Bumalik sa Pinagmulan Nito ang Olympics
Bumalik sa Pinagmulan Nito ang Olympics
ANG paghuhukay ng mga arkeologo ay umakay sa panunumbalik ng Palarong Olympic sa modernong panahon. Dahil sa mga natuklasan sa sinaunang Olympia, Gresya, naudyukan ang Pranses na si Baron Pierre de Coubertin na pagsikapang maibalik muli ang mga palaro. Bilang resulta, ang unang modernong Olympics ay ginanap sa Atenas noong 1896.
Sa nakalipas na mga taon bago nitong 2004, inihanda sa pamamagitan ng mga buldoser at jackhammer ang daan upang ibalik ang mga palaro sa pinagmulan nito. Ang kabisera ng Gresya ay nagmistulang isang malaking lugar ng konstruksiyon, habang ito’y ginagawang moderno bilang paghahanda sa Olympics.
Ang XXVIII Olympiad, gaya ng opisyal na tawag sa Palarong Olympic sa 2004, ay nakatakdang ganapin sa Atenas mula Agosto 13 hanggang 29. Mga 10,000 atleta, mula sa pinakamataas na bilang na 201 bansa, ang maglalaban-laban sa 28 isport. Ang mga palaro ay gaganapin sa 38 lugar at magtatapos sa mga seremonya ng paggagawad ng mahigit na 300 medalya. Ang mga 21,500 miyembro ng media ay mahihigitan pa ng mga 55,000 masisipag na tauhan ng seguridad.
Mga Pagsisikap na Gaya ng Karera ng Pagtalon sa Hardel
Malaon nang pinangarap ng Atenas na maibalik ang Palarong Olympic sa pinagmulan nito. Noong ikasandaang taóng anibersaryo ng modernong palaro, waring ang 1996 ang pinakaangkop na taon para ibalik ang Olympics sa bansang pinagmulan nito.
Subalit nabigo ang Atenas na mapiling maging punong-abala sa Palaro noong 1996. Sinasabing kulang ang lunsod sa kinakailangang imprastraktura para sa dalawang-linggong malakihang palaro.
Ang pagtangging iyon ay nag-udyok sa Gresya at sa kabisera nito na kumilos. Nangako ang Atenas na gagawa sila ng paraan. Taglay ang mabuting intensiyon at ilang kumpletong mga plano, noong 1997 ay sumali muli ang lunsod sa bidding, para sa Palarong Olympic sa 2004. Nanalo sila sa pagkakataong ito.
Naghandang mabuti ang Atenas para sa isang malakihang pagbabago. Dahil sa kanilang pangarap na maidaos sa lugar nila ang palaro, nagsimula ang napakalaking pagpapagawa at pagpapaayos na noon lamang nangyari. Makikita sa lahat ng lugar ang mga makinaryang panghukay upang mapagbuti ang imprastraktura at gumawa ng mga kalsada at lugar para sa mga
palaro. Kahit sa napakainit na mga dulo ng sanlinggo sa gitna ng tag-araw, makikita ang mga panghukay, mga crane, at mga taong buong-siglang nagtatrabaho sa lahat ng sulok.Noong Marso 2001, lumapag ang unang eroplano sa bagong internasyonal na paliparan ng Atenas, na itinuring na isa sa nangungunang paliparan sa daigdig ayon sa kategorya nito. Gayundin, isinaplano ang isang kabuuang 120-kilometrong bagong kalsada, at itinalagang pagandahin ang kasalukuyang ginagamit na kalsada na 90 kilometro ang haba. Mga 40 flyover ang isinama sa bagong sistema ng mga daan upang mapabilis ang takbo ng trapiko. Gumawa ng mga bagong subwey, na may mga probisyon para sa karagdagang 24 na kilometrong linya ng trambiya. Nagdisenyo ng isang 32-kilometrong riles palabas ng lunsod na may maraming modernong istasyon upang ilihis ang trapiko at mabawasan ang polusyon sa hangin.
