Makikintab na Magasin—“Damputin Mo Ako at Bilhin!”
Makikintab na Magasin—“Damputin Mo Ako at Bilhin!”
NAKADISPLEY ang mga ito, makikintab at matitingkad, at pawang umaagaw ng iyong atensiyon. Hindi mo naman talaga inisip na huminto at tumingin, subalit naaakit ka na ngayon sa pagiging makulay ng mga ito. Ang lahat ng makikintab na magasing ito sa tindahan ng pahayagan ay tila ba nagsasabing, “Damputin mo ako at bilhin!” At bagaman maaaring totoo sa pangkalahatan na hindi mo maaaring hatulan ang aklat sa pamamagitan ng pabalat nito, dapat kilalanin na ang mga larawan sa pabalat ng makikintab na magasin ay may natatanging epekto sa potensiyal na mga mámimili. Sa maraming bansa, dumaragsa sa pamilihan ang makikintab na magasing ito, at mahigpit ang kompetisyon sa pagbebenta ng mga ito.
Maaaring hatiin sa dalawang pangunahing kategorya ang mga magasin: pantanging (specialized) mga magasin—tinatawag ding pangkabuhayan o teknikal na mga magasin—at mga magasing pangmámimili. Tinatalakay ng huling nabanggit ang halos anumang paksa, subalit pinupuntirya ng mga tagapaglathala ang partikular na grupo ng mga mambabasa. Naiiba ang mga magasin sa mga pahayagan pagdating sa istilo at nilalaman nito, palibhasa’y mas maliit ang sukat nito at inilimbag sa papel na mas maganda ang kalidad, na karaniwang dahilan kung bakit makintab ang magasin, at lubhang kaakit-akit sa mga mámimili. Hinggil sa nilalaman, ang mga magasin ay karaniwan nang hindi gaanong tumatalakay sa mabilis na nagbabagong mga pangyayari at mga balita, di-gaya ng mga pahayagan. Maraming awtor ang sumusulat ng mga artikulo sa magasin at tinatalakay ng mga ito ang napakaraming uri ng impormasyon at mga opinyon. Gumagamit din sila ng iba’t ibang istilo sa pagsulat, mula sa pag-uulat ng mga pangyayari hanggang sa istilong mas personal o madamdamin.
Habang pinagmamasdan mo ang mga magasing nakadispley sa tindahan ng pahayagan, may ilang bagay na tiyak na makaiimpluwensiya sa iyong pagpili o makatutulong pa nga sa iyo na magpasiya kung bibili ka o hindi. Siyempre, may malaking impluwensiya ang iyong kasarian, gaya rin naman ng iyong personal na kinawiwilihan at marahil, higit sa lahat, ang halaga ng magasin. Oo, maaaring napakamahal ng makikintab na magasin, marahil ay mas mahal nang tatlo o apat na beses kaysa sa pahayagan. Gayunman, ang pahayagan sa araw na ito ay itatapon kaagad kapalit ng pahayagan kinabukasan, samantalang ang magasin ay hindi kaagad-agad
naluluma. Ang nabili mong magasin ay maaaring basahin nang hindi nagmamadali, at maaari mo itong itago sa loob ng ilang linggo o buwan at marahil ay ibigay naman ito sa iba. Ang mga aklatan ay paminsan-minsang tumatanggap ng lumang mga magasin bilang donasyon, at ang ilang magasin ay ginagawang koleksiyon.Sulit ba ang Halaga?
Mangyari pa, nasasaiyo kung ituturing mong sulit ang halaga ng makikintab na magasin. Ang pangunahing dahilan kung bakit mataas ang presyo ng mga ito kung ihahambing sa ibang babasahin ay dahil napakamahal ng paglalathala sa mga ito. Ang tagapaglathala ay kailangang gumawa ng malawakang pananaliksik sa kung ano ang gusto ng mga mámimili bago niya ilabas ang isang bagong magasin sa pamilihan na may mahigpit nang kompetisyon. Kamakailan, pinasimulan ng malalaking kompanya na maglathala at maglimbag ng mahigit na 30 iba’t ibang magasin at gumamit sila ng sarili nilang palimbagan. Magkagayunman, napakalaki ng puhunan nila sa mga ito, dahil ang bawat publikasyon ay nangangailangan ng kani-kaniyang tauhan.
