Mga Ugat ng Pagtatangi
Mga Ugat ng Pagtatangi
MAAARING maraming sanhi ang pagtatangi. Gayunman, ang dalawang napatunayang mga salik ay (1) ang pagnanais na makahanap ng mapagbubuntunan ng sisi at (2) ang hinanakit dahil sa naranasang kawalang-katarungan noon.
Gaya ng nabanggit sa naunang artikulo, kapag sumapit ang mga kasakunaan, kadalasang humahanap ang mga tao ng mapagbubuntunan ng sisi. Kapag ang prominenteng mga tao ay paulit-ulit na nag-aakusa laban sa isang grupong minorya, sa kalaunan ay pinaniniwalaan ito at nagbubunga ng pagtatangi. Bilang pagbanggit sa isang karaniwang halimbawa, noong humina ang ekonomiya ng mga lupain sa Kanluran, madalas na sinisisi ang dayuhang mga manggagawa dahil sa kawalan ng trabaho—bagaman ang kadalasang trabaho ng mga dayuhang ito ay yaong mga inaayawan ng karamihan sa lugar na iyon.
Subalit hindi lahat ng pagtatangi ay nag-uugat sa paghahanap ng mapagbubuntunan ng sisi. Maaari ring nauugnay ito sa kasaysayan. “Hindi kalabisang sabihin na dahil sa pagbebenta ng alipin kung kaya nabuo ang saligang ideya ng pagtatangi ng lahi at paghamak sa kultura ng mga taong itim,” ang sabi ng isang ulat na UNESCO Against Racism. Sinikap ng mga nagbebenta ng mga alipin na ipangatuwiran ang kanilang kahiya-hiyang pagbili at pagbebenta ng mga tao sa pamamagitan ng paggigiit na nakabababang uri ng mga tao ang mga Aprikano. Ang walang-saligang pagtatanging ito, na nang maglaon ay ikinapit din sa mga taong naninirahan sa kolonyang mga bansa, ay umiiral pa rin.
Sa palibot ng daigdig, nananatili ang pagtatangi dahil sa nakakatulad na mga kasaysayan ng paniniil at kawalang-katarungan. Ang alitan sa pagitan ng mga Katoliko at Protestante sa Ireland ay nagsimula noon pang ika-16 na siglo, nang pag-usigin at ipatapon ng mga tagapamahala ng Inglatera ang mga Katoliko. Nagngingitngit pa rin ang damdamin ng mga Muslim sa Gitnang Silangan dahil sa mga kalupitan ng di-umano’y mga Kristiyano noong panahon ng mga Krusada. Ang alitan sa pagitan ng mga mamamayan ng Serbia at Croatia, mga bansa sa Balkan, ay pinalubha pa ng pagmasaker sa mga sibilyan noong ikalawang digmaang pandaigdig. Kagaya ng ipinakikita ng mga halimbawang ito, ang nakalipas na mga alitan sa pagitan ng dalawang grupo ay maaaring magpalubha sa pagtatangi.
Nililinang ang Kawalang-Alam
Walang kinikimkim na pagtatangi ang puso ng isang batang paslit. Sa kabaligtaran, sinasabi ng mga mananaliksik na kadalasan nang gusto ng isang bata na makipaglaro sa isang bata na iba ang lahi. Gayunman, pagsapit sa edad na 10 o 11, maaaring kayamutan niya ang mga taong nagmula sa ibang tribo, lahi, o relihiyon. Sa mga taon kung kailan nahuhubog ang kaniyang pagkatao, nagkakaroon siya ng maraming pananaw na maaaring mamalagi habambuhay.
Paano natututuhan ang mga ideyang ito? Nasasagap ng isang bata ang negatibong mga saloobin—na nahahayag sa pagsasalita at nakikita sa mga kilos—sa kanilang mga magulang muna at pagkatapos ay sa kanilang mga kaibigan o guro. Sa kalaunan, maaaring higit pa siyang maimpluwensiyahan ng mga kapitbahay, pahayagan, radyo, o telebisyon. Bagaman maaaring kaunti lamang o wala pa nga siyang nalalaman sa grupo ng mga tao na kinayayamutan niya, kapag naging adulto na siya, nakatanim na sa kaniyang isip na sila’y mabababang uri at hindi mapagkakatiwalaan. Baka kamuhian pa nga niya ang mga ito.
