Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Ipinagbibiling mga Sermon
“Sinagot na ang mga panalangin ng mga bikaryong hirap na hirap sa paghahanda ng kanilang mga sermon: isang bagong website na nag-aalok ng mga sermon para sa lahat ng mga okasyon ang inilunsad ng isang karaniwang tao na awtorisadong magdaos ng serbisyo sa simbahan ng Church of England,” ang ulat ng The Daily Telegraph ng London. Ganito ang sabi ng awtor ng website, si Bob Austin: “Nagiging lalong abala ang mga mángangaral sa panahong ito at ang mga sermon ay waring hindi na gaanong binibigyan ng priyoridad.” Sinasabi niyang nagbibigay siya ng “mapananaligan at patiunang-inihandang mga sermon,” na “pumupukaw-kaisipan, nagbibigay-inspirasyon at nakapagtuturo.” Itinatala ng website sa kasalukuyan ang “mahigit na 50 ‘subók-sa-pulpito’ na mga sermon na tumatalakay sa mga teksto at mga paksa sa Bibliya,” subalit iniiwasan nito ang radikal o kontrobersiyal na mga pangmalas sa doktrina, ang paliwanag ng pahayagan. Ang mga ito ay inilalarawan bilang tumatagal nang “10 hanggang 12 minutong sermon na dinisenyo upang madaling maunawaan ng kongregasyon,” na nagkakahalaga ng $13 bawat isa.
“Hari at Panginoon sa Lunsod”
“Ang sasakyan ay naging hari at panginoon sa lunsod,” ang ulat ng pahayagang Reforma ng Mexico City. Noong 1970, may isang kotse sa bawat 12,423 katao sa malaking lunsod. Pagsapit ng 2003, ang bilang na iyan ay tumaas tungo sa humigit-kumulang 1 kotse para sa bawat 6 katao. Napakaraming kotse ang naparagdag sa mga lansangan ng Mexico City anupat noong 2002, mas maraming bagong mga sasakyan ang nairehistro sa 18 milyong mamamayan ng Mexico City kaysa sa nairehistrong mga batang ipinanganak. Ang disbentaha nito ay na mahigit sa 80 porsiyento ng polusyon sa hangin sa Mexico City ay nagmumula sa mga sasakyan. Isa pa, para sa ilang nagbibiyahe nang paroo’t parito, ang kanilang paglalakbay patungo sa trabaho ay gumugugol ng halos tatlong oras, pangunahin nang dahil sa masyadong matrapik ang mga haywey sa lunsod. Tinatayang sa taóng 2010, ang bilang ng mga kotse sa Mexico City ay madaragdagan pa ng isang milyon.
Nalulubog sa Utang ang mga Tao sa Britanya
“Unti-unting pinahihina ng mga utang ang ekonomiya ng Britanya anupat isa sa apat katao ang may di-malutas na mga problema sa pinansiyal,” ang ulat ng The Daily Telegraph ng London. Sabi pa nito: “Ang bansa ay pinahihirapan ng £878 bilyon [$1.49 trilyon] na pagkakautang ng mga mamamayan na nangungutang para ipambili ng mga bagay-bagay.” Bukod pa sa mga pambayad sa mga sangla, ang karaniwang Britano ay may utang na £3,383 [$5,737] sa mga credit card, personal na mga utang, at labis na paglalabas ng pera sa bangko. Sa gayon, “isang napakalaking bilang ng mga adulto ang nakikipagpunyagi sa mga utang na ikinatatakot nilang hindi nila mabayaran ayon sa kondisyon ng nagpautang,” lalo na kung tumaas ang interes at dumami ang walang trabaho. Ganito ang payo ni Frances Walker ng Consumer Credit Counselling Service: “Kung ang binabayaran mong utang buwan-buwan, hindi kasali ang iyong isinanla, ay mahigit sa 20 porsiyento ng iyong buwanang kita, gumagastos ka nang higit sa iyong makakaya.” Sa kabila ng mga babalang ito, ang mga bakasyunistang Britano ay inaasahang gugugol ng karagdagang £3 bilyon [$5 bilyon] sa kanilang pagkakautang sa 2003.
Mas Mataas Pa ang Halaga ng Baka Kaysa sa Tao?
Ang agwat sa pagitan ng mayayaman at mahihirap sa daigdig ay patuloy na lumalaki. Sa nakalipas na mahigit na 20 taon, bumaba ang proporsiyon ng mahihirap na bansang ito (700 milyong naninirahan) sa kalakalang pandaigdig mula sa 1 porsiyento tungo sa 0.6 porsiyento. “Mas mahirap ngayon ang karamihan sa populasyon ng mga itim sa Aprika kaysa noong nakalipas na salinlahi,” ang sulat ng ekonomistang Pranses na si Philippe Jurgensen sa magasing Challenges. Halimbawa, 67 milyong tao sa Etiopia ang nabubuhay sa sangkatlo ng kayamanang taglay ng 400,000 tumatahan sa Luxembourg. Sinabi ni Jurgensen na ang mga magsasaka sa Europa ay may karapatang tumanggap ng pang-araw-araw na tulong na salapi ng pamahalaan na 2.5 euro para sa bawat baka, samantalang mga 2.5 bilyon katao ang nabubuhay nang mas mababa pa sa halagang iyan sa bawat araw. Kaya sa maraming bahagi ng daigdig, “mas mababa ang halaga ng isang mahirap na tao kaysa sa halaga ng isang baka,” ang sabi ni Jurgensen.