Kung titingnan mo ang loob ng pabalat ng magasing pangmámimili, magugulat ka kapag nakita mo kung gaano karaming editor at manedyer ang kailangan. Bawat isa ay nagbibigay-pansin sa iba’t ibang artikulo na kalakip sa mga nilalaman ng magasin, at bawat isa sa kanila ay may kani-kaniyang tauhan. Ang mas malalaking magasin ay karaniwan nang may sarili nilang mga manunulat at litratista, bagaman maraming manunulat at litratista ang nagtatrabaho nang independiyente o free-lance sa pamamagitan ng isang ahensiya, na nangangahulugang inuupahan sila nang regular o part-time.
Ang lahat ng artikulong isinusumite ng mga manunulat ay iwinawasto ng mga proofreader. Marami sa mga ito ang nirerebisa sa kalakhang bahagi o kaya’y iwinawasto sa paanuman ng mga copy editor. Ang mga larawan ay mahalagang bahagi ng makikintab na magasin, kaya kailangan ang mga graphic designer. Sisimulang ayusin ng mga compiler ang pangkalahatang balangkas, anupat nagpapasiya kung ano ang lilitaw sa bawat pahina. Ang mga salita at ilustrasyon ay dapat iharap sa paraan na makaaakit sa mambabasa at gaganyak sa kanila na tunghayan ang bawat bahagi ng magasin. Ang karamihan sa mga kompanya sa paglalathala ay gumagamit ng isang style book—isang manwal kung saan nakabalangkas kung anong mga termino at estilo ang gagamitin sa kanilang mga publikasyon. Ang pangwakas na responsibilidad ay nakasalalay sa punong editor. Dapat siyang gumawa ng dagliang mga desisyon upang hindi maatraso ang paglalathala. Isang balangkas ng kayarian ng magasin (preproduction copy) ang ihahanda upang suriin ng senior staff bago ilimbag ang magasin.
Kabilang sa mga gastusin ang paglilimbag at pamamahagi gayundin ang suweldo ng mga tauhan. Dahil hindi naman mabibili ang lahat ng inilimbag na kopya, karaniwan nang tumatanggap ng maramihang suplay ang mga nagtitingi (retailer) at ibinabalik naman sa tagapaglathala ang hindi naibentang mga magasin. Totoo na hindi sapat ang tingiang presyo ng mga magasin upang matustusan ang mga gastusin sa paglilimbag. Sa katunayan, hindi maililimbag ang karaniwang mga magasing pangmámimili kung hindi nakaukol sa pag-aanunsiyo ang malaking bahagi ng nilalaman nito. Isang internasyonal na magasin na may 200 pahina na inilabas kamakailan ang may 80 pahina na puno ng pag-aanunsiyo. Natatanto ng mga tagapag-anunsiyo na mas malaki ang bentaha kung ililimbag ang anunsiyo ng kanilang mga produkto sa de-kalidad at makintab na papel at sa palimbagang gumagamit ng apat na kulay.
Sa Australia, tinataya na bawat indibiduwal, sa katamtaman, ay gugugol ng 1.2 minuto bawat araw sa pagbabasa ng magasin. Mas mataas ito kung ihahambing sa tinatayang 1.1 minuto na ginugugol bawat araw sa panonood ng sine o 0.7 minuto bawat araw sa pakikinig sa mga tape ng musika. Walang alinlangan na isa ito sa mga dahilan kung bakit kapaki-pakinabang na kasangkapan sa pag-aanunsiyo ang mga magasin.
Ang Pang-akit
Bagaman hindi natin kayang suriin ang bawat inilalathalang magasin, maaari nating talakayin sa
maikli ang hinggil sa mga magasin para sa kababaihan. Kamakailan lamang ay masusing siniyasat ang nilalaman ng makikintab na magasin para sa kababaihan, dahil bagaman itinuturing ng ilang tao na hindi nakasásamâ ang mga ito, nadarama naman ng iba na pananamantala ito sa kababaihan. Tiyak na pumupukaw ito ng kasiyahan at pagkahalina, at nakadaragdag ito sa laki ng kanilang benta. Gayunman, nagbago ang mga magasin para sa mga kababaihan sa nakalipas na ilang taon. Ang ilan sa mga babasahin na dati’y nagtatampok lamang ng hinggil sa pangangasiwa sa tahanan ay nagtatampok na ngayon ng mas maraming artikulo hinggil sa tanyag na mga tao. Naging popular din ang mga artikulo tungkol sa kalusugan. Dating nasisiyahan ang kababaihan sa maiikling nobela, at ang mga kuwentong de-serye ay kadalasan nang dahilan kung bakit mabilí ang mga ito. Subalit ngayon, kaunting makikintab na magasin na lamang ang naglalaman ng maiikling nobela at mga kuwentong de-serye.Ano ang nagpapalakas sa benta ng makikintab na magasin sa ngayon? Ito’y kung ano ang lumilitaw sa pabalat na waring sumisigaw, “Damputin mo ako at bilhin!” Kung isang babae ang itinatampok sa pabalat, dapat na sikat o maganda siya. Ang modelo sa pabalat ay kailangang bata pa at balingkinitan, at lalo pang napagaganda ng digital photo retouching ang litrato. Kumusta naman ang mga salita sa pabalat? Mangyari pa, nagkakaiba-iba ito depende sa pinupuntiryang grupo ng edad o istilo ng pamumuhay. Itinatampok ng ilang pabalat ng magasin ang moda; samantalang ang iba naman ay nag-aalok ng premyong mapananalunan. Ang pabalat ang kadalasang nagsisiwalat sa nilalaman ng magasin.
