Kung Paano Lilinangin ang Hangaring Matuto
Kung Paano Lilinangin ang Hangaring Matuto
“Sanayin mo ang bata ayon sa daang nararapat sa kaniya; tumanda man siya ay hindi niya iyon lilihisan.”—KAWIKAAN 22:6.
NASUBUKAN mo na bang patulugin ang mga bata habang may nangyayaring kawili-wili? Bagaman pagod, naiiyak, at naiinis pa nga, sisikapin nilang manatiling gising at makibahagi sa nangyayari. Ang kanilang “pangangailangang maunawaan ang daigdig at maging bihasa rito ay kasintindi at kasinlakas ng kanilang pangangailangan para sa pagkain o pahinga o pagtulog. Kung minsan baka mas matindi pa nga ito,” ang sulat ng awtor na si John Holt.
Ang hamon ay mapanatili ng mga bata ang hangaring matuto sa buong buhay nila, mangyari pa, kalakip na ang mga taon ng pag-aaral. Bagaman walang tiyak na pamamaraan para magtagumpay, maraming subók nang mga estratehiya ang maaaring ikapit ng mga magulang, guro, at mga bata. Gayunman, mas mahalaga kaysa sa anumang estratehiya ang pag-ibig.
Hayaang Pahusayin Siya ng Pag-ibig
Hangad ng mga bata ang pag-ibig ng mga magulang. Nagbibigay ito sa kanila ng katiwasayan, anupat mas kusa silang nakikipag-usap, nagtatanong, at nagsusuri. Pinakikilos ng pag-ibig ang mga magulang
na regular na makipag-usap sa kanilang mga anak at magkaroon ng interes sa kanilang edukasyon. Ipinakikita ng pananaliksik na ang “mga magulang ay waring siyang pangunahing nakaiimpluwensiya sa pagnanais ng bata na matuto,” ang sabi ng aklat na Eager to Learn—Helping Children Become Motivated and Love Learning. Mas mabisa ang impluwensiya ng mga magulang kapag sila ay nakikipagtulungan sa mga guro. “Wala nang hihigit pa sa pagpapasigla sa bata na matuto kaysa sa pagtutulungan ng magulang at guro,” ang sabi ng aklat.Naiimpluwensiyahan din ng mga magulang ang kakayahan ng kanilang mga anak na matuto. Sa isang pangmatagalang pag-aaral sa 43 pamilya, na iniulat sa aklat na Inside the Brain, “natuklasan [ng mga mananaliksik] na ang mga batang laging kinakausap [sa unang tatlong taon ng kanilang buhay] ay kapansin-pansing may mas mataas na IQ kaysa sa mga anak na hindi gaanong kinakausap ng kanilang mga magulang.” Sinasabi pa ng aklat na “ang mga magulang na laging nakikipag-usap sa kanilang mga anak ay mahilig na pumuri sa mga nagagawa ng kanilang mga anak, sumagot sa kanilang mga tanong, magbigay ng patnubay sa halip na mga utos, at gumamit ng maraming iba’t ibang salita na sari-sari ang kombinasyon.” Kung isa kang magulang, regular at mabisa ka bang nakikipag-usap sa iyong mga anak?