Palibhasa’y marami na ang nakapaglalakbay sa iba’t ibang lugar at umunlad na ang komersiyo, sumulong ang ugnayan sa pagitan ng iba’t ibang kultura at etnikong grupo sa maraming bansa. Gayunpaman, ang isang taong may matinding pagtatangi ay karaniwan nang manghahawakan
sa dati niyang mga opinyon. Baka pilit siyang bubuo ng sariling opinyon hinggil sa libu-libo o milyun-milyong tao pa nga, anupat ipinalalagay na pare-parehong nagtataglay ng ilang masasamang katangian ang mga taong ito. Anumang di-kaayaayang karanasan, kahit kinasasangkutan lamang ng isang indibiduwal mula sa grupong iyon, ay higit pang magpapasidhi sa kaniyang pagtatangi. Sa kabilang panig, ang mabubuting karanasan naman ay karaniwan na niyang ituturing na mangilan-ngilang kaso lamang.Pag-alpas Mula sa Impluwensiya ng Pagtatangi
Bagaman alam ng maraming tao na mali ang pagtatangi, iilan lamang ang nakaaalpas sa impluwensiya nito. Sa katunayan, maraming indibiduwal na may matinding pagtatangi ang mahigpit na tatangging gayon nga sila. Sinasabi ng iba na maliit na usapin lamang ito, lalo na kung hindi naman ipinakikita ng isang tao ang kaniyang pagtatangi kundi sinasarili lamang niya ito. Gayunman, talagang mahalagang usapin ang hinggil sa pagtatangi dahil nakasasakit ito sa mga tao at nagbubunga ng mga di-pagkakasundo. Kung ang kawalang-alam ay nagbubunga ng pagtatangi, ang pagtatangi naman ay kalimitang humahantong sa pagkapoot. Ganito ang sinabi ng awtor na si Charles Caleb Colton (1780?-1832): “Kinapopootan natin ang ilang tao dahil hindi natin sila kilala; at hindi natin sila kikilalanin dahil kinapopootan natin sila.” Gayunpaman, kung ang pagtatangi ay maaaring matutuhan, maaari rin naman itong iwaksi. Paano?
[Kahon sa pahina 7]
Relihiyon—Isang Puwersa Ukol sa Pagpaparaya o Pagtatangi?
Sa kaniyang aklat na The Nature of Prejudice, sinabi ni Gordon W. Allport na “sa katamtaman, ang mga miyembro ng Simbahan ay waring mas higit na nagtatangi kaysa sa mga hindi miyembro nito.” Hindi ito kataka-taka, yamang ang relihiyon ang kadalasang nagiging sanhi ng pagtatangi sa halip na ang solusyon nito. Halimbawa, pinukaw ng mga klerigo ang pagkapoot sa mga Judio sa loob ng daan-daang taon. Ayon sa A History of Christianity, minsan ay sinabi ni Hitler: “Kung tungkol sa mga Judio, ipinagpapatuloy ko lamang ang dating patakaran na sinusunod ng Iglesya Katolika sa loob ng 1,500 taon.”
Nang maganap ang mga kalupitan sa mga bansa sa Balkan, ang Ortodokso at Katolikong mga turo ay waring walang nagawa upang tulungan ang mga tao na magpakita ng pagpaparaya at paggalang sa iba na kaanib sa ibang relihiyon.
Gayundin, sa Rwanda, pinatay ng mga miyembro ng simbahan ang kanilang mga kapananampalataya. Sinabi ng National Catholic Reporter na ang labanan doon ay “totoong paglipol sa isang partikular na grupo ng mga tao na, nakalulungkot mang sabihin, kinasangkutan maging ng mga Katoliko.”
Kinikilala mismo ng Simbahang Katoliko ang sarili nitong rekord sa kawalang-pagpaparaya. Noong taóng 2000, sa isang pangmadlang Misa sa Roma, humingi ng tawad si Pope John Paul II dahil sa “paglihis sa mga pamantayan noong nakalipas.” Sa panahon ng seremonya, espesipikong binanggit ang hinggil sa “kawalang-pagpaparaya sa relihiyon at kawang-katarungan sa mga Judio, kababaihan, katutubo, dayuhan, maralita at sa hindi pa naisisilang na mga sanggol.”
[Larawan sa pahina 6]
Itaas: Kampo ng mga nagsilikas, Bosnia at Herzegovina, Oktubre 20, 1995
Dalawang Serbianong taga-Bosnia ang nagsilikas habang hinihintay na matapos ang digmaang sibil
[Credit Line]
Photo by Scott Peterson/Liaison
[Larawan sa pahina 7]
Tinuruang mapoot
Masasagap ng isang bata ang negatibong mga saloobin mula sa kaniyang mga magulang, telebisyon, at sa iba pa