Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Mga Ulap at Elepante
Gaano ba kabigat ang isang ulap? Ang isang ulap na cumulus ay makapaglalaman ng mga 550 tonelada ng tubig, ang ulat ng ABC News. “O kung gusto mo itong ikumberte sa isang bagay na mas madaling maunawaan . . . , isipin ang mga elepante,” ang sabi ng meteorologo na si Peggy LeMone. Kung ipagpapalagay natin na tumitimbang ng mga anim na tonelada ang isang elepante, ang tubig sa isang karaniwang ulap lamang na cumulus ay titimbang ng hanggang 100 elepante. Ang lahat ng tubig na iyan ay nasa atmospera bilang maliliit na patak na nakalutang sa mas mainit na hangin na nagmumula sa lupa. Kung ihahambing sa isang matambok na ulap na cumulus, ang isang malaking ulap-bagyo ay makapaglalaman ng tubig na may timbang na hanggang 200,000 elepante. Kumusta naman ang isang buhawi? Tinaya ni LeMone ang bigat ng tubig sa isang kubiko metro ng isang ulap-buhawi at minultiplika ang bilang na iyan sa kabuuang laki (volume) ng buhawi. Ang resulta? Bigat na katumbas ng apatnapung milyong elepante. “Nangangahulugan iyan na ang tubig sa isang buhawi ay mas mabigat pa kaysa sa lahat ng elepante sa planeta,” ang sabi ng ulat, “marahil higit pa kaysa sa lahat ng elepanteng nabuhay kailanman.”
Kung Kailan Ka Magsisipilyo ng Ngipin
Ang pagsisipilyo kaagad ng iyong mga ngipin pagkatapos uminom o kumain ng pagkaing naglalaman ng asido ay makapipinsala sa enamel, ang sabi ng diyaryong Milenio sa Mexico City. Sa pag-uulat hinggil sa isang pag-aaral na ginawa sa University of Göttingen sa Alemanya, nagbabala ang diyaryo na ang mga pagkaing naglalaman ng asido ay “pansamantalang nagpapahina sa enamel ng ngipin.” Kaya naman, ang pagsisipilyo kaagad ng mga ngipin pagkatapos kumain ay maaaring makapinsala. Sa halip, “ipinapayo na maghintay nang ilang minuto upang mabawi ng mga ngipin ang kanilang lakas.”
Nasumpungan ang Bagong mga Uri Matapos Silang Mawalan ng Tirahan
Nang hawanin ang gubat sa di-natatahanang Pulo ng Carrizal sa Ilog Caroní sa Venezuela para bigyang-daan ang bagong prinsa, isang dating di-kilalang ibon ang natuklasan, ang ulat ng Daily Journal sa Caracas. Natuklasan sa bandang huli na kasama sa mga ispesimen ng ibon na kinuha bago alisin ang mga punungkahoy ang isang maliit na blue-flecked finch na nakatira sa makapal na kawayanan ng maliit na pulo. Umaasa ang mga naturalista na makasumpong ng mas marami pang miyembro ng bagong kilalang uri na ito sa iba pang kalapit na tirahan. Samantala, ganito ang sabi ng mananaliksik na si Robin Restall, “ang pagkakatuklas sa Carrizal Seedeater . . . ay nabawasan sa pagkaalam na sinira na natin ang lugar kung saan ito nagtago sa atin sa loob ng napakatagal na panahon.”
Panatilihing Malinis ang Iyong Sangkalan!
Ano ang mas ligtas—kahoy o plastik na sangkalan? “Ligtas ang alinman sa sangkalang ito basta’t pinananatili mo itong napakalinis,” ang sabi ng UC Berkeley Wellness Letter. “Gumagamit ka man ng kahoy o plastik [na sangkalan] sa paghiwa ng sariwang karne ng baboy, baka, at manok, kuskusin itong mabuti sa mainit na tubig na may sabon pagkatapos.” Kung ang sangkalan ay may malalalim na hiwa o masebo, mas kailangan mo itong linisin nang husto. “Maaari mo ring disimpektahin ang sangkalan sa pamamagitan ng paghuhugas dito sa pinaghalong bleach at tubig (1 kutsarita ng bleach sa 1 litro ng tubig),” ang sabi ng Wellness Letter. Ang mga kamay at mga kutsilyo ay dapat ding linising mabuti at tuyuin.