Ang Pag-ibig ay Mabait at Maunawain
Magkakaiba ang mga bata sa kanilang mga kakayahan at talino. Natural, hindi gugustuhin ng mga magulang na maimpluwensiyahan ng mga pagkakaibang ito ang pag-ibig na ipinakikita nila. Gayunman sa daigdig ngayon, ang mga tao ay karaniwang sinusukat ayon sa kanilang mga kakayahan, na maaaring magpangyari sa ilang mga bata na “ipalagay na ang kanilang halaga bilang isang tao ay depende sa pagsasagawa ng isang bagay nang mas mahusay kaysa sa iba,” ayon sa aklat na Thinking and Learning Skills. Bukod sa “mas natatakot mabigo” ang mga bata dahil sa palagay na ito, maaari ring humantong ito sa pagkadama nila ng labis na kabalisahan at kaigtingan. Binabanggit ng magasing India Today na ang pagkabalisa dahil sa panggigipit sa pag-aaral at kawalan ng pag-alalay ng pamilya ay itinuturing na isang napakahalagang salik kung bakit
dumami nang tatlong ulit ang bilang ng mga nagpapatiwakal na mga tin-edyer sa India sa nakalipas na 25 taon.Makasasakit din sa damdamin ng mga bata kung sila ay tatawaging “bobo” o “estupido.” Ang gayong malulupit na komento ay nakasisira ng loob sa halip na magpasigla sa kanila na matuto. Subalit ang pag-ibig ng magulang ay dapat na laging mabait, anupat sinusuportahan ang likas na hangarin ng bata na matuto—at ayon sa kaniyang sariling bilis, nang hindi natatakot na mapahiya. (1 Corinto 13:4) Kung ang bata ay may problema sa pagkatuto, sisikapin ng maibiging mga magulang na tumulong, anupat hindi kailanman ipinadarama sa bata na siya ay mangmang o walang halaga. Tunay, maaaring humiling iyan ng pasensiya at taktika, subalit tiyak na sulit naman ang pagsisikap. Paano nililinang ng isa ang gayong pag-ibig? Isang mahalagang unang hakbang ang pagkakaroon ng espirituwal na pananaw.
Pagiging Timbang Dahil sa Espirituwal na Pananaw
Lalo nang mahalaga ang espirituwalidad na salig sa Bibliya sa maraming kadahilanan. Una sa lahat, tinutulungan tayo nito na ilagay sa tamang lugar ang sekular na pag-aaral, anupat itinuturing itong mahalaga subalit hindi ang pinakamahalaga. Halimbawa, maaaring maraming praktikal na gamit ang matematika, subalit hindi nito kayang bigyan ng moralidad at prinsipyo ang isang tao.
Hinihimok din tayo ng Bibliya na maging timbang sa panahong ginugugol natin sa sekular na mga pag-aaral, na sinasabi: “Ang paggawa ng maraming aklat ay walang wakas, at ang labis na debosyon sa mga iyon ay nakapanghihimagod sa laman.” (Eclesiastes 12:12) Totoo, kailangan ng mga bata ang mahusay na saligang edukasyon, subalit hindi nito dapat ubusin ang lahat ng kanilang panahon. Kailangan din nila ng panahon para sa iba pang kapaki-pakinabang na gawain, lalo na ang may kaugnayan sa espirituwal na bagay, na nagtuturo sa panloob na pagkatao.
Ang isa pang aspekto ng espirituwalidad na salig sa Bibliya ay ang kahinhinan. (Mikas 6:8) Tinatanggap ng mga taong mahinhin ang kanilang mga limitasyon, at hindi sila nagiging biktima ng masidhing ambisyon at walang-awang kompetisyon na kitang-kita sa maraming institusyong pang-edukasyon. Ang di-kanais-nais na mga katangiang ito ay “isang kombinasyon na nakapanlulumo,” ang sabi ng India Today. Bata o matanda, mas nakabubuti sa atin kapag sinusunod natin ang kinasihang payo ng Bibliya: “Huwag tayong maging egotistiko, na nagsusulsol ng pagpapaligsahan sa isa’t isa, na nag-iinggitan sa isa’t isa.” “Kundi patunayan ng bawat isa kung ano ang kaniyang sariling gawa, at kung magkagayon ay magkakaroon siya ng dahilan na magbunyi may kinalaman sa kaniyang sarili lamang, at hindi kung ihahambing sa ibang tao.”—Galacia 5:26; 6:4.