Makaiimpluwensiya ba sa Atin ang Makikintab na Magasin?
Inaangkin ng mga tagapaglathala ng mga magasin na alam nila kung ano ang gusto ng kababaihan. At totoo naman na gumagawa sila ng malawakang pananaliksik hinggil sa gusto ng mga mámimili upang malaman nila kung ano ang naiibigan ng maraming kababaihan. Subalit makabubuting itanong, Tinutugunan ba nila ang isang pangangailangan na totoong umiiral, o sila mismo ang lumilikha ng pangangailangan upang sapatan nila ito? Isaalang-alang natin ang mga paraan kung paano hinuhubog ng makikintab na mga magasin para sa kababaihan ang pag-iisip ng mga tao. Una, ang patuloy na pagbabalita hinggil sa mga istilo ng pamumuhay at opinyon ng tanyag na mga tao. Baka ito ang gustong basahin ng mga tao, subalit maaari kayang may natatagong mga panganib dito? Sa kaniyang aklat sa pananaliksik na About Face, nagbababala si Jonathan Cole, isang clinical neurophysiologist sa University of Southampton, Inglatera, na ang pagiging pamilyar sa isang mukha nang hindi naman nakikilala ang mismong taong iyon ni narinig man ang kaniyang boses ay maaaring magbunga ng guniguning matalik na kaugnayan. Idagdag pa rito ang dami ng impormasyong isinulat hinggil sa tanyag na mga tao, at malamang na ito ang makapagpapaliwanag sa isang napakapambihirang pangyayari sa ngayon, ang matinding pagdadalamhati ng mga tao sa pagkamatay ng mga indibiduwal na hindi naman nila kilala subalit ang mga litrato ay madalas nilang makita sa makikintab na magasin. Mangyari pa, ang mga ulat sa telebisyon at pahayagan ay sanhi rin ng guniguning matalik na kaugnayang ito.
Ang isa pang bagay na kasalukuyang sinusuri ay ang posibleng impluwensiya ng mga magasin sa mga saloobin ng kababaihan hinggil sa maituturing na katanggap-tanggap na katawan. Bagaman hindi pare-pareho ang pamantayan sa iba’t ibang bansa, ang pangkalahatang mensahe na inihahatid ng kasalukuyang mga magasin para sa kababaihan ay na maganda ang pagiging payat. Ang matinding pagbatikos ay nagmumula sa ilang guro, magulang, at maging sa mga modelo mismo na nagsasabing ang mga larawang regular na ipinakikita sa makikintab na magasin ay masisisi rin sa pagdami ng mga nagkakaroon ng mga sakit na nauugnay sa pagkain at sa patuloy na kausuhan sa pagdidiyeta ng kababaihan—partikular na ng mga kabataang babae.
Upang malaman kung totoo ang gayong mga paratang, ang edisyon sa Australia ng isang internasyonal na magasin ay nagsagawa ng surbey sa mga mambabasa nito at nag-anyaya ng isang grupo ng mga eksperto upang magkomento sa mga resulta. Mahigit na 2,000 kababaihan ang nakibahagi, at 82 porsiyento sa kanila ay nasa pagitan ng edad 16 at 29. Ang mga sumali ay sumangguni sa tsart ng inirerekomendang timbang—yaon ay, timbang ayon sa taas, edad, at iba pa. Halos 60 porsiyento ng kababaihan ang nag-akala na labis ang kanilang timbang, gayong 22.6 porsiyento lamang sa kanila ang talagang sumobra sa inirerekomendang timbang. Samantalang 59 na porsiyento ng mga tumimbang nang mas mababa kaysa sa inirerekomenda ang nag-akala na normal ang kanilang timbang, 58 porsiyento naman ng mga inilarawan na may normal na timbang ang nag-akala na labis ang kanilang timbang. Labindalawang porsiyento lamang ang nasisiyahan sa kanilang timbang. Binatikos ng ilan ang tsart na inilaan ng Commonwealth Department of Health ng Australia, anupat iginigiit na masyadong mabigat ang inirerekomendang timbang na nakatala sa tsart para sa bawat taas ng tao. Karagdagan pa, inamin ng 67 porsiyento na lagi nilang kinaiinggitan ang katawan ng ibang babae, at 1 sa 8 ang umamin na sa kasalukuyan o dati ay mayroon silang di-masupil na sakit na nauugnay sa pagkain.
