Isang Daigdig na Ligtas sa Sakit
Isang Daigdig na Ligtas sa Sakit
“Ang lahat ng bansa ay dapat magkaisa taglay ang espiritu ng pagtutulungan at paglilingkod para tiyakin ang pangunahing pangangalaga sa kalusugan para sa lahat ng tao yamang ang pagiging malusog ng mga tao sa anumang bansa ay may tuwirang mga epekto at pakinabang sa bawat bansa.”—ALMA-ATA DECLARATION, SETYEMBRE 12, 1978.
DALAWAMPU’T LIMANG taon na ang nakalilipas, para sa ilan, waring isang naaabot na tunguhin ang pangunahing pangangalaga sa kalusugan ng lahat sa lupa. Ipinasiya ng mga delegado sa International Conference on Primary Health Care, na nagpulong sa Alma-Ata, kilala sa ngayon bilang Kazakhstan, na ang buong sangkatauhan ay dapat iligtas laban sa pangunahing nakahahawang mga sakit pagsapit ng taóng 2000. Umasa rin sila na pagsapit ng taon ding iyon, maaaring matamo na ng lahat sa lupa ang pangunahing sanitasyon at ligtas na tubig. Lumagda sa deklarasyon ang lahat ng mga miyembrong estado ng World Health Organization (WHO).
Talaga namang kapuri-puri ang tunguhing iyan, subalit nakasisiphayo ang kasunod na mga pangyayari. Hindi natatamo ng lahat ang pangunahing pangangalaga sa kalusugan, at nagbabanta pa rin ang nakahahawang mga sakit sa kalusugan ng bilyun-bilyong tao sa lupa. At karaniwan nang mga bata at mga adulto na nasa kalakasan ng buhay ang tinatamaan ng nakamamatay na mga karamdamang ito.
Kahit na ang tatlong nagbabantang sakit na AIDS, tuberkulosis, at malarya ay hindi nakapag-udyok sa mga bansa para “magkaisa taglay ang espiritu ng pagtutulungan.” Ang bagong tatag na Global Fund to Fight AIDS, Tuberculosis and Malaria ay humiling sa mga gobyerno ng $13 bilyon upang makatulong sa pagsugpo ng mga epidemyang ito. Gayunman, noong tag-araw ng 2002, mahigit lamang sa $2 bilyon ang nailaan—nang taon ding iyon, tinataya na umabot sa $700 bilyon ang ginugol sa militar! Nakalulungkot, sa nagkakabaha-bahaging daigdig sa ngayon, kakaunti ang banta na makapagkakaisa sa lahat ng bansa para sa kapakanan ng lahat.
Kahit na taglay ang pinakamabuting mga intensiyon, natatanto ng mga awtoridad sa kalusugan na limitadung-limitado ang magagawa nila sa kanilang pakikipaglaban sa nakahahawang mga sakit. Baka hindi maglaan ng sapat na salapi ang mga gobyerno. Hindi na tinatablan ng maraming gamot ang mga mikrobyo, at maaaring patuloy pa ring itaguyod ng mga tao ang istilo ng pamumuhay na nagpapalaki sa kanilang tsansa na magkasakit. Isa pa, ang mga problemang karaniwan sa isang partikular na lugar gaya ng karukhaan, digmaan, at taggutom ang nagbigay-daan para matagumpay na salakayin ng mga pathogen ang milyun-milyong tao na pamamahayan ng mga ito.
Pagmamalasakit ng Diyos sa Ating Kalusugan
May solusyon ang mga problema sa sakit. Mayroon tayong maliwanag na katibayan na lubhang interesado ang Diyos na Jehova sa kalusugan ng *
sangkatauhan. Ang ating sistema ng imyunidad ay nagbibigay ng namumukod-tanging patotoo ng pagmamalasakit na ito. Isiniwalat ng maraming batas na ibinigay ni Jehova sa sinaunang Israel ang kaniyang pagnanais na ingatan sila mula sa nakahahawang mga sakit.Si Jesu-Kristo, na nagpapamalas ng personalidad ng kaniyang makalangit na Ama, ay nakadama rin ng habag sa mga maysakit. Inilalarawan ng Ebanghelyo ni Marcos ang pagtatagpo ni Jesus at ng isang lalaking nagdurusa dahil sa ketong. “Kung ibig mo lamang,” ang sabi ng ketongin, “mapalilinis mo ako.” Nalipos ng awa si Jesus nang makita niya ang kirot at pagdurusang tinitiis ng lalaki. “Ibig ko,” ang sagot ni Jesus. “Luminis ka”!—Marcos 1:40, 41.