Paano ito maikakapit ng mga magulang sa edukasyon ng kanilang mga anak? Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng pagpapasigla sa bawat bata na magtakda ng personal na mga tunguhin at ihambing ito sa kaniyang sariling pagsulong. Halimbawa, kung nagkaroon ng pagsusulit sa matematika o sa pagbaybay ang iyong anak kamakailan, hayaan mong ihambing niya ito sa mga resultang nakuha niya sa mas naunang pagsusulit. Pagkatapos ay magbigay ng angkop na papuri o pampatibay-loob. Sa ganitong paraan, natutulungan mo siyang magtakda ng maaabot na mga tunguhin, sumubaybay sa kaniyang pagsulong, at humarap sa anumang kahinaan, nang hindi siya inihahambing sa iba.
Subalit sa ngayon, ayaw naman ng ilang may-kakayahang kabataan na maging mahusay sa paaralan sa takot na sila’y tuyain. “Hindi na ‘uso’ ang maging magaling na estudyante,” ang isang ideya na itinataguyod ng ilang kabataan. Makatutulong ba rito ang espirituwal na pananaw? Tunay nga! Isaalang-alang ang Colosas 3:23, na nagsasabi: “Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ito nang buong puso, na gaya ng sa Panginoon, at hindi sa mga tao.” (The New English Bible) Mayroon pa bang nakahihigit na dahilan upang magpagal kung hindi ang palugdan ang Diyos? Ang gayong marangal na pananaw ay nagbibigay sa isa ng lakas upang mapaglabanan ang di-kanais-nais na panggigipit ng kasamahan.
Turuan ang mga Bata na Maibigan ang Pagbabasa
Ang pagbabasa at pagsusulat ay mahalaga sa mabuting edukasyon—sekular o espirituwal. Maitataguyod ng mga magulang ang pag-ibig sa nakasulat na salita sa pamamagitan ng pagbabasa sa kanilang mga anak mula sa pagkasanggol. Natutuwa si Daphne, na nagtatrabaho bilang isang proofreader, na regular siyang binabasahan ng mga magulang niya noong bata pa siya. “Nilinang nila sa akin ang hilig sa nakasulat na salita,” ang paliwanag niya. “Bunga nito, nakababasa na ako bago pa man ako mag-aral. Tinuruan din ako ng aking mga magulang na magsaliksik upang masumpungan ko ang mga sagot sa aking sariling mga tanong. Napakahalaga ng pagsasanay na ito hanggang sa ngayon.”
Sa kabilang panig naman, nagbabala si Holt, na sinipi kanina, na ang pagbabasa sa mga bata ay
“hindi isang mabilis at madaling solusyon.” Sinabi pa niya: “Kung hindi kasiya-siya ang pagbabasa kapuwa sa magulang at sa anak, magiging mas nakapipinsala ito kaysa kapaki-pakinabang. . . . Kahit na ang mga batang gustong basahan sila nang malakas . . . ay ayaw na binabasahan sila kung ayaw gawin ito ng mga magulang.” Kaya, iminumungkahi ni Holt na piliin ng magulang ang mga aklat na nagugustuhan din nila, anupat isinasaisip na baka gustong marinig ng mga bata na binabasa sa kanila nang maraming ulit ang mga aklat! Ang Matuto Mula sa Dakilang Guro at Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya na kapuwa inilathala ng mga Saksi ni Jehova ay dalawang aklat na kinagigiliwang basahin ng milyun-milyong magulang sa kanilang mumunting anak. Espesipikong inihanda para sa mga bata, ang mga publikasyong ito ay may maraming larawan, gumaganyak sa pag-iisip, at nagtuturo ng makadiyos na mga simulain.Si Timoteo, isang Kristiyano noong unang-siglo, ay pinagpala sa pagkakaroon ng isang ina at isang lola na may matinding interes sa kaniyang edukasyon, lalo na sa kaniyang espirituwal na edukasyon. (2 Timoteo 1:5; 3:15) Lumaki si Timoteo na lubhang mapagkakatiwalaan at maaasahan—mga katangiang hindi maibibigay ng sekular na edukasyon lamang. (Filipos 2:19, 20; 1 Timoteo 4:12-15) Sa ngayon, ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay may maraming mahuhusay na kabataang gaya ni Timoteo—mga lalaki at babae—sa gitna nila, dahil sa mga magulang na maibigin at palaisip sa espirituwal.
