Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagbubukíd Sumulat ako upang magpasalamat sa seryeng “Pagbubukíd—Bakit Nasa Krisis?” (Oktubre 8, 2003) Nakatira ako sa isang agrikultural na pamayanan. Dahil sa mahinang ekonomiya at iba pang mga salik, ipinagbibili ng mga magbubukíd ang kanilang lupain. Naglilitawan araw-araw ang bagong mga proyektong pabahay, anupat hinahalinhan ang mga sakahang bukid. Minsan ay nag-iisip ako kung mayroon pang maiiwang lupain para sakahin. Nakaaaliw malaman na magpapasapit si Jehova ng permanenteng solusyon sa krisis sa pagbubukíd.
V. A., Estados Unidos
Moseyk Salamat sa artikulong “Moseyk—Mga Larawang Iginuhit sa Bato.” (Oktubre 8, 2003) Makikita rito ang isang larawan ng moseyk na nakadispley sa isang kalapit na parke ng estado. Mahigit isang dekada na akong nakatira malapit sa parkeng iyon, at hindi ko pa nakikita ang mga moseyk. Kaya nagpunta ako roon para makita ang mga ito at lubha akong humanga. Mas higit ko nang pinahahalagahan ngayon ang sining ng mga moseyk.
E. D., Estados Unidos
Matagal ko nang gustong matuto nang higit pa hinggil sa mga moseyk—lalo na mula noong maglakbay kami para sa kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Russia noong 1993. Sa St. Petersburg at Moscow, marami kaming nakitang magagandang moseyk. Pinasasalamatan namin ang mga alagad ng sining na gumugol ng maraming taon sa paggawa ng gayong mga likhang-sining at sa inyo dahil sa nakapagtuturong artikulo.
B. Z., Alemanya
Alternatibong Istilo ng Pamumuhay Salamat sa artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Mga Alternatibong Istilo ng Pamumuhay—Sinasang-ayunan ba Ito ng Diyos?” (Oktubre 8, 2003) Ako po ay 17 taóng gulang at pinalaki bilang isang Kristiyano. Gayunman, nagsimula akong magkaroon ng homoseksuwal na mga pagnanasa noong batang-bata pa ako. Nahirapan akong maunawaan ang aking mga pagnanasa, subalit nakapagpapatibay malaman na nauunawaan ni Jehova ang aking pakikipagpunyagi. Sa iba pang napapaharap sa gayong damdamin, ang masasabi ko, Huwag kang susuko!
J. M., Estados Unidos
Sa buong buhay ko ay pinahihirapan ako ng di-likas na seksuwal na damdamin. Tinalakay ng inyong artikulo ang aking kalagayan. Ang pagkakahantad ko sa pornograpya sa murang gulang at sa seksuwal na pang-aabuso ay nagkaroon ng kahila-hilakbot na epekto sa akin. Salamat sa pagtulong na maunawaan ko ang aking sarili.
J. B. M., Estados Unidos
Pagdating sa pagpili ng kasarian, matalinong banggitin ang impluwensiya ng mga bagay na tulad ng mga gene, hormone, paraan ng pagpapalaki, at maraming iba pang salik. Totoo na yaong mga nakikipagpunyagi sa homoseksuwal na mga hilig ay makasusumpong ng alalay sa kongregasyong Kristiyano.
D. L., Britanya
Sagot ng “Gumising!”: May empatiya kami sa sinumang nakikipagpunyagi sa kanilang seksuwal na damdamin. Gaya ng binanggit ng aming artikulo, ang mga sanhi ng gayong mga problema ay maaaring masalimuot. Ngunit hangga’t hindi sinasadyang linangin o pagbigyan ng isa ang imoral na mga simbuyo, maaaring manatiling malinis ang isa sa paningin ni Jehova. Makatitiyak ka na nalulugod ang Diyos na Jehova kapag ang mga indibiduwal ay gumagawa ng gayong mga pagsisikap upang manatiling malinis sa moral.—Kawikaan 27:11.
Molino Nasiyahan ako sa artikulong “Molino—Alaala ng Kahapon.” (Oktubre 8, 2003) Nalaman ko na ang mga molino ay ginagamit hindi lamang para sa paggiling ng butil upang maging harina kundi para rin sa maraming iba pang layunin. Ako ay isang karaniwang tagabukid, at lubus-lubusan ko kayong pinasasalamatan sa lahat ng impormasyong inilalaan ninyo.
S. A., Russia
Pinahahalagahan ang Gumising! Salamat sa isyu ng Oktubre 8, 2003. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nabasa ko ang isang buong magasin. Ngunit natanto ko na dapat kong basahin ang lahat ng ibinibigay sa atin ni Jehova. Gayunman, nagulat ako kung gaano kawili-wili ito! Sayang talaga dahil matagal na akong may mga kopya ng kahanga-hangang magasing ito ngunit hindi ko binabasa lahat ang mga ito maliban ngayon!
R. K., Hapon