng mga tangkay at ugat at umiinom ng tubig, kahit na hindi maganda ang kalidad nito. Mahusay lumangoy ang guanaco at nakatatakbo sa bilis na 65 kilometro bawat oras. Ang makakapal na pilikmata nito ay nagsasanggalang mula sa hangin, araw, at alikabok. Nakalulungkot, may-kasakimang hinuhuli ng ilegal na mga mangangaso ang guanaco dahil sa karne, balat, at lana nito, na mas pino kaysa sa lana ng alpaca.
[Credit Line]
© Joe McDonald
[Kahon/Larawan sa pahina 16]
Ang Alpaca—Nababalutan ng Makapal na Damit
Sa lupain kung saan ang malamig na temperatura ay pangkaraniwan at nagbabagu-bago nang 50 digri Celsius sa isang araw, pinagkalooban ang alpaca ng makapal, magaspang, at mahabang suson ng lana. Mas matibay ang malambot na lana ng alpaca kaysa sa lana ng tupa. Bagaman tumutulong ang matulis na nguso ng alpaca para maabot nito ang mga dahon ng damo sa Andes na tumutubo sa makikitid na awang sa pagitan ng mga bato, mas gusto ng malalambot at nakatutuwang hayop na ito ang mga latian, na naglalaan ng murang mga supang. Gayunman, tulad ng ibang mga lamoid, nakatatagal sila nang maraming araw na walang tubig.
[Kahon/Larawan sa pahina 17]
Ang Vicuña—Marangyang Nadaramtan
Kahit na nakatira ang vicuña sa kaitaasan ng Andes kung saan halos nagyeyelo ang temperatura, maalwang nakadamit ito ng maikli at magaang balahibo na siyang itinuturing na pinakamainam na hibla ng hayop sa lupa. Ang damit nito ay may nakakumpol na lana sa harap ng dibdib nito, na nagsisilbing bandana. Hindi hihigit sa isang kilong balahibo ang nagagawa ng isang adultong vicuña tuwing ikadalawang taon, kaya ang marangyang hiblang ito ay bihira—at mamahalin. Ang isang metro ng mainam na tela ng vicuña ay maaaring magkahalaga ng mahigit sa $3,000.
Sa ilalim ng Imperyo ng mga Inca, gumawa ng mga batas upang maingatan ang vicuña. Itinatag ang isang kapistahan ng paggupit, na kilala bilang chaccu, at ang mga maharlika lamang ang may pribilehiyong magsuot ng mga damit na gawa sa hibla ng vicuña. Muling ipinagdiwang ang kapistahan ng chaccu nitong nakalipas na mga taon, at nagpasa na naman ng mga batas upang ipagsanggalang ang vicuña mula sa ilegal na mga mangangaso.
Bilang mahalagang bahagi ng kapistahang ito, ang maiilap na vicuña ay hinuhuli sa mga tulad-imbudong mga bitag na ang bungad ay 300 metro ang lapad. Ginugupitan ang mga vicuña pagkatapos nito at kaagad na pinakakawalan.
[Credit Line]
© Wilfredo Loayza/PromPerú
[Kahon/Mga larawan sa pahina 17]
Ang Llama—Ang Hayop na Pantrabaho ng Andes
Hindi ito kasinlakas ng asno ni kasimbilis ng kabayo. Gayunman, nakalalamang ang llama sa dalawang ito bilang mahalagang hayop na tagapasan. Sa katunayan, kaya nitong magpasan ng hanggang 60 kilo. Kung masyadong nabibigatan ito sa pasan niya, uupo na lamang ang llama at hindi gagalaw hangga’t hindi nababawasan ang pasan nito ayon sa gusto niyang bigat. Kapag tinangka mong pilitin ito, baka ang pagkain ng llama mula sa una sa tatlong sikmura nito ay ibuga nito nang buong lakas at sa eksaktong direksiyon.
Gayunman, karaniwan nang maaamo ang mga llama, at maaaring akayin ng malumanay na tagapag-alaga ang mahabang pangkat ng mga llama habang binabagtas ang tigang at matataas na talampas kung saan hindi makatagal ang ibang hayop na tagapasan dahil sa kakulangan ng oksiheno. Ginagamit na ngayon ang mga llama bilang mga hayop na tagapasan hindi lamang sa Andes kundi sa Alps ng Italya dahil sa kakayahan nitong maglakbay sa bulubunduking kalupaan. Maaaring gawa mismo sa sariling lana ng llama ang lubid, guwarnisyon, at blangket nito.
[Credit Line]
© Anibal Solimano/PromPerú
[Larawan sa pahina 18]
“Alpaca” na bagong gupit
[Larawan sa pahina 18]
Maliit na “llama” na may borlas
[Picture Credit Lines sa pahina 15]
Map: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.; llamas: © Alejandro Balaguer/PromPerú