Turuan Sila Nang May Kasiglahan!
Para sa isang guro na gustong ikintal sa iba ang pagnanais na matuto, “mabubuod sa iisang salita ang lahat—kasiglahan,” ang sabi ng aklat na Eager to Learn. “Sa pamamagitan lamang ng kanilang pagkanaroroon, sinasabi ng masisiglang guro sa mga estudyante na nasisiyahan sila sa itinuturo nila, at nakikita ito sa kanilang pananalita, paggawi at pagtuturo nang may kasiglahan.”
Gayunman, ang totoo, hindi lahat ng magulang o guro ay nagpapakita ng kasiglahan. Kaya, sinisikap ng marurunong na estudyante na magkaroon ng pagkukusa, na ituring ang pag-aaral bilang sarili nilang responsibilidad. Tutal, ganito ang sabi ng nabanggit na aklat, “walang habambuhay na tatabi sa ating mga anak at tutulong sa kanilang mag-aral, magtrabaho nang mahusay, mag-isip, at gumawa ng karagdagang pagsisikap upang magkaroon ng ekselenteng mga kasanayan.”
Minsan pa, idiniriin nito na mas mahalaga ang tahanan kaysa sa paaralan kung tungkol sa mga simulaing natututuhan ng mga bata roon. Mga magulang, sabik ba kayong matuto? Ang inyo bang tahanan ay naglalaan ng kaayaayang kapaligiran upang matuto, isa na nagdiriin ng espirituwal na mga pamantayan? (Efeso 6:4) Tandaan, kapuwa ang inyong halimbawa at ang inyong pagtuturo ay makaiimpluwensiya sa inyong mga anak kahit pagkatapos nilang mag-aral at bumukod.—Tingnan ang kahon na “Mga Pamilyang Nagtagumpay na Matuto,” sa pahina 7.
Kilalaning ang mga Tao ay Natututo sa Iba’t Ibang Paraan
Walang dalawang kaisipan ang magkatulad; ang bawat isa ay may kani-kaniyang paraan upang matuto. Ang mabisa sa isang tao ay maaaring hindi mabisa sa iba. Kaya, ganito ang binanggit ni Dr. Mel Levine, sa kaniyang aklat na A Mind at a Time: “Ang pakikitungo sa lahat ng bata sa magkakatulad na paraan ay nangangahulugan ng pakikitungo sa kanila nang di-pantay-pantay. Ang iba’t ibang mga bata ay
may magkakaibang pangangailangan upang matuto; may karapatan silang matugunan ang kanilang pangangailangan.”Halimbawa, mas nauunawaan at natatandaan ng ilang tao ang mga ideya kung may nakikita silang mga larawan o dayagram. Pinipili naman ng iba ang nakasulat o binibigkas na salita—o maaaring mas piliin nila ang kombinasyon nito. “Ang pinakamainam na paraan upang matandaan ang isang bagay ay baguhin ito, ibahin ang impormasyon sa ilang paraan,” ang sabi ni Levine. “Kung ito ay nakikita, gawin itong berbal, kung berbal ito, lumikha ng isang dayagram o larawan nito.” Hindi lamang ginagawang mas kapaki-pakinabang ng pamamaraang ito ang pag-aaral kundi mas kasiya-siya rin naman.