Hindi lamang sa iilang indibiduwal ginawa ni Jesus ang kaniyang makahimalang pagpapagaling. Iniuulat ng manunulat ng Ebanghelyo na si Mateo na si Jesus ay “lumibot . . . sa buong Galilea, na nagtuturo . . . at nangangaral ng mabuting balita ng kaharian at nagpapagaling ng bawat uri ng karamdaman at bawat uri ng kapansanan sa gitna ng mga tao.” (Mateo 4:23) Hindi lamang nakatulong sa mga maysakit sa Judea at Galilea ang kaniyang mga pagpapagaling. Isa ring patikim sa atin ang mga pagpapagaling na iyon kung paanong ang lahat ng uri ng sakit ay mawawala na sa wakas kapag namahala na nang walang sumasalansang ang Kaharian ng Diyos, na siyang ipinangaral ni Jesus, sa sangkatauhan.
Hindi Lamang Isang Panaginip ang Mabuting Kalusugan Para sa Lahat
Tinitiyak sa atin ng Bibliya na ang mabuting kalusugan para sa lahat ay hindi lamang isang panaginip. Patiunang nakita ni apostol Juan ang panahon kapag ang “tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan.” Bunga ng pagkilos na ito ng Diyos, “hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” Para bang di-kapani-paniwala iyan? Sa susunod na talata, sinabi mismo ng Diyos: “Ang mga salitang ito ay tapat at totoo.”—Apocalipsis 21:3-5.
Sabihin pa, kailangang magwakas ang karukhaan, taggutom, at digmaan para maglaho ang sakit, Mateo 6:9, 10.
yamang ang lahat ng kalamidad na ito ay kadalasang nauugnay sa nakahahawang mga mikrobyo. Kaya naman, ipagagawa ni Jehova ang malaking atas na ito sa kaniyang Kaharian, isang makalangit na pamahalaan na nasa kamay ni Kristo. Bilang sagot sa marubdob na panalangin ng milyun-milyon, ang pamahalaang ito ay darating, at titiyakin nito na matutupad ang kalooban ng Diyos sa lupa.—Kailan natin maaasahang darating ang Kaharian ng Diyos? Bilang sagot sa katanungang iyan, inihula ni Jesus na makikita ng mga tao sa daigdig ang sunud-sunod na mahahalagang pangyayari na magbibigay ng isang tanda na magpapahiwatig na malapit nang kumilos ang Kaharian. Ang isa sa mga pagkakakilanlang ito, ang sabi niya, ay ang biglang paglitaw ng ‘mga salot sa iba’t ibang dako.’ (Lucas 21:10, 11; Mateo 24:3, 7) Ang salitang Griego para sa “salot” ay tumutukoy sa “anumang nakamamatay at nakahahawang karamdaman.” Tiyak na nasaksihan ng ika-20 siglo ang nakapanghihilakbot na biglang mga paglitaw ng salot, sa kabila ng lahat ng pagsulong sa siyensiya ng medisina.—Tingnan ang kahong “Mga Kamatayan Dahil sa Salot Mula Noong 1914.”
Inilalarawan ng isang hula sa aklat ng Apocalipsis, na katulad ng mga salita ni Jesus sa mga Ebanghelyo, ang ilang mangangabayo na kasama ni Jesu-Kristo kapag nanungkulan na siya langit. Ang ikaapat na mangangabayo ay nakasakay sa “isang kabayong maputla,” at naghasik siya ng “nakamamatay na salot.” (Apocalipsis 6:2, 4, 5, 8) Pinatutunayan ng bilang ng mga namatay dahil sa ilang pangunahing nakahahawang mga sakit sapol noong 1914 na ang makasagisag na mangangabayong ito ay tunay ngang kumakaskas na. Ang paghihirap na dinaranas ng buong daigdig dahil sa “nakamamatay na salot” ay isa pang patotoo na malapit nang dumating ang Kaharian ng Diyos. *—Marcos 13:29.