Si Fiona Pelly, ang nutrisyonista sa grupo ng mga eksperto, ay nagsabi: “Kitang-kita na ang timbang ay nagiging pangunahing priyoridad sa buhay ng kababaihan.” At si Dr. Janice Russell, direktor ng isang klinika para sa mga sakit na nauugnay sa pagkain sa Sydney, ay nagsabi: “Ang higit pang nakapipinsala ay ang bagay na nangingibabaw [sa surbey] ang mga damdamin na gaya ng paninisi sa sarili at inggit. Hindi mabuti sa isipan na laging mapangibabawan ng gayong [mga] uri ng damdamin.”
Gayunman, ang pinakamahalagang natuklasan ay ang bagay na bagaman inamin ng ilang tumugon sa surbey na ginagaya nila ang mga artista, 72 porsiyento ang nagsabi na ang mga modelong lumilitaw sa mga magasin ang higit na nakaimpluwensiya sa kanila. Isang kabataang babae, na tinulungan ng isang klinika sa pagdidiyeta, ang nagsabi na tuwang-tuwa siyang tumimbang nang 55 kilo, subalit inamin niya: “Nadarama ko pa rin ang panggigipit na magpapayat, mula sa media, mga magasin at tanyag na mga tao.” Nagkaroon ng nakakatulad na mga resulta ang iba pang surbey na isinagawa sa ibang lugar.
Dalawang Naiibang Uri ng Magasin
Ang isa sa pinakakapaki-pakinabang at nakapagtuturong magasin na makukuha ay ang isa na hawak mo, ang Gumising! Hindi mo ito nabili sa tindahan ng pahayagan—isang taong nagdaraan ang baka nag-alok nito sa iyo, o marahil may isa na nagdala nito sa iyong tahanan. Ang magasing ito ay inilathala, inilimbag, at ipinamahagi ng mga boluntaryo, kaya wala itong bayad. Ang mga manunulat para sa Gumising! ay nagpapadala ng mga artikulo mula sa lahat ng panig ng daigdig, at mga boluntaryo rin sila, gaya ng lahat ng artist at tagapagsalin nito. Ang edisyong Ingles ng magasing Gumising! ay unang lumitaw noong 1946. Ang magasing ito ang humalili sa Consolation at The Golden Age, na unang inilathala noong 1919. Ang mga babasahing ito ay laging inilalathala nang walang anumang bayád na anunsiyo. Ang Gumising! ay kasalukuyang inililimbag sa 87 wika, marami sa mga ito ay dalawang beses sa isang buwan, at may pambuong-daigdig na sirkulasyon na mahigit 22 milyong kopya.
Ang Bantayan, na kasamahang magasin ng Gumising! ay may higit na kahanga-hangang rekord, at ngayo’y inililimbag sa 148 wika. Inilalathala Ang Bantayan sa 25 milyong kopya bawat isyu at inililimbag na mula pa noong 1879. Ang dalawang babasahing ito ay kapuwa nakatutulong sa pagbibigay ng impormasyon sa mga tao hinggil sa mahahalagang isyu sa kanilang buhay, at ang mga ito ay nakapupukaw-interes sa mga lalaki, babae, at mga kabataan sa buong daigdig.
Kailangang isaalang-alang nating lahat ang katotohanan na hindi tayo ipinanganak taglay ang kaalaman. Ang karunungan at kaalaman ay natatamo habang lumalaki tayo at sumusulong, at madalas na nabubuo ang ating mga opinyon at sumusulong ang ating istilo ng pamumuhay bilang resulta ng ating binabasa. Kaya naman napakahalaga na pumili tayo ng makabuluhan at nakapagpapatibay na mga babasahin.
[Larawan sa pahina 25]
Ang mga magasin ay makaiimpluwensiya sa mga saloobin hinggil sa pangangatawan
[Larawan sa pahina 26]
Bagaman hindi katulad ng makikintab na magasin ang mga ito, Ang Bantayan ay may sirkulasyon na mahigit sa 25 milyon kopya sa 148 wika at ang Gumising! ay may sirkulasyon na mahigit sa 22 milyong kopya sa 87 wika