Sabihin pa, baka kailanganin mong mag-eksperimento upang makita kung anong pamamaraan ang pinakamabuti para sa iyo. Si Hans, isang buong-panahong ministrong Kristiyano, ay nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya kay George, isang may-edad nang lalaki na nakapagtapos lamang ng elementarya. Nahihirapan si George na maunawaan at maalaala ang mga punto. Kaya sinubukan ni Hans na iguhit ang mahahalagang punto sa pamamagitan ng simpleng mga larawan sa isang papel. “Binago nito ang lahat para kay George,” ang sabi ni Hans. “Sa katunayan, lubha na niyang nauunawaan at natatandaan ang mga ideya anupat siya mismo ay nagulat! Nang matuklasan ko kung paano siya mag-isip, natanto ko na mas marunong siya kaysa inakala ko noon. Di-nagtagal, lumaki ang kaniyang pagtitiwala sa sarili, at inaasam-asam niya ang aming mga leksiyon higit kailanman.”
Hindi Ka Pa Naman Napakatanda Upang Matuto
“Ang nagagawa ng utak ay depende sa kung ginagamit mo ito o hindi,” ang sabi ng Inside the Brain. “Dapat itong gamitin, kung hindi ay mawawala ang ilan sa mga kakayahan nito, at sabik itong matuto ng bagong mga kasanayan.” Sinabi rin ng aklat: “Kung paanong pinananatiling aktibo ng ehersisyo ang mga taong edad pitumpu at walumpu, ipinakikita ng mga mananaliksik na gayundin ang nagagawa ng mga ehersisyo sa isipan para sa tumatandang utak. Malaon nang inaakalang ang pagtanda ay hindi na mapipigilang paghina ng isip tungo sa kalituhan. Subalit ipinakikita ng bagong pananaliksik na [ito] ay kadalasang nangyayari sapagkat ito ang inaasahan, karaniwang bunga ng di-paggamit sa utak. Karagdagan pa, hindi nawawalan ng maraming selula sa utak ang mga tao sa bawat araw habang sila ay tumatanda, gaya ng dating palagay.” Ang matinding paghina ng kakayahang gumana ng isip ay
karaniwang tanda ng sakit, kalakip na ang sakit sa puso at mga ugat.Totoo naman na maaaring humina ang kakayahan ng isip dahil sa pagtanda subalit hindi laging sa kritikal na mga paraan. Sabi ng mga mananaliksik, tinatanggihan ng aktibong utak ang paghina nito—at lalo na kung ang isang tao ay may mabuti ring rutin sa pisikal na ehersisyo. “Kung ang isa ay mas sangkot sa mga gawaing may pinag-aaralang matutuhan, lalong lumalawak ang kakayahan ng isa na matuto. Ang mga patuloy na nag-aaral ay mas mabilis matuto,” sabi ng aklat na Elderlearning—New Frontier in an Aging Society.
Ang katotohanang ito ay ipinakikita ng isang 20-taóng pagsusuri sa mga indibiduwal na edad 60 hanggang 98 sa Australia. Ang pagbaba ng mga iskor para sa katalinuhan ng maraming nakibahagi sa pagsusuri ay halos 1 porsiyento lamang sa isang taon. Gayunman, yaong sa “ilang indibiduwal, kabilang na ang mga edad 90, ay hindi man lamang bumaba,” ang sabi ng report. “Ito ang mga taong nakibahagi sa sistematikong mga eksperimento sa pag-aaral ng isang banyagang wika at/o ng isang instrumento sa musika.”
Si George, na nabanggit kanina, ay nasa mga edad 70 nang magsimula siyang mag-aral ng Salita ng Diyos. Gayundin, si Virginia, na ngayo’y nasa mga edad 80, at ang kaniyang namatay na asawa, si Robert, ay nagsimula ring mag-aral ng Bibliya sa kanilang katandaan. Ganito ang sabi ni Virginia: “Bagaman halos bulag na, si Robert ay nagbibigay ng maiikling pahayag na salig sa Bibliya sa Kingdom Hall mula sa mga balangkas na naisaulo niya. Kung tungkol naman sa akin, dati’y hindi ako mahilig magbasa, subalit ngayon ay gustung-gusto kong magbasa. Sa katunayan, kaninang umaga ay nabasa ko ang isang buong isyu ng Gumising!”