Sa madaling salita, sinikap ng Atenas na sa loob lamang ng ilang taon ay gawin itong isang bagong lunsod na may maraming luntiang lugar, mas malinis na kapaligiran, at isang bagong sistema ng transportasyon. Si Jacques Rogge, presidente ng International Olympic Committee (IOC), ay nagsabi: “Para sa mga taong nakapunta na sa Atenas bago ang Palaro, hindi na nila makikilala ang lunsod kung makikita nila ito pagkatapos ng Palaro.”
Isang Maraton ng mga Paghahanda
Habang papalapit ang petsa ng panimulang seremonya ng Olympics, lalong bumibilis ang pagtatrabaho. Inihambing ni Presidente Rogge ng IOC ang pagsulong ng konstruksiyon at paghahanda sa syrtaki, ang tradisyonal na sayaw ng Gresya. Pabirong sinabi niya: “Mailalarawan ko ito bilang isang piyesa ng musika—gaya ng syrtaki. Sa simula’y mabagal ito, unti-unting bumibilis, at sa bandang huli, hindi mo na masusundan ang napakabilis na tiyempo nito.”
Kasuwato ng opinyong iyon, ang Olympic Village—“ang pinakapundasyon ng lahat ng paghahanda para sa Olympics”—ay para bang lumitaw na lamang sa isa sa karatig-pook ng Atenas sa hilagang bahagi nito. Ang proyektong ito, na tutuluyan ng mga 16,000 atleta at mga opisyal ng koponan sa panahon ng Palarong Olympic, ang pinakamalaking proyekto ng pabahay na nagawa kailanman sa Gresya. Pagkatapos ng palaro, ito’y magiging tahanan ng mga 10,000 residente sa lunsod.
Ang kaugnayan ng sinaunang kasaysayan at ng pamana ng modernong mga palaro ay hindi kinaligtaan ng mga organisador ng Olympics. Gaganapin ang ilang seremonya sa sinaunang Olympia. Itatampok ang iba pang pangunahing arkeolohikal na mga lugar sa panahon ng pangkulturang mga laro sa Olympics. Itinayo ang isang bagong sentro para sa mga bangka malapit sa lugar ng pinangyarihan ng bantog na digmaan ng Marathon. At masasabi ng mga mananakbo sa maraton na binagtas nila ang orihinal na lugar ng takbuhan. Pinili ng mga organisador ng palaro ang eksaktong rutang dinaanan ng sundalong taga-Atenas na tumakbo nang 42 kilometro mula Marathon hanggang Atenas,
noong 490 B.C.E., upang ibalita ang pagkatalo ng mga Persiano.At ang Ginto ay Ipagkakaloob kay . . .
Kapag nagsimula na ang mga paputok sa panimulang seremonya ng mga palaro, ang magiging sentro ng atraksiyon ay ang Olympic Stadium na makapagpapaupo ng 75,000 manonood. Para sa marami, ang pinagandang istadyum ang “hiyas ng korona” ng mga pasilidad ng Olympics sa Atenas. Naiiba ang istadyum na ito dahil sa bubong nito, na pinag-isipan at dinisenyo ng kilalang arkitektong Kastila na si Santiago Calatrava.
Bilang isang kahanga-hangang gawa ng inhinyeriya, ang bubong ay yari sa mga panel na salamin na sa kabuuan ay may timbang na 16,000 tonelada at dinisenyo upang mabubungan ang isang lugar na may sukat na 10,000 metro kuwadrado. Ito’y ipapatong sa dalawang pagkalalaking arko, na bawat isa’y may luwang na 304 na metro at taas na 80 metro—halos dalawang-katlo ng sukat ng Sydney Harbour Bridge ng Australia! Ang mga tubong bakal na bumubuo sa mga arko ay may timbang na nasa pagitan ng 9,000 at 10,000 tonelada bawat isa at “may sapat na laki upang makaraan ang isang bus,” ayon sa isang eksperto sa konstruksiyon. Ang kabuuang timbang ng bubong ay malamang na makalawang ulit ng Eiffel Tower sa Paris.