Bagaman nagtagumpay ang siyensiya ng medisina sa paglaban sa nakahahawang sakit sa loob ng ilang dekada, pinagbabantaan na naman tayo ng paglitaw ng bagong sakit. Maliwanag, kailangan natin ang solusyon na nakahihigit sa magagawa ng tao upang lubusang malutas ang problemang ito. Iyan ang ipinangakong gagawin ng ating Maylalang. Tinitiyak sa atin ni propeta Isaias na sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’ ” Isa pa, “lalamunin [ng Diyos] ang kamatayan magpakailanman, at tiyak na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha mula sa lahat ng mukha.” (Isaias 25:8; 33:22, 24) Kapag dumating ang araw na iyan, habang panahon nang magagapi ang sakit.
[Mga talababa]
^ par. 8 Ang Kautusang Mosaiko ay nagtataglay ng mga tagubilin may kinalaman sa pagtatapon ng dumi, sanitasyon, kalinisan, at kuwarentenas. Sinabi ni Dr. H. O. Philips na “ang totoong mga bagay hinggil sa sekso at pag-aanak, diyagnosis, paggamot, at ang mga pamamaraan para makaiwas sa sakit na nakasaad sa Bibliya ay mas masulong at maaasahan kaysa sa mga teoriya ni Hippocrates.”
^ par. 15 Para sa pagsusuri sa karagdagang mga pitak na nagpapatunay na malapit nang dumating ang Kaharian ng Diyos, tingnan ang kabanata 11 ng aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Kahon sa pahina 12]
Mga Kamatayan Dahil sa Salot Mula Noong 1914
Ang mga estadistikang ito ay mga pagtantiya lamang. Gayunman, ipinakikita ng mga ito ang lawak ng pananalanta ng salot sa sangkatauhan mula noong 1914.
▪ Bulutong (mula 300 hanggang 500 milyon) Wala pang nagawang mabisang paraan ng paggamot noon para sa bulutong. Sa wakas, isang malawakan at internasyonal na programa sa pagbabakuna ang nagtagumpay sa pag-aalis ng sakit na ito noong 1980.
▪ Tuberkulosis (mula 100 milyon hanggang 150 milyon) Ang tuberkulosis ay pumapatay ngayon ng humigit-kumulang sa dalawang milyon katao taun-taon, at halos 1 sa bawat 3 katao sa daigdig ang may mga baktirya ng tuberkulosis.
▪ Malarya (mula 80 milyon hanggang 120 milyon) Sa unang kalahatian ng ika-20 siglo, ang bilang ng namamatay dahil sa malarya ay umabot sa mga dalawang milyon sa isang taon. Ang pinakamaraming namamatay sa ngayon ay nakasentro sa timugang Sahara sa Aprika, kung saan pumapatay pa rin ang malarya ng mahigit sa isang milyon katao taun-taon.
▪ Trangkaso Espanyola (mula 20 milyon hanggang 30 milyon) Sinasabi ng ilang istoryador na ang bilang ng namatay ay mas mataas pa. Sinalot ng nakamamatay na epidemyang ito ang daigdig noong 1918 at 1919, pagkatapos na pagkatapos ng unang digmaang pandaigdig. “Maging ang bubonic plague ay hindi pumatay ng gayon karaming tao nang gayon kabilis,” ang sabi ng aklat na Man and Microbes.
▪ Tipus (mga 20 milyon) Kadalasang ang mga epidemya ng tipus ay kasabay ng digmaan, at ang unang digmaang pandaigdig ang pinagmulan ng salot ng tipus na sumalot sa mga bansa sa Silangang Europa.
▪ AIDS (mahigit na 20 milyon) Ang makabagong salot na ito ay pumapatay sa ngayon ng tatlong milyon katao taun-taon. Ipinakikita ng kasalukuyang mga pagtantiya ng programa sa AIDS ng United Nations na “kung walang lubusan at malawakang mga pagsisikap sa pag-iwas at paggamot, 68 milyon katao ang mamamatay . . . mula sa taóng 2000 hanggang 2020.”
[Mga larawan sa pahina 11]
Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, ang mga sakit na gaya nito ay hindi na magiging banta
AIDS
Malarya
Tuberkulosis
[Credit Lines]
AIDS: CDC; malarya: CDC/Dr. Melvin; TB: © 2003 Dennis Kunkel Microscopy, Inc.
[Larawan sa pahina 13]
Pinagaling ni Jesus ang lahat ng uri ng sakit at kapansanan