Sina George, Robert, at Virginia ay tatlo lamang na halimbawa sa maraming may-edad na, na nagpapakitang hindi sila katulad ng karamihan at na ginagamit nila nang lubusan ang kanilang isip. Ipinakikita ng pananaliksik na para sa utak ang 70 o 80 taon ng pag-aaral ay katulad lamang ng gapatak na tubig sa isang malaking dram ng tubig—napakaliit anupat halos hindi ito mapansin. Bakit gayon kalaki ang kakayahan ng utak?
[Kahon/Larawan sa pahina 4, 5]
Ang Internet at TV—Kapaki-pakinabang o Nakapipinsala?
“May bentaha at disbentaha ang paggamit ng Internet,” ang sabi ng aklat na A Mind at a Time. Maaaring maging kapaki-pakinabang ang matutong humanap ng impormasyon, subalit ang ilang estudyante, sabi ng aklat, ay basta “naglilipat ng impormasyon nang hindi talaga nauunawaan o iniuugnay ito sa kanilang nalalaman na. Sa gayon, ang proseso ay nanganganib na maging isang bagong istilo ng pagkatuto nang walang aktibong pakikibahagi o marahil isang paraan pa nga ng pagkopya sa isinulat ng iba at angkinin na gawa mo ito.”
Sinasabi ng mga mananaliksik na ang labis-labis na panahong ginugugol sa panonood ng TV ay maaaring makapagpabagal sa mga kasanayan sa paglutas ng problema at sa pakikinig, magpahina ng ating imahinasyon, at hindi nakatutulong upang magkaroon ng moral na lakas. “Gaya ng mga sigarilyo, ang mga TV ay dapat na may nakasulat na babala tungkol sa mga panganib nito sa kapakanan ng isang tao,” ang sabi ng aklat na Eager to Learn.
Iminumungkahi ng isa pang reperensiya na ang lubhang kinakailangan ng mga bata ay “pagkahantad sa wika (pagbabasa at pakikipag-usap), pag-ibig, at maraming mahihigpit na yakap.”
[Kahon/Mga larawan sa pahina 7]
Mga Pamilyang Nagtagumpay na Matuto
Makatutulong sa iyong pamilya ang sumusunod na mga kaugalian at katangian upang matagumpay na matuto:
▪ Madalas na pag-uusap hinggil sa mataas subalit makatuwirang mga inaasahan sa mga bata, na sinasabi sa maibiging paraan
▪ Ang pananaw na ang pagpapagal ay isang susi sa tagumpay
▪ Isang aktibong istilo ng pamumuhay, hindi isa na laging nakaupo
▪ Paggugol ng maraming oras upang matuto ang mga bata sa bahay linggu-linggo at mga gawain na kalakip ang paggawa ng araling-bahay mula sa paaralan, pagbabasa bilang libangan, mga paglilibang, mga proyekto ng pamilya, at pagsasanay at mga tungkulin sa bahay
▪ Ang saloobin na ang pamilya ay pinagmumulan ng pampatibay-loob ng isa’t isa at nagtutulungan sa paglutas ng mga problema
▪ Maliwanag at nauunawaang mga tuntunin sa sambahayan, na palaging ipinatutupad
▪ Madalas na pakikipag-usap sa mga guro
▪ Pagdiriin sa espirituwal na pagsulong
[Larawan]
Mga magulang, tinuturuan ba ninyo ang inyong mga anak na masiyahan sa pagbabasa?