Mga Batang Preschool at mga Computer
Sinasabi ng ilang mananaliksik na “ang matagal na paggamit ng mga computer bilang kahalili ng kinaugaliang paraan ng paglalaro” ay halos walang naidudulot na kapakinabangan sa mga batang preschool at “maaaring humantong sa pag-iwas na makisalamuha sa iba, problema sa pagtutuon ng pansin, pagiging hindi malikhain at maging depresyon at kabalisahan,” ang ulat ng diyaryong Vancouver Sun. Binabago ng mga computer ang daigdig ng isang bata “mula sa isang tatluhang dimensiyon at aktuwal na nararanasang daigdig tungo sa isa na dominado ng dalawahang dimensiyon na parang katotohanan,” ang sabi ng sikologong si Sharna Olfman. Idiniriin ng mga mananaliksik ang kahalagahan ng pakikipaglaro sa mga anak ng “larong kunwa-kunwarian na may patnubay ng magulang” upang magturo ng “bokabularyo, mga kulay, mga hugis, mga numero, mabubuting asal at kaalaman hinggil sa pang-araw-araw na mga pangyayari.” Sinabi ng sikologong si Jane Healy na ang makalumang paraan ng paglalaro ay lalo nang mahalaga mula pagsilang hanggang pitong taóng gulang. Ang gayong paglalaro ay makatutulong sa mga bata na magtuon ng pansin, habang ang paglalaro naman ng computer ay maaaring magkaroon ng kabaligtarang epekto.
Telebisyon—Isang “Nakasusugapang Droga”
“Ang mga batang nanonood ng TV nang mahigit sa dalawang oras bawat araw ay mas mahina sa paaralan,” ang ulat ng diyaryong La Vanguardia sa Espanya. Bagaman naniniwala siyang ang TV ay maaaring maging mabisang kasangkapan sa pagtuturo, binanggit ng pedyatrisyan na si Francisco Muñoz ang masasamang epekto ng gayong paggamit ng TV. Naniniwala si Muñoz na ang pagiging mas mahina sa paaralan ng mga labis manood ng TV ay resulta ng “pagkaantalang sumapit sa pagkamaygulang at mas mahinang kakayahang bumuo ng mga konsepto.” Binanggit din niya: “Mayroong maliwanag na kaugnayan ang panonood ng partikular na mga programa, anunsiyo, at music video sa pagkonsumo ng alkohol, tabako, at droga sa mga tin-edyer.” Bagaman inaamin na hindi naman gagayahin ng lahat ng kabataan ang masamang paggawi na napapanood nila sa TV, tinawag ng saykayatris sa mga bata na si Paulino Castells ang telebisyon na isang “nakasusugapang droga” dahil sa “nakapipinsalang epekto nito sa isip ng mga bata.”
Maiingay na Silid-Aralan
Nahihirapang makinig sa klase ang mga estudyante dahil sa mga alingawngaw at ingay sa mga silid-aralan, ang ulat ng magasing Der Spiegel sa Alemanya. “Habang mas nahihirapan ang mga bata na makaunawa, mas lalong wala silang natatandaan,” ang sabi ng sikologo na si Maria Klatte. Sa ilang paaralan sa Alemanya, nasukat ng mga mananaliksik ang antas ng tunog na umaabot mula 70 hanggang 90 decibel (dB). “Sa mga lugar ng trabaho kung saan kinakailangang mag-isip, ang hangganan ay 55 dB,” ang paliwanag ng mananaliksik sa ingay na si Gerhart Tiesler. “Sa industriya, inirerekomenda ang paggamit ng proteksiyon sa pandinig sa mga antas na lampas sa 85 dB.” Karagdagan pa, habang mas matagal na umaalingawngaw ang mga tunog sa isang silid—ito man ay pagsasalita, paggalaw ng upuan, o pag-ubo—nagiging mas mahirap magtuon ng pansin. Ang mga kisameng acoustic ay nakatutulong upang mabawasan ang ingay at alingawngaw, anupat naiingatan ang mga nerbiyo at mga boses ng mga guro at mga estudyante, ngunit maraming paaralan ang hindi kayang magpakabit ng mga ito.
Hinahalinhan ng mga Supermarket ang Tradisyonal na mga Tindahan
“Ang paglaganap ng mga supermarket sa silanganin at timugang Aprika ay nagsasapanganib sa lokal na mga tindahan at, bilang resulta, maging sa kabuhayan ng mga magsasaka sa mga lalawigan,” ang sabi ng newsletter sa siyensiya sa wikang Aleman na wissenschaft-online. Sa kasalukuyan, 200 supermarket at 10 hypermarket ang pinagmumulan ng 30 porsiyento ng itinitinging pagkain sa Kenya—katumbas ng 90,000 maliliit na tindahan. Ayon kay Kostas Stamoulis ng UN Food and Agriculture Organization, ang mabilis na urbanisasyon at globalisasyon ay “nangangahulugan na ang Aprika ay makararanas ng lalong malalaking pagbabago sa sistema nito ng suplay sa pagkain kaysa sa nakita na natin sa mauunlad na bansa.” Umaasa ang mga eksperto na para maiwasan ang pinsalang pang-ekonomiya, maaaring magtatag ng mga kooperatiba upang magsilbing pamilihan ng lokal na mga ani at maglaan ng pagsasanay upang tulungan ang mga magsasaka na makaalinsabay sa pagbabago.