Bakit naman kaya kinailangan ang gayong gahiganteng bubong? Isipin mo na lamang ang init na nanggagaling sa nakasusunog na araw sa Atenas kung Agosto! Ang mga panel na salamin ay may pantanging balot upang hindi makatagos ang 60 porsiyento ng sinag ng araw. May iba pang mga dahilan. Ang disenyo ng bubong ay nakikini-kinitang magiging makasaysayang palatandaan ng mga palaro. Gaya nga ng sabi ng dating ministro sa kultura ng Gresya na si Evangelos Venizelos, “ito ang malaki at makasaysayang palatandaan sa arkitektura at sagisag ng palarong Olympic sa Atenas.”
Pagkatapos ng pangwakas na seremonya, ang gayong makasaysayang mga palatandaan ay magiging tagapagpaalaala ng hirap at pagod na kinailangan upang maging punong-abala sa gayong di-malilimot na okasyon. Umaasa ang mga taga-Atenas na lahat ng imprastrakturang inihanda para sa Olympics ay magiging tulong sa ikauunlad ng kalidad ng buhay sa kanilang lunsod. At gaya ng dati, nakahanda sila sa patuloy na pagharap sa mga hamon—gaya ng ginagawa nila sa syrtaki.
[Kahon sa pahina 15]
Nasubok ang mga Prinsipyo
Gustung-gusto ng mga organisador ng Olympics na maidiin ang mga prinsipyong kaugnay sa mga palaro—“marangal na paligsahan, isport, kapayapaan, kultura, at edukasyon.” Gayunman, ang katapat naman nito ay pulitika, nasyonalismo, komersiyo, at katiwalian.
Karaniwan nang ang Olympics ay sikat na sikat sa telebisyon at nakakakuha ng malalaking kontrata sa pag-aanunsiyo, anupat napakagandang pagkakitaan ng mga nag-iisponsor. “Isa na ngayong napakalaking negosyo ang Olympics,” sabi ng mananaliksik na Australiano na si Murray Phillips, “at ang maraming desisyon ay minamaniobra para kumita.”
Tinuligsa naman ng iba ang pag-iral ng nasyonalismo na mahahalata sa mga palaro. Gumagawa ng mga pagsisikap na magkaroon ng pang-Olympic na kasunduan, wala munang labanan at digmaan sa panahon ng mga palaro. Gayunman, maliban sa makasagisag na kahulugan nito, ang gayong paraan ay walang kabuluhan hangga’t hindi inaalis ang mga dahilan ng alitan. “Ang Palaro ay labanan ng kapangyarihan sa pulitika,” sabi ng propesor sa siyensiya na si Brian Martin. Dagdag pa niya: “Sa Olympics, ang labanan ng mga atleta ay nagiging labanan ng mga estado. Hindi puwedeng sumali ang mga atleta kung ayaw ng kanilang bansa. Ang tagumpay ng mga indibiduwal at mga koponan ay itinuturing na tagumpay ng bansa, na sinasagisagan ng mga bandila at pambansang awit . . . [Ang Olympics] ay naging isang panibagong arena lamang para ituloy ang karahasan sa pagitan ng mga indibiduwal sa pamamagitan ng mga laro at ng mga estado sa pamamagitan ng pakikihamok upang mapasakanila ang kapangyarihan at karangalan. . . . Walang kakayahan ang mga tagapagtaguyod ng Olympics na maisakatuparan ang orihinal nitong tunguhin na maitaguyod ang kapayapaan.”
[Mga larawan sa pahina 15]
Ang pang-isport na pasilidad ng Olympics sa Atenas
Disenyo ng medalya para sa 2004
[Credit Lines]
Larawan mula sa itaas: AP Photo/Thanassis Stavrakis; disenyo ng medalya: © ATHOC
[Mga larawan sa pahina 16]
Subwey sa Atenas
Internasyonal na paliparan ng Atenas
[Credit Line]
© ATHOC
[Mga larawan sa pahina 17]
Ang Olympic Village habang itinatayo
Agios Kosmas Sailing Centre
[Credit Line]
© ATHOC/Photo: K. Vergas
[Larawan sa pahina 16, 17]
Ang bubong ng Olympic Stadium habang ginagawa
[Larawan sa pahina 17]
Isang maliit na modelo ng kumpletong bubong
[Credit Line]
© ATHOC
[Picture Credit Line sa pahina 14]
© ATHOC