Musika at Kapusukan
Ginamit ng mga mananaliksik mula sa Iowa State University at sa Texas Department of Human Services (E.U.A.) ang isang serye ng limang eksperimento na kinasangkutan ng mahigit na 500 estudyante sa kolehiyo sa pagsisikap na alamin ang mga epekto ng mararahas na awit. Pagkatapos makinig sa maraming mararahas at di-mararahas na awit na pawang inawit ng iisang mang-aawit, ang mga estudyante ay sumailalim sa isang serye ng mga pagsubok na dinisenyo upang alamin ang antas ng mapusok na damdamin ng mga estudyante. Maaaring palubhain ng mga awit na may mararahas na liriko ang mga damdamin ng pagkapoot at ang mapupusok na kaisipan kahit walang pumupukaw sa mga ito, ang konklusyon ng pagsusuri na inilathala ng Journal of Personality and Social Psychology. “Isang mahalagang konklusyon mula rito at sa iba pang pananaliksik tungkol sa media ng mararahas na libangan ay na may mga epekto ang liriko,” ang sabi ng punong mananaliksik na si Craig Anderson. “Mahalaga ang mensaheng ito sa lahat ng mamimili, subalit lalo na sa mga magulang ng mga bata at mga tin-edyer,” ang sabi ni Anderson.
Mga Batang Lasing
Sa Britanya, ipinakikita ng isang surbey sa mga departamento ng aksidente at emergency sa 50 ospital na ang “mga batang anim na taóng gulang ay naoospital pagkatapos malasing dahil sa pag-inom ng maraming inuming de-alkohol,” ang ulat ng The Daily Telegraph ng London. Sa isang ospital, iniulat ng mga doktor at mga nars na kasindami ng 100 batang lasing ang ginamot nila bawat linggo noong bakasyon ng tag-araw. “Naniniwala ang mahigit sa 70 porsiyento ng mga kawani na pabata nang pabata ang edad ng mga batang naoospital dahil sa pag-abuso sa inuming de-alkohol,” ang sabi ng pahayagan. Ipinakikita rin ng isang ulat ng pamahalaan kamakailan na tatlong ulit ang idinami ng mga kamatayang nauugnay sa inuming de-alkohol sa Britanya sa loob ng 20 taon.
Paggamit ng Droga sa mga Tin-edyer sa Italya
Ayon sa isang surbey na isinagawa ng San Raffaele Institute of Milan, inamin ng 42 porsiyento ng mga estudyanteng Italyano na sinuri, mula edad 14 hanggang 19, na sila’y gumagamit ng droga. Gayunman, naniniwala si Mariolina Moioli, panlahat na patnugot sa Ministri ng Edukasyon sa Italya na mas mataas pa ang aktuwal na bilang. Ayon sa mga surbey, ang pinakapopular na mga droga sa mga tin-edyer ay ang marihuwana at hashish. Sa mga estudyanteng gumagamit ng droga, ipinagtapat ng 34 na porsiyento na nagdodroga sila sa paaralan, 27 porsiyento sa mga disco, at 17 porsiyento sa bahay. Isinisiwalat din ng surbey na 82 porsiyento ng mga estudyante ay umiinom ng mga inuming de-alkohol.
Isang “Pagkalaki-laking” Dambuhalang Hayop-Dagat
“Nahuli ng mga mangingisda malapit sa baybayin ng Antartiko ang isang pambihira at nakamamatay na pusit na may mga matang sinlaki ng mga pinggan at maraming pangawit na sintalas ng labaha na sumisila sa mga biktima nito,” ang sabi ng The Daily Telegraph ng Australia. Ganito ang sinabi ng taga-New Zealand na biyologo sa buhay-dagat na si Steve O’Shea: “Nakakita na ako ng ilang higanteng pusit subalit pambihira ito.” Tinatawag na pagkalaki-laking pusit (Mesonychoteuthis hamiltoni), ang 150-kilong ispesimen na ito ay tila bata pa. “Lubhang mabalasik ang hayop na ito,” ang sabi ng isang Amerikanong biyologo sa buhay-dagat na si Kat Bolstad. “Kung mahulog ka sa tubig sa tabi nito, manganganib ka.” Ayon sa Reuters, “ang pagkalaki-laking pusit ay naghahanap ng pagkain sa pamamagitan ng literal na pagkinang sa madilim at malalim na karagatan upang ilawan ang biktima para makita ng malalaking mata nito—ang pinakamalalaking mata sa lahat ng hayop. . . . Ang walong biyas at dalawang galamay nito na may hanggang 25 tulad-ngiping mga pangawit—nakabaong malalim sa kalamnan at nakaiikot nang 360 digri—gayundin ang karaniwang mga panipsip nito ay tumitiyak na hindi makatatakas ang isda.”