[Credit Line]
Salig sa aklat na Eager to Learn—Helping Children Become Motivated and Love Learning.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 8, 9]
Mga Paraan Upang Mapasulong ang Pagkatuto at Gawin Itong Mas Kasiya-siya
Maging Interesado Kung buhós ang isip mo sa isang bagay, mas madali mo itong matututuhan. Ganito ang sabi ng aklat na Motivated Minds—Raising Children to Love Learning: “Walang-alinlangang ipinakikita ng mga mananaliksik na kapag ang mga bata ay nag-aaral dahil nasisiyahan sila rito, ang kanilang pagkatuto ay mas malalim, mas makabuluhan, at nagtatagal. Sila rin ay mas pursigido, mas malikhain, at mas sabik na gawin ang mapanghamong gawain.”
Iugnay ang Natututuhan sa Buhay Ganito ang isinulat ng awtor at guro na si Richard L. Weaver II: “Kapag may tuwirang kaugnayan ang natututuhan sa silid-aralan at ang nararanasan mo sa buhay, parang may kislap ng kuryente na nagpapasindi sa isang bombilya ng ilaw ng pagkaunawa.”
Sikapin Itong Maunawaan Kapag sinisikap ng mga tao na maunawaan ang isang bagay, ginaganyak nila kapuwa ang kanilang kakayahang mag-isip at ang kanilang memorya. May dako ang pagkatuto sa paraang inuulit, subalit hindi ito maihahalili sa pagkaunawa. “Sa lahat ng iyong matatamo, magtamo ka ng pagkaunawa. Pahalagahan mo itong lubha, at itataas ka nito,” ang sabi ng Kawikaan 4:7, 8.
Magtuon ng Pansin “Ang pagtutuon ng pansin ay mahalaga upang matuto,” ang paliwanag ng aklat na Teaching Your Child Concentration. “Napakahalaga [nito] anupat ito’y tinatawag na isang mahalagang kahilingan sa katalinuhan at itinuturing pa nga na kasinghalaga ng katalinuhan mismo.” Maaaring ituro ang pagtutuon ng pansin. Ang isang mahalagang hakbang ay ang magsimula sa maiikling yugto ng pag-aaral at pagkatapos ay unti-unting habaan ito.
Magpakahulugan “Ang mga estudyanteng lubhang may-kakayahan ay yaong pinakamagaling magpakahulugan,” ang sabi ni Dr. Mel Levine sa kaniyang aklat na A Mind at a Time. Nahahati-hati ng pagpapakahulugan ang impormasyon tungo sa mas maliliit at mas simpleng mga bahagi, na mas madaling matandaan. Ginagamit ng mahuhusay na tagakuha ng nota ang simulaing ito anupat hindi kumukuha ng nota nang salita por salita.
Iugnay Ito Sa The Brain Book, inihalintulad ni Peter Russell ang mga alaala sa mga pangawit na nakabitin sa dating mga alaala. Sa maikli, bumubuti ang alaala kapag malinaw mong naiuugnay ang bagong mga bagay sa dati mo nang nalalaman. Habang mas marami ang naiuugnay mo, mas maaalaala mo ito.
Ilarawan sa Isipan Nagtatagal ang malinaw na mga larawan. Kaya hangga’t maaari, ilarawan sa isipan ang materyal. Ginagamit ng mga dalubhasa sa pag-aaral ng memorya ang pamamaraang ito, anupat karaniwang lumilikha ng labis-labis o nakatatawang mga larawan sa isipan bilang pantulong sa memorya.
Repasuhin Ito Maaaring makalimutan ang hanggang 80 porsiyento ng napag-aralan natin sa loob ng 24 na oras. Sa pagsasagawa ng maikling repaso pagkatapos ng isang sesyon sa pag-aaral, pagkatapos muli ng isang araw, isang linggo, isang buwan, at maging pagkalipas ng anim na buwan, lubha nating mapasusulong ang ating memorya, anupat natatandaan pa nga ang halos lahat ng natutuhan natin sa panahon ng pag-aaral.
[Mga larawan sa pahina 8]
Dapat gumawang magkasama ang mga magulang at mga guro upang tulungan ang mga bata na matuto
[Mga larawan sa pahina 10]
Hindi hadlang ang katandaan upang matuto