Pagrenda sa Kabayo at sa Dila
Pagrenda sa Kabayo at sa Dila
“Ang kabayo ay inihahanda para sa araw ng pagbabaka,” ang sabi ng matalinong si Haring Solomon ng sinaunang Israel. (Kawikaan 21:31) Malaon nang gumanap ng mahalagang papel ang mga hukbong mangangabayo sa mga tagumpay sa digmaan. Ginamit na ng mga hukbo mula pa noong sinaunang mga panahon ang renda upang supilin ang disposisyon at lakas ng kabayo.
Ang renda, ayon sa paliwanag ng Encyclopædia Britannica, “ay isang set ng mga istrap na ikinakabit nang mahigpit sa bibig ng hayop at sa gayo’y tinitiyak ang pagkontrol dito ng tao sa pamamagitan ng mga renda.” Walang gaanong ipinagkaiba ang sinaunang mga renda sa makabagong mga renda, at ang mga ito’y napatunayang napakahalaga para mapaamo at masakyan ang mga kabayo.
Tinukoy ng ama ni Solomon, si Haring David, ang kahalagahan ng renda nang isulat niya: “Huwag kayong maging gaya ng kabayo o ng mula na walang pagkaunawa, na ang sigla ay kailangang supilin ng renda o ng preno.” (Awit 32:9) Minsang mapaamo ang kabayo, maaari itong maging isang tapat na kasama. Gayon na lamang ang pagpapahalaga ni Alejandrong Dakila sa kaniyang kabayong si Bucephalus anupat ipinangalan niya ang isang lunsod sa India bilang pagpaparangal sa kaniyang kabayo.
Bagaman matagumpay na napaamo ng mga tao ang mga kabayo sa loob ng mga milenyo, ibang bagay naman ang pagrenda sa ating di-sakdal na kalagayan. “Tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit,” ang sabi ng Kristiyanong alagad na si Santiago. “Kung ang sinuman ay hindi natitisod sa salita, ang isang ito ay taong sakdal, na may kakayahang rendahan din ang kaniyang buong katawan.” (Santiago 3:2) Tunay nga, sino sa atin ang makapagsasabi na hindi siya kailanman bumigkas ng di-pinag-isipan, masakit, o galít na salita?
Kung gayon, bakit kailangang makipagpunyagi na rendahan ang ating di-masupil na dila, na “walang isa man sa sangkatauhan ang makapagpaamo”? (Santiago 3:8) Buweno, ang mga tao ay handang gumugol ng panahon at pagsisikap upang mapaamo ang isang kabayo sapagkat alam nilang magiging kapaki-pakinabang ang sinanay na hayop. Sa katulad na paraan, miyentras nasasanay o nasusupil natin ang ating dila, higit na nagiging kapaki-pakinabang ito.
Ang mga salitang makonsiderasyon ay maaaring magpaginhawa at magpatibay sa ating mga kaibigan, katrabaho, at mga kamag-anak. (Kawikaan 12:18) Maaaring gawing mas kasiya-siya ng mga pananalitang iyon ang buhay para sa mga nasa paligid natin. Gayunman, nagdudulot ng mga gulo ang dilang di-masupil. “Ingatan mo ang iyong . . . dila at lumayo ka sa gulo,” ang babala ng Bibliya. (Kawikaan 21:23, The New English Bible) Kapag nagtatagumpay tayo sa pagsupil sa ating dila, natutulungan natin ang ating sarili at yaong mga nakikinig sa atin. *
[Talababa]
^ par. 7 Kapansin-pansin, ipinaaalaala ng Bibliya sa mga Kristiyano na ang kanilang pananalita ay lubhang nauugnay sa kanilang pagsamba. Sinasabi nito: “Kung inaakala ng isang tao na siya ay isang pormal na mananamba at gayunma’y hindi nirerendahan ang kaniyang dila, kundi patuloy na nililinlang ang kaniyang sariling puso, ang anyo ng pagsamba ng taong ito ay walang saysay.”—Santiago 1:26.
[Larawan sa pahina 31]
Alejandrong Dakila
[Credit Line]
Alinari/Art